You are on page 1of 1

PANALANGIN NG MISYON

(Tagalog CBCP Mission Prayer)


2021 Year of Missio Ad Gentes

Diyos Amang mapagmahal, isinugo Mo ang Iyong Anak sa mundo upang ipahayag
ang Mabuting Balita ng kaligtasan sa lahat --sa mga makasalanan, dukha, inaapi,
maysakit, tinalikuran at pinabayaan.
Sa Krus, inialay Niya ang Kanyang buhay para sa amin at Siya ay nabuhay na mag-
uli para kami ay tubusin at ipagkasundo sa Iyo. Ang Espiritu Santo ay isinugo Mo
sa mga Apostol upang ang gawain ng Iyong Anak ay maipagpatuloy at akayin ang
lahat sa kaligtasan.
Sa Iyo Ama, Salamat dahil mula sa dilim, inakay Mo kami patungo sa liwanag.
Itinakda Mong sa nakalipas na limandaang taon, marating ng mga misyonero ang
aming bayan para mahayag sa aming mga ninuno ang Ebanghelyo ni Hesus na
Iyong Anak na nagtatag sa iyong sambayanan at humubog sa Iyong Simbahan.
Ang biyaya ng pananampalataya ang nagtaguyod sa amin sa dilim at liwanag, sa
mga pagkabigo at tagumpay sa aming kasaysayan bilang iyong sambayanan.
Ang pananampalataya ring ito ang naging tunay na ilaw na nagniningning sa kabila
ng kadiliman. Panibaguhin at pag-alabin nawa kami ng iyong Espiritu upang kami’y
maging mga saksi ni Hesus na iyong Anak sa mundong winawasak ng kasakiman,
ng karahasan, ng kawalan ng katarungan, ng sakit at pagdurusa.
Bilang Iyong mga anak, buklurin nawa kami ng aming pananampalataya sa
pagmamalasakit at pagmamahal sa isa’t isa. Bigyang-lakas nawa kami ng Banal na
Espiritu nang maihatid namin ang Mabuting Balita sa mga kapatid namin sa Asya
at sa iba pang panig ng mundo.
Pagkalooban Mo kami ng marubdob na paghahangad na makatulong sa iba na
manampalataya rin sa Panginoong Hesus upang makahati sila sa Kanyang buhay
at kagalakan.
Alalayan nawa kami at ipanalangin ng Pinagpalang Ina, ang Tala ng
Ebanghelisasyon sa pagsasabuhay at pagbabahagi sa kapwa ng aming
pananampalataya.
Ang matibay na pagmamahal at pamimintakasi sa Mahal na Ina ang humubog
nawa sa amin na maging tunay na saksi at alagad ni Hesus, laging handang
maisugo, at maging masunurin sa anumang kanyang ibigin.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesukristong Anak Mo na nabubuhay at
naghahari kaisa Mo at ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
Amen.

You might also like