You are on page 1of 6

Unang Yapak

Ipinasa ni: Anna Gabrielle D. Francisco 1SLP

Mahigit tatlong buwan na akong pumapasok sa Unibersidad ng Santo Tomas at marami na rin ang nangyari. Iniwanan ko ang aking tahanan sa Batangas para makapag-aral ng kolehiyo dito sa Maynila; para makapag-aral ng kursong aking gusto. At dahil laking probinsyana ako malaki talaga ang nabago sa aking buhay. Unang gabi ko pa lamang sa Maynila ay naiiyak na agad ako. Naaalala ko kasi ang aking mga magulang, mga pinsan, at ang aking lolo at lola sa probinsya. Ano kaya ang ginagawa nila? Naaalala rin kaya nila ako? Iyan ang mga tanong na pumapasok sa utak ko sa mga oras na iyon. Dagdagan mo pa ng problema tungkol sa kamang tinutulugan ko. Ang liit liit kasi noong kama, tapos yaong matres ay manipis, pati yaong unan kasingnipis noong matres. Kahit na kasama ko ang aking nakatatandang kapatid dito sa Maynila, iba pa rin ang pakiramdam kapag kasama ko ang aking buong pamilya. Paggising ko sa umaga, kinakabahan ako. Unang araw ito ng pasukan at makikita ko na ang aking mga kaklase. Mabait kaya sila? Magkaroon kaya ako ng kaibigan? Iyan agad ang pumasok sa utak ko nang isinuot ko ang aking uniporme. Pagdating ko sa eskwelahan, wala pang masyadong tao. Maaga kasi akong umalis ng bahay dahil maaga ang pasok ng aking kuya at pinsan. Huminto na lamang muna ako sa silid-aklatan, doon sa ikaapat na palapag. Nag-iisa lamang ako ako dun sa silid-aklatan kaya tinext ko agad ang aking mga kaklase para sabihin sa kanila na akoy nasa eskwelahan na. Marami ang tumugon sa aking text. At hindi na rin nagtagal ay nagkaroon na ako ng mga katabi sa mesa. Nagtanungan kami ng mga tirahan at mga hayskul na pinasukan noong nakaraang taon. Marami sa kanila ay dito lamang nakatira sa Maynila, pero mayroon din naman na

katulad ko na galing probinsya. Napasarap yata ang aming kwentuhan dahil mamayamaya ay sinita na kami ng katiwala ng aklatan. Unang araw pa lamang ng pasukan napalabas na agad kami ng silid aklatan. Dito na nagsimula ang pagsasama-sama naming magkakaklase. Mayroong mga nakakatawang pangyayari, may nakakahiya, may nakakakaiyak, at may nakakainis. Nagkaroon ng pangyayaring akoy naiyak hindi dahil sa tuwa, kundi sa inis at hiya. Bumababa kami noon sa hagdan at bigla akong napaluhod dahil mali ang pagkakatapak ng aking kanang paa. Tinulungan naman nila ako, pero tinawanan pati. Hanggang makarating kami sa unang palapag, sa labas ng gusali, tinatawanan pa rin nila ako. Unang beses kong naranasan ang mapagtawanan dahil sa pagkakamali; umiyak ako. Ngunit mayroon din namang mga nakakatawang pangyayari, katulad na lamang noong nag-uusap kami ng aking mga kaibigan. Mayroong nagtanong kung malapit lamang ba ang Batangas sa Laguna dahil yaong isa kong kausap kong kaibigan ay taga-Laguna. Sumagot ang aking kaibigan na taga-Laguna, Malayo. Sabay pakita ng kanyang dalawang kamay na nakaayos ng dalawang bilog na magkatabi. Ang isang bilog daw ay ang Batangas at ang isa naman ay ang Laguna, at magkatabi sila. Mayroon din namang pagkakataong akoy kinausap ng aking kaklaseng galing sa La Salle. Nakakadugo ng ilong ang kanyang mga sinasabi dahil purong Ingles niya akong kinausap. Sinagot ko rin naman siya sa Ingles, English carabao. Katawa-tawa siguro ang hitsura ko noon, nakakahiya.

Naaalala ko rin ang araw nang makita ko ang aking hinahangaan, ang aking crush. Lunes iyon ng hapon at naghihintay ako ng sundo sa harap ng football field. At dahil kinabukasan ay may pagsusulit kami, ginugol ko na ang oras para mag-aral. Subalit akoy naistorbo dahil sa ingay ng isang koponan ng putbol na naglalaro sa field, naistorbo sa kagwapuhan na aking nakita. Dahil dito, hindi na ako nakapag-aral. Marami pang mga pangyayaring ganyan ang aking naranasan sa unang semestre kasama ang aking mga kaibigan. Ang saya, hindi ba? Pero hindi lamang iyan ang pinunta dito sa Maynila, kailangan ko rin magsikap mag-aaral para sa aking kinabukasan.

Natuwa ako nang aking makuha ang aking mga marka para sa first shifting. Napahanga ako sa aking sarili noon. Hindi ko akalain na makakaya ko palang makakuha ng ganoong mga marka. Ngunit may dalawang asignatura, Zoology 101 at Zoology 101L, na namumukod tanging mababa ang marka. Sa mga asignaturang ito ako lubos na nahirapan. Bukod na mahirap talaga ang asignaturang ito, mayroong dalawang kadahilanan pa ang dumagdag para ako ay lubos na mahirapan. Ang una ay ang libro. Ang libro naming ginagamit sa asignaturang ito ay makapal at mabigat. Buklatin mo ito at makikita mo kung gaano kaliit ang font na ginamit. Tapos yaong isang kabanata ay naglalaman ng mahigit na sampung pahina. Ang pangalawa namang kadahilanan ay ang aming guro. Kahit ano ang aking gawin, hindi ko magawang maintindihan ang kanyang sinasabi sa amin. Siguro dahil naroon lamang siya sa unahan, nakaupo sa sulok. Siguro na rin dahil

binabasa niya lamang ang nakasulat sa kanyang powerpoint. Hindi nakakagulat na akoy tinamad mag-aral. Noong 2nd shifting naman, karamihan sa aking mga marka ay bumaba. Sa mga panahong ito ko kasi naranasan ang pagkapagod. Quezon City pa ang aking inuuwian at ang byahe doon hanggang UST ay umaabot ng isang oras. Kaya naman maaga kaming umaalis ng bahay para hindi maabutan ng trapiko; alas kwatro imedya pa lamang ay gising na ako. Ngunit gabi naman kami kung umuwi. Madalas kasing ala sais ang aking labas at minsan umaabot pa ng ala syete. Dumarating kami sa bahay ng ala syete o alas-otso. Syempre, pagkadating sa bahay dapat mag-aral. Dito ako napapagod, katulad na lamang kapag may pagsusulit kami kinabukasan sa Zoology 101. Hindi ba mahabang aralin ito? Minsan dalawang kabanata pa nga ang aming pagsusulit kaya inaabot ako ng madaling araw sa pag-aaral; kalimitang apat o talong oras lang ang tulog ko. Minsan sa sobrang dami ng gawain, naiiyak ako at ginugusto ko nang umuwi ulit sa Batangas. Naaalala ko na naman ang aking pamilya doon at kung gaano kadali ng buhay sa probinsya. Dahil sa sobrang pag-aasam, kapag natutulog ako, iniisip ko na lamang na akoy natutulog sa aking kama sa Batangas sa loob ng aking kwarto. Pero kahit pagod ako sulit pa rin kasi sa shifting na ito ako nakaranas ng perfect score sa isang pagsusulit. At ngayong 3rd shifting na at patapos na ang unang kong semestre sa UST, nararanasan ko pa rin ang hirap at pagod. Nalaman ko na ganito pala maging isang

estudyante sa kolehiyo. Pero higit sa lahat, nalaman ko sa aking unang yapak na sipag lamang ang katapat ng mga mahihirap na tanong.

You might also like