You are on page 1of 1

6:00 ng umaga - ito ang oras na napagkasunduan ng klase kung kailan kami magkikita-kita sa Katipunan.

Ngunit
ako, inabot ako ng 6:30 at nasa jeep pa lamang ako na maghahatid sa akin sa Katipunan. Kaya naman pinauna
ko na sila sa istasyon ng Recto dahil nahiya ako sa aking pagiging huli. Muli rin naman kaming nagkita-kita
pagbaba ko ng tren dahil mabilis lang naman ang biyahe at mahaba-haba pa ang sobra naming oras. Pinili
naming maglakad nina Afa, Jeff, AA, Diana, at Jovs papuntang FEU Tech dahil 500 meters lamang ang layo nito
mula sa istasyon. Gumamit kami ng Google Maps upang hindi kami maligaw ngunit tila lalo pa kaming napalayo.
Hindi naman ako nainis sa pagkakamali naming ito dahil habang naglalakad ay nakakapagkwentuhan kami at
marami akong nakitang sa Maynila ko lang nakita at hindi sa aking bayang tinitirhan. May mga estruktura
akong nakita na pumukaw ng aking atensyon habang naglalakad katulad ng mga lumang bahay na maganda
sana kung hindi napabayaan, mga kainan at tindahan na hindi ko karaniwang nakikita, at ang magandang
building ng FEU main. Matapos magpaikot-ikot nang nasa trenta minutos, nakarating na rin kami sa FEU Tech.

Nang aking makita ang labas pa lamang ng kanilang gusali ay bahagya akong napatigil. Hindi ko inakala na
ganito ito kataas. Agad naman kaming pumasok sa lobby kung saan nadatnan namin ang libo-libong estudyante
na ninanais din kumuha ng kanilang entrance exam. Malawak ang lugar na pinag-aantayan naming lahat.
Mayroong mga malalaking bloke ng semento sa iba't ibang parte ng kanilang lobby na nagsisilbing upuan para
sa mga nag-aantay na estudyante. Sa isang sulok ay nakita naming nakaupo ang iba pa naming mga kamag-aral.
Habang naghihintay, nagkwentuhan at kumuha muna kami ng ilang mga litrato para na rin mawala ang kabang
nararamdaman namin. Ito kasi ang unang entrance exam at scholarship exam para sa kolehiyo na kukunin
naming lahat. May tiyansa na makakuha ng 50% - 100% ang makakakuha ng mataas na grado sa
eksaminasyong ito. Hindi rin kasi ako nakapag-aral o nakapagbasa man lang bilang paghahanda dahil ito ay
biglaan kaya't hindi rin mawala ang kaba ko. Para maibsan kahit papaano ang kaba, pinagmasdan ko na lang
ang iba pang disenyo na nakikita mula lobby tulad ng malaking espasyo sa gitna kung saan kapag ikaw ay
tumingala, makikita mo ang balkonahe ng bawat palapag. Nakamamangha ito dahil sa taas at ngayon lamang
ako nakakita ng paaralang ganito kataas.

Ang nakatakdang oras para sa pagsisimula ng entrance exam ay alas otso ng umaga ngunit alas nuwebe na ay
kapapaakyat pa lang samin sa mga silid. Mabuti na lamang at mabilis at mautak kami kaya't kami ang naunang
umakyat sa elevator. Ngunit may mga kaklase kaming nahuli sa pagakyat at sila ay naubusan ng upuan kaya
naman hindi sila nakakuha agad ng pagsusulit. Ikinabahala namin ito sapagkat nais sana namin na umuwi nang
sama-sama ngunit wala kaming nagawa. Kaya't nagpokus na lamang kami sa eksaminasyon na nagtagal ng
isang oras.

Nang matapos kami sa pagsasagot, nilibot nila kami sa kanilang gusali upang ipakita ang magaganda nilang
pasilidad. Makabago ang kanilang mga gamit at nararapat para sa isang 'Technological Institute'. Mayroon
silang malawak na library, indoor swimming pool, gym, makabagong mga computer, at marami pang iba na
sadya namang nakaaakit. Pagtapos nito ay pinababa muli kami sa lobby upang doon na mag-antay ng resulta at
para maipagmalaki rin nila ang galing ng kanilang eskwelahan.

Ilang saglit pa at ibinigay na nila ang mga sobre na naglalaman ng mga resulta ng bawat mag-aaral. Marami na
ang naabutan ng sobre sa aking mga kamag-aral at lahat naman sila ay pumasa. Nang mga panahong iyon ay
kinakabahan na ako at baka hindi ako pumasa o kaya naman ay may mali sa aking sobre. Ngunit nang numipis
na ang hawak-hawak ng namimigay ng sobre, tiyaka ko narinig ang aking pangalan. Hindi ko pa nababasa nang
lubusan ay nauna nang i-anunsyo ng aking katabi na pumasa ako para sa scholarship. Ilang minuto pa ang
lumipas bago ko maintindihan ang pangyayari at nang mangyari yon ay agad akong umiyak sa tuwa. Hindi ko
mapigilan ang pag-iyak at may mga panahon pa ngang napahagulgol ako. Ang sarap sa pakiramdam ng
makapasa para sa scholarship dahil nang mga panahong iyon ay nawawalan na ako ng tiwala sa aking sarili.
Ngunit nang mga panahong iyon, napagtanto ko na kaya ko pala, na kahit papaano ako'y may ibubuga.

Masaya kaming lahat sa mga panahong iyon ngunit kami rin ay matagal nang nag-aantay doon. Kumakalam na
ang aming mga tiyan kaya't agad na rin kaming umalis. Kumuha kami ng ilang mga litrato bago lisanin ang FEU
Tech bilang alaala, 'remembrance' kumbaga. Gutom man kami ay daladala namin sa aming pag-uwi ang aming
alaala, ngiti, at ang mga sfobreng nagbigay pag-asa at tiwala sa aming sarili.

You might also like