You are on page 1of 5

ANG RITO NG PAGTATALAGA SA MGA BAGONG KASAPI

NG LINGKOD NG DAMBANA
Ang pagtatalaga ay gaganapin sa loob ng pagdiriwang ng Misa. Ang mga sutana at surplice na
gagamitin ay babasbasan sa kaukulang oras bago simulan ang misa ng pagtatalaga.
Pagkatapos ng Homiliya ang Kura Paroko ay uupo sa isang silyang inihanda sa may harapan
ng dambana. Tatawagin isa-isa ang mga pangalan ng mga bagong itatalagang kasapi ng
Pangulo ng pamaparokyang pamunuan ng Lingkod ng Dambana.

Pangulo:
Minamahal naming Kura Paroko, Reb. P. Josue R. Muldon, FdCC, katuwang na
paring tagahubog, Reb. P. Joseph V. Gatdula, FdCC, at mga kapatid na
mananampalataya ng Parokya ni San Jose – Kaytitinga, narito po ang mga nais
maging kasapi ng Lingkod ng Dambana. Lumapit ang mga itatalaga.

Isa-isang tatawagin at lalapit ang mga itatalaga sa harapan ng kura paroko. Sila ay
magpupugay at tutugon:

Lingkod ng Dambana:
Narito po.

Kapag nakaharap na sa kura paroko ang mga tinawag, magsasalita ang pangulo.

Sem. Mark Justin Peñano:


Matapos ng masusing paghahanda sa kaalaman at pasusuri ng pag-uugali,
pinatutunyan ko po na ang ating mga kapatid ay handa na upang italagang Lingkod
ng Dambana.

Kura Paroko:
Mga minamahal naming kapatid, nang pasimulan ang pagsamba ng bansang Israel
sa tunay na Diyos nagsimula rin ang ritwal na paghahain at sa pamamagitan ng
angkan ni Levi, humirang sila ng mga kabataan tulad ng propetang si Samuel na
handang maglingkod sa mga punong pari sa toldang tipanan. Sa pag-agos ng
panahon, sa unti-unting paglago ng Simbahan tumawag ang mga namumuno ng
mga kabataan upang maglingkod sa hapag ng Bagong Tipan. Kayo ay bahagi ng
mahalagang kasaysayang ito.
Sa araw na ito buong kalayaan kayong pumarito sa tulong ng inyong mga
magulang upang ipahayag sa Diyos at sa kanyang sambayanan ang inyong
pagnanais na maglingkod sa kanyang dambana. Ipinapaalala ko sa inyo na ang
tungkuling ito na iaatang sa inyong balikat ay isang dakilang karangalan na
ipinagkakaloob dahil sa inyong pakikiisa kay Hesus na inyong tinanggap noong
kayo ay binyagan. Sagutin ninyo ngayon ng buong katotohanan ang mga
katanungan.

Nakahanda ba kayong ilaan ang sarili at panahon upang maglingkod ng buong puso
kay Hesus sa katauhan ng pari na inyong pinaglilingkuran?

Lingkod ng Dambana:
Opo nakahanda kami.

Nakahanda ba kayong maging mabuting halimbawa sa inyong kapwa kabataan sa


pamamagitan ng panalangin, kalinisan ng puso at pagiging mabuting kapatid sa
kapwa tagapaglingkod?

Lingkod ng Dambana:
Opo nakahanda kami.

Tatayo ang Kura Paroko at mananawagan sa sambayanan.

Kura Paroko:
Ang Diyos ang nagkakaloob sa Simbahan ng mga kabataan upang ilaan ang sarili
sa kanyang gawain. Manalangin tayo mga kapatid upang pagpalain ang paghahain
ng sarili ng ating mga kabataang nais maging lingkod.

Tatayo ang sambayanan at luluhod naman ang mga itatalagang kasapi, pagkatapos ay ilulukob
ng Kura Paroko ang kanyang mga kamay sa mga itatalaga.

Kura Paroko:
Diyos ng Kaluwalhatian, ipinakita ng iyong Minamahal na Anak na ang tunay na
pagsamba ay nagmumula sa isang pusong nagtitika at mababa ang loob. Pagpalain
mo + ang aming mga kapatid na tumugon sa pangangailangan ng aming parokya at
nagnanais na italaga ang sarili upang maging Lingkod ng Dambana. Ipagkaloob
mo na ang kanilang paglilingkod ay maging tunay na mabunga at ang aming
pagsamba ay tunay na maging kalugud-lugod sa iyong paningin. Hinihiling namin
ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.

R. Amen.

Uupo ang Kura Paroko at tatayo ang mga itatalaga.

Kura Paroko:
Tanggapin ninyo ang damit na ito tanda ng pakikiisa sa misyon ng Panginoon,
palaguin ninyo ang inyong pananampalataya sa paglilingkod sa Dambana ng
kaligtasan.

Lingkod ng Dambana:
Amen.

Isa-isang lalapit ang mga Lingkod ng Dambana sa Kura Paroko na syang magkakaloob sa
kanilang mga kamay ng damit na gagamitin sa paglilingkod. Lalapit ang mga magulang at
tutulong sa pagbibihis sa kanilang mga anak habang inaawit ang kaukulang awit ukol sa
paglilingkod. Pagkatapos ng pagbibihis sasabihin ng Kura paroko.

Kura Paroko:
Minamahal na sambayanan narito ang ating mga bagong talagang Lingkod ng
Dambana.

Magbibigay pugay ang mga bagong talagang LND sa kura paroko at pagkatapos ay
magpupugay sa sambayanan. Pasasalubungan sila ng masigabong palakpakan. Pagkatapos sila
ay aakyat sa sanktuwaryo upang magsimulang maglingkod sa liturhiya ng Eukaristiya.

ANG RITO NG PAGSASARIWA NG PANGAKO SA


PAGLILINGKOD
Ang pagsasariwa ay maaring ganapin pagkatapos ng ritwal ng pagtatalaga sa mga bagong
kasapi. Lalapit sa harap ng kura paroko ang mga magsasariwa ng pangako.
Sem. Mark Justin Peñano:
Minamahal naming Kura Paroko, Reb. P. Josue R. Muldon, FdCC, katuwang na
paring tagahubog, Reb. P. Joseph V. Gatdula, FdCC, at mga kapatid na
mananampalataya ng Parokya ni San Jose – Kaytitinga, narito po ang mga
kabataang nagnanais na muling sariwain ang kanilang mga ipinangako sa Diyos at
sa sambayanang Kristiyano na muling maglingkod bilang mga Lingkod ng
Dambana.

Kura Paroko:
Ang buong bayan ng Diyos ay nagagalak sa inyong pasyang muling pagtibayin ang
inyong paglilingkod para sa ikapupuri ng pangalan ng Dakilang Lumikha at
kaligtasan ng tanan. Lakasan ninyo ang inyong mga loob at ipahayag ng buong
tatag ang inyong pagnanais.

Mga magsasariwa:
Ako si (N.) kasapi ng Lingkod ng Dambana ay muling nangangako na tutupad ng
buong husay sa aking mga sinumpaang tungkulin. Ito ay aking pinagpasyahan ng
buong kalayaan at nababatid ko nang lubusan ang responsibilidad na kaakibat ng
ganitong pagpapanibago. Nangangako akong itutuwid ang anumang pagkukulang
na aking nagawa at pagiibayuhin ang lahat ng inaasahan sa akin sa pagiging
mabuting tagapaglingkod para sa ikalalago ng pananampalataya ng aking parokya
at ikapagtatagumpay ng banal na hangarin ng Inang Simbahan. Tulungan nawa ako
ng Panginoon sa aking pangako.

Kura Paroko:
Bilang Ama ng parokyang ito pinagtitibay ko ang
pangakong muli ninyong sinariwa sa ngalan ng Ama at ng
Anak at ng Espiritu Santo.
R. Amen

Wiwisikan ng banal na tubig ng kura paroko ang mga nagsariwa ng pangako. Pagkatapos ay
pasasalubungan sila ng masigabong palakpakan ng sambayanan. Sila ay babalik sa upuan.
Itutuloy ang panalangin ng bayan.
Sem. Jepp Cosino: Mga kapatid, salubungin po natin ng masigabong palakpakan
ang ating mga lingcod ng dambana

You might also like