You are on page 1of 1

Finish Line

Abril 2005 nang makapagtapos ako ng kolehiyo, BSE, nagpakadalubhasa sa Filipino. May titser na sina
Aling Auring at Mang Primo.

Tandang-tanda ko pa ang butas ng karayom na aking pinasok sa pag-aaral. Labis man, sinuong ko ang
bagyong signal kuwatro.

Kung hihilahin pabalik ang nakaraan, ako’y karaniwang mag-aaral lamang noon na nagsikap makapasa sa
entrance exam sa RTU. Hindi kasi ako nakapasa sa EARIST. Isa rin ako sa kasamaang-palad na hindi
umabot sa quota course ng PUP. Banta ko sa unibersidad na iyon, babalik ako ngunit wala akong
duduruging anuman (may himig yata iyon ng pagka-GMA telebabad).

Nakapasa ako. Namuhay nga ako ng apat na taon sa RTU. Nakipaghabulan ako sa mga propesor para sa
ulat at grado. Naghabol din ako sa pasahan ng mga proyekto. Marami akong hinabol. Hinabol ko ang
pagbubukas at pagsasara ng cashier at registrar. Maikli pa naman ang pila noon. Humahabol ako sa mga
kasamang kadete sa ROTC tuwing mahuhuli sa formation. Hinabol ko ang aking mga kamag-aral. Lahat
sila ay aking hinabol at ako’y nakipaghabulan. Pati guwardiya ay hinabol na rin ako. Nalimutan ko kasi
noon ang aking ID.

Sa dami nga niyon, hindi ako napagod sa paghabol upang marating ang finish line. Hindi sa pagmamalaki
ay nakapagkamit ako ng karangalan—ang diploma ko.

Binalikan ko rin ang PUP para sa aking programang master at doktorado. Doon ay nagpakapantas at
nakipaghabulan sa isa pang laban.

Isang hapon iyon nang ikuwento ko sa aking mga mag-aaral na nagpapakadalubhasa rin sa Filipino ang
aking paghahabol. “Sir, kaya pala lagi kang pawisan sa harap ng klase,” biro pa ng mga mambobolang
Filipino major.

“Parati tayong may hinahabol. lyon ay dahil sa may gusto tayong makamit. Ang mahalaga matapos ng
paghahabol na iyon, alam mo kung kailan at saan ka babalik. Ako ay inyong guro pero babalik at babalik
ako sa pagiging mag-aaral ko. May mga pagkakataong ako ang inyong mag-aaral. Natututo ako sa mga
pinagdadaanan ninyo. Nakikita ko ang aking sarili,” dagdag-hirit ko sa kanila.

“Ok, klase, inabot na natin ang finish line. Magkikita tayo bukas.”

You might also like