You are on page 1of 2

Isang mapagpalang araw po sa lahat ng mga guro!

Bago ko simulan ang liham na ito, gusto kong magpasalamat sainyo dahil hindi kayo sumusuko
sa pagtuturo sa aming mga mag-aaral kahit na may kinakaharap tayong pandemya. Ang
mensaheng ito ay hindi upang magtanong ukol sa mga pagsasanay sa modyul na ibinibigay niyo
sa amin. Bagkus, ako’y maglalahad ng aking mga natutunan mula sa inyo at kung gaano na
lamang ang aking pasasalamat sa hindi mabilang na mga magagandang bagay na ibinahagi niyo
sa akin pati na rin sa kapwa kong mga mag-aaral. Sa liham na ito, inyong mapagtatanto na ang
inyong propesyon ay napakahalaga at kailangan pang palawigin sa susunod na mga henerasyon.
Kaya sa mga nangangarap din maging isang guro ngunit may pag-aalinlangan pa, para rin sa
inyo ang liham na ito nang kayo’y maliwanagan.

Matagal na rin akong hindi nakapagsulat ng liham para sa mga guro. Kung aking tatantiyahin,
nasa ika-anim na baitang ako noong huli akong nakapagpadala ng mga sulat sa aming mga guro.
Naging laganap na kasi ang pagpapadala ng mensahe sa digital na pamamaraan gamit ang Fb
Messenger, Gmail at iba pang mga digital platforms.

Taong dalawang libo’t walo, unang araw ko sa eskuwela at pinakilala ako ng aking ina sa aking
magiging guro. Noong oras na iyon, hindi ako natakot taliwas sa nararanasan ng ibang
estudyante kapag hinahatid sila ng kanilang mga magulang o guardian sa paaralan. Ang tingin
ko sa inyong mga guro ay isang kapamilya na nagdidisiplina sa aming mga mag-aaral. Lalo na
kapag tinuturuan niyo kaming magbasa at minsang pinapagalitan dahil hindi namin makuha-
kuha ang itinuturo niyo sa amin, itinuturing ko itong isang oportunidad upang lalong mahasa ang
aming kaalaman at kakayahan.

Noong ako’y nasa elementarya pa lamang, nakagawian na naming mga estudyante na maghanda
ng surpresa sa inyong mga guro tuwing ipinagdiriwang ang Araw ng mga Guro, pati na rin sa
espesyal niyong kaarawan. Nag-aambag kami ng tig-sampung piso upang makabili ng cake at
mga lobo. Bakas sa inyong mukha ang kagalakan, taliwas sa mga araw na kami’y inyong
pinapagalitan. Pagpasensyahan niyo na at kami’y minsan pasaway.

Sa kabilang dako, noong ako ay nasa senior high school, natutuwa rin ako kapag napapabilang
ang aking gawa sa mga ipinapasa ninyong accomplishment report. Dahil dito, nadaragdagan ang
tiwala ko sa aking kakayahan at ako’y naglalayon pang maihasa ito nang sa gayon ay magbunga
ang inyong paghihirap sa pagtuturo sa aming mga mag-aaral.

Isang araw, habang ako ay nagbabasa ng mga posts sa Facebook, isang uri ng social networking
site, may nakita akong larawang nagpapakita ng classroom setup noong mga nakalipas na
panahon na kung saan bakas sa mga mukha ng mga estudyante ang pagrespeto sa kanilang mga
guro na makikita sa pamamaraan ng kanilang pag-upo. Idagdag pa sa paglalarawan ang mga
kamay nilang nakapatong sa mesa. Kung ihahambing natin ito sa kasalukuyan, ibang-iba na ang
mga kabataan ngayon. Marami sa kanila ay sinutil at hindi na natatakot kalabanin ang kanilang
mga guro. Sa sitwasyong ito, sa ngalan ng aking kapwa mga kabataan, ako po ay humihingi ng
kapatawaran at kung mamarapatin po ninyo ay habaan niyo ang inyong pasensya dahil ang
ganitong kaugalian ay maaaring dulot ng hindi tamang pagdidisiplina mula kanilang mga
tahanan. Dahil po rito, ako’y naniniwala sa inyong kakayahang maturuan ng tamang pag-uugali
kaming mag-aaral. Kahit na hindi tayo nagkikita-kita ngayon sa paaralan, maaari niyo pa rin
kaming mabigyan ng payo sa pamamagitan ng online counseling o kaya naman sa pagpapadala
ng mensahe sa inyong numero, depende kung ano ang madali para sa inyo.

Akin din pong ilalahad na tayo ay biniyayaan ng Diyos ng kakayahan sa iba’t ibang paraan.
Hindi natin masasabi na wala tayong talento. Ang iba sa atin ay hindi pa ito natutuklasan at
darating din ang panahong mapagtatanto nating mayroon pala tayong kakaibang kakayahan na
magagamit natin sa larangang ating tatahakin sa hinaharap. Noong ako’y bata pa, kalimitang
itinatanong ng mga nakatatanda sa akin kung ano ang gusto kong maging propesyon sa
hinaharap. Sinabi ko noon na gusto kong maging isang guro sapagkat ito’y nagsisilbing daan sa
iba pang mga propesyon. Kayong mga guro ang humuhubog ng aming mga talentong hindi pa
namin natutuklasan. Nang dahil po sainyo, meron tayong mga frontliners — gumagamot sa mga
tinamaan ng COVID-19 virus at ang iba naman ay patuloy na nagsisilbi sa bayan nang tapat at
mahusay sa gitna ng pandemyang kinakaharap natin. Higit sa lahat, maraming mga bagay ang
itinuturo niyo sa amin hindi lang pang-akademika kundi pati na rin ang tamang asal at
pamamaraan ng pakikitungo sa tao.

Sa pagtatapos ko ng liham na ito, ako’y lubos na nagpapasalamat sa mga konsiderasyon na


ibinibigay niyo sa amin tuwing kami’y dumadaing sainyo tungkol sa mga pagsasanay na kung
minsan ay hindi namin naiintindihan agad. Nauunawaan po namin ang hirap na inyong
pinagdaraanan at hindi lamang kaming mga mag-aaral ang nahihirapan sa mode of learning
ngayong may pandemya. Kaya, sa pagdiriwang ng Araw ng mga Guro ngayong taong ito, huwag
kayong mag-atubiling mamasyal kasama ang inyong mga pamilya at mahal sa buhay at
pansamantala ninyong isantabi ang mga gawain sa paaralan sapagkat deserve niyo ito!

Maraming salamat po aming mga guro at nawa’y makamit ninyo ang inaasam niyong tagumpay
sa inyong larangan. Pagpalain po kayo ng Panginoon.

You might also like