Irish Pauline L.

Ereno PS2B Ika-6 ng Setyembre, 2010 Mahal Kong Talaarawan, Maganda ang naging gising ko kaninang umaga. Ang saya-saya ko at palagi pang nakangiti, ibang-iba sa mga naging gising ko nitong mga nakaraang araw. Agad akong bumangon at nagbihis, nag-ayos ng gamit at bumababa na para kumain. Pritong itlog, hotdog at sinangag ang handa ni ina, na sinamahan pa ng mainit na kape. Oh, ang sarap. Busog na busog talaga ako. Pagkatapos ay nagsepilyo na ako’t nagmadaling pumasok sa paaralan. English ang una naming klase. Kakaunti lang kami habang naroroon. Wala raw kasi ang guro namin ngayon kaya nag-alisan na rin daw ang iba. At dahil sa wala na rin naman akong ibang mapupuntahan, nanatili na lang ako sa silid at nakinig sa mga tugtuging nasa cellphone ko. Maya-maya’y pumasok na rin ako sa isa ko pang klase, ang Filipino. Pinabasa sa amin ng aming guro ang mga sinulat naming komposisyon tungkol sa Charter Change. Nagbigay siya ng ilang opinion ukol dito at nagpatuloy na sa pagtalakay ng aming aralin. Natapos din ang klase at agad akong nagtungo sa silid-aklatan. May kailangan pa kasi akong tapusing research paper kaya ako naroroon. Susunod naman ay ang Theories of Personality. Object-Relations Theory ang paksa namin ngayon. Ito ay tumatalakay sa importansya’t kahalagan ng relasyon ng ina sa kanyang anak sapagkat ito raw ang siyang huhubog at tatayong pundasyon ng anak sa kanyang paguugali’t pakikipagkapwa-tao sa hinaaharap. Sadyang interesante ito para sa akin. Pagkatapos ay umuwi na ako sa amin at nagpahinga. Kumain na muna ako ng meryenda at tsaka na sinimulan ang talaarawang pinagagawa sa amin sa Filipino. Sinimulan ko na rin ang iba ko pang mga takdang aralin sa ibang asignatura. At iyan ang mga ginawa ko sa buong araw na ito. Nagmamahal, Irish

Ika-7 ng Setyembre, 2010

Mahal kong Talaarawan, Halos lahat ng kurso namin ngayon ay may gawain. Wala akong nagawa ni isa man sa mga ito dahil nga ako’y tinamad at maghapong gumala noong Linggo. Pinagana ko nanaman ang pagiging highschool student ko. Nauso nanaman sakin ang pag-cram. Hindi pa rin pala ako gasgas sa ganitong klaseng gawain dahil sadyang nagawa ko naman lahat ng takdang aralin ko at nakapag-aral pa ako sa quiz namin. Kapalit naman nito ang pagiging lantang gulay ng katawan ko dahil lahat ng enerhiya ko sa katawan ay nasimot na. Pagkatapos na pagkatapos ng klase namin ay para akong tangang nakangiti lang habang naglalakad. Hindi ako makapaniwalang buhay pa ako pagkatapos ng lahat. Dahil sa saya ko ay nilibre ko ang aking sarili ng masarap na pagkain at napagdesisyunan ko na ring maglibang muna bago umuwi. Nasulit ko yung oras ko at nakauwi ako ng mga alas singko na. Sumakay ako ng jeep at mag-isa lang akong pasahero. Matapos kong magbayad ay nakiramdam ako sa mga mangyayari. Pakiramdam ko may masamang binabalak ung tsuper kasi senyasan sila ng senyasan nung katabi niya. Tingin pa sila nang tingin sa akin at sa kung ano iyung mga dala ko. Sa loob-loob ko ay iniisip ko na kung ano ang gagawin ko kapag biglang huminto iyung jeep at holdapin nila ako. Iniisip ko pa lang ay kinakabahan na ako. Alam kong kahit makauwi ako nang buhay ay manganganib pa rin ako dahil sa mga sermon na aabutin ko kina mama’t papa. Mahigit 45 minuto akong mag-isa sa loob nung jeep dahil traffic talaga kanina patungong Pateros at salamat sa Diyos ay wala namang nangyaring masama sa akin. Tumatak kasi sa isip ko yung sinabi sa akin ng tita ko dati, na kasama raw talaga sa buhay kolehiyo ang pagkastranded at pagkahold-up. Buti na lang hindi pa ako nabinyagan, at sana, hindi ako mabinyagan. Nagmamahal, Irish

Ika-8 ng Setyembre, 2010 Mahal kong Talaarawan, Sa wakas ay muli ko nang nakapiling ang aming speaker para sa banyo. Hindi ko maipaliwanag kung gaano ako kasaya pagkatapos kong maligong muli na may saliw na musika. Hindi ko mapigilang

mapakanta at sumigaw sa sobrang tuwa. Sa maikling panahon ay nakalimutan kong may isa pa pala akong kursong kailangang pagaralan na sa sobrang haba ay baka mapuyat ako ngayon. Para akong tangang walang pakialam kung naririnig ba ng kapitbahay namin o kaya nama’y baka nakakakaabot sa elevator iyung boses ko. Masaya. Sobrang saya. Pero dahil tapos na naman ang saya, panahon na para muling magaral at simulang buuin ang aking kinabukasan. Panahon na para ligawan ang College Algebra na magiging daan upang magkaintindihan kami at sana pagdating ng aming pagsusulit bukas ay mailabas ko ang lahat ng pagmamahal ko sa kanya at mailigtas niya ako sa panganib ng pagkakabagsak. Pero maliban doon, alam mo iyung pakiramdam na matapos ang sadyang napakahabang panahon ay nagvibrate ulit ung bonggang selpon mo at hindi lang isa, kundi tatlong kaibigan mo ang nagtext saiyo, para sayo lang, hindi GM o kung anuman, tipong nasulat doon yung pangalan mo at nag-sayang sila ng piso para itext ka lang? Tapos heto ka sobrang saya dahil sa wakas may makakausap ka pero wala ka palang load… eh di nagpaload ka, tapos di ka naman makaunli. Nakakainis. Kung kelan meron nang mga taong nakaaalala saiyo tsaka ka naman binigo ng tadhana. Ang saya talaga ng buhay. Ginintuang aral para sa ngayon: Wag mag text ng UNLITXT20 sa kaibigan dahil baka mahalata niyang nagpa-unli ka para lang sa kanya. Nagmamahal, Irish

Ika-9 ng Setyembre, 2010 Mahal kong Talaarawan, Matagal-tagal na rin bago ako nagkaroon ng oras na muling maupo sa harap ng laptop para makapaginternet. Sa totoo lang nasasabik na rin akong makapagsulat ng kung anu-ano rito sa sarili kong talaarawan kung saan maaari kong sabihin ang lahat na pwede kong sabihin. Pero wala talaga akong magagawa, sadyang napakaraming pagkakataon na nawawalan na ako ng oras para makapagliwaliw kahit kaunti. Hindi rin naman ako makasingit kapag ang kapatid ko na ang gumagamit.

Sa mga araw na nagdaan sadyang napakaraming mga haraya ang pumasok sa utak ko at kating-kati na akong makapagsulat. Dahil nga sadyang ginagamit ito ng aking kapatid ay sa papel ko na lang inilabas lahat ng mga ideyang pumapasok na lang nang basta-basta sa utak ko. Nasa basurahan na ata sila ngayon dahil natapon ng kasambahay namin ang lahat ng papel na napagsulatan ko kagabi. Kanina nga pala, umuwi akong gulat na gulat. Lahat ng kulang sa bahay ay nabigyan ng kaukulang laman. Napuno ng Yakult, C2, at Cream-O yung ref, nagkaroon ng lansones, pinya, at kung anu-ano pang prutas ang hapag-kainan. Dumating ang lolo’t lola namin upang kamustahin kaming mag-anak. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o kung ano dahil bawat labas ko ng bahay ay ang pangit ng tingin nila sa akin na parang ako na ang may pinakamalaking pimpol sa mukha. Nakakailang. Ang pangit ng tingin nila sa akin. Yung tipong hindi na ako umuuwi kakalakwatsa at pariwara na ang buhay. Ewan ko ba. Hindi na lang ako magsasalita. Nagmamahal, Irish

Ika-10 ng Setyembre, 2010 Mahal kong Talaarawan, Hindi ko alam ang nangyayari sakin pero parang pagod na lamang ako lagi. Wala naman akong ginagawang magiging sanhi ng pagkapagod ko. Walang pasok ngayon kaya may panahon pa ako para ilipat sa laptop ang lahat ng mga naisulat ko ng talaarawan. Konting edit dito, konting edit doon, akala ko nga’y hindi na ako matatapos dito e. Kumain muna ako sandali tsaka nagpahinga. Lumabas ako ng bahay at nakipagkwentuhan sa iba pa naming mga kapit-bahay. Pagkatapos ay nagdatingan na ang mga kaibigan ko. Niyayaya nila akong sumama sa kanila sa Market Market. Matagal na akong hindi nakakasama sa kanila kasi iba-ibang paaralan ang pinasukan naming tatlo. Masaya ako’t kasama ko sila uli. Wala naman kaming masyadong biniling tatlo sa mall, kumain lang kami roon at nagpagala-gala…ang dami naming napagkwentuhang tatlo.

Nagkwentuhan kami nang halos dalawang oras at hindi kami tumigil sa kakatawa. Nalibang talaga ako sa pamamasyal kasama nila. Pagkatapos ay umuwi na rin kami isa-isa. Sana raw ay maulit pa uli ito sa susunod. Sana nga…umaasa talaga ako. Pagdating sa bahay ay nagpahinga uli ako. Natulog sandali at kinuha ang laptop. Nag-internet at naglaro ng online games. Maya-maya lang ay ipapasa ko na rin ang talaarawang ito via email. Yun lang at maraming salamat sa pagbabasa. Nagmamahal, Irish