You are on page 1of 2

Star city, ito’y isa sa mga pinkasikat na pasyalan sa Pilipinas sapagkat dito ika’y pangingitiin, pasisiyahin,

patatawanin, at maaari ring paiyakin. Ang lugar rin na ito ay nakapagpapawi ng kalungkutan at stress, dalawang
bagay na marami ako. Kaya naman ako’y lubos na nasabik bumisita rito upang makalimutan ang aking mga
iniisip at magsaya kahit pa isang gabi lamang.

Alas dos ng hapon ang napagusapang oras na magkitakita kami sa harap ng sta elena high school upang doon
sumakay ng jeep papuntang LRT. Madaling-madali ako dahil alas dos na ay naglalakad pa rin ako papunta ng
SEHS. Sakto pa’t ako rin ay nakasuot ng mahabang damit dahil nakalimutan kong mainit sa Pilipinas. Kaya
naman pagkarating ko, ako’y pawis na pawis na. Nang makita ko naman ang aking mga kaibigan ako ay natawa.
Kagaya ko, sila rin ata ay nakalimot dahil sila ay naka-porma na tila hindi mag-cocommute kasabay ang
napakaraming tao sa metro manila at ng hindi matawarang init ng Pilipinas.

Nang makarating doon ay nakita namin ang napakahabang pila sa pasukan. Bahagya akong napanghinaan ng
loob ngunit hindi nito matatalo ang pagkagalak na aking nararamdaman. Kaya naman nang kami’y makapasok
na ay nagtakbuhan kami na parang mga batang nasa palaruan. Tuwang-tuwa ako nang mga panahong iyon
kahit pa man wala pa kaming nasasakyan.

Ang unang sinakyan namin ay ang viking. Dito, sasakay ka sa isang barko na iduduyan ka ng pabalik-balik nang
napakataas. Habang nakasakay ay ramdam na ramdam ko ang kakaibang pakiramdam sa aking tiyan na
nagbibigay sa akin ng kakaibang kasiyahan na nanggagaling sa tinatawag nilang "adrenaline rush". Tawa ako
nang tawa habang nakasakay dahil nakikita ko ang iba sa aking mga kaibigan na halos paiyak na at sigaw ng
sigaw at ang iba naman ay tawa rin ng tawa. Dito agad kong nakita ang pagpapasaya, pagpapatawa, at pati na
rin ang pagpapaiyak. Rinig na rinig ang sigaw at hagikgik namin habang nakasakay. Una pa lamang ito ay
tuwang-tuwa na ako kaagad kaya’t lalo akong naengganyo sumakay sa iba pang rides dahil alam kong
madadagdagan pa ang tuwang aking nararamdaman. Ngunit pinili muna naming sumakay sa pambatang ride
dahil hindi pa kaya ng aming mga diwa ang pagsakay sa isa nanamang ride na makapigil-hininga.

Mga ilang beses pag naulit ang ganitong pangyayari hanggang sa magpasya kaming pumasok sa horror house.
Ayaw pa sana naming pumasok ngunit naisip namin na sayang naman kung hindi namin susubukan. Sa labas ay
nagtatalo pa kami kung sino ang nasa unahan at sino ang mahuhuli. Walang katapusang sigawan at takbuhan
naman ang naganap habang nasa loob. Kumapit na lang ako sa kaibigan kong nasa harap ko at itinago ang
mukha ko sa likod niya sa sobra kong karuwagan. Kahit wala akong makita ay nakatakbo pa din ako dahil sa
kanya, ngunit hindi ko na din mawari kung ilang beses akong napatid at muntik nang madapa dahil sa
karuwagan ko. Sa awa ng Diyos ay kahit papaano nakalabas kami nang isang buo at kumpleto. Pakiramdam ko
aatakihin ako sa puso dahil sa pagod at kaba. Tagaktak ang pawis ko at sobra ang tibok ng diddib ko. Naghanap
agad kami ng bilihan ng tubig at nagpahinga muna sandali. Nagkasundo kaming hindi na namin papasukin ang
isa pang horror house na nasa loob din ng star city dahil napakaduwag naming lahat.

Matapos noon ay sumakay pa kami sa mga rides kung saan muntik nang sumuka ang aking mga kasama at pati
na sa mga rides na nakaaantok. Paminsan-minsan din ay naisisingit namin ang pagkuha ng mga litrato sa kung
saan-saan para may mailagay kami sa facebook at para na rin may "remembrance" kami. Habang tuwang-
tuwang nag-iikot at nagkukuhaan ng litrato ay hindi namin namalayan na malapit na palang magsara ang star
city. Kaya naman sumakay na kami sa star flyer, ang rollercoaster kung saan paiikutin ka sa ere habang
nakasabit ang bagon na inyong sinasakyan. Kakaibang kaba at tuwa ang naramdaman ko sa mga panahon na
iyon. Habang papaakyat ang bagon, aking nasilayan nang bahagya ang ganda ng lugar na ito kung saan kitang-
kita mo pa rin ang tuwang-tuwang mga tao kahit pa man nasa taas ka na. Ngunit makakalimutan mo ang lahat
pag ika’y nilaglag na at iginewang-gewang nang mabilis. Kakaibang sigaw ang lumabas sa bibig ko nang bumilis
na ang takbo at umikot na nga ang rollercoaster. Ito na ata ang pinakamasayang punto ng aking gabi sapagkat
nag-ipon-ipon na ang lahat ng nangyari sa buong araw. Lahat ng ngiti, tawa, kwento, sigaw, at pagod,
nagsamasama. Kaya bahagya rin akong naluha habang pinagmamasdan ko ang aking mga kaibigan at ang
paligid dahil sila ang nagdala sa akin ng di-matatawarang saya sa gabing iyon.
Ngunit lahat ay may katapusan. Nagsimula nang magsara ang Star City kaya’t minabuti na rin naming umuwi
dahil gabi na rin noon at hinahanap na kami ng aming mga magulang. Nagtagal an gaming biyahe ng isang oras
at sa isang oras na iyon ay tuloy tuloy pa din ang kwentuhan namin na tila hindi kami napagod sa mga
pinaggagagawa namin sa araw na iyon. Kung mayroon mang katahimikan na naganap ay patuloy pa rin ang
takbo ng isipan ko. Paulit-ulit tumatakbo sa isipan ko ang mga pangyayari noong gabing iyon. Ang mga
pangyayari sa buhay kong kailanman ay nakatatak na sa aking isipan at hinding-hindi ko malilimutan.
Hanggang ngayon, tuwing aking pagmamasdan ang mga litrato na aming mga kinunan, tila sariwa pa rin sa akin
ang saya na dinala sa akin ng Star City.

You might also like