You are on page 1of 3

Ano ang ibig sabihin ng Liturhiya?

Dati’y madalas iniisip ang “liturhiya” bilang tagubilin sa rituwal o ang ginagawa ng mga pari sa altar sa
seremonya ng pagsamba. Subalit ngayon, nauunawaan natin na sa sinaunang Simbahan, ang liturhiya
ay ang lahat ng isinasagawa ng lahat ng mga Kristiyano sa pakikibahagi sa gawain ng Diyos’, ang
banal “na panukalang pag-isahin kay Kristo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa” (Jn 17:4; Ef 1:10).
Kasali dito hindi lamang ang banal na pagsamba kundi pati ang pagpapahayag ng Mabuting Balita (Rom
15:16) at paglilingkod sa kapwa (2 Cor. 9:12).

Bagamat higit na kinikilala ngayon ang “liturhiya” bilang opisyal na pampublikong pagsamba ng
Simbahan,” pinagtitibay nito ang pagpapahalaga ng PCP II sa lubos at aktibong pakikilahok ng buong
Bayan ng Diyos—lahat –at ang makabuluhang panloob na ugnayan ng liturhiya sa mga panlipunang
pagkilos.

Pinagtibay ng Konsilyo Vaticano II “ang liturhiya ang rurok kung saan nakatuon ang pagkilos ng
Simbahan at ang bukal kung saan umaagos ang lahat ng kanyang kapangyarihan. (SC 9-10, CCC 1074)

Subalit para sa karaniwang Pilipinong Katoliko ang kahulugan ng liturhiya ay ang pakikisangkot sa
taunang daloy ng mga panahon ng liturhiya tulad ng Adbiyento, Kuwaresma, Mahal na Araw, Pasko ng
Pagkabuhay at ang pagdiriwang ng dakilang kapistahan tulad ng Pasko ng Pagsilang, Myerkules ng Abo,
Linggo ng Palaspas, Byernes Santo, Pasko ng Pagkabuhay atbp.

Katangian ng Liturhiya

1. Santatluhan at Pampaskuwa

Nakatuon ang panalanging pang – liturhiya ng Simbahan sa Ama sa pamamagitan ng kanyang Anak na
si Jesukristo sa Espiritu Santo. Ang Santatluhan (Trinitarian) ito ay naghahatid ng katangiang
Pampaskuwa dahil ipinagdiriwang ng liturhiya ang Mabuting Balita ng ating aktuwal na kaligtasang
ginanap ng Banal na Santatlo sa pamamagitan ng Misteryong Pampaskuwa ni Jesukristo. (paghihirap,
kamatayan at muling pagkabuhay). Ang Santatlo ay ang Diyos na konkretong nabubuhay at nagliligtas
na dumarating sa atin, kay Kristong Muling Nabuhay at sa Espiritu, sa loob ng Kristiyanong
sambayanan, ang Simbahan.

2. Pansimbahan

Ang liturhiya ay ang panalangin ng Simbahang nagtitipon, isang pansimbahang pagkilos. Pagkilos ito ni
Jesukristo ang Pari, at kasabay ng pagkilos ng sambayanan, isang maayos na pagtitipon at pakikipag-
isa ng mga binyagan. Bukod pa rito, isinasaayos ang panliturhiyang pagtitipon ayon sa iba’t ibang
gampanin: pari, diakono, mga tagabasa, EMHC, choir atbp.
Itong katangiang pansimbahan ay lubhang mahalaga para sa mga Pilipinong Katoliko dahil hinihikayat
tayong lampasan ang matalik na ugnayang pampamilya tungo sa kaisahang pansambayanan batay sa
pananampalataya kay Kristo.

3. Sakramental

Ipinagdiriwang ng liturhiya ang panalangin ng Simbahan sa pamamagitan ng mga ritwal ng mga galaw,
kilos at pormula ng salitang nakalilikha ng balangkas upang maganap ang sama-samang pagsamba ng
Simbahan. Ang ilan sa madalas na gamiting simbolo sa liturhiya ay ang pagtitipon mismo ng mga
binyagan, ang mga likas na tanda mula sa sangnilikha tulad ng liwanag, dilim, tubig,langis, apoy;
gayundin ang mga tanda na gawa ng tao tulad ng tinapay at alak, at natatanging mga simbolong
Kristiyanong pangkaligtasan tulad ng pagbabasa at pagbibigay kahulugan sa Banal na Kasulatan bilang
buhay na Salita ng Diyos, pagkukrus, Kandilang Pampaskuwa, pagpapatong nga kamay atbp.

Laging kasangkot ang tao sa paggamit ng mga ganitong simbolo sa liturhiya dahil ipinahahayag nila ang
personal na misteryo ng pag-ibig ng Diyos na nahayag sa Misteryong Pampaskuwa ni Kristo.

4. Nakatuon sa Tamang Panuntunan (etikal)

Tahasang nakaugnay ang liturhiya sa moral na pamumuhay dahil binibigyang kapangyarihan nito ang
bayan ng Diyos tungo sa ganap na pagiging Kristiyanong alagad. Sa katunayan, palaging magkasama
ang panliturhiyang pagsamba at moral na pamumuhay ng Kristiyano na parehong personal at
panlipunan.Isang layunin ng panliturhiyang pagdiriwang ay upang tayong nananampalataya’y magbalik
sa ating mga karaniwang ginagawa na may bagong lakas sa pananampalataya, pinatatag ng pag-asa at
pinag-alab ng kapangyarihan ng pag-ibig. Sa halip na ilayo tayo mula sa ating mga karaniwang gawain,
katungkulan, libangan at ugnayan, nilalayon ng liturhiya na pagtibayin ang ating misyon bilang mga
Kristiyano na maging ilaw ng daigdig at lebadura ng masa.

5. Nakatuon sa Mga bagay na darating (eskatolohikal)

Ginugunita ng liturhiya ang nakalipas na misteryo ng kaligtasan ni Kristo, ipinakikita ang mga
kasalukuyang bunga ng grasyang mula kay Kristo at itinuturo sa hinaharap ang kaluwalhatian na
parating pa lamang. Nagaganap na ngayon at sa bawat sandali ng ating pang-araw – araw na buhay ang
pagtanaw na ito sa hinaharap. Tinatawag tayo ng liturhiya na makibahagi sa sariling misyon ni Kristo na
iligtas ang mundo.

Mabisang napagsasama ang eskatolohikal na hinaharap at kasalukuyang dimensyon sa pagdiriwang


nga mga kapistahan at mga panahon ng Liturhikal na taon. Inilalarawan ng Vaticano II kung paano “sa
loob ng taon, inilalahad ng Simbahan ang kabuuang misteryo ni Kristo mula sa pagkakatawang tao at
Pagsilang hanggang sa Pag-akyat sa Langit, sa Pentekostes at ang pag-aantabay sa maluwalhating pag-
asa sa pagdating ng Panginoon.
> Pagbubuod: Kung gayon ang Liturhiya ay:

a. ang opisyal at pampublikong pagsamba sa Banal na Santatlo


b. ng buong Simbahan sa pamamagitan ng pagdiriwang ng Misteryong Pampaskuwa ni Kristo
c. sa isang sakramental, masimbolong pagkilos
d. na may likas na kaugnayang moral / etikal, at
e. nakapaloob sa eskatolohikal na pagtanaw tungo sa lubusang kaganapan sa hinaharap.

Hangarin ng Simbahan:

Ang lahat ng mananampalataya ay magkaroon ng isang ganap, mulat at aktibong pakikilahok sa


liturhiya.

Mangyayari lamang ang aktibong pakikilahok sa liturhiya kapag naunawaan ng mga karaniwang
Pilipinong Katoliko kung paano magkakaugnay ang kanilang personal na buhay, lalo na ang buhay
panalangin at ang Liturhiya ng Simbahan na kailanma’y hindi ito maaaring paghiwalayin. Kailangang
makita at personal na maranasan ng mga karaniwang Pilipinong Katoliko ang kahalagahan para sa
kanila ng panalangin, pagsamba, liturhiya. Ang ganitong pagmumulat ay isa sa mga pinakabunga ng
aktibong pakikilahok sa liturhiya.

Nagiging hadlang:

Kailangang malampasan ng ganitong aktibong pakikilahok ang mga matitinding hadlang:

Una, nariyan ang pangkalahatang katamaran at kahinaan ng tao na idinadaing ni San Pablo (Ro 7), na
pinalalakas ng lumalaganap na materyalismong makamundo sa ating panahon.

Ikalawa, ang mga dumaraming personal na hadlang ng mga hinaing na may kaugnayan sa paglaki ng
mga bata at kabataan (bakit ko ba kailangang….?) at ang mga karaniwang mababaw na dahilan ng
pagdalo sa misa –para makisama sa mga tao, maipakita ang mga bagong damit at iba pa.

Ikatlo, ang mga hadlang ng liturhiya mismo: ang napakaraming nakagawiang liturhiyang walang sigla,
kulang na kulang sa sigla at puso. Subalit kahit na ang mga liturhiyang mahusay na ipinagdiriwang ay
kailangang humarap sa suliraning “hindi likas” sa maraming modernong tao ang pagbibigay ng puri.
Napakaraming tao ang hindi nakakaranas ng tunay na papuri sa kanilang personal na buhay o
nagdurusa dahil sa mga mapagkunwari at mapagsamantalang pambobola na hindi na nila
mapagkatiwalaan ang kanilang mga damdamin. Subalit ang pinakaugat ay ang kasalukuyang pagbibigay
– diin sa “sariling pag-unlad.,” “sariling kasiyahan” at iba pa. Napakaliit ng pag-asa na papurihan at
masiyahan sa Diyos at sa iba kung tayo’y labis na nakatuon lamang sa ating sarili.

You might also like