You are on page 1of 11

Ang Seremonya ng Binyag

Ang Pagtanggap Sa Mga Bata

Ang Bayan ay maaaring kumanta ng salmo o awit na naaayon sa panahon. Samantala


ang pari o diyakono na nakasuot ng alba at stola na ang kulay ay naaayon sa panahon
liturhika, kasama ang mga naglilingkod sa altar ay tutungo sa pintuan ng Simbahan o sa
lugar kung saan naroroon ang mga magulang, mga ninong at ninang na naghihintay sa
pagsisimula ng Binyag. Ang Pari ay babati sa lahat ng naroroon, lalo na sa mga
magulang, mga ninong at ninang, at papaalalahanan sila ng kaligayahang makakamit
ng mga magulang sa kanilang anak bilang regalo mula sa Diyos, ang bukal ng buhay.
Ngayon sila ay hihiling na igawad ang buhay ng Diyos sa mga bibinyagan. Ang pari ay
magtatanong sa mga magulang, mga ninong at ninang.

Pari: Mga magulang, mga ninong at ninang, ano ang hinihiling ninyo sa
mga batang ito?

Magulang, Ninong at Ninang: Binyag.

Ang pari ay magsasalita sa mga magulang nang ganito: Ngayon hiniling


ninyo na binyagan ang mga batang ito. Ngayon tinatanggap ninyo ang
responsibilidad na sanayin sila sa pananampalataya. Ito ang inyong
katungkulan na palakihin sila sa kautusan ng Diyos gaya ng tinuro ni
Kristo, sa pamamagitan ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa.
Naiintindihan ba ninyo ang inyong ginagawang hakbangin?

Mga Magulang: Opo.

Sa panahong ito, ang pari ay dadako sa mga ninong at ninang, at sila ay


tatanungin nang ganito: Nakahanda ba kayong tumulong sa mga
magulang na akayin ang inyong mga inaanak sa pananampalataya?

Mga Ninong at Ninang: Opo.

Ipagpapatuloy ng pari: Bilang kinatawan ng Sambayanang Kristiyano,


ikinagagalak kong tanggapin ang inyong mga anak sa pamamagitan ng
pagkukrus sa kanilang noo.
Ang pari ay mag-aantanda ng krus, at sasabihin: Kaya't inaanyayahan ko
kayo mga magulang, mga ninong at ninang, upang krusan sa noo ang
inyong mga pabibinyagan.
Sa pagkakataong ito ang mga magulang, mga ninong at ninang ay mag-aantanda ng
krus sa noo ng mga bata. Ang pari ay aanyayahan ang mga magulang, mga ninong at
ninang, at iba pang naroroon na makiisa sa pagdiriwang ng Salita ng Diyos. Kung
ipinahihintulot ng pagkakataon kailangan magkaroon ng prusisyon patungo sa lugar
kung saan ipapahayag ang Salita ng Diyos. habang kinakanta ang naaayong awitin.

Liturhiya ng Salita ng Diyos

UNANG PAGBASA (Roma 8:28-32)

Pagbasa mula sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma.

Alam natin na ginagamit ng Diyos ang lahat para sa ikabubuti ng mga


nagmamahal sa kanya, na tinawag niya ayon sa kanyang pasya. Ang
mga nakilala niya'y itinalaga niya na maging kawangis at kalarawan ng
kanyang Anak upang maging panganay siya sa maraming magkakapatid.
At pagkakatalaga niya sa kanila, tinawag din niya sila, at pagkatawag sa
kanila, pinaging matuwid niya sila, at pagkabanal niya sa kanila,
niluluwalhati niya sila. Ano pa ang masasabi natin? Kung sumasaatin
ang Diyos, sino ang lalaban sa atin? Hindi niya kinaaawaan ang kanyang
Anak kundi ibinigay alang-alang sa lahat. Paanong hindi niya ibibigay
ang lahat pang iba kasama nito?
Ang Salita ng Diyos.

Bayan: Salamat sa Diyos.

SALMO RESPONSORYO (Salmo 23)

Tugon: Ang Panginoon ay aking pastol; di ako kukulangin sa anuman.


Ang Panginoon ang aking pastol, di ako kukulangin sa anuman.
Pinahihimlay niya ako sa luntiang pastulan, inaakay niya ako sa
payapang batisan, Pinagiginhawa niya ang aking kalooban. Tugon.

Pinapatnubayan ako sa matuwid na landas alang-alang sa kanyang


pangalan. Lumakad man ako sa lambak ng karimlan, wala akong
katatakutang masama pagkat kasama kita. Ang pamalo mo't tungkod ang
magpapasigla sa akin. Tugon.

Sa harap ng aking mga kaaway, ipaghahain mo ako, pinapahiran ng


langis ang aking ulo, umaapaw ang aking baso. Tugon.

Buong-buhay nga akong sinusundan ng kabutihang-loob at pag-ibig at sa


bahay ng Panginoon ako mananahan sa lahat ng Panahon. Tugon.

ALLELUYA (Juan 14: 6)

Ako siyang daan, ang katotohanan, at ang buhay, walang nakalalapit sa


Ama kundi sa pamamagitan ko.

EBANGHELYO (Marcos 10: 13-16)

Pari: Sumainyo ang Panginoon.

Bayan: At sumaiyo rin.

Pari: + Pagbasa sa Banal na Ebanghelyo ayon kay San Marcos.

Bayan: Papuri sa iyo, Panginoon.

May nagdala ng mga bata kay Hesus upang hilinging ipatong niya sa
mga ito ang kanyang kamay; ngunit pinagwikaan sila ng mga alagad.
Nagalit si Hesus nang makita ito, at sinabi sa kanila, "Pabayaan ninyong
lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin, sapagkat sa
mga katulad nila naghahari ang Diyos. Ito ang tandaan ninyo: Ang
sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit
na bata ay hindi mapapabilang sa mga pinaghaharian niya." At kinalong
ni Hesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at
pinagpala sila.

Pari: Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Bayan: Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

HOMILIYA

Pagkatapos ng pagpapahayag ng Salita ng Diyos, ang pari ay magbibigay ng maikling


homiliya, ipapaliwanag niya sa mga naroroon ang kahulugan ng nasabing pagbasa. Ang
kanyang hangarin ay magkaroon ng malalim na pang-unawa sa misteryo ng Binyag at
palakasin ang mga magulang, mga ninong at ninang sa paghahanda ng pagtanggap ng
kanilang responsibilidad na nagmula sa sakramento.

PANALANGIN NG BAYAN

Pari: Mga minamahal na kapatid, hilingin natin sa ating Panginoong


Hesukristo na tignan niya na may pagmamahal ang mga batang ito na
tatanggap ng Binyag, sa mga magulang, mga ninong at ninang, at sa
lahat ng binyagan. Ang ating itutugon: Panginoon dinggin mo kami.

Namumuno: Nawa'y sa pamamagitan ng misteryo ng pagkamatay at


muling pagkabuhay, nawa'y paliguan ng liwanag ang mga batang ito,
bigyan sila ng bagong buhay sa Binyag at tanggapin sila sa iyong Banal
na Simbahan. Tugon.

Namumuno: Nawa'y sa pamamagitan ng Binyag at Kumpil, gawin mo


ang mga nananampalatayang makasunod at maging saksi ng iyong
Ebanghelyo. Tugon.

Namumuno: Nawa'y akayin sila sa banal na buhay na pinaghaharian ng


Diyos na may kagalakan. Tugon.
Namumuno: Nawa'y ang mga magulang, mga ninong at ninang ay
maging halimbawa sa pamumuhay Kristiyano nang sa gayon sila ay
maging inspirasyon ng mga bata. Tugon.

PANALANGIN NG EKSORSISMO

Pari: Ama naming makapangyarihan, kusang loob kang nagmahal sa


amin, kaya sinugo mo ang iyong Anak upang kaming nasadlak sa
paniniil ng sala ay mabigyan ng laya. Sa tanda ng krus na banal loobin
mo na ang mga batang bibinyagan ay maging malaya sa pagkaalipin na
bunga ng pagsuway ng nilikha mong unang tao. Lukuban nawa sila ng
Banal na Espiritu upang sila ay mapuspos ng diwa ng muling
pagkabuhay ng iyong Anak. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni
Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.

Bayan: Amen.

Ipapatong ng pari ang kanyang mga kamay sa mga bata at sasabihin: Sa


kapangyarihan ng ating tagapagligtas na si Hesukristo, ikaw ay
magpakatatag ngayon at magpasalawang hanggan.

Bayan: Amen

Pagkatapos, sila'y pupunta sa bautisteryo.

Pagdiriwang ng Sakramento

Sila ay tutungo sa bautisteryo at ipapaalala ng pari sa sambayanang natitipon ang


kahangahangang gawa ng Diyos, ang kanyang plano na mapabanal ang tao, katawan at
kaluluwa sa pamamagitan ng tubig.

Pari: Mga kapatid halina't hilingin sa Diyos na nagkaloob ng kanyang


buhay sa mga sumasampalataya at nagpapabinyag upang ang kanyang
paglukob at paglingap ay maidulot ng tubig na puspos ng kanyang
pagbabasbas.
PAGBABASBAS AT PAGTAWAG SA DIYOS PARA SA TUBIG NA
PAMBINYAG

Ang pari ay haharap sa bautisteryo, habang sinasabi ang panalangin ng


pagbabasbas: Ama naming maawain pinabukal mo sa Binyag ang iyong
buhay para sa mga umaanib sa iyong Sambayanan.

Bayan: Kapuri-puri ka ngayon at kailan man.

Pari: Ama naming mapagkalinga, pinagkakaisa mo ang mga


tumatanggap ng pagbibinyag sa Tubig at Espiritu Santo upang maging
mga kapatid ni Hesukristo.

Bayan: Kapuri-puri ka ngayon at kailan man.

Pari: Ama naming mapagmahal, iniligtas mo ang mga tumanggap sa


Espiritu ng iyong pag-ibig upang magkamit ng iyong kapayapaan.

Bayan: Kapuri-puri ka ngayon at kailan man.

Pari: Ama naming mapagpala, hinirang mo ang mga binibinyagan upang


masayang ipahayag ang mabuting Balita ni Kristo para sa lahat.

Bayan: Kapuri-puri ka ngayon at kailan man.

Pari: Ama naming Lumikha, halina na po kayo at basbasan + ang tubig


na nakalaan para sa pagbibinyag ng mga hinirang para sa muling
pagsilang at pananampalataya ng Simbahang naghahatid sa buhay sa
kalangitan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.

Bayan: Amen.
PAGTATAKWIL SA KASALANAN AT PAGPAPAHAYAG NG
PANANAMPALATAYA

Ang pari ay magsasalita sa mga magulang, mga ninong at ninang ng


ganito: Mga minamahal na magulang, mga ninong at ninang, noong tayo
ay binyagan tayo ay nalibing kasama ni Kristo, upang kasama rin niya
tayo upang makapagbagong-buhay. Bilang tanda ng inyong pananagutan
sa paghubog ng inyong mga anak ayon sa Banal na Aral sariwain ninyo
ngayon ang inyong pangako noong kayo ay binyagan na tatalikuran ang
lahat ng kasamaan at kasalanan.

Mga katanungan sa mga magulang, mga ninong at ninang.

Pari: Mga magulang, mga ninong at ninang, itinatakwil ba ninyo si


Satanas?
Tugon: Opo, itinatakwil namin.

Pari: Itinatakwil ba ninyo ang kanyang mga gawain?

Tugon: Opo, itinatakwil namin.

Pari: Itinatakwil ba ninyo ang kanyang pang-aakit?

Tugon: Opo, itinatakwil namin.

Ang susunod na mga tanong ay tungkol sa tatlong bahagi ng ating pinapahayag na


pananampalataya.

Pari: Mga magulang, mga ninong at ninang, sumasampalataya ba kayo


sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat na may gawa ng langit at
lupa?

Tugon: Opo, sumasampalataya kami.


Pari: Sumasampalataya ba kayo kay Hesukristo, iisang Anak ng Diyos,
Panginoon nating lahat, ipinanganak ni Santa Mariang Birhen, ipinako
sa krus, namatay, at inilibing, muling nabuhay at naluluklok sa kanan ng
Ama?

Tugon: Opo, sumasampalataya kami.

Pari: Sumasampalataya ba kayo sa Espiritu Santo, sa Banal na


Simbahang Katolika, sa kasamahan ng mga banal, sa kapatawaran ng
mga kasalanan, sa muling pagkabuhay ng mga namatay, at sa buhay na
walang hanggan?

Tugon: Opo, sumasampalataya kami.

Ang Pari at ang sambayanan ay magbibigay ng pagsang-ayon sa ipinahayag na


pananampalataya.

Pari: Ito ang ating pananampalataya. Ito ang pananampalataya ng ating


Simbahan. Marangal nating ipinahayag ito, kay Kristo Hesus na ating
Panginoon.

Bayan: Amen.

Pari: Talaga bang bukal sa inyong loob na si P... ay pabinyagan upang


hubugin sa ipinahayag nating pananampalataya?

Bayan: Opo.

Tatlong ulit na ilulubog ang buong katawan sa tubig o kaya ay bubuhusan sa ulo nito
ang bawat batang bibinyagan at sasabihin ng pari:

P... IKAW AY BINIBINYAGAN KO SA NGALAN NG AMA,

Ang binibinyagan ay ilulubog ang buong katawan sa tubig o bubuhusan nito sa ulo sa
unang pagkakataon.
AT NG ANAK,

Ang binibinyagan ay ilulubog ang buong katawan sa tubig o bubuhusan nito sa ulo sa
ikalawang pagkakataon.

AT NG ESPIRITU SANTO.

Ang binibinyagan ay ilulubog ang buong katawan sa tubig o bubuhusan nito sa ulo sa
ikatlong pagkakataon. Ito ay kanya muling itatanong at gagawin sa bawat batang
bibinyagan. Kung ang binyag ay isinagawa sa pagbubuhos ng tubig, ipinapayo ang ina
(o ama) ang siyang kakarga sa mga bata kung ito ay isa pang kaugalian umiiral sa
lugar. Ngunit kung ang pagbibinyag ay sa pamamagitan ng paglulubog, ang ina o ama
(ninong o ninang) ang siyang magtataas ng mga bata mula lubluban ng bautisteryo.
Habang isinasagawa ang pagbibinyag, ang sambayanan ay maaring kumanta ng mga
naaayong awitin. Maliban sa pagkanta ng mga awitin ay maaring rin basahin ang ilan
sa mga pagbasa mula sa Banal na kasulatan o kaya naman ay magkaroon na lamang ng
katahimikan.

PAGLALAGAY NG BANAL NA LANGIS

Ang pari ay sasabihin minsan ang pormula ng pagpapahid ng langis para


sa lahat ng batang bibinyagan: Ngayong naganap na ng Diyos Ama, ng
Panginoong Hesukristo ang muling pagsilang sa tubig at Espiritu Santo,
ang pagpapahid ng langis ay nagpapakilala ng paglukob ng Espiritu
Santo sa muling isinilang sa binyag. Maging matatag nawa ang mga
batang ito sa kanilang pakikiisa kay Kristong hari, pari at propeta,
ngayon at magpakailanman.

Bayan: Amen.

Lalagyan ng banal na langis o krisma ang ulo ng mga nabinyagan nang tahimik.

PAGSUSUOT NG DAMIT NA PUTI

Pari: Ang damit pambinyag ay tanda ng muling pagsilang kay Kristo at


ng dakilang karangalan ng mga anak ng Diyos. Nawa'y manatiling
wagas at walang bahid-dungis ang kanilang karangalan hanggang
matamo nila ang buhay na walang hanggan.

Bayan: Amen.

Ang puting damit ay isusuot sa mga bata. May ibang kulay ng damit na hindi
pinapayagan, maliban na lamang kung ito ay bahagi pa ng mga kaugalian ng lugar.
Ipinapayo na ang pamilya ang siyang magsusuot ng damit sa nabinyagan.

PAGBIBIGAY NG KANDILANG NAGDIRINGAS

Hahawakan ng pari ang Kandilang Paskuwal at sasabihin ng ganito: Ang


ilaw na ito ay tanda ng liwanag ni Kristo na tinanggap ng mga bagong
binyag, sa tulong ng mga magulang, mga ninong at ninang, nawa'y mag-
alab ito sa kanilang puso't diwa hanggang sa pagbabalik ni Kristo na
ating Panginoon.

Ang lahat ng nakikiisa sa pagdiriwang ay may hawak na kandila. Ang ama ng batang
nabinyagan ang siyang lalapit sa Kandilang Paskuwal upang sindihan mula rito ang
hawak niyang kandila at ito ay ibabahagi niya sa iba. Sa pagkakataong ito, ang
sambayanan ay maaaring kumanta ng naaayong awitin. Kung ang pagbibinyag ay
naisagawa sa bautisteryo, pagkatapos ng rito ay magkakaroon ng prusisyon patungo sa
altar. Ang nasindihang kandila ay dadalhin para sa mga bata.

PANGWAKAS NA RITO

AMA NAMIN

Ang pari ay tatayo sa harapan ng altar at kanyang sasabihin sa mga


magulang, mga ninong at ninang, at sa buong sambayanan ang ganito:
Naging anak tayo ng kaliwanagan kay Kristo. Dumulog tayo ngayon sa
ating Ama na bukal ng kaliwanagan at buhay sa panalanging itinuro sa
atin ng ating Panginoong Hesukristo.

Bayan: Ama Namin...

PAGBABASBAS
Ang pari ay magbibigay ng bendisyon sa buong sambayanan ng ganito:
Nawa'y ang Diyos, ang bukal ng buhay at pag-ibig, ay punuin ng
pamamahal ang puso ng ina para sa kanilang anak. Pagpalain ang mga
ina ng mga bagong binyag na bata. Habang sila ay nagpapasalamat sa
Diyos para sa payapang panganganak, nawa'y matagpuan nila ang
kasiyahan sa pag-ibig, paglago at kabanalan ng kanilang mga anak.

Bayan: Amen.

Pari: Nawa'y ang Diyos, ang ating Ama at huwaran ng mga ama,
tulungan nawa niya ang mga ama na naririto na maging mabuting
halimbawa, nang sa gayon ang kanilang mga anak ay lumago at maging
hustong Kristiyano sa lahat ng kapunuan ni Hesukristo.

Bayan: Amen.

Pari: Nawa'y ang Diyos, na nagmamahal sa lahat ng tao, basbasan nawa


niya ang mga ninong at ninang, kamag-anak at kaibigan na natitipon
dito. Sa kanyang awa, nawa'y ipagsanggalang sila sa masama at bigyan
sila ng masaganang kapayapaan.

Bayan: Amen.

Pari: Humayo kayong mapayapa at pagpalain kayo ng Poong Maykapal.


sa ngalan ng Ama, ng Anak + at ng Espiritu Santo.

Bayan: Amen.

Pagkatapos ng pagbabasbas ay kakantahin ang awit na pangwakas bilang pasasalamat


sa kasiyahang dulot ng Binyag. Maaari rin kantahin sa pagwawakas ang mga awitin
patungkol sa Mahal na Birheng Maria, lalo na kung mayroong kaugalian na dalhin ang
nabinyagang sanggol sa dambana ng Mahal na Birheng Maria, bilang paghahabilin sa
kanyang makainang pagkalinga.

You might also like