You are on page 1of 28

PAGMIMISA SA BISPERAS

SA PASKO NG PAGSILANG NG PANGINOON

ANG MISA NG SAMBAYANAN

PAMBUNGAD
Exodo 16, 6-7
Ngayo’y inyong malalamang
darating ang Poong mahal.
Bukas ay masasaksihan
ang dulot na kaligtasan
ng kanyang kapangyarihan.

PASIMULA
Kapag natitipon na ang sambayanan, ang pari at mga tagapaglingkod ay lalakad patungo sa dambana
samantalang ang awiting pambungad ay ginaganap.

Pagsapit sa dambana, ang pari at mga tagapaglingkod ay magbibigay-galang alinsunod sa hinihinging


paraan. Magbibigay-galang ang pari sa dambana sa pamamagitan ng paghalik sa ibabaw. Kung
minamabuti niya, maiinsensuhan niya ito. Pagkatapos, ang pari ay paroroon sa kanyang upuan.

Matapos ang awiting pambungad, habang nakatayo ang lahat, ang pari at ang mga tao ay magkukrus.
Ipahahayag ng paring nakaharap sa mga tao:

Sa ngalan ng Ama
at ng Anak at ng Espiritu Santo.
Sasagot ang mga tao:

Amen.
Ilalahad ng pari ang kanyang mga kamay bilang pagbati sa mga tao, habang ipinahahayag:

Ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na Ama natin


at sa Panginoong Hesukristo nawa’y sumainyo.
Sasagot ang mga tao:

At sumaiyo rin.
PAGSISISI SA KASALANAN
Susunod na gaganapin ang pagsisisi sa kasalanan. Aanyayahan ng pari ang mga tao:

Mga kapatid,
aminin natin ang ating mga kasalanan
upang tayo’y maging marapat gumanap
sa banal na pagdiriwang.
Magkakaroon ng saglit na katahimikan. Pagkatapos nito, lahat ay sabay-sabay na aamin sa nagawang
kasalanan.

Inaamin ko sa makapangyarihang Diyos,


at sa inyo, mga kapatid,
na lubha akong nagkasala
Ang lahat ay dadagok sa dibdib.

sa isip, sa salita, sa gawa


at sa aking pagkukulang.
Kaya isinasamo ko
sa Mahal na Birheng Maria,
sa lahat ng mga anghel at mga banal
at sa inyo, mga kapatid,
na ako’y ipanalangin sa Panginoong ating Diyos.

PANALANGING PAMBUNGAD
(Pagkaraan ng awit,) magkadaop ang mga kamay na ipahahayag ng pari:

Manalangin tayo.
Ang lahat kaisa ng pari ay tahimik na mananalangin nang saglit. Pagkalipas ng ilang sandali, ilalahad
ng pari ang kanyang kamay at ipahahayag ang panalanging pambungad.

Ama naming makapangyarihan,


kami’y dinudulutan mo ng kagalakan
sa paghihintay namin taun-taon sa aming kaligtasan.
Ang iyong Bugtong na Anak na naparito upang magligtas
ay amin ngayong tinatanggap nang buong galak.
Sa kanyang pagdating upang maghukom
kami nawa’y huwag masindak sa kanyang ihahatol,
sapagka't siya ang namamagitan
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
Sa katapusan nito’y sasagot ang mga tao ng pagbubunyi:

Amen.

PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS


UNANG PAGBASA
Isaias 62, 1-5

SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 4-5. 16-17. 27 at 29
(Tugon: 2a) Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.

IKALAWANG PAGBASA
Mga Gawa 13, 16-17. 22-25

ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Bukas ninyo makikita
maghahari’y Poong sinta
patatawarin ang sala.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 1, 1-25

HOMILIYA

PAGPAPAHAYAG NG PANANAMPALATAYA
Kasunod ng homiliya ang pagpapahayag ng pananampalataya kapag ito ay nakatakda.

Sumasampalataya ako
sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat,
na may gawa ng langit at lupa.
Sumasampalataya ako kay Hesukristo,
iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat.
Sa pangungusap na Nagkatawang tao siya hanggang Santa Mariang Birhen ang lahat ay luluhod.

NAGKATAWANG-TAO SIYA LALANG NG ESPIRITU SANTO,


IPINANGANAK NI SANTA MARIANG BIRHEN.
Pinagpakasakit ni Poncio Pilato,
ipinako sa krus, namatay, inilibing.
Nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao.
Nang may ikatlong araw nabuhay na mag-uli.
Umakyat sa langit.
Naluluklok sa kanan ng Diyos
Amang makapangyarihan sa lahat.
Doon magmumulang paririto
at huhukom sa nangabubuhay at nangamatay na tao.
Sumasampalataya naman ako
sa Diyos Espiritu Santo,
sa banal na Simbahang Katolika,
sa kasamahan ng mga banal,
sa kapatawaran ng mga kasalanan,
sa pagkabuhay na muli ng nangamatay na tao
at sa buhay na walang hanggan.
Amen.

PANALANGING PANGKALAHATAN O PANALANGIN NG


BAYAN
Paanyaya
Sa gabing ito, mga mahal na kapatid ko,
ngayong ipinahayag ng Poong Tagapagligtas
ang pag-ibig niyang makatao
halinang dumalangin sa ating Diyos at magmakaawa tayo
nang may pagtitiwala sa pagkamaawain niyang totoo.
Panginoon, kami’y iyong pakinggan.

1. Para sa Sambayanan ng Poong Maykapal upang ang ipinaglihi ng


Mahal na Birhen sa tugon niyang bigay at ang ipinanganak niya sa
hatinggabing tigib katahimikan ay ating tanggapin nang may tiwala
at patuluyin nang may kagalakan, manalangin tayo sa Panginoon.

2. Para sa kaunlaran at kapayapaan ng sanlibutan upang ang lahat ng


bigay ng Poong Maykapal ay humantong sa pagkakamit ng tanan sa
gantimpalang kanyang inilaan, manalangin tayo sa Panginoon.

3. Para sa mga nasa kagutuman, karamdaman at kapanglawan upang


ang nagaganap na pagpapakita ng Mesiyas na sumilang ay magdulot
ng lakas ng loob, sigla at kalusugan, manalangin tayo sa Panginoon.

4. Para sa mga mag-anak ng ating Sambayanan, upang sa pagtanggap


kay Kristong nanunuluyan siya’y matutuhang paglingkuran ng mga
bata at magulang sa katauhan ng mga nasa karalitaan, manalangin
tayo sa Panginoon.

Sa katahimikan ng ating mga puso, idulog natin sa Panginoon ang


ating mga pansariling kahilingan at mga kahilingang ipinagdarasal
sa Misang ito.

Ang lahat ay tahimik na mananalangin nang saglit.

Pangwakas na Panalangin ng pari

Amang makapangyarihan,
kami’y naninikluhod na iyong pagbigyan
sa mga kahilingan naming ang Tagapag-alay
ay ang Diyos na totoo at tao namang totoong ngayo’y isinilang
ang Panginoon naming si Hesukristo
na namamagitan kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.

Sa katapusan nito’y sasagot ang mga tao ng pagbubunyi:

Amen.

PANALANGING UKOL SA MGA ALAY


Pagkaraa’y, ilalahad ng pari ang kanyang mga kamay at darasalin niya ang panalangin ukol sa mga
alay:

Ama naming Lumikha,


ang maligayang Paskong ito ay loobin mong maipagdiwang
nang may paghahaing puspos kagalakan
ngayong ang pinagbuhatan ng aming kaligtasan
ay iyong ipinamamalas
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
Sa katapusan nito’y sasagot ang mga nagsisimba bilang pagbubunyi:

Amen.

UNANG PAGBUBUNYI O PREPASYO


SA PASKO NG PAGSILANG
Si Kristo at ang Ilaw

Pari: Sumainyo ang Panginoon.


Bayan: At sumaiyo rin.

Pari: Itaas sa Diyos ang inyong puso at diwa.


Bayan: Itinaas na namin sa Panginoon.

Pari: Pasalamatan natin ang Panginoong ating Diyos.


Bayan: Marapat na siya ay pasalamatan.
Pari: Ama naming makapangyarihan,
tunay ngang marapat
na ikaw ay aming pasalamatan
sa pamamagitan ni Hesukristo
na aming Panginoon.
Ang Anak mong di na naiiba sa amin
ay siyang pumawi sa dilim
kaya ngayo’y ikaw ang aming nababanaagan.
Ang Anak mong di naiiba sa iyo ay siyang iisang Salita mo.
Sa katauhan niya ang iyong sarili’y aming nakikita.
Sa pamamagitan niya ang iyong pag-ibig ay kahali-halina
kahit ikaw ay lingid sa aming mata.

Kaya kaisa ng mga anghel


na nagsisiawit ng papuri sa iyo
nang walang humpay sa kalangitan,
kami’y nagbubunyi sa iyong kadakilaan:

Santo, Santo, Santo…

UNANG PANALANGIN NG PAGPUPURI AT


PAGPAPASALAMAT
O PAMANTAYANG PANALANGIN NG ROMA
Nakalahad ang mga kamay ng pari sa pagdarasal.

Ama naming maawain,


ipinaaabot namin ang pasasalamat sa iyo
sa pamamagitan ng aming Panginoong Hesukristo.
Pagdaraupin ng pari ang kamay at kukrusan niya ang tinapay at kalis, samantalang kanyang dinarasal:

Ipinakikiusap namin sa pamamagitan ng Anak mong ito


na ang mga kaloob namin ay tanggapin at basbasan mo 
sa pagdiriwang namin ng paghahain niya sa iyo.
Nakalahad ang mga kamay ng pari sa pagdarasal:

Iniaalay namin ito sa iyo,


unang-una para sa iyong banal
na Simbahang Katolika.
Pagkalooban mo ng kapayapaan at pagkupkop,
pagkakaisa at pagtataguyod,
ang mga kaanib nito sa sansinukob,
kaisa ng aming Papa Francisco, na iyong lingkod,
kasama ng aming Obispo Luis Antonio,*
(ng kanyang katulong na obispo,)
at ng lahat ng nananalig at nagpapalaganap
sa pananampalatayang katoliko
na galing sa mga apostol.

Pag-alala sa mga nabubuhay sa daigdig

Nagmimisa o isa sa Nakipagmisa.

Ama namin,
iyong alalahanin ang iyong mga anak
na ngayo’y aming idinadalangin:
N. at N.
Sila’y saglit na ipagdarasal ng pari nang may magkadaop na mga kamay. Pagkatapos, ang pari ay
patuloy na magdarasal nang nakalahad ang mga kamay.

Ang aming pananampalataya ay nababatid mo


gayun din ang pagsisikap naming maging tapat sa iyo.
Ang paghahaing ito ng pagpupuri ay aming iniaalay
para sa kapakanan namin
at ng mga mahal namin sa buhay,
para sa aming kalusugan
at walang hanggang kaligtasan
sa pagdulog namin sa iyong kadakilaan,
Diyos na totoo at nabubuhay kailanman.

Pag-alala sa mga Banal

Nagmimisa o isa sa Nakipagmisa.

Kaisa ng buong Simbahan,


ipinagdiriwang namin sa gabing ito
ang dakilang kapistahan ng Pasko ng Pagsilang
ng Tagapagligtas sa sanlibutan,
noong siya’y ipanganak ni Santa Maria
na nagdalang-tao at nanatili pa ring Birhen.
Pinararangalan namin ngayon, unang-una
ang Ina ng Diyos at Panginoon naming Hesukristo,
si Maria na maluwalhating laging Birhen,
gayundin ang kanyang kabiyak ng pusong si San Jose,
ang iyong pinagpalang mga apostol at martir
na sina Pedro, Pablo, at Andres,
(sina Santiago, Juan,
Tomas, Santiago, Felipe,
Bartolome, Mateo,
Simon at Tadeo;
gayundin sina Lino, Cleto, Clemente, Sixto,
Cornelio, Cipriano,
Lorenzo, Crisogono,
Juan at Pablo,
Cosme at Damian)
at ang lahat ng iyong mga banal.
Pakundangan sa kanilang ginawang mga kabutihan
at walang sawang pagdalangin
para sa aming kapakanan,
kami ay lagi mong kalingain at ipagsanggalang.

(Sa pamamagitan ng aming Panginoong Hesukristo. Amen.)

Nagmimisa lamang.

Nakalahad ang mga kamay ng pari sa pagdarasal:

Ama namin, iyong tanggapin


ang handog na ito ng iyong buong angkan.
Loobin mong kami ay makapamuhay
araw-araw sa iyong kapayapaan.
Huwag mong ipahintulot na kami
ay mawalay sa iyo kailan pa man.
Ibilang mo kami sa iyong mga hinirang.
Pagdaraupin ng pari ang kanyang mga kamay.

(Sa pamamagitan ng aming Panginoong Hesukristo. Amen.)


Nagmimisa at Nakipagmisa.
Lulukuban ng mga kamay ng pari ang mga alay habang siya’y nagdarasal:

Ama namin, basbasan mo


ang mga handog naming ito.
Marapatin mong sambahin ka namin
sa Espiritu at katotohanan,
kaya para sa amin
ito ay gawin mong maging Katawan at Dugo
ng pinakamamahal mong Anak,
ang aming Panginoong Hesukristo.
Paggdaraupin niya ang kanyang mga kamay.

Ang mga salita ng Panginoon sa mga sumusunod na pangungusap ay ipahahayag nang malinaw at
nauunawaan ng tanan ayon sa hinihingi ng kahulugan ng mga ito.

Noong bisperas ng kanyang pagpapakasakit,


Hahawakan ng pari ang tinapay nang bahagyang nakataas sa ibabaw ng dambana habang kanyang
patuloy na inihahayag:

hinawakan niya ang tinapay


sa kanyang banal at kagalang-galang na mga kamay.
Ang pari ay titingala.

Tumingala siya sa langit,


sa iyo, Diyos Ama niyang makapangyarihan,
at nagpasalamat siya sa iyo.
Pinaghati-hati niya ang tinapay,
iniabot sa kanyang mga alagad at sinabi:
Bahagyang yuyuko ang Tagapagdiwang.
TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT KANIN:
ITO ANG AKING KATAWAN
NA IHAHANDOG PARA SA INYO.
Ipamamalas niya ang ostiyang itinalagang maging Katawan ni Kristo, ipapatong niya ito sa pinggan, at
luluhod siya bilang pagsamba.

Ang pari ay magpapatuloy:

Gayun din naman, noong matapos ang hapunan,


Hahawakan ng pari ang kalis nang bahagyang nakataas sa ibabaw ng dambana habang kanyang patuloy
na inihahayag:

hinawakan niya ang kalis na ito ng pagpapala


sa kanyang banal at kagalang-galang na mga kamay,
muli ka niyang pinasalamatan,
iniabot niya ang kalis
sa kanyang mga alagad at sinabi:

Bahagyang yuyuko ang pari.

TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT INUMIN:


ITO ANG KALIS NG AKING DUGO
NG BAGO AT WALANG HANGGANG TIPAN,
ANG AKING DUGO NA IBUBUHOS
PARA SA INYO AT PARA SA LAHAT
SA IKAPAGPAPATAWAD NG MGA KASALANAN.

GAWIN NINYO ITO SA PAG-ALALA SA AKIN.


Ipamamalas niya ang kalis, ipapatong niya ito sa telang patungan ng Katawan ni Kristo at luluhod siya
bilang pagsamba.

Pagkatapos, ipapahayag ng pari:

Ipagbunyi natin ang misteryo ng pananampalataya.


Ang mga tao ay magbubunyi:

Si Kristo’y namatay!
Si Kristo’y nabuhay!
Si Kristo’y babalik sa wakas ng panahon!

Nagmimisa at Nakipagmisa.

Ilalahad ng pari ang kanyang mga kamay samantalang siya ay nagdarasal:

Ama,
kaming mga lingkod mo at bumubuo sa iyong bayang banal
ay nagdiriwang sa alaala ni Kristo
na iyong Anak at aming Panginoon.
Ginugunita namin
ang kanyang dakilang pagpapakasakit
ang pagbangon niya mula sa kamatayan,
at ang matagumpay na pag-akyat niya sa kalangitan.
Kaya mula sa mga biyayang sa iyo rin nanggaling
inihahandog namin sa iyong kataas-taasang kamahalan
ang paghahaing ito na katangi-tangi at dalisay:
ang pagkaing nagbibigay-buhay kailanman
at ang inuming nagbibigay-kagalingang walang katapusan.

Masdan mo nang buong kasiyahan ang aming mga alay na ito.


Ganapin mo sa mga ito ang ginawa mo
sa mga handog ni Abel,
ang lingkod na matapat sa iyo,
sa paghahain ni Abraham,
na ama namin sa pananampalatayang totoo,
at sa inihandang tinapay at alak ni Melkisedek,
na paring hirang mo.
Paunlakan mo ngayong tanggapin
ang banal at dalisay na paghahain.

Yuyuko ang pari at magdasal siyang magkadaop ang mga kamay:

Makapangyarihang Diyos,
hinihiling naming iyong ipaakyat sa banal mong anghel
ang mga alay na ito sa dakilang dambanang nasa iyong harap
upang sa pagsasalo sa banal na Katawan at Dugo ng iyong Anak
sa pakikinabang namin ngayon dito sa banal mong hapag
Tatayo nang matuwid ang pari at magkukrus samantalang nagdarasal:

kami ay mapuspos † ng iyong pagpapala


at tanang pagbabasbas.
Pagdaraupin ng tagapagdiwang ang kanyang mga kamay.

(Sa pamamagitan ng aming Panginoong Hesukristo. Amen.)


Pag-alala sa mga yumao sa daigdig

Nagmimisa o isa sa Nakipagmisa.

Nakalahad ang mga kamay ng pari sa pagdarasal.

Ama namin, iyo ring alalahanin


ang mga anak mong naunang yumao sa amin
sa paghimlay sa iyong kapayapaan
yamang ang tatak ng pananampalataya ay kanilang taglay
at sila ngayo’y aming ipinagdarasal:
N. at N.
Sila’y saglit na ipagdarasal ng pari nang may magkadaop na mga kamay. Pagkatapos, ang pari ay
patuloy na magdarasal nang nakalahad ang mga kamay.

Sila at ang tanang nahihimlay sa kandungan ni Kristo


ay aming idinadalangin sa iyo
upang iyong pagbigyang makarating
sa pagsasalo, pagliliwanag at pamamahinga sa iyong piling.
Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay.

(Sa pamamagitan ng aming Panginoong Hesukristo. Amen.)

Nagmimisa o isa sa Nakipagmisa.

Dadagukan ng kanang kamay ng pari ang kanyang dibdib habang siya ay nagsisimulang magdasal.
Kahit kami ay mga makasalanan mong lingkod
kami rin ay nagtitiwala sa iyong nag-uumapaw na pagkamapagbigay
sa aming pamumuhay araw-araw.

Kaya pagindapatin mo ring kami ay maka-ugnay at makapiling


ng iyong mga banal na apostol at martir,
kasama nina Juan Bautista, Esteban,
Matias, Bernabe,
(Ignacio, Alejandro,
Marcelino, Pedro,
Felicidad, Perpetua,
Agata, Lucia,
Agnes, Cecilia, Anastacia)
at ng lahat ng iyong mga banal.
Kami nawa’y makapisan nila
hindi dahil sa aming ginagawang kabutihang kulang na kulang
kundi pakundangan sa iyong pagpupuno sa aming kakulangan.
Pagdaraupin ng pari ang kanyang mga kamay.

Sa pamamagitan ng aming Panginoong Hesukristo. Amen.


Nagmimisa lamang.

At patuloy siyang magdarasal.

Sa kanyang pamamagitan ang tanang mabubuting kaloob mong ito


ay lagi mong pinaiiral, pinababanal, binubuhay, binabasbasan
at sa amin ibinibigay.
Hahawakan ng pari ang pinggang may ostiya at ang kalis at kapwa niya itataas habang kanyang
ipinahahayag:

Sa pamamagitan ni Kristo, kasama niya, at sa kanya


ang lahat ng parangal at papuri ay sa iyo,
Diyos Amang makapangyarihan,
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.
Ang mga tao ay magbubunyi:

Amen.
IKATLONG PANALANGIN
NG PAGPUPURI AT PAGPAPASALAMAT
Nakalahad ang mga kamay ng pari sa pagdarasal.

Ama naming banal,


dapat kang purihin ng tanang kinapal
sapagka't sa pamamagitan ng iyong Anak
na aming Panginoong Hesukristo
at sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu
ang lahat ay binibigyan mo ng buhay at kabanalan.
Walang sawa mong tinitipon ang iyong sambayanan
upang mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw
maihandog ang malinis na alay
para sambahin ang iyong ngalan.
Pagdaraupin ng pari ang kanyang mga kamay at lulukuban ng mga kamay niya ang mga alay habang
siya’y nagdarasal.

Ama,
isinasamo naming pakabanalin mo
sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu
ang mga kaloob na ito na aming inilalaan sa iyo
Pagdaraupin ng pari ang kanyang mga kamay at kukrusan niya ang tinapay at kalis, samantalang
kanyang dinarasal:

Ito nawa ay maging Katawan at Dugo 


ng iyong Anak na aming Panginoong Hesukristo
Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay.

na nag-utos ipagdiwang ang misteryong ito.


Ang mga salita ng Panginoon sa mga sumusunod na pangungusap ay ipahahayag nang malinaw at
nauunawaan ng tanan ayon sa hinihingi ng kahulugan ng mga ito.

Noong gabing ipagkanulo siya,


Hahawakan ng pari ang tinapay nang bahagyang nakaangat sa ibabaw ng dambana habang patuloy na
inihahayag:

hinawakan niya ang tinapay,


pinasalamatan ka niya,
pinaghati-hati niya iyon,
iniabot sa kanyang mga alagad at sinabi:
Bahagyang yuyuko ang pari.

TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT KANIN:


ITO ANG AKING KATAWAN
NA IHAHANDOG PARA SA INYO.
Ipamamalas niya ang ostiyang itinalagang maging Katawan ni Kristo, ipapatong niya ito sa pinggan, at
luluhod siya bilang pagsamba. Ang pari ay magpapatuloy:

Gayun din naman, noong matapos ang hapunan,


Hahawakan ng pari ang kalis nang bahagyang nakataas sa ibabaw ng dambana habang kanyang patuloy
na inihahayag:

hinawakan niya ang kalis


muli ka niyang pinasalamatan,
iniabot niya ang kalis sa kanyang mga alagad
at sinabi:
Bahagyang yuyuko ang pari.

TA NGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT INUMIN:


ITO ANG KALIS NG AKING DUGO
NG BAGO AT WALANG HANGGANG TIPAN,
ANG AKING DUGO NA IBUBUHOS
PARA SA INYO AT PARA SA LAHAT
SA IKAPAGPAPATAWAD NG MGA KASALANAN.
GAWIN NINYO ITO SA PAG-ALALA SA AKIN.

Ipamamalas niya ang kalis, ipapatong niya ito sa telang patungan ng Katawan ni Kristo, at luluhod siya
bilang pagsamba.

Pagkatapos, ipahahayag ng pari:

Ipagbunyi natin ang misteryo ng pananampalataya.


Ang mga tao ay magbubunyi:

Si Kristo’y namatay!
Si Kristo’y nabuhay!
Si Kristo’y babalik sa wakas ng panahon!
Ilalahad ng pari ang kanyang mga kamay samantalang siya ay nagdarasal:

Ama,
ginugunita namin
ang pagkamatay ng iyong Anak
na sa ami’y nagligtas,
gayun din ang kanyang muling pagkabuhay
at pag-akyat sa kalangitan
samantalang ang kanyang pagbabalik
ay pinananabikan,
kaya bilang pasasalamat
ngayo’y aming iniaalay sa iyo
ang buhay at banal na paghahaing ito.
Tunghayan mo ang handog na ito
ng iyong Simbahan.
Masdan mo ang iyong Anak
na nag-alay ng kanyang buhay
upang kami ay ipakipagkasundo sa iyo.
Loobin mong kaming magsasalu-salo
sa kanyang Katawan at Dugo
ay mapuspos ng Espiritu Santo
at maging isang katawan at isang diwa kay Kristo.
Nagmimisa o isa sa Nakipagmisa.

Kami nawa ay gawin niyang handog


na habang panahong nakatalaga sa iyo.
Tulungan nawa niya kaming magkamit ng iyong pamana
kaisa ng Ina ng Diyos, ang Mahal na Birheng Maria,
kaisa ng mga Apostol, mga martir
(ni N., ang banal na pinararangalan o pinipintuho)
at kaisa ng lahat ng mga Banal
na aming inaasahang laging nakikiusap para sa aming kapakanan.

Nagmimisa o isa sa Nakipagmisa.


Ama,
ang handog na ito
ng aming pakikipagkasundo sa iyo
ay magbunga nawa ng kapayapaan at kaligtasan
para sa buong daigdig.
Patatagin mo sa pananampalataya at pag-ibig
ang iyong Simbahang naglalakbay sa lupa,
kasama ng iyong lingkod na si Papa Francisco,
ang aming Obispo Luis Antonio,*
(ng kanyang katulong na obispo,)
ng tanang mga Obispo at buong kaparian
at ng iyong piniling sambayanan.
Dinggin mo ang mga kahilingan ng iyong angkan
na ngayo’y tinipon mo sa iyong harapan.

Amang maawain,
kupkupin mo at pag-isahin ang lahat ng iyong mga anak
sa bawa’t panig at sulok ng daigdig.
Kaawaan mo at patuluyin sa iyong kaharian
ang mga kapatid naming yumao
at ang lahat ng lumisan na sa mundong ito
na nagtataglay ng pag-ibig sa iyo.
Kami ay umaasang makararating sa iyong piling
at samasamang magtatamasa
ng iyong kaningningang walang maliw
sapagka't aming masisilayan ang iyong kagandahan
Pagdaraupin ng pari ang kanyang mga kamay.

sa pamamagitan ng aming Panginoong Hesukristo


na siyang pinagdaraanan
ng bawa't kaloob mo sa aming kabutihan.

Hahawakan ng pari ang pinggang may ostiya at ang kalis na kapwa niya itataas habang kanyang
ipinahahayag:
Sa pamamagitan ni Kristo, kasama niya, at sa kanya
ang lahat ng parangal at papuri ay sa iyo,
Diyos Amang makapangyarihan,
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.
Ang mga tao ay magbubunyi:

Amen.

Luluhod ang pari at pagtayo niya’y kanyang hahawakan ang ostiya na itataas sa ibabaw ng pinggan.
Paharap sa mga tao siyang magsasabi nang malakas:

Ito ang Kordero ng Diyos.


Ito ang nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan.
Mapalad ang mga inaanyayahan sa kanyang piging.
Idurugtong niyang minsanan kaisa ng sambayanan:

Panginoon, hindi ako karapat-dapat na magpatuloy sa iyo


nguni't sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako.
Siya’y makikinabang nang magalang at nakayuko sa dambana habang pabulong na nagdarasal:

Ipagsanggalang nawa ako ng Katawan ni Kristo


para sa buhay na walang hanggan.
Mapitagan niyang tatanggapin ang Katawan ni Kristo.
Pagkatapos, hahawakan ng pari ang kalis at pabulong na magdarasal:

Ipagsanggalang nawa ako ng Dugo ni Kristo


para sa buhay na walang hanggan.
Mapitagan niyang tatanggapin ang Dugo ni Kristo.
Kasunod nito, kanyang darasalin ang taludtod sa pakikinabang.
.
PAKIKINABANG
Isaias 40, 5
Ang karikta’t kaningningan
ng Diyos na Poong mahal
ay mahahayag na tunay.
Ang dulot n’yang kaligtasan
ay makikita ng tanan.
Hahawakan niya ang pinggan o lalagyan ng ostiya at lalapitan niya ang mga nakikinabang, bahagyang
itataas ang ostiya para sa bawa't nakikinabang habang sinasabi:

Katawan ni Kristo.

Ang nakikinabang ay tutugon:

Amen.
Samantalang nakikinabang ang pari, sisimulan ang awit sa pakikinabang. Pagkapakinabang, ang mga
mumo ng ostiya na nasa pinggan ay titipunin sa kalis na huhugasan ng pari o diyakono o tagapaglingkod.
Habang ito ay ginaganap ng pari, pabulong siyang magdarasal.
Ama naming mapagmahal,
ang aming tinanggap ngayon ay amin nawang mapakinabangan
at ang iyong ipinagkaloob ay magdulot nawa sa amin
ng kagalingang pangmagpakailanman.
Makababalik ngayon sa upuan ang pari. Makapag-uukol ng ilang saglit na katahimikan o makaaawit ng
papuri o salmo.

PANALANGIN PAGKAPAKINABANG
Pagkaraan, ang pari ay titindig sa harap ng upuan o sa gawi ng dambana at paharap sa mga
nagsisimbang magpapahayag:

Manalangin tayo.
Kung di pa nagaganap ang tahimik na pagdalangin, ito ay gagawin ngayon, at pagkaraan, ang
panalangin pagkapakinabang ay ipahahayag ng paring nakalahad ang mga kamay.

Ama naming mapagmahal,


kami’y pakinabangin mo sa pagdiriwang ng Pasko
upang sa pagsilang ng iyong Anak kami ay lubos na magkasalu-salo
sa pamamagitan niya kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.
Sa katapusan, ang sambayanan ay tutugon.

Amen.

PAGHAYO SA PAGWAWAKAS
Maisusunod, kapag may ipagbibigay-alam, ang mga maikling patalastas na sasabihin sa mga tao.
Pagkatapos, gaganapin ang paghayo. Ang paring nakalahad ng mga kamay sa mga tao ay
magpapahayag:

Sumainyo ang Panginoon.


Sasagot ang mga tao:
At sumaiyo rin.

Ang diyakono o ang pari na rin kapag walang diyakono ang magpapahayag ng paanyaya:

Magsiyuko tayo habang iginagawad ang pagbabasbas.


Pagkaraan, itataas ng pari ang kanyang mga kamay na lumulukob sa lahat, samantalang inaawit o
ipinahahayag niya ang mga pagbabasbas:

Ang Diyos na humawi sa kadiliman


noong magkatawang-tao ang Anak niyang mahal
at nagdulot ng liwanag sa banal na gabing ito
pakundangan sa kanyang pagsilang
ay siya nawang magtaboy sa dilim ng kasamaan
at magpaningning sa liwanag ng kabutihan sa inyong kalooban
ngayon at magpasawalang hanggan.

Bayan: Amen.

Ang Diyos na nagsugo ng Anghel para ihatid ang Magandang Balita


ay siya nawang pumuspos sa inyo ng tuwa para maihatid sa tanan
ang kanyang Mabuting Balita ngayon at magpasawalang hanggan.

Bayan: Amen.

Ang Diyos na nag-ugnay ng lupa sa kalangitan


ay siya nawang pumuspos sa inyo sa kapayapaan at kaluguran
bilang mga katambal ng nasa langit niyang Sambayanan
ngayon at magpasawalang hanggan.

Bayan: Amen.

Babasbasan ng pari ang mga tao habang kanyang ipinahahayag:


Pagpalain kayo ng makapangyarihang Diyos,
Ama at Anak  at Espiritu Santo.
Sasagot ang mga tao:

Amen.
Ang diyakono o ang paring magkadaop ang mga kamay ay magpapahayag ng paghayo sa sambayanan:

Humayo kayong taglay ang kapayapaan


upang ang Panginoon ay mahalin at paglingkuran.
Sasagot ang mga tao:

Salamat sa Diyos.

Karaniwan, ang dambana ay bibigyang-paggalang sa paghalik dito ng pari at matapos


makapagbigaypitagan kaisa ng mga tagapaglingkod, siya ay hahayo.

You might also like