You are on page 1of 3

Rica Marienne M.

Mediavillo

Grade 12 – Wisdom ABM

Para Kay Neneng B.

“Sorbetes ka ba? Bakit? Kasi ang gusto mo ay ‘yung dinidilaan ka.” Iyan ang

isang halimbawa ng karaniwang linyahan ng mga kalalakihang tingin sa babae’y isang

kagamitan lamang; kagamitang magbibigay kaligayahan; kagamitang magdadala raw

sa kanila sa kalangitan. Sa tingin ng iba ito ay nakakatuwa. Pero sa tingin naming mga

kababaihan ito ay labis lamang na malaswa. Kilala nyo ba si Neneng B.? Kung oo, tiyak

na naiintindihan nyo ang aking sinasabi.

Tanyag sa kalalakihan ang ganyang klase ng dalehan. ‘Yung mga simpleng

galawan na akala nila sila lang ang nagkakaintindihan. Kapag ang babae’y dumaan,

akala mo’y may nagaganap na piyestahan lalo na kung ang ikli ng kanilang kasuotan.

Kasuotan, dumayo tayo sa kasuotan. Kasuotan nga ba ang problema sa kababaihan o

sadyang marumi lang ang isipan ng mga kalalakihan? Taong 2015, inilunsad ng

samahang Rape Crisis London ang isang kampanyang nagsasaad na hindi kasalanan

ng kababaihan ang anumang pang-aabuso na kanilang nararanasan. Ipinakikita rin nito

ang katotohanan sa baluktot na paniniwala ng karamihan, na kasuotan ng kababaihan

ang may kasalanan. Hinggil sa kanila, lahat ng kababaihan ay may kalayaan maging ito

man ay sa kasuotan. Maaari silang magsuot ng anuman, mapa-maiksi o mahaba

sapagkat mananatili itong hindi batayan na maaari silang abusuhin ng kalalakihan.

Naranasan mo na bang masipulan sa gitna ng kalsada? Tinawag ka na ba nila

sa pangalang akala’y nila’y pag-aari ka nila? Sa tuwing dadaan ka, kung makatitig ba
sila’y tila sa isip nila’y wala kang saplot o anumang suot-suot? Kung, oo huwag ka ng

matakot. Matuto kang lumaban kasama ang bagong batas “Anti Bastos Bill (RA 11313)”

na handang magtaguyod ng kaligtasan at panatag na kalooban ng bawat kababaihan.

Hindi mo na kailangan pang mang manahimik. Oras na para tayo ay umimik.

Alam kong ito ay nakakalungkot; nakakalungkot sapagkat ang inaasahang

matipuno at maginoo ay isang bastos at walang modo. Pero sandali, hindi ko nilalahat.

Hindi ko sinasabing ganyan silang lahat. Subalit kung natatamaan ka, umilag ka.

Tanungin mo ang iyong konsensya. Kasi pare, labas na ‘ko dyan. Kaya ang masasabi

ko na lang sayo ay pasensya.

At bilang konklusyon, tol bibigyan ko kayo ng tatlong direksyon. Una, tumingin ka

ng diretso. Huwag kang mangboso. Dapat matuto tayong rumespeto. Isipin mo ang

iyong ina, kapatid na babae o maging ang iyong kasintahan. Gugustuhin mo ba na

malagay sila sa sitwasyon na tila sila’y inaalipusta? Hindi ba’t makikipag basag-ulo ka

pa maprotektahan lamang sila? Pangalawa, hayaan mo sila. Hayaan mo ang babae’y

magdamit ng anumang gusto nya. Kung saan siya masaya, o kung saan nya

maipapakikita kung sino ba talaga sya. Tandaan mo, malaya ka at malaya rin siya.

Huwag mong ipagkait ang kanya talaga bago pa man ito mag-umpisa. Pangatlo, matuto

kang huminto at tumanggap ng salitang “ayoko.” Kapag sinabi ng babae ang salitang

“ayoko,” o anumang salita na bubuo sa konseptong hindi ka nya gusto o hindi nya gusto

ang ginagawa mo, matuto kang tumanggap ng kanyang naging desisyon. Respeto, iyan

ang dapat mong ibigay sa kanya sa ganyang sitwasyon. Respeto, isang salita, pitong

alpabeto. Kinakailangan ng mundo, kaya ikaw, huwag mong ipagkait ito.

You might also like