You are on page 1of 3

BERDENG PAPEL

Iba’t ibang mukha, iba’t ibang pangarap. Ramdam ko ang kaba ng mga kasama
ko sa silid na naghihintay ng resulta ng pagsusulit na kinuha namin para sa mga nais
naming kurso sa kolehiyo o ang tinatawag na ‘college entrance exam’. “Green kapag
passed, white kapag hindi”, salitang higit na nakapagpakaba sa amin. Ilang minuto
lamang ang nakalipas at hawak ko na ang resulta. Berdeng papel, tanda ng bagong
byahe ng buhay.

Kasabay ng saya sa pagpasa sa entrance exam ay nararamdaman ko rin ang


pagkalungkot sa mga unang linggo sa Probinsya. Kailangan kong matutong mapag-isa
sapagkat tawid-dagat pa ang aking pamilya na nasa lungsod. Mabuti na lamang dahil
kakilala ko ang aking makakasama sa boarding house na aming titirhan. Bago ang
unang araw ng pasukan ay lumipat na kami ng aking pinsan at mga kababata sa aming
tutuluyan. Pinili namin ang malapit sa paaralan upang madali lamang lakarin, mas
praktikal sapagkat hindi na namin kailangang mamasahe. Maaga kaming nagising sa
unang araw ng pasukan at agad na pumasok upang makaabot sa flag ceremony sa
unang araw ng klase. Naalala ko pa na alas nuwebe ang unang asignatura namin noon,
kabado akong pumasok sa aming silid at diretsong umupo. Hindi ako magaling
makihalubilo sa iba kung kaya solo lamang ako noong nagkaroon ng meeting dahil
halos lahat ng mga kaklase ko ay magkakakilala na. Sa paglipas ng mga araw ay
nagkaroon rin ako ng mga kaibigan.

Nagtuloy-tuloy ang aking pagpasok sa kolehiyo. May mga araw na masaya, may
mga araw din naman na sakto lang. Upang maibsan ang pagka-home sick ay umuuwi
ako sa aking pamilya buwan-buwan. Hindi ako nagtatagal ng dalawang araw sapagkat
mayroong ROTC tuwing araw ng Linggo. Sa pagdating ng pandemya noong
nakaraang taon, tila pinagkaitan kami ng tadhana na higit na maranasan ang pagiging
isang kolehiyo. Bakas ang hirap at paninibago ng lahat ano mang kasarian o edad.
Kailangang makibagay at makisabay sa kung ano ang makabagong paraan ng pag-
aaral. Gayunpaman, madali rin naman nating natanggap ang pagbabago. Marami man
ang kulang sa mga kagamitan na ginagamit sa pag-aaral ay nagagawan pa rin ng
paraan. Marami man ang nakararanas ng hirap, kahit paano ay naidaraos pa rin naman
ang pang-araw araw na buhay.

Tunay na hindi madali ang kolehiyo katulad na lamang ng sinasabi ng mga


nakatatanda. Kailangang magpursigi upang maabot ang pangarap ngunit huwag ding
kakalimutang unahin ang kalagayan ng sarili. Marami-marami pa ang aking magiging
karanasan sa muling pagbubukas ng paaralan. Kahit malayo-layo pa ang aking
lalakbayin, ako’y magpapatuloy upang mapaltan ng sertipiko ng pagtatapos ang aking
berdeng papel.

-Infante, Saralyn M
SI NANAY AT TATAY

Sa bundok malapit sa paaralan ay nakatira ang mag-asawang sina Nanay Elena at


Tatay Efren. Madaling araw pa lamang ay umaalis na sila upang pumunta sa taniman.
Araw-araw silang abala sa pagtatanim ng mga mais, kamote, balinghoy at kung anu-
ano pang mga pananim. Masisipag at hindi pwedeng hindi sila nagtatrabaho sa isang
araw dahil ‘yun na ang kanilang nakasanayan. “Nanghihina ako kapag wala akong
ginagawa”, ‘yan ang lagi nilang sagot sa mga anak sa tuwing pinapatigil na silang
magtrabaho. Mapagmahal sila sa kanilang mga anak at mga apo. Mahilig magluto ng
mga kakanin si Nanay katulad ng suman. Mahilig naman kumuha si Tatay ng buko at
iba pang mga prutas sa taniman upang ibigay sa mga bata. Minsan na lamang
bumisita sa kanila ang mga anak dahil sa kani-kanilang buhay kaya naman hindi
maiwasang malungkot ang dalawa. Lumipas ang ilan pang mga taon at nagpatuloy
lamang sila sa kanilang simpleng pamumuhay.

Isang araw ay may natanggap na balita ang kanilang mga anak na nasa ibang
bayan. Hindi raw makalakad si Tatay kung kaya ang iba sa kanilang anak ay daglian
silang umuwi sa mga magulang. Baluktot ang kaniyang dila at hindi na makapagsalita
nang tuwid, hindi na rin siya makatayo nang datnan siya ng mga anak. Mabilis ang
naging pangyayare at palaisipan sa kaniyang mga anak kung ano ang kaniyang sakit
kaya agad nila itong dinala sa hospital at doon ay napag-alamang si Tatay Efren ay
may sakit na stoke. Tila gumuho ang mundo ng kaniyang mga anak at ng kaniyang
asawa sa nabalitaan. Kapagkuwan ay namalagi ang matanda sa ospital, palitang
nagbabantay ang kaniyang mga anak at hindi naman nawawala sa kaniyang tabi si
Nanay Elena. Makaraan lamang ang ilang buwan ay pinayagan na silang umuwi ng
doktor at sa bahay na lamang ipinagpatuloy ang therapy. Gumagamit siya ng walker
upang makapaglibot-libot si Tatay Efren sa bahay at nakakausap na rin siya ng
kaniyang mga anak at apo kahit mahirap itong intindihin. Makulit at maalaga pa rin
siya kahit may sakit. Tanda niya pa rin ang kaarawan ng bawat myembro ng kaniyang
pamilya. Mahilig pa rin siyang makinig ng mga sinaunang kanta sa radyo. Malakas-
lakas na siya noon, nakakaakyat na siya sa ikalawang palapag ng bahay ng kaniyang
anak kahit walang gamit na pangsuporta. Hindi naman nawawala ang tingin ni Nanay
Elena sa kaniya, araw-araw niya itong pinapakain ng masusustansyang pagkain at
pinaiinom ng maintenance na gamot. Halos taon-taon na ring umuuwi ang kanilang
mga anak na galing sa ibang bayan upang mas makapiling ang mga magulang.

Sampong taon ang lumipas at patuloy na nakipaglaban sa kaniyang sakit si Tatay


Efren. Kalaunan ay nilisan na rin niya ang mundo dahil sa labis na katandaan. Nang
panahong iyan ay muling nakompleto ang kanilang pamilya at sinariwa kung gaano
naging mabuting kapatid, asawa, kaibigan at ama ang matanda. Hindi naman mag-
isang namuhay si Nanay Elena dahil tumira siya sa aniyang anak. Malakas pa rin ang
kaniyang katawan at katulad ng dati ay hindi pa rin nasasaway sa pagtatrabaho.
Bumabalik-balik pa rin siya sa dati nilang bahay na malayo sa kabihasnan upang
sariwain ang nakaraan, ang alalahanin ang mga araw na kapiling niya pa ang kaniyang
asawa.

SARILI MO NAMAN
(Saralyn I. )

Sa mundong binabalot ng mga katanungang bakit? paano? ano? o sino?


Sarili mo ba'y kilala pa nang husto
O, hinahayaan mo nalaang na diktahan ka ng mundo?

Aktibo sa pagmamahal sa iba, sa sarili'y kapos


Problemado, dehado, nagpapadala sa agos ng buhay na naghihikahos
Malaya ka naman ngunit bakit tila nakagapos
Nakagapos sa pamantayan ng unibersong bantay maging maliit na kilos.

Ngunit hanggang kelan?


Hanggang kelan mo ba ikukumpara ang sarili sa iba?
Hanggang kelan ka makikinig sa mga negatibong lintaya?
Hanggang kelan mo sisisihin ang sarili sa mga kamaliang nagawa?
Hanggang kelan mo panghahawakan,
ang mga taong hindi ka naman pinapahalagahan?

Hindi madali ngunit hahakbang paunti unti


Madadapa, iiyak ngunit hindi matatakot magkamali
Ikaw ang sarili mong sandata sa laban ng buhay
Na hatakin man pababa ng kalaba'y tanggap naman ang antas, timbang at kulay.

Magbabalik-loob, bigyang kulay na ang kinalimutang obra


Ang kantang isinulat ay lapatan mo na ng musika
Pareho mang kaliwa ang paa ay muli kang umindak, ipakita ang angking talento
at sa kanila'y itatak na... sarili mo naman.

Sarili mo naman
Ang tatanungin kung, "kumusta ka naman?"
Sarali mo naman
Ang iintindihin, tatanggapi't pakikinggan
Sarili mo naman
Ang uunahin at ituturing na buwan, na kung minsan hindi man buo handa
namang tumanglaw sa kadiliman

Sapagkat,
Talikuran ka man ng lahat, tandaan mong sarili mo'y sapat.

You might also like