You are on page 1of 2

PANALANGIN NG MISYON

(Tagalog CBCP Mission Prayer)


2021 Year of Missio Ad Gentes
Diyos Amang mapagmahal,
isinugo Mo ang Iyong Anak sa mundo
upang ipahayag ang Mabuting Balita
ng kaligtasan sa lahat --
sa mga makasalanan, dukha, inaapi,
maysakit, tinalikuran at pinabayaan.
Sa Krus, inialay Niya ang Kanyang buhay para sa amin
at Siya ay nabuhay na mag-uli
para kami ay tubusin at ipagkasundo sa Iyo.
Ang Espiritu Santo ay isinugo Mo sa mga Apostol
upang ang gawain ng Iyong Anak ay maipagpatuloy
at akayin ang lahat sa kaligtasan.
Sa Iyo Ama, salamat
dahil mula sa dilim,
inakay Mo kami patungo sa liwanag.
Itinakda Mong sa nakalipas na limandaang taon,
marating ng mga misyonero ang aming bayan
para mahayag sa aming mga ninuno
ang Ebanghelyo ni Hesus na Iyong Anak
na nagtatag sa iyong sambayanan
at humubog sa Iyong Simbahan.
Ang biyaya ng pananampalataya
ang nagtaguyod sa amin sa dilim at liwanag,
sa mga pagkabigo at tagumpay
sa aming kasaysayan bilang iyong sambayanan.
Ang pananampalataya ring ito
ang naging tunay na ilaw na nagniningning sa kabila ng kadiliman.
Panibaguhin at pag-alabin nawa kami ng iyong Espiritu
upang kami’y maging mga saksi ni Hesus na iyong Anak
sa mundong winawasak ng kasakiman, ng karahasan,
ng kawalan ng katarungan, ng sakit at pagdurusa.
Bilang Iyong mga anak,
buklurin nawa kami ng aming pananampalataya
sa pagmamalasakit at pagmamahal sa isa’t isa.
Bigyang-lakas nawa kami ng Banal na Espiritu
nang maihatid namin ang Mabuting Balita sa
mga kapatid namin sa Asya at sa iba pang panig ng mundo.
Pagkalooban Mo kami ng marubdob na paghahangad
na makatulong sa iba na manampalataya rin sa Panginoong Hesus
upang makahati sila sa Kanyang buhay at kagalakan.
Alalayan nawa kami at ipanalangin ng Pinagpalang Ina,
ang Tala ng Ebanghelisasyon
sa pagsasabuhay at pagbabahagi sa kapwa
ng aming pananampalataya.
Ang matibay na pagmamahal at pamimintakasi sa Mahal na Ina
ang humubog nawa sa amin na maging tunay na saksi at alagad ni Hesus,
laging handang maisugo,
at maging masunurin sa anumang kanyang ibigin.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristong Anak Mo
na nabubuhay at naghahari kaisa Mo at ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
Amen.

You might also like