Professional Documents
Culture Documents
BUENAVISTA - Write-Up #4 - REFLECTIVE ESSAY
BUENAVISTA - Write-Up #4 - REFLECTIVE ESSAY
Ngunit nag-aalinlangan ang kaloob-looban ko, dahil hindi ito ang gusto
ng mga magulang ko para sa akin. Iniisip nilang wala akong mapapala sa
pagkuha ng HUMSS at mahihirap ang mga kursong nakalinya sa strand na ito’t
baka maging peligroso o delikado para sa’kin. Maaari raw na madestino pa
ako sa mga liblib na bayan, na lubhang malayo mula sa amin dito sa GenSan.
Sa pananaw nila, ang dapat sa’kin ay maging engineer o accountant o kahit
anumang kursong nasa STEM o ABM, dahil kung tutuusin, ang mga kursong ito
naman ay talagang patungo sa mga pangengempleyong may malalaking
sahod. Labis ang paniniwala nilang kakayanin kong maging isang mag-aaral
ng STEM o ABM, dahil base nga raw sa resulta ng pagkuha ko ng NCAE, 99+
ang porsiyento o marka ko sa STEM na siyang pinakamataas, kumpara sa ABM
at HUMSS na pareho namang 96.
Sabi ni Mama sa’kin, “Sige lang, Ate, ayos na sa’kin kung sa HUMSS ka na.
Malay natin, d’un ka pala mag-e-excel, o baka maging Valedictorian ka pa.”
Noong unti-unti ko nang nakilala ang mga kaklase ko, nalaman kong ang
iba pala sa kanila’y mga Valedictorian, Salutatorian, o ‘di kaya’y top-
performing students sa kani-kanilang pinagmulang Junior High School.
Samantala, wala akong maipantatapat na karangalang katumbas ng kung
anong mayroon sila, dahil naging mahirap sa’kin ang maging consistent honor
student sa MSU-CETD. Aminado ako na nawalan ako ng ganang magsipag
noong panahong nasa Junior High School pa ako, dahil tila walang saysay ang
mga ginagawa ko dahil nawalan na ako ng pag-asang maging Academic
Achiever mula noong nabigyan akong ng 80 bilang marka sa Computer
Education noong nasa Grade 7 ako.
Araw-araw naitatanong ko na ang sarili ko: Para saan pa’t nag-aral ako
kung ‘di ko lang pala aayusin? Kaya naman, sinimulan ko nang maniwala na
kakayanin kong baguhin ang nakasanayan ko at magtagumpay sa pag-aaral.
Ngunit kapalit ng lahat ng ito sa aki’y mga ilang gabi ring kinulang ako sa
tulog, mga pananghaliang minsa’y nakakaligtaan kong kainin dahil sa
paghahabol na matapos na ang mga ipinapagawa sa amin, pagdami ng mga
tigyawat dahil napapabayaan na ang sarili at ‘di na maalagaan, at paglala ng
malabo kong paningin.
May mga araw na nag-iingay ang kaluluwa ng Mama ko dahil ‘di ko man
lang makuhang tapusin ang mga labahin at gawain sa bahay. May mga
gabing maaanghang ang palitan ng mga salita namin nina Mama’t Papa dahil
hatinggabi na’t ‘di pa ako natutulog. Minsan ang mas mahirap pa’y agad
akong nanlulumo tuwing napapagalitan ako ng mga mahal ko sa buhay. ‘Di ko
mawari kung bakit sila magagalit kung para rin naman sa kanila ang ginagawa
ko. Sila pa nga itong magrereklamo kung ‘di maayos ang mga marka ko, tapos
ngayong sinisipagan ko na para naman masiyahan sila sa’kin, aayaw sila.
Buong akala ko, sa akademiks lang iikot ang magiging karanasan ko.
Ngunit maraming sorpresa naman pala ang nag-aabang sa pagpasok ko sa
Senior High. Dahil sa nakakapanibagong pakikipagsapalaran kasama ang mga
dayuhang kasama sa biyaheng ito, panibagong pakikipagkaibigan at
samahan ang umusbong mula sa’min. Sabay-sabay kaming kumakain,
nagtatawanan, masinsinang nag-uusap patungkol sa mga pighati’t ng mga
dinaranas namin sa loob at maging sa labas ng apat na sulok ng aming
paaralan. Kaya nakakaligtaan na rin namin ang pag-iral ng kompetisyon at
mas binubuo ang matibay na samahan upang kalimutan na ang pataasan ng
marka at mas maging masaya sa aming buhay-estudyante.