You are on page 1of 3

Ang Wikang Filipino at ang Banta ng Globalisasyon

NI DR. BIENVENIDO LUMBERA


Bulatlat.com

Upang mapagtakpan ang buktot na pakanang nag-aanyong biyaya ng mga dambuhalang empresang nakabase
sa Kanluran, may bayarang intelektuwal na umimbento sa pariralang “borderless world” at itinapal ito sa
mapagsamantalang mukha ng kapitalismo.  Sa ganyang anyo inihaharap sa atin ang “globalisasyon” na may
Utopiang ipinangangako  -- isang “mundong wala nang hangganan.”   Sinasabing sa “mundong wala nang
hangganan,” pantay ang kakayahan ng bawat bansa na kamtin ang kaunlaran.

Para sa isang bansang malaon nang nabalaho sa di-pag-unlad, ang Utopiang pangako ng globalisasyon ay
tunay na katakamtakam.  Naroon ang paglaganap at pagtibay ng demokrasya.  Naroon din ang paggalang at
pagsasanggalang sa karapatang pantao ng mahihina at walang kapangyarihan.  At naroon ang pagtutulungan
ng lahat ng bansa upang panatilihing malinis at ligtas ang ating kapaligiran. At naroon din ang matagal ng
minimithi ng sandaigdigan – ang mapayapang mundo na sa mga awit pa lamang  matatagpuan.

Subalit ano ba ang realidad ng “borderless world” na naglalatag sa ating mga haraya  ng maluningning na
landas tungo sa maunlad at mapayapang bukas?  Sa ngalan ng anti-terorismo, mga eroplano at bomba ng
Estados Unidos na nagtatawid-kontinente  at bumabagtas ng mga heyograpikal na hangganan upang
pagbantaan ang alinmang bansang nagbabalak kayang ulitin ang kapahamakang idinulot sa New York noong
2001.  At sa larangan naman ng ekonomiya, ang paggigiit na tanggalan ng proteksiyon ng batas ang mga
kalakal na Filipino sa  ngalan ng pantay na pakikipagkompetisyon.

Samakatwid, ang “globalisasyon” ay pananalakay ng mga kapitalistang bansa ng Kanluran na naghahanap ng


pamilihan para sa kanilang kalabisang produkto.  Kunwari’y binubuksan ng mga ito ang kanilang mga
pamilihan sa mga produkto ng mahihinang ekonomiya.  Pero sa katunayan, hindi kayang
makipagkompetisyon  ng mahihinang ekonomiya sa kanila, kaya’t sa kalaunan nilalamon nila ang lokal na
kompetisyon.

Bahagi ng pananalakay na iyan ang panghihimasok ng World Trade Organization sa edukasyon.  Ang reporma
ng kurikulum na sinimulan sa pang-akademyang taong ito ng Departamento ng Edukasyon ay malinaw na
tinabas upang isunod sa padrong globalisasyon.  Tumutugon ang Basic Education Curriculum
sa   pangangailangan ng mga lipunang maunlad ang mga industriya at teknolohiya para sa mga taong
marunong bumasa ng instruksiyon at sumunod dito upang ang assembly line ay maayos na mapakilos.  Dahil
isinaayos ng ating gobyerno ang sistema ng edukasyon upang makapagpalitaw ng mga kabataang marunong ng
simpleng Ingles, ng simpleng pagkukwenta,  at ng simpleng siyensiya,  halos itinalaga na nito ang darating na
mga henerasyon ng kabataang Filipino sa pagiging manggagawang ang lakas at talino ay pagsasamantalahan
ng mga dayuhang empresa dito sa Filipinas at maging sa labas ng bansa.

Nakatinda na ngayon ang sambayanang Filipino sa eksploytasyon ng kapitalismong global.  Ang teritoryo


natin ay binubuksan ng ating gobyerno sa mga empresang multinasyonal, at ang mga kabataan ay ipinapain sa
kulturang nagpapalabo sa mga tradisyong kanilang kinagisnan.  Ang kulturang ito na  itinuturing na global ay
humihimok sa mga itong hubdin ng kabataan ang kanilang  identidad bilang mamamayan ng kanilang
tinubuang lupa.  Sa maikling salita, ibinalik na tayo ng kapitalismong global sa yugto ng kolonyal na
pagkasakop.

Hindi natin namamalayan ang panibagong pagsakop sa atin dahil ang mga sandatahang Amerikano na
lumunsad sa ating mga baybayin ay mga kaibigan daw na nagmamalasakit na pulbusin para sa mga Filipino
ang Abu Sayyaf.

Ang kapangyarihang politikal ay kusang sinususpindi ng ating pamahalaan upang akitin ang dayong
puhunan.  Ang sistema ng edukasyon ay hinuhubog upang tugunan ang pangangailangan ng mga
multinasyonal.  Tunay na ang “borderless world” ay bagong maskara lamang ng imperyalismo.  Ang bagong
anyo nito ay nagpapanggap na wala itong pangangailangan sa atin, tayo mismo ang humihingi na ang
kasarinlan natin ay kanyang salakayin.

At ano naman kaya ang panlaban ng mga Filipino sa dagsa ng pananalakay ng globalisasyon?  Ano ang
magagawa ng wika nina Amado V. Hernandez, Jose Corazon de Jesus, at Lazaro Francisco?  Ano ang
magagawa ng mga awiting Filipino nina Jess Santiago, Joey Ayala at Gary Granada?  Ano ang magagawa ng
mga nobela nina Luwalhati Bautista, Edgardo Reyes at Ave Perez Jacob?  Ano ang bisa ng Wikang Filipino sa
pagtatayo ng moog laban sa paglusob ng mga kaisipang makapagpapahina sa tigas ng loob at tatag ng mga
makabayan?

Noong 1996, sa Copenhagen, Denmark, inorganisa ng United Nations World Summit for Social Development
ang isang serye ng mga seminar upang talakayin ang mga kalagayang tutungo sa panlipunang pag-unlad sa
harap ng mabilis na paglakas ng global capitalism.  Ganito ang isang obserbasyong lumitaw sa seminar:
Lumulubha ang agwat sa kinikita ng mga mamamayan sa mayayamang bansa sa kinikita ng mga mamamayan
sa mahihirap na bansa.  Ang agwat ng per capita income sa pagitan ng mga bansang industrialisado at ng mga
bansang papaunlad ay lumobo ng tatlong beses mula 5,700 dolyar noong 1960 tungo 15,400 dolyar noong
1993.  Noong taong 1994-95, ang GNP per capita sa mundo ay 24,000 dolyar sa pinakamayamang mga bansa
na ang populasyon ay 849 milyon.  Ang GNP per capita sa mga pinakamahirap na bansa ay 4,000 dolyar at
doon ay 3 bilyong tao ang naninirahan. Sa harap ng ganitong tiwaling kalagayan, binigyang diin ng seminar
ang pangangailangang pagtuunan ng pansin ang kultura ng kapitalismong global, suriin ito, pagtalunan at
hamunin ang katinuan ng bisyon na gumagabay rito.  Kaugnay nito, tinukoy ang pangangailangang isangkot sa
mga isyung panglipunan ang mga intelektuwal na makitid ang pananaw at labis ang pagkakulong sa kani-
kanilang ispesyalisasyon.  Dapat daw himukin ang mga ito na gamitin ang kanilang tinig sa mga debate at
diskurso hinggil sa mga problema at tunguhin ng kontemporaryong lipunan. 

Narito sa palagay ko ang ispasyo na bukas at humihinging pasukin ng mga Filipinong tumatangkilik sa wika at
panitikan.  Sa ispasyong iyan maaaring harapin at labanan ang kultura ng globalisasyon upang kalusin ang
negatibong bisa nito sa lipunang Filipino. Hindi dapat magbunga ang globalisasyon ng panibagong pagkaalipin
para sa sambayanan.

Nakalangkap sa wika at panitikang katutubo ang pinagdaanang kasaysayan ng sambayanang lumaban sa


pananalakay at pang-aalipin ng kolonyalismong Espanyol at Amerikano.  Sa tuwing pinagyayaman ang wika
at panitikang katutubo, may lakas na pinakikilos sa kalooban ng Filipino, na magagamit na panlaban sa pang-
aakit ng globalisasyon. Narito ang kahalagahan at adhikain ng mga naunang henerasyon na hindi kayang
burahin ng Utopiang pangako ng “borderless world.”  Nasa pagtayo natin at paggigiit sa makabayang
pagtangkilik sa ating wika at kultura ang lakas na maibabangga natin sa globalisasyon, na naglalayong patagin
ang landas patungo sa walang-sagwil na pagpasok ng kapitalismong global sa ating ekonomiya at politika.

Ang wika at panitikan natin ay buhay na katibayan ng ating kultura at kasaysayan.  Ipinapagunita nito na
mayroon tayong mga karanasan at kabatirang natamo sa ating pagdanas ng kolonisasyon at sa ating ginawang
paglaban sa paghahari ng mga dayuhan. 

Hindi natin tinatanggihan ang paghatak ng hinaharap kung iyon ay magdadala sa atin sa tunay na pag-
unlad.  Subalit ang identidad ng isang sambayanan ay hindi naisusuko nang gayon-gayon  lamang. Nakatatak
ito sa kamalayan hindi ng iisang tao lamang kundi sa kamalayan ng buong sambayanan.    Kung hinihimok
tayo ng globalisasyon na magbagong bihis, itinuturo naman ng ating kasaysayan na ang pinagdaanan natin
bilang sambayanan ay laging nagpapagunita na may sariling bayan tayo, may minanang kultura at may banal
na kapakanang dapat pangalagaan at ipagtanggol kung kinakailangan.  Sandatahin natin ang ganyang
kamalayan tungo sa ikaluluwalhati ng Filipino bilang nagsasariling bayan. Bulatlat.com 

You might also like