You are on page 1of 6

Talumpati ng Panauhing Pandangal

1. Pasasalamat sa tagapagkilala
2. Pagbati ng isang mapagpalang umaga.
3. Pagkilala sa mga pinagpipitaganang panauhin.
* Sir Salvador B. Lozano EPS I– Araling Panlipunan
* Sir Dennis C.Robles – Tagamasid Pampurok- Distrito 8
* Punong Barangay ng Taal Igg. Renato Abalos at ang kanyang mga
kasangguni.
* Pangulo ng GHRPTA Gng. Ofelia Santos at mga kasamahan.

Bago ko po ilahad ang aking mensahe sa umagang ito, nais kong


pasalamatan si Maam Jocelyn F. Borac ang Head Teacher III ng paaralang
ito kasama ang kanyang masisipag at mahuhusay na kaguruan sa pag-
imbita sa akin bilang panauhing pandangal.

Sabihin niyo nga sa inyong katabi, “ WELCOME BACK TO SCHOOL!”


Nakakapanibago dahil dati’y sa araw ng pasukan natin ito sinasabi hindi
natin akalaing pwede naman pala ito sa inyong araw ng pagtatapos.

Tunay ngang napakapalad at napakasaya nating lahat sapagkat dahil sa


wakas, sama-sama nating masasaksihan nang pisikal ang ika-20
pagtatapos ng mga batang mag aaral sa ika anim na baitang na may
temang “ Gradweyt ng K to 12, Masigasig sa mga Pangarap at Matatag sa
mga Pagsubok”.
Nakakainis! Siguro sa pinakapayak na paglalarawan sa naging karanasan
natin sa halos dalawang taong pagkakulong sa ating mga tahanan dulot ng
pandemyang COVID-19. Nakakainis dahil hindi ka agad nakakapagtanong
kay teacher kapag may hindi ka naiintindihan sa mga aralin. Nakakainis
dahil bigla-bigla, nagpuputol-putol ang linya mo dulot ng mahinang internet
connection. Nakakainis dahil hindi natin nakakasama at nakakausap ang
ating mga kaibigan at kamag-aral tuwing may nais tayong sabihin. At para
sa mga guro, nakakainis dahil hindi ninyo nalalaman kung tunay bang
natututo talaga ang inyong mga estudyante. Higit sa lahat, sa mga
magulang, nakakainis dahil nakagapos tayo sa kahirapan ng buhay na
lalong pinalala ng kawalan ng trabaho at pagkakasakit sa ating pamilya.
Ang inis na ito ay nakaugat sa nakalulungkot na katotohanan. Ninakaw ng
pandemya ang kalidad na edukasyong dapat sana’y tinamasa ng bawat
mag-aaral, nailalapat ng bawat guro, at pinapangarap ng mga magulang.

Bukod sa pagkainis na ating nadarama, nagiging katambal nito ang


pangamba. Pangambang madapuan tayo ng COVID-19, pangambang
mawalan tayo ng hanap-buhay bukas, samakalawa o sa mga susunod na
araw, pangambang mawalan tayo ng ating mga minamahal sa buhay, at
pangambang tuluyang maglaho ang lahat ng ating mga layunin habang
lumilipas ang bawat araw, buwan, at taon.

Sa kabila ng inis, pag-aalinlangan, at takot, hindi kayo bumitaw. Isang


biyayang naririto tayo ngayon, nakikipag-usap sa bawat isa, nakikitawa sa
mga katabi, nakikisalo sa kasiyahan ng inyong mga guro, at higit sa lahat,
nagpapasalamat sa sakripisyong ibinigay ng inyong mga magulang upang
inyong maranasan ang ligaya ng pagtatapos. Palakpakan ninyo ang bawat
isa!

*Life Testimony
Nabanggit ko na rin ang salitang “sakripisyo.” Kapag nagkaroon tayo ng
recitation ngayon at tinanong ko kayo ano ang kahulugan nito. Ang
pangkalahatang sagot niyo’y “pag-aalay ng isang bagay.” Papaano ko higit
itong nakita at naisagawa sa landas ko bilang isa lamang batang naging
kagaya ninyo? Hayaan ninyong magkaroon ako ng maikling paglalahad ng
aking istorya.

Halos kasing-edad niyo lamang ako noong pumanaw ang aking ama. Sa
hirap ng buhay, napagdesiyunan kong maghinto sa pag-aaral na umabot
ng anim na taon. Punong-puno ako ng katanungan sa isip ko noon, paano
na ako? Paano ang pag-aaral ko? Sa kabutihang palad, nabigyan ako ng
trabaho noon na maging isang janitor upang maipagpatuloy ko ang aking
pag-aaral. Kinailangan kong pagsabayin ang dalawang ito, hindi ito naging
madali dahil naroroon ang pagsasakripisyo sa isang aspeto dahil ganoon
ang buhay.

Matapos ang mahabang panahon ng pagsusumikap, nakatapos ako ng


kolehiyo sa kursong Batsilyer ng Elementaryang Edukasyon. Habang
hinihintay ko ang resulta ng Professional Board Examination for Teachers
(PBET), nagturo ako sa isang pribadong paaralan. Marahil iisipin ninyo,
ang yaman na siguro agad ni Sir! Pero hindi. Bunga ng iba’t ibang
pangangailangan, kailangan kong hatiin ang ‘di kalakihang sweldo.
Kailangan kong pag-isipang mabuti ang mga nais kong bilhin, kailangang
kong tulungan ang pamilya ko, kailangan kong magsakripisyo.

Sa awa ng Diyos, nakapasa ako sa Board Exam, at naging Licensed


Professional Teacher. Naglingkod ako bilang guro ng dalawampu’t isang
taon at ang sumunod na labing-isang taon ay inilaan ko sa paglilingkod
bilang ulong guro o head teacher. Sa pagtatrabaho kong ito, doon ko higit
na nakita ang kahulugan ng pagsasakripisyo. Maglalaan ka ng oras sa mga
gawaing pampaaralan kahit minsan ang katawan mo na ang hahanap ng
oras kung kailan ka magpapahinga. Pagsasabayin mo ang responsibilidad
sa tahanan bilang ama, at lingkod sa paaralan na lubhang mahirap. At dito,
makikita mo ang mga pagsasakripisyong ito ay umaani ng tagumpay.
Tagumpay sa propesyunal kong kakayahan, tagumpay sa pagpapaaral ng
mga anak, tagumpay bilang asawa at katuwang sa tahanan, at tagumpay
bilang gurong humubog ng puso at isipan ng mga batang kagaya ninyo na
inihahanda ang layag sa alon ng buhay.

Walang pagsasakripsiyong mas nakabibilib. Maliit man ‘yan tulad ng pag-


uuna mo sa mga gawaing bahay o assignment kaysa sa paglalaro ng ML o
ibang online games, o kasinglaki tulad ng ginawa ng mga guro at magulang
ninyo ngayong pandemya. Iisa ang ipinahihiwatig nito– pag-ibig. Sinasabi
nila ang salitang sakripisyo ay nagmula raw sa salitang Latin na “sacrare”
o ang ibig-sabihin ay gawing banal. Ang pag-ibig na ibinabahagi natin sa
kapwa ay isang anyo ng kabanalan at pagdakila sa Poong Maykapal. Kung
kaya’t ang pagsasakripisyo ng bawat isa kung tunay itong nakaugat sa
pagmamahal, hindi ito kailanman matutumbasan.
Sa lahat ng naririto, sa kabila ng mga emosyong namamayani sa ating
puso sa panahon ng pandemya, huwag kayong matakot magsakripisyo.
Hindi ito tanda ng kawalan ng pag-asa sa sitwasyon ninyo ngayon. Bagkus
patunay ito na may pag-asa kayong pinanghahawakan dahil sa bawat
pagsasakripisyo ninyo, nagiging inspirasyon kayo sa ibang tao,kayo ang
nagsisilbing mga liwanag nila sa kadiliman.

Kaya’t mangarap kayo nang mataas ngunit tandaan na para maabot ito,
ang katatagan sa mga balakid na haharapin ninyo ay ang pagpapatuloy ng
nasimulan ninyo dahil alam ninyong bitbit ninyo lagi ang pag-asa.

*Sa mga batang nagsipagtapos, sa inyong pag-alis sa sintang paaralan na


siyang humubog sa inyo, baunin ninyo ang mga nalinang ninyong
kaalaman, kasanayan, at kabutihang asal tungo sa panibagong yugto ng
inyong buhay. Laging isapuso at isaisip ang mga katagang, “Dunong at
Dangal mga Bata ng Taal.”

*Sa mga gurong naririto ngayon, alam kong mayroong iba sa ating na
patuloy na nangangapa pa rin sa moda ng pag-aaral ngayon ngunit
tandaan niinyong hindi kayo nag-iisa. Narito ang mga kapwa guro ninyo
para umagapay, nariyan ang mga mag-aaral na patuloy na magpapaalala
sa inyo kung bakit ninyo pinili ang bokasyon ng pagtuturo.

*Sa mahal naming mga magulang, patuloy po nating ikintal sa isipan ng


ating mga anak ang kahalagahan ng edukasyon tungo sa kanilang
pangarap, ibigay ang ating suporta sa kung ano mang propesyong
tatahakin nila sa buhay. At higit sa lahat, maging halimbawa sana tayo ng
isang taong nagsasakripisyo dahil may pusong tunay na nagmamahal.

Muli ang aking mainit na pagbati sa inyong lahat. Maraming salamat po.
Mabuhay ang mga nagsipagtapos at magandang umaga muli!!!

You might also like