You are on page 1of 2

Kurt Miguel V.

Estrada
10-Bonifacio

“Hindi biro ang buhay estudyante, maraming pagsubok ngunit kung gusto
mo magtagumpay ay magsikap kang mag-aral nang mabuti”

ESTUDYANTE, ito ang palaging sambit ng mga nakapalibot sa akin sa tuwing nakikita nila
akong nakasuot ng uniporme. Oo, ako ay isang estudyante, maraming pangarap sa buhay at
gustong magtagumpay sa hinaharap. Gasgas na sa ating pandinig ang katagang “ Hindi biro
ang buhay estudyante, maraming pagsubok ngunit kung gusto mo magtagumpay ay magsikap
kang mag-aral nang mabuti”. Ito ang isang katagang hindi ko malilimutan na paulit-ulit kong
naririnig sa mga tao, lalo na sa aking lolo. Simula elementarya, ito na ang naririnig ko sa aking
lolo ngunit hindi pa ako naniniwala noon dito, ang mas pinaniniwalaan ko na madali lang naman
mag-aral dahil hindi naman ako nahihirapan. Ngunit, noong ako ay tumungtong na sa ikalimang
baitang hanggang ikaanim na baitang ay unti-unti na akong nahihirapan sa mga pinapagawa ng
aking mga guro, kaya’t bigla akong napaisip at tila ba muli kong narinig ang bulong na “hindi
biro ang buhay estudyante, maraming pagsubok ngunit kung gusto mo magtagumpay ay
magsikap kang mag-aral nang mabuti”. Sa oras na ito ay nasabi ko na “tama nga sila lolo, hindi
biro ang buhay estudyante”.

Noong ako ay nakapagtapos na ng Elementarya, ako ay lumipat na sa ibang paaralan at ito ay


ang Paaralang Sekundarya ng Quirino. Noong una, halo-halo ang aking nararamdaman ngunit
ang pinaka nangingibabaw sa aking emosyon ay ang takot at kaba. Ako ay natatakot dahil nga
ako ay nasa High School na o nasa mataas na lebel na ng pag-aaral. Bagong kaklase, bagong
guro, bagong paaralan, ito lang ang bukod tanging nasa isip ko noong unang pasok ko sa gate
ng Quirino High School. Sa unang linggo kong pagpasok bilang isang mag-aaral na nasa
ikapitong baitang, ako ay natuwa sapagkat ang tanging ginawa lang namin ay nagpakilala sa
harap ng aming mga kamag-aral at sa aming mga guro. Noong sumapit na ang ikalawang
linggo ng aming pag-aaral, nararamdaman ko na ang haplos ng isang buhay estudyante sa
dami nang pinapagawa sa amin sa bawat asignatura at masaya ako dahil kinakaya ko naman
ito. Noong pagsapit ng Marso, nagulantang ang lahat sa ating narinig na balita sa ating mga
telebisyon na nakapasok na sa ating bansa ang virus na COVID-19. Ako ay biglang natulala at
may nabuong tanong sa aking isip na “paano na ang aming pag-aaral?”. Nag suspende ng
isang linggo ang pamahalaan dahil nga mabilis kumalat ang COVID-19. Kaya naman umikot
lamang ang aking isang buong linggo sa apat na kwadrado ng aming bahay at hindi ko
inakalang aabot pala ito sa dalawang taon. Pagkatapos ng mga nagdaan na buwan ay nasagot
na ang tanong sa aking isipan na “paano na ang aming pag-aaral?”. Ito ay nasagot ng gobyerno
dahil ang sabi sa balita ay online class na lamang ang gagawin upang matuloy ang pag-aaral.
Ako ay nanghinayang dahil onti nalang ay matatapos na noon ang 4th Quarter, noong ako ay
nasa ikapitong baitang. Sa buong Grade 8 at hanggang Grade 9 ay ramdam ko ang pagbabago
sa sistema ng pag-aaral. Sa dalawang taon kong nasa bahay lamang nag-aaral ay sobrang
daming nangyari sa apat na kwadrado ng aming bahay, dahil hindi biro ang hirap ‘pag online
class. Sa sobrang daming pinapagawa sa amin noon ay hindi mo na magagawa ang bagay na
gusto mong gawin. Halos magdamag akong nakatutok sa aking laptop para matapos ko ang
tambak-tambak na gawain na ibinigay sa amin, hindi ko na nga rin maiwasan na magreklamo.
Mayroong isang araw sa sobrang pagod ko ay bigla akong natulala at umiyak dahil nga sobrang
pagod na ako sa mga gawain na ipinapagawa sa amin sa bawat asignatura, hindi ko namalayan
na nakita na pala ako ng aking lolo at muli niyang binanggit sa aking mga tenga na “ hindi biro
ang buhay estudyante, maraming pagsubok ngunit kung gusto mo magtagumpay ay magsikap
kang mag-aral nang mabuti”, dito ay napangiti ako at sinabi ko sa kaniya na “tama ka nga lo,
ramdam na ramdam ko na”. Simula noon ay mas nagsipag na akong mag-aral at palagi ko lang
inilalagay sa aking isipan ang katagang ito, dahil ito ang naging pundasyon ko upang ‘wag
agad-agad sumuko. Hindi ako makapaniwala dahil nakapasok ako sa with honors noong ako ay
nasa ika-walo at ika-siyam na baitang dahil pinahalagahan ko ang katagang paulit-ulit na
binabanggit sa akin ng aking lolo.

Ngayon ako ay kasalukuyang nasa ika-sampung baitang sa Paaralang Sekundarya ng Quirino


at sobrang pasasalamat ko dahil bumalik na ang face-to-face classes. Gigising sa madaling
araw, kakain, maliligo, papasok sa paaralan, dito na muling umiikot ang aking buhay
estudyante. Sa tuwing papasok ako sa aming paaralan na puno ng sigla at saya, ay uuwi
naman ako sa aming bahay na pagod at may lungkot sa mga mata dahil sobrang daming
ipapasa. Dito ay muli ko nang nararanasan ang hirap kaya hindi ko napipigilang umiyak lalo na
kapag sobrang hirap ng pinapagawa, kung minsan pa ay makakalimutan mo pa itong gawin
dahil hindi na mabibilang sa iyong mga kamay kung gaano kadami ang ipinapagawa sa iba’t
ibang asignatura. Sobrang dami ring reporting na ipinapagawa dahil sinasanay kami na
magkaroon ng confidence na magsalita sa harapan, kaya naman laking pasasalamat ko pa rin
dahil nahasa ako sa pagsasasalita sa harapan at hindi na ako nahihiya. Naalala ko noong isang
linggo ay hindi ko talaga napigilang umiyak, dahil sobrang hina ko sa english at pinasulat kami
ng aming guro ng isang Argumentative Essay, halos apat na oras ko itong ginawa. Ngunit, hindi
ako sumuko at pinagpatuloy ko ang paggawa kaya naman ako ay nakakuha ng 95 na marka sa
argumentative essay. Kaya naman simula noon ay natuto ako na kailangan talaga ng tiyaga sa
bawat bagay na gagawin kahit na mahabang oras pa ang proseso basta’t alam mo sa iyong
sarili na maganda ang kakalabasan nito.

You might also like