You are on page 1of 2

PAGBABASBAS SA TUBIG1

Bahagi ng tradisyong Kristiyano ang pagbabasbas ng tubig na gagamitin sa pagbabautismo,


pagbabasbas sa mga tao, mga dako, mga kagamitan at sa pagtataboy ng mga masasamang
espiritu. Malimit itong inilalagay sa isang “water font” na kadalasan ay matatagpuan sa pasukan
ng simbahan. Bilang pagpapaalala sa ating tinanggap na Bautismo, isinasawsaw ng mga
Kristiyano ang kanilang mga kamay sa nabasbasang tubig at ipinapahid sa kanilang noo sa
anyong krus habang pumapasok sa simbahan. Sa Orthodox Church, binabasbasan nila ang tubig
upang magamit sa pagbabasbas at pagtataboy ng mga demonyo at masasamang espiritu. Sa
Anglican Church, ginagawa ang pagbabasbas ng tubig sa panahon ng pagdiriwang ng
Sakramento ng Binyag. Subalit sa ilan sa mga kasapi ng Anglican Communion, ang paggamit ng
tubig sa mga pagbabasbas ng mga dako at kagamitan ay naging optional. Ito ang isa sa mga
namana nating mga Metodista, ang tubig ay ginagamit sa pagbibinyag at bahagi ng ating ritwal
sa pagbibinyag ay ang pagbabasbas ng tubig. Ang natirang tubig na nabasbasan ay ating
inilalagay sa isang container upang magamit sa pagbabasbas ng mga kagamitan, ng tao at dako.
Subalit nasa discretion ng pastor kung gagamit ng tubig sa pagbabasbas, bagama’t marami na rin
akong nakasalamuhang pastor na Metodista na gumagawa nito lalong higit dito sa Mindanao.
Ang gabay sa pagbabasbas ng tubig na ito ay hinango sa ginagawa ng mga naunang Kristiyanong
komunidad kung saan nakaugat din sa ating Biblical tradition. Maaring gawin ang pagbabasbas
bilang bahaging ritwal sa isang regular ng pananambahan, bagama’t nakaugalian na itong
isinasagawa sa Semana Santa, o sa tuwing ipinadiriwang ang Easter Sunday.

Gagawin ang pagbabasbas ng tubig matapos ang Sermon. Tatayo ang pastor behind the altar or
Lord’s Table, o kung saan nakalagay ang “font” na pinaglagyan ng tubig. Sasambitin ng pastor
ang mga sumusunod habang nakaharap sa mga tao:

Mga kapatid, ang tubig na ito ay isang paalala sa tinanggap nating bautismo at pagkakakilanlan
bilang isang Kristiyano. Hilingin natin sa Diyos na pakabanalin ito at hayaang maranasan natin
ang presensya ng Banal Espiritu sa mga ito.

Matapos ang sandaling katahimikan ay magpapatuloy ang pastor sa kanyang pananalangin.

Diyos na aming Magulang, ang kaloob Mong tubig na bukal ng buhay at pag-asa, naglilinis sa
aming mga kasalanan at nagkakaloob ng buhay na ganap at kasiya-siya. Basbasan niyo po ang
tubig na ito, hayaang maranasan ang Iyong pagkalinga sa pamamagitan nitong tubig. O Diyos,
bukal ng buhay at pag-asa, gawin mo kaming malaya mula sa kasalanan sa pamamagitan ng
tubig na ito. At hayaang lumapit sa Iyo upang tanggapin ang biyaya ng kaligtasan. Sa kay Cristo
Jesus, kasama ng Santo Espiritu. Amen.

Kukunin ng pastor ang asin na nakalagay sa isang mangkok at itataas habang sinasambit ang
mga sumusunod:

1
Ang ritwal na ito ay naihanda bilang bahaging topiko sa klase ng Sacramental Theology and Practice class ng SPMCI, school
year 2013-2014. Ginamit ko itong ritwal nang ako ay madestino sa Founder United Methodist Church, Brgy. Aringay, Kabacan,
Cotabato at sa SPMCI mismo. (Rev. Jeric C. Cortado)
Diyos na aming Magulang, basbasan niyo ang asin na ito, kung paanong binasbasan mo ang asin
na ibinuhos ni Propeta Eliseo sa bukal ng tubig upang gawing malinis at magbigay ng buhay (2
Hari 2:19-21). Saan man gamitin ang ang asin at tubig na ito ay maging kapahayagan nawa ng
paglilinis, pagpepreserba at pagpapanumbalik sa kalikasan ng buhay, maging bukal ng
kapangyarihang nakapagpapataboy ng karamdaman, ng masasamang espiritu, at nagsisilbing
sanggalang. Igawad niyo po sa amin ito sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, aming Panginoon.
Amen

Ilalagay ng pastor ang asin sa nabasbasang tubig.


Sinabi ng Diyos, “Wiwisikan ko kayo ng tubig na dalisay upang kayo’y luminis. Aalisin ko rin
ang naging mantsa ninyo dahil sa inyong mga diyos-diyosan. Bibigyan ko kayo ng bagong puso
at bagong espiritu” (Ezekiel 36:25-26).

Itataas ng pastor ang kanyang kamay at sasambitin ang mga sumusunod:


O Diyos, linisin niyo po kami, sala namin ay hugasan at kami ay puputi nang walang kapantay
(Awit 51:7)

Sa diwang ito, sasalok ang pastor ng nabasbasang tubig, ilalagay sa isang sisidlan at wiwisikan
ang mga tao. Kapag nakabalik na ang pastor sa kanyang lugar, haharap ang pastor sa madla at
sasabihin ang mga sumusunod:
Nawa’y ang makapangyarihang Diyos ay maglilinis sa ating mga kasalanan at gawin tayong
karapat-dapat sa kanyang makalangit ng piging. Amen.
+++++++++++++++++++++++++

You might also like