You are on page 1of 7

PANALANGIN PARA SA SANTO PAPA

(SABADO)

Ama naming Makapangyarihan


sa ngalan ng iyong bugtong na anak na si Hesukristo.
Idinadalangin namin na pagpalain at protektahan mo
ang iyong Banal na lingkod na si Papa Francisco
na pinili Mo bilang kahalili ni San Pedro
bilang pinuno ng pagkakaisa at kawanggawa sa Simbahan.
Upang magampanan niya ang tungkuling
ipinagkatiwala mo sa kanya.

Panatilihin Mo siya sa kabanalan ng buhay


pagkalooban mo siya ng espiritu ng tapang
at tamang pagpapasiya,
isang diwa ng kaalaman at pag-ibig.
Upang Maitaguyod at mapatatag ang Iyong Simbahan
sa isang sakramento ng pagkakaisa,
pagmamahal, at kapayapaan para sa buong mundo.
Hinihiling namin ito sa Iyo, sa pamamagitan ng aming
Panginoong Hesukristo, ang Iyong Anak na nabubuhay at
naghaharing kasama Mo at Espiritu Santo magpasawalang
hanggan. Amen.

Ama Namin…
Aba Ginoong Maria…
Luwalhati…
PANALANGIN PARA SA MGA PARI
(MARTES)

Amang makapangyarihan at mapagmahal,


pinupuri at pinasasalamatan ka namin
dahil sa mga biyaya at mga dakilang bagay
na iyong ipinagkaloob.
Sa kabila ng kawalan at kahinaan ng aming mga pari,
tinawag at hinirang mo sila
upang makibahagi sa ministeryo ng iyong anak na si Hesus.
Ang Dakilang pari na naging lingkod ng simbahan.
Ipagkaloob mo sa kanila ang biyaya ng banal na espiritu
upang manatili silang tapat na naglilingkod sayo.
Tulutan mong maipagkaloob nila ng ganap
ang kanilang sarili, ang kanilang loob ,
ang kanilang kaisipan, ang kanilang kakayahang
nagmumula sayo, at ang kanilang panahon
upang mapaglingkuran nila ng buong puso
ang kawang ipinagkatiwala mo sa kanila
na walang hinahanap kundi ang iyong kapurihan
at kabutin ng iyong simbahan.
Ipagkaoob mo po sa kanila
ang biyaya ng katapatan, lakas at ang mabuting kalusugan
upang patuloy na maglingkod sayo. Amen

Ama Namin…
Aba Ginoong Maria…
Luwalhati…
PANALANGIN PARA SA MGA PARING MAY SAKIT
(MIYERKULES)

Panginoong naming mahabagin at makapangyarihan sa lahat.


Nakaratay po dahil sa karamdaman
ang mga paring ito (banggitin ang pangalan).
Idinadalangin po namin na pagkalooban mo sila
ng panibagong lakas at higit na malalim na
pananampalataya at tiwala sa Iyo.
Panginoon kung naayon sa iyong kalooban
panumbalikin Mo’t pagalingin ang Iyong mga lingkod.
Ikaw lamang po ang makakatulong sa kanila
at ikaw rin po ang may kapangyarihang
makapagpagaan ng kanilang mabigat na dinadala.
Tulungan mo po sila at lingapin
sa oras na ito ng kanilang kahinaan
upang patuloy silang makapaglingkod sayo
bilang mga saksi ng iyong pag-ibig
at makapangyarihang nakapagpapagaling.
Bigyan mo po sila ng kalakasan
upang makabangon sa banig ng karamdaman.
Gawaran mo po sila ng iyong Mapagpalang kapangyarihan
upang malagpasan ang lahat ng mga pagsubok na ito
patatagin mo ang kilang kalooban
na sa kabila ng karamdaman ay mananatili nawa sila
sa pagpapastol ng iyong mga tupa
na nagnanais na makilala ka.
Idinadalangin namin ang lahat ng ito
sa pangalan ni Jesus. Amen

Ama Namin…
Aba Ginoong Maria…
Luwalhati…
PANALANGIN PARA SA BOKASYON
(LUNES)

Panginoon naming Diyos


isinugo mo ang iyong bugtong na Anak
upang tubusin kami sa kasalanan
at ipalaganap ang iyong paghahari sa lupa.
Pukawin mo at padaluyin
ang iyong biyaya sa aming mga puso
lalo na sa mga kabataan na nagnanais na maging saksi
sa kapangyarihan ng iyong pag-ibig.
Puspusin mo ng iyong Banal na Espiritu
ng katatagan at pagpapasya.
Umusbong nawa sa aming Simbahan
ang mga bokasyon ng pagtatalaga at paglilingkod.
Pagpalain mo itong aming Parokya at ang aming Bikaryato
ng mas marami pang kabataan na tutugon sa iyong tawag upang
maglingkod bilang mga pari,
relihiyoso at relihiyosa.
Maging bukas nawa ang kanilang puso
sa Iyong banal na tawag upang makasunod sila sa iyo
ng may pag-ibig at kagalakan.
Mahal na Birhen aming Ina
patatagin mo sa pamamagitan
ng iyong matiyagang pananalangin
at pagkalinga ang aming pamilya
at ang pamayanang kristiyano
upang matulungan nila ang mga kabataan
sa pagtugon sa tawag ng Panginoon.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. AMEN.

Ama Namin…
Aba Ginoong Maria…
Luwalhati…
PANALANGIN PARA SA OBISPO
(BIYERNES)

Mapagmahal naming Diyos,


walang hanggang pastol
pinatatag mo ang iyong Simbahan
ibinigay mo sa amin
ang iyong bugtong na Anak na si Jesus
upang turuan, pakabanalin at pamahalaan
ang iyong sambayanan.
Pinili mo ang iyong lingkod na si Obispo Socrates Mesiona
upang maging pastol ng iyong kawan .
Bigyan mo po siya ng espiritu ng tapang,
kaalaman at pag-ibig
sa pamamagitan ng pamamahala ng may katapatan
na ipinagkatiwala sa kanyang pangangalaga.
Bigyan mo ang aming Obispo ng kabanalan
ng buhay at karunungan upang maituro at magabayan
ang aming bikaryato upang lumago
sa pag-ibig at sa pananampalataya.
Ibigay mo sa kanya ang puso
ng Iyong Anak na aming Mabuting Pastol.
Ipagkaloob mo sa kanya ang sigasig ni San Pablo
sa pangangaral ng Mabuting Balita
at paglilingkod na may kababaang-loob.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo
na aming Panginoon. Amen

Ama Namin…
Aba Ginoong Maria…
Luwalhati…
PANALANGIN PARA SA MGA HUMAHARAP SA
MAHIGPIT NA PAGSUBOK
(HUWEBES)

Amang mapagmahal at maawaing Diyos


kaisa ng iyong bugtong na anak na si Hesus,
tulungan mo po ang mga banal Mong lingkod
na manatiling matatag at tapat sa iyong banal na Salita.
Huwag mong pahintulutan na ang makamundong hangarin
ay magdulot ng paglabo ng dalisay na pag-ibig nila sa Iyo.

Pagkalooban mo sila ng biyaya na manatiling tapat sa Iyo.


Tulungan mo at gabayan ang mga pari
na sa oras na ito ay maaring nag-aalinlangan
at nanlalamig ang pag-ibig sa Iyo
at muli mong pag-alabin ang iyong pag-ibig
sa kanilang mga puso
upang malayo sila sa tukso ng kasalanan.
Buksan mo ang kanilang mga mata
upang makita nila ang katotohanan.
Pagpalain mo sila sa oras na ito.
Akayin mo po sila
upang manatiling ligtas sa kapahamakan.
Ang lahat ng ito ay aming itinataas
sa matamis na pangalan ni Jesus na aming Panginoon.
Amen.

Ama Namin…
Aba Ginoong Maria…
Luwalhati…
PANALANGIN NG PAMILYA
(LINGGO)

Ama naming Banal, kalugdan Mo po ang aming pamilyang


namimintuho.
Sinabi ng Anak Mong si Hesus:  “Marami nga ang aanihin at
kakaunti naman ang mga manggagawa; Idalangin ninyo sa
Panginoon ng ani na magpadala Siya ng mga mangagawa sa
kanyang ani”. (Mt. 10:2)

Patuloy naming itinataas sa Iyong mapagpalang mga kamay


ang aming mga kapatid na iyong tinawag upang maglingkod
sa Iyong sambayanan: Ang Santo Papa, mga Obispo, mga
Pari, mga Diyakono, mga Madre, mga Relihiyoso”t Relihiyosa,
at mga Seminarista.

Dulutan mo sila ng katatagan at kabanalan upang patuloy


nilang maipahayag ang Iyong Salita.
Pagkalooban Mo sila ng dalisay na puso upang patuloy silang
magmahal at magmalasakit sa Iyong kawan.
Bigyan Mo sila ng bukas na isip upang patuloy silang
makapaglingkod ng tapat sa Iyo at sa Iyong Simbahan.

Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristo, kasama


ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.

Ama Namin…
Aba Ginoong Maria…
Luwalhati…

You might also like