You are on page 1of 8

PAUL VI INSTITUTE OF LITURGY

Malaybalay City, Bukidnon

PANLINGGONG PAGDIRIWANG
KUNG WALA ANG PARI
Para sa gamit ng Laikong Namumuno
PANLINGGONG PAGDIRIWANG
KUNG WALA ANG PARI
(Para sa gamit ng Laikong Namumuno)

Magsusuot ang namumuno ng damit na nararapat sa kanyang tungkulin. Ilalagak ang Banal na
Sakramento sa tabernakulo ng kapilya o bisita. Kung walang tabernakulo, ilalagay ang siboryo sa ibabaw
ng altar na may corporal at sisindihan ang dalawang kandila. Nakalagay ang upuan ng namumuno at ng
iba pang tagapaglingkod sa lugar ng sambayanan at hindi sa santuaryo.

PASIMULA
Kapag natitipon na ang sambayanan, magpuprusisyon ang namumuno at iba pang mga lingkod patungo
sa santuaryo, maninikluhod sa Banal na Sakramento, at magbibigay-galang sa altar habang inaawit ang
pambungad na awit. Tutungo ang mga tagapaglingkod sa upuan na nakalaan para sa kanila.

Nakaharap sa altar, mag-aantanda ng krus ang namumuno kasama ng bayan, habang sinasambit:
Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.

Bayan: Amen.

Haharap ang namumuno sa sambayanan, babati sa pamamagitan ng sumusunod na pananalita o


katumbas nito:
Mga kapatid,
binabati ko kayo sa ngalan ng ating Panginoong Hesukristo.
Naririto siya ngayon sa ating piling,
sapagkat sinabi niya,
“Kapag ang dalawa o tatlo ay natitipon sa aking pangalan,
ako’y nasa piling nila.”
Pipili ang namumuno mula sa mga sumusunod:

A PAGPUPURI SA PANGINOON

Namumuno: Sama-sama tayong natitipon ngayon


upang ipagdiwang ang Araw ng Panginoon.
Purihin natin siya sa kanyang mga kahanga-hangang gawa.
Ang ating tugon: Purihin ang Panginoon!

Bayan: Purihin ang Panginoon!

Namumuno: Dahil sa biyaya ng buhay. (tugon)


Dahil sa biyaya ng pananampalataya. (tugon)
Dahil sa biyaya ng Banal na Espiritu. (tugon)
Dahil sa biyaya ng kanyang banal na Salita. (tugon)
Dahil sa biyaya ng kanyang katawan at
dugo sa sakramento ng Eukaristiya. (tugon)
Dahil sa pag-ampon sa atin bilang mga anak ng Diyos. (tugon)
Dahil sa pagiging kaanib ng Simbahang apostolika at katolika. (tugon)
Dahil sa pagpapatawad niya sa ating mga kasalanan. (tugon)

B PAPURI SA DIYOS

Namumuno: Sama–sama tayong nagdiriwang


ng Araw ng Panginoon.
Magbigay-puri tayo sa Banal na Santatlo,
sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo.
o kaya:

Sama–sama tayong nagdiriwang ng Araw ng Panginoon,


purihin natin ang kanyang kadakilaan at kabutihan.

Bayan: Papuri sa Diyos sa kaitaasan…

C PAGHINGI NG KAPATAWARAN

Namumuno: Sa binyag namatay tayo sa kasalanan


at naging bagong nilalang.
Bagamat nagkasala tayo,
nananalig tayo na patuloy na namamagitan si Hesukristo
sa harap ng Diyos para sa atin.
Kaya, hilingin natin sa Diyos
na patawarin tayo sa ating mga kasalanan
upang maging ganap ang ating pagdiriwang.
Bayan: Inaamin ko sa makapangyarihang Diyos…
LITURHIYA NG SALITA NG DIYOS

PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS


Aanyayahan ng namumuno ang bayan na pakinggan ang Salita ng Diyos na ipahahayag mula sa
Leksiyonaryo.

Namumuno:
Mga kapatid,
pakinggan natin ang salita ng Diyos,
na naghahayag ng kanyang pagmamahal sa atin.
Habang nakikinig, damhin natin ang pagmamahal na ito
at palalimin ang ating pag-asa at pananampalataya sa Diyos.

UNANG PAGBASA
Tutungo sa ambo ang magpapahayag ng Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Aawitin o bibigkasin ng salmista ang salmo mula sa Leksiyonaryo.

IKALAWANG PAGBASA
Tutungo sa ambo ang magpapahayag ng Salita ng Diyos.

PAGBUBUNYI SA MABUTING BALITA


Tatayo ang lahat upang awitin ang Aleluya, o kaya sa panahon ng Kuwaresma, ang naaangkop na
aklamasyon para sa Mabuting Balita.

PAGPAPAHAYAG NG MABUTING BALITA


Tutungo sa ambo ang namumuno upang ipahayag ang Mabuting Balita. Hindi babanggitin ng
namumuno ang pagbating ”Sumainyo ang Panginoon”.

PAGBASA NG HOMILIYA
Matapos ipahayag ang Mabuting Balita, babasahin ng namumuno ang inihandang homiliya ng kura
paroko. Pagkatapos ng homiliya, saglit na mananahimik ang lahat.
PAGPAPAHAYAG NG PANANAMPALATAYA
Sama-samang bibigkasin ng lahat ang Pagpapahayag ng Pananampalataya.

PANALANGING PANGKALAHATAN
Darasalin ang Panalanging Pangkalahatan na inihanda ng parokya. Kasama sa mga pagluhog ang
Simbahang laganap sa buong daigdig, ang mga pangangailangan ng lokal na sambayanan, mga
namumunong sibil, at iba pang mga kahilingan.

BANAL NA PAKIKINABANG
Ihahanda ng namumuno ang altar sa pamamagitan ng paglalagay ng corporal. Sa bahaging ito, sisindihan
ang mga kandila. Kukunin ng namumuno ang siboryo mula sa tabernakulo, ilalagay niya ito sa altar at
maninikluhod. Pagkatapos, haharap siya sa sambayanan at bibigkasin:

Mga kapatid,
sambahin natin ang Panginoong Hesukristo
na kapiling natin sa Banal na Sakramento
na kanyang inihabilin sa Simbahan
bilang buklod ng pagmamahalan
at tanda ng pag-ibig at pagkakaisa.
Babalik ang namumuno sa lugar ng sambayanan. Luluhod siya kasama ng sambayanan at maglalaan ng
ilang saglit na pagsamba. Maaaring umawit sa karangalan ng Banal na Sakramento.

PANALANGIN NG PAGPUPURI’T PAGPAPASALAMAT


Pagkatapos ng pagsamba sa Banal na Sakramento, tatayo ang lahat. Nakaharap sa altar, darasalin ng
namumuno ang Panalangin ng Pagpupuri’t Pagpapasalamat:

Amang mapagmahal,
ito ang araw ng muling pagkabuhay ng iyong Anak,
na aming Panginoong Hesukristo,
na siyang nagdulot ng kagalakan sa buong sanlibutan.
Ito ang araw nang nagpakita siya sa kanyang mga alagad,
upang bigyan sila ng pag-asa at kaginhawahan
at pagkalooban ng kapayapaan.
Ito ang araw nang nakisalo siya at nagpakilala sa kanila
sa pamamagitan ng paghahati-hati ng tinapay.
Kaya nagpupuri kami sa iyo:
“Parangal at papuri sa iyo, Panginoong Diyos.”
Bayan: Parangal at papuri sa iyo, Panginoong Diyos.

Namumuno: Ama, napakadakila ang iyong pag-ibig sa amin!


Tuwing nagtitipon kami, malayo man sa parokya,
hindi ka nawawala sa aming piling
bagkus higit naming pinananabikan
ang pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya.
Sinasamba at pinasasalamatan ka namin
sa mga kaloob at kapayapaang handog mo
at sa tinapay na nagbibigay buhay.
Kaya nagpupuri kami sa iyo.

Bayan: Parangal at papuri sa iyo, Panginoong Diyos.

Namumuno: Sa kapangyarihan ng iyong Banal na Espiritu,


mag-alab nawa sa aming puso ang iyong pag-ibig.
Maalala nawa naming lagi
ang itinuro ng iyong bugtong na Anak
sa Banal na Kasulatan
at makilala nawa namin siya
sa banal na sakramento sa altar.
Kaya nagpupuri kami sa iyo.

Bayan: Parangal at papuri sa iyo, Panginoong Diyos.

Namumuno: Kaisa ni N., na aming Papa, ni N., na aming Obispo,


ni N., na aming kura paroko,
at ang lahat ng simbahang laganap sa buong daigdig,
pinupuri at pinasasalamatan ka namin, Diyos aming Ama,
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.

Bayan: Amen.
AMA NAMIN
Pagkatapos ng Panalangin ng Pagpupuri’t Pagpapasalamat, aanyayahan ng namumuno ang bayan para
sa pagdarasal ng Ama Namin:

Sa tagubilin ng mga nakagagaling na utos at turo ni Hesus


na Panginoon natin at Diyos ipahayag natin ng lakas loob:

Ama namin...

PAGBIBIGAYAN NG KAPAYAPAAN
Aanyayahan ng namumuno ang sambayanan sa ganitong mga salita:

Magbigayan kayo ng kapayapaan sa isa’t isa.

PAKIKINABANG
Pagkatapos magbigayan ng kapayapaan, luluhod ang mga tao. Tutungo sa likod ng altar ang
namumuno, luluhod, kukuha ng ostiya mula sa siboryo, bahagyang itataas ito at bibigkasin:

Ito ang Kordero ng Diyos.


Ito ang nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan.
Mapalad ang mga inaanyayahan sa kanyang piging.
Tutugon ang bayan:
Panginoon, hindi ako karapat-dapat magpatuloy sa iyo,
ngunit sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako.

Habang nakikinabang ang sambayanan, aawit ng mga naaangkop na awit. Pagkatapos ng pakikinabang,
saglit na mananahimik ang lahat. Maaaring awitin ang Awit ng Papuri ni Zacarias (umaga) o ang Awit
ng Papuri ni Maria (gabi).

PANALANGIN PAGKAPAKINABANG
Tatayo ang sambayanan at darasalin ng namumuno ang sumusunod na panalangin:

Mapagmahal na Ama,
pinagsalu-salo mo kami sa tinapay ng buhay.
Lumago nawa ang aming pagkakaisa, pag-ibig
at malasakit sa isa’t-isa
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.

Amen.

Kung walang tabernakulo at maraming natirang ostiya, dadalhin ito sa parokya o sa pinakamalapit na
kapilya o bisita na kung saan ay may tabernakulo.

Sa pagkakataong ito, ipagbibigay alam ang mga patalastas. Tatanggapin ang mga handog ng
sambayanan ayon sa alituntunin ng parokya o ng diyosesis.

PAGHAYO
Sasabihin ng namumuno ang sumusunod na pananalita o katumbas nito:

Mga kapatid,
yamang ipinagdiwang na natin
ang misteryo ng kamatayan
at muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo,
humayo tayo at ipahayag ang salitang narinig
at mamuhay ayon sa diwa
ng Sakramentong natanggap.
Nakaharap sa altar, mag-aantanda ng krus ang namumuno, habang sinasambit:

Pagpalain tayo ng makapangyarihang Diyos


Ama, at Anak, at Espiritu Santo.

Bayan: Amen.

Namumuno: Humayo tayong taglay ang kapayapaan


upang ang Panginoon ay mahalin at paglingkuran.

Bayan: Salamat sa Diyos.

Maninikluhod sa tabernakulo ang namumuno kasama ang ibang tagapaglingkod; yuyuko sila sa altar at
hahayo. Maaaring umawit ng pangwakas na awit.

You might also like