You are on page 1of 3

ANG TUBIG NA DAAN PATUNGO SA KALIGTASAN

Tubig ang pangunahing sangkap sa pamamaraan ng paglilinis. Tubig rin ang


kailangan kung tayo ay nauuhaw at higit sa lahat tubig din ang sumasagisag ng buhay
at kaligtasan. Ikaw paano mo pinahahalagahan ang tubig na dumaloy mula sa iyo
nang tinanggap mo ang Sakramento ng Binyag?

Sa tubig tayo ay nililinis ng Diyos sa ating mga kasalanan. Dinulutan tayo nito ng
bagong damit upang matamo natin ang kaligtasang kanyang ipinangako para sa atin.
Hindi ito tulad ng isang ordinaryong paglilinis bagkus paglilinis na, inaalis sa atin ang
minanang kasalanan ng ating mga unang magulang. Sa ganitong paraan makikita
natin ang kahalagahan ng tubig sa ating buhay pananamapalataya. Hindi lang ito
panglinis na panlabas subalit may taglay rin itong espiritwal na paglilinis. Sa Lumang
Tipan makikita at mababasa natin kung paano ginamit ng Diyos ang tubig upang
lipulin ang mga sinaunang tao noong panahon ni Noe. Dahil sa kanilang kapalauan,
kalapastanganan at kasalanan sa Diyos sa pamamagitan ng baha nalinis ang daigdig
(Gen 6:9-22). Ito ay pagpapakita rin ng Diyos na kinakailangan nating mamatay sa
tubig upang magkaroon ng panibagong buhay. Sa anyo ng tubig ay ibinabalik tayo sa
estado ng pagiging tunay na anak ng Diyos. Sa ganitong paraan dapat nating tingnan
ang kahalagahan ng tubig sa ating buhay. Maaaring sabihing ordinary na bagay ito
ngunit ito ay nagiging salamin or sumasalamin rin ng ating buhay pananampalataya.

Ang tubig ang magiging sangkap rin upang maipagdiwang ang Pagbibinyag na
siyang magbubukas ng pintuan patungo sa iba pang mga sakramento. Sapagakat sa
pamamagitan ng tubig ng binyag na siyang material o matter ng sakramento at ang
pormula na binabanggit ng ministro na nagsasaad ng pagsagawa sa ngalan ng banal na
Santatlo naigagawad ang karakter na naka imprinta na sa kaluluwa ng binyagan, at
hindi na ito mawawala magpakailanman. Makikita natin sa Mabuting Balita ayon kay
San Marcos 1:7-9, kung paano bininyagan ni Juan Bautista ang ating Panginoong
Hesus sa Ilog Jordan. Ito ay pagpapakita ng kababaan ng loob ng Diyos na katulad ng
isang tubig ay bumubukal din mula sa ilalim ng lupa. Maari nating maihambing ang
tubig sa pagka-Diyos ni Hesus na mula sa langit at sa estado ng kanyang pagiging
Diyos ay bumaba sa lupa upang makipamuhay sa ating mga tao. Nasabi ko ito
sapagkat alam ni Hesus ang kanyang tunay na pagkakakilanlan bilang totoong Diyos
at totoong tao, ngunit dahil sa kasunuran sa Ama naging daan ang tubig na ginamit ni
Juan Baustita para sa paglilinis nating mga tao. Ang buhay natin sa mundong ito ay
tulad ng tubig sa ilog na sumusunod sa agos na ibinibigay sa atin ng Diyos. Ang
pagsunod na may kalayaan kung ano ang nais natin sa ating buhay. Dumarating sa
punto na sumasalungat tayo sa agos na dapat nating layagin at sundin. Subalit ang
pinakamahalaga ay kung paano natin malalaman at matutuklasan kung paano bumalik
sa tamang agos na naaayon sa ating pagiging isang nilikhang kawangis ng Diyos.
Dahil sa tubig nasasalamin natin ang ating tunay na katauhan sa mundong ito. Ikaw
anong agos ng tubig at imahe sa tubig ang nais mong puntahan at makita?

Kung ang tubig ay pamatid ng ating uhaw, anong uhaw ang gusto mong maibsan?
Ito ang uhaw sa tubig ng pagmamahal na tulad rin ng tubig na iniinom natin sa pang-
araw-araw upang matanggal ang ating uhaw. Sa tubig din pinamalas ni Hesus na
bumukal mismo sa kanyang tagiliran nang sibatin ito ng isang kawal habang siya ay
nakabayubay sa krus. Ito ang tubig na pinagkaloob at ginawang sakripisyo ni Hesus
upang iligtas tayo sa ating mga kasalanan. Lahat tayo ay nauuhaw, uhaw sa
pagmamahal, sa atensyon, at sa pagkalinga. Subukan mong pagnilayan ang tubig na
binuhos ni Hesus para sa atin upang mas lalo mong maramdaman kung paanong sa
pagmamahal ng Diyos ay hindi kana muling mauuhaw pa.

Ganyan tayo iniligtas ng ating Panginoong Hesus kung saan sa pagsisimula ng


kanyang ministeryo kinailangan niyang magpabinyag sa tubig at dahil sa ginawa
niyang ito mas lalo siyang dinakila ng Ama na naging daan din kung paano niya
pinakilala ang kanyang Bugtong na Anak. Kung dumating sa punto na madumihan ka
muli, mauhaw, at mag asam ng kalinisan balikan mo ang mga pangyayaring naganap
ng nakaraan sa ating Panginoong Hesus. Ang tubig na ginamit ng Diyos upang
matubos tayo sa ating karumihan at pagka-uhaw ang magpanariwa nawa ng ating
pagbabalik loob sa kanya. Ang tubig ng binyag sana ay maging daan din upang naisin
mong sabayan ang agos ng plano ng Diyos para sa iyo. Hayaan mong siya ang
umalalay sa iyo, kung lumakas man ang agos o magkaroon ng mga daluyong na dapat
mong daanan, maging kalma sana tayo na gaya ng tubig nagagawang basagin ang
kanyang sarili kung may mga batong kailangan niyang pagdaanan.

Nawa sa bawat taon na gugunitain mo ang araw ng iyong muling kapanganakan


sa tubig ng binyag ay sana alam mo rin ang araw kung kailan ito naganap sa iyong
buhay, manariwa sana muli kung paano mo dapat pahalagahan ang kaloob na
ibinuhos ng Diyos para sa iyong kaligtasan. Huwag nawang makaligtaan ang
kahalagahan ng simbolo ng tubig sa iyong buhay.

You might also like