You are on page 1of 4

Modyul 2:

PAG-UNAWA SA UNANG MODYUL: “ANG LITURHIYA”


ni
REB. P. ROMULO C. COMIA, SLL
Pangdiyosesis na Direktor ng Komisyon ng Pagsamba

Panimula
Mahalagang bigyang-diin sa pagtatalakay natin ngayon ang kahulugan ng Liturhiya mula sa
pinagmulang salitang Griego nito tungo sa aspetong pangteyolohiya at sang-ayon sa gamit
nito sa ating Simbahan sa panahon nating kasalukuyan.
Mula sa pinagkunang salitang Griego, na ang ibig sabihi’y isang paglilingkod pampubliko,
inangkin ng Simbahan ang pagpapakahulugang ito sa Liturhiya at iniangkop sa kanyang sarili
sa pagsasabing: “Ang pagsambang pampubliko na nararapat sa Diyos ay iniaalay ng
Katawang Mistiko ni Kristo (Simbahan), alalaon baga, sa pamamagitan ng kanyang Ulo at
mga miyembro ‘Cultus Deo ab ecclesia praestituto’.” [Hangò ang pagpapakahulugang ito
mula sa encyclical Mediator Dei ni Papa Pio XII. Si Kristo ang Ulo ng Simbahan, at tayo (mga
nabinyagan) naman ang Kanyang Katawan (miyembro)].
Bilang pagsambang pampubliko, ito’y naisasagawa sa pamamagitan ng isang pagdiriwang
na kung saan tinatawag natin itong Liturhiya. Kaya naman, sa kahulugang pangteyolohiya
nito, ang Liturhiya ay nauunawaan bilang “ang pagdiriwang ng misteryo ni Kristo, partikular
ang kanyang misteryo paskwal (= ang misteryo ng Kanyang paghihirap, pagpapasakit,
pagkamatay at muling pagkabuhay hanggang sa pag-akyat Niya sa kalangitan).

A. Bakit ipinagdiriwang ng Simbahan ang misteryo paskuwal ni Kristo?


Ipinagdiriwang ng Simbahan ang misteryo paskuwal ni Kristo sapagkat ito ang ginamit ng
Diyos na pamamaraan para maipagkamit sa atin ang ipinangako Niyang kaligtasan. Dahilan
sa Kanyang ginawang ito para sa sangkatauhan, ang tao, na nagkasala sa Diyos, ay muling
napanumbalik, napatawad ang kanyang kasalanan at natubos mula sa kamatayan. Inialay
nga ni Kristo ang Kanyang sarili sa krus para sa atin upang tayo’y mabuhay mula sa
kamatayan sa kasalanan. Tayo’y namamatay sa kasalanan ngunit dahilan sa misteryo
paskuwal na ito ni Kristo tayo’y Kanyang muling binubuhay sa Kanyang muling pagkabuhay.
Tulad ng mahahalagang pangyayari sa ating buhay (halimbawa: kaarawan at iba pang
mahahalagang okasyon), na hindi natin maaaring hindi ipagdiwang, napakahalaga ng
pangyayaring ito ng misteryo paskuwal na nagdulot sa atin ng kaligtasan para sa Simbahan,
kung kaya’t minarapat niyang ito’y ipinagdiwang upang sa gayo’y hindi ito makalimutan at
muli’t-muling mágunitâ at alalahanin upang hindi ito mawala sa ala-ala ng mga tao (Wika nga
ng Panginoon: “Gawin ninyo ito sa pag-ala-ala sa akin).
Ang pagdiriwang na ito ng misteryo paskuwal ni Kristo (Liturhiya) ay tinatawag ring
“pagsasa-ngayon” ng dakilang pangyayaring ito ng kaligtasan. Ibig sabihin, hindi ito isang
pangyayaring naglaho na lamang sa kawalan, kundi, ito’y isang pangyayaring muli’t-muling
Ang Liturhiya Modyul 2 2

ginugunita upang sa paggunita rito’y maging napangyayari sa kasalukuyan at ang


pangyayaring ito na naganap na minsan at magpakailanman ngayo’y patuloy paring
naghahatid ng kaligtasan para sa lahat.

B. Ano ang halimbawa ng mga pagdiriwang (Liturhiya) na ito?


“Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng makaparing gawain ni Hesukristo (pagsamba sa
Ama), ang liturhiya ay naipamamalas sa mga tanda at naghahatid ng kabanalan sa
sangkatauhan.” Tinutukoy ng pangungusap na ito ang mga Sakramento ng Simbahan,
sapagkat ang ibig sabihin ng sakramento ay tanda na nagpapahiwatig ng isang katotohanan.
Ang katotohanang binibigyang tanda ng mga Sakramento sa Simbahan ay walang iba kundi
ang misteryo paskuwal ni Kristo. Samakatuwid, ang pagdiriwang ng mga Sakramento ay
pagdiriwang ng misteyo paskuwal ni Kristo (Liturhiya). Kung kaya, ang lahat ng mga
Sakramento ay Liturhiya sapagkat ang mga ito’y pagdiriwang, paggunita, pagsasangayon ng
misteryo paskuwal ni Kristo.
1. Ilan ba ang mga Sakramento ng Simbahan at ano-ano ang mga ito?
Mayroong pitong kinikilalang Sakramento ang Simbahan. Ang mga ito ay ang Binyag,
Kumpil, Banal na Eukaristiya (Komunyon), Kumpisal, Pagpapahid ng Banal na Langis
sa may sakit, Pag-aasawa at Banal na Orden. Hindi na natin iisa-isahing ipaliwanag
ang mga ito sa pagtatalakay natin sapagkat ito’y tinatalakay sa iba pang asignatura
ng Teyolohiya (On Sacraments). Sapat na ang magkaroon tayo ng kaalaman, na ang
mga ito’y pagdiriwang ng mapagligtas na misteryo paskuwal ni Kristo.
2. Iba pang halimbawa:
Bukod sa pagdiriwang ng mga Sakramento sa Simbahan, may makikita pa rin tayong
iba pang mga pagdiriwang o gawaing pagsamba sa Simbahan na hindi kabilang sa
pagdiriwang ng mga Sakramento. Ang mga ito ay ang sumusunod: Ang Panalangin
ng mga Kristiyano sa Maghapaon (Breviary or Christian Prayer); Ang Pagtatalaga ng
mga Birhen (Consecration of Virgins) kalimitan sa mga monasteryo at sa mga
namamanata sa buhay pagkarelihiyoso o relihiyosa; at Ang Pagtatalaga ng mga
Simbahan (Cosecration or Dedication of Churches).

C. Iba pang mga Pagdiriwang


Bukod sa mga nasabing pagdiriwang na mapapansin natin sa Simbahan, may iba pa ring mga
pagdiriwang na may kaugnayan sa pagsamba ang isinasagawa sa Simbahan pero hindi
itinuturing na Liturhiya.
1. Ang mga ito ay ang sumusunod: Banal na Oras, Pagdarasal ng Santo Rosario,
Pagnonobena o Pagsisiyam sa Karangalan ng mga Banal, Pagpuprusisyon,
Estasyon ng Krus, at iba pang mga gawaing katulad nito. Ang mga ito ay
tinatawag namang debosyon na kakaiba sa liturhiya ay hindi pampubliko at
opisyal na gawaing pagsamba ng Simbahan, sa halip, ang mga ito ay itinuturing na
mga pampersonal na tulong sa pananalangin.
Ang Liturhiya Modyul 2 3

2. May iba paring mga tulong sa pananalangin na tinatawag namang mga


sakramental tulad ng pagbabasbas ng mga kasangkapan sa pananalangin,
halimbawa: pagbabasbas ng mga imahen ng Panginoon at ng mga banal,
rosaryo, eskapularyo, mga dasalan, at iba pang mga katulad nito.
D. Kung hindi liturhiya ang mga nasabing iba pang pagdiriwang, ano ang kahalagahan o
kaugnayan nito sa Liturhiya?
Bagama’t hindi itinuturing ng Simbahan na Liturhiya ang nasabing iba pang mga
pagdiriwang, hindi naman ibig sabihin na ang mga ito’y hindi mahalaga. Mahalaga ang
mga ito sapagkat sa kanilang kaugnayan sa Liturhiya ay doon nakikita ang
pangangailangan na ang mga ito’y maging bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay ng
isang kristiyano.
Ang mga nasabing pagdiriwang, ang debosyon at mga sakramental, kung ito’y gagawin
bago ang pagdiriwang ng Liturhiya, halimbawa, bago ang pagdiriwang ng Banal na Misa
o Eukaristiya, ibinubukas ng mga ito ang puso at kalooban ng mga tao tungo sa isang
aktibo at buhay na buhay na pakikibahagi sa pagdiriwang ng mga Sakramento, partikular
ang Banal na Misa. Sa pagbubukas ng puso at kalooban ng mga tao, ginagawa rin ng mga
itong makabuluhan at mabunga ang pagtanggap natin ng biyayang nakapagpapabanal
galing sa mga Sakramento.
At kung ang mga ito naman at gagawin pagkatapos ng Liturhiya, partikular ang Banal na
Misa o Eukaristiya, pinahahaba naman ng mga ito ang bisa ng mga biyayang tinanggap
mula rito. Halimbawa, mas nagiging maunawain at mapagmahal ang tao sa kapwa sa
pag-uwi sa kanilang mga tahanan pagkatapos ng Misa at mga ginawang debosyon at
mga sakramental sa Simbahan.

E. Pangwakas:
Ang kahalagahan ng Liturhiya, mga Debosyon at Sakramental
Samakatuwid, napakahalaga pala para sa isang Kristiyano ang makibahagi (umatend) sa
pagdiriwang ng Liturhiya (lalo na ang Bana na Misa), sapagkat dito pala natin natatamo
ang biyayang nakapagpapabanal (nakapagpapabago sa ating buhay at pag-ugali sa araw-
araw) at gayundin ang mga debosyon at mga sakramental sapagkat ibinubukas ng mga
ito ang puso at kalooban ng mga tao at pinahahaba ang epekto ng biyaya na
ipinagkakaloob sa atin ng Liturhiya (partikular ng mga Sakramento).

F. Pagninilay:
Tugong gawain
1. Batay sa daloy ng pag-unawa sa kahulugan ng Liturhiya mayroon bang bagong
kaisipan, kaalaman o kamalayan na nakaantig sa iyo? Ano ito at bakit?
2. Katulad ng pagdiriwang ng mahalagang pangyayari sa ating buhay--- mga kaarawan,
anibersaryo, pagkaligtas sa aksidente, paggaling sa karamdaman at iba pang tulad
Ang Liturhiya Modyul 2 4

nito, paano mo pinahahalagahan ang pagdiriwang ng Banal na Misa at iba pang mga
Sakramento bilang mahalagang pangyayari ng ating kaligtasan?
3. Kung mayroon, magbahagi ng isang katangi-tangi, kakaiba o nakapagpapabagong
karanasan sa pagsisimba, pagtanggap ng iba pang mga Sakramento tulad ng
Kumpisal at pagtanggap ng Komunyon o maging sa pagdarasal ng mga debosyon at
pagtatamo ng mga sakramental.
4. Anumang sumasagi sa iyong kaisipan sa ngayon sa ginawang pagtatalakay.

You might also like