You are on page 1of 2

Naayon ba sa isang magulang na pisikal na disiplinahin ang kanyang anak?

Likas sa isang bata ang pagiging malikot. Lahat tayo ay nagdaan sa kabataan
at alam kong sasang-ayunan ninyo ako na iiwan lang tayo saglit ay hindi na tayo
mapirmi sa iisang lugar. Madalas rin tayong pagalitan sa pagiging mausisa natin sa
lahat ng bagay na ating nakikita. Dahil malakas ang pagka-Dora the Explorer
natin, madalas nating makita ang sinturon ni Judas, mahiwagang tsinelas at ang
lumilipad na walis tambo nila nanay at tatay. Nakakatawa mang pakinggan subalit
napakasalimuot ng karanasang ito at hindi dapat ginagawa at ipinaparanas lalo na
sa isang wala pang muwang na bata.

Ang pisikal na pagdididisiplina ay tinatawag na Corporal Punishment sa


ingles. Nangangahulugan itong pagpaparusa na nakapagdudulot ng pisikal na
sakit sa isang tao. Mahigpit na pinabulaanan ng American Academy of Pediatrics
noong 2012 ang paggamit ng pisikal na parusa upang disiplinahin ang mga bata.
Hindi magandang ehemplo sa isang bata ang makita ang pananakit ng isang
magulang. Ang karahasan ay nagbubunga ng karahasan. Dahil sa ipinapakita ng
mga magulang, natututo ang mga bata na manakit at tatatak sa kanilang isipan na
ayos lamang ang pananakit kaya’t humahantong ito sa panibagong karahasan sa
hinaharap kapag sila ay nagkapamilya na (Marshall 38, 39).

Ayon sa pag-aaral ng Canadian Medical Journal Association noong 2012,


dinokumento rito na mula sa 80 na pag-aaral ay walang nakitang anumang
positibong pangmatagalang epekto kundi maraming nakakasamang epekto
(Glenn). Ayon sa isang propesor at direktor ng Family Research sa University of
New Hampshire na si Murray Straus, ang pamamalo ay nakakabawas sa IQ ng
isang bata. Dagdag pa ni Straus, ang isang palo ay may malaking epekto. Ang
anumang klase ng pisikal na pagpaparusa, gaya ng ‘panunulak, pagdaklot, pagsiko,
pananampal at pamamalo’, ay pinapataas lamang ang bilang ng pagkakaroon ng
karamdaman sa pag-iisip ng mga bata (American Academy of Pediatrics, 2012). Sa
pisikal na pagpaparusa maaring makakuha ng anxiety, mood disorder, depresyon
at iba pang klase ng karamdaman sa pag-iisip.

Ang mga linyahan ng mga magulang na “Dapat lang yan, para matuto siya.”,
“Hindi yan makikinig kaya dapat pinapalo.” o ‘di kaya’y “Anak ko yan, alam ko
kung ano ang makakabuti diyan.” ay hindi tama. Hindi magiging epektibo ang
pisikal na pag-aabuso dahil walang natututunan ang isang bata sa nais ng mga
magulang na matutunan nila kung gagamitan nila ito ng pananakit. Kaakibat rin
ng pananaliksik na isinagawa sa Southern Methodist University, tanging 34 na
porsyento ng mga magulang ang nagsasabi na tagumpay nilang naturuan ang
kanilang anak gamit ang pisikal na disiplina (Glenn).

Ang pagiging isang magulang ay ang pinakamahirap na trabaho sa buong


mundo. Nararapat na disiplinahin ng isang magulang ang kaniyang anak na hindi
ginagamitan ng dahas at pananakit. Bagkus, mangyaring iparating sa kanila ang
mga aral na nais ipabatid ng may pagmamahal at pag-iintindi. Kausaping maayos
ang mga bata at bigyan rin sila ng pagkakataong ilabas ang kanilang saloobin
upang mapaintindi sa kanila ang sitwasyon. ‘Wag magpadala sa galit dahil ito ang
unang sanhi kung bakit humahantong sa pananakit. Kailangan ng isang bata ng
isang magulang na magtuturo sa kanila ng tama at ang pagdidisiplina sa kanila ay
may limitasyon habang sila ay natututo.

You might also like