Mahaba ang paglalakbay ngunit puno ng kapanapanabik na kapaligiran
ang aking nasaksihan. Lulan kami ng tatlong bus na magsasagawa ng pang edukasyong paglalakbay sa klase ng Masterado sa Filipino sa aming paaralan. Ilang araw akong hindi halos makatulog sa pananabik dahil ito ang unang beses ko na makararating sa Sagada na matatagpuan sa bundok ng Cordillera sa Norte ng Pilipinas. Inabot ng labing anim na oras bago namin ito marating. Dahil nagkaroon ng ilang stop over upang kumain at gumamit ng banyo. Nakakainip at masakit sa puwit at likod ang biyahe ngunit noong kami ay nasa bandang Pangasinan na kami ay masarap nang pagmasdan ang paligid…Ilang siyudad at bayan ang aming dinaanan at malalawak ang mga bukid at dagat na aking nakita sa aming mga dinaanan. Kinaaliwan ko nang husto noong paakyat na kami sa bundok ng Cordillera dahil makikita sa kabilang bahagi ang matarik na daanan at sa kabilang bahagi naman ay kabundukan. Nakaramdam ako ng takot dahil sa isang pagkakamali lamang sa pagmamaneho ng aming drayber ay malalim na bangin ang aming babagsakan… Pero naaliw ako sa mga ulap , habang tumataas ang aming paglalakbay ay kapanasin-pansin ang mga berdeng kabundukan. Sa bukana pa lamang ng Sagada ay may mga bantay na naniningil para sa eco fee. Nagbayad kami ng tig-20 pesos. Hinati kami sa grupo na may tiglimang miyembro at kumuha kami ng tour guide para sa pag-iikot na gagawin. Unang pinuntahan namin ay ang Sugong Hanging Coffins. Kahanga- hanga ang pagkakahanay pataas ng mga kabaong ng mga ninunong katutubo rito. Ipinaliwanag ng guide naming na naniniwala ang mga katutubo na kapag mataas ang pinaglalagyan ng kabaong ay mas mapalalapit daw ang kaluluwa sa langit. At sinasabi ring ginagawa rin ito upang hindi makain ng mga hayop sa gubat ang labi ng kanilang kapamilya. Dahil may daan na rin patungo sa bunganga ng kweba ng Sumaguing mula sa Hanging Coffins ay dumiretso na kami. Bago kami pumasok sa kweba ay pinaalalahanan na kami ng aming guide na ipadala sa kanila ang aming mga bag at hangga’t maaari ay wala kaming dala sa aming kamay. Pinaalalahanan din kami na madulas ang aming tatahakin papasok sa kuweba kung kaya’t huwag lumayo sa kaniya. Noong una ay marami sa amin ang nagduda kung kaya’t dinala pa rin namin ang aming mga bag. Habang papasok kami ay nakaramdam na ako ng pagod at takot dahil napaliligiran ng dumi ng paniki at may mga bahagi pa na humahawak kami sa paligid at gumagapang pababa. Dito namin naunawaan ang sinabi ng aming guide kung kaya’t nakiusap na kami na ipahawak sa kanya ang aming mga gamit. Matarik ang daan pababa, may mga pagkakataon pa nga na kailangan naming tuntungan ang aming guide upang makababa. Nakita namin sa loob nito ang mga batong hugis kurtina, hari, reyna at iba pa. Lubhang naging mahirap ang aming pinagdaanan makababa lamang sa ilalim ng kweba. Habang bumababa ay nagkukwento pa ang aming guide na may pagkakataon pa raw na biglang bumabaha sa ibaba kapag biglang umulan sa labas ng kuweba. Halos tatlong oras ang ginugol naming sa pagbaba. Sulit naman sa ganda at lamig noong makarating kami sa kaloob-looban nito. Ngunit ang hindi ko inakala ay mas mahihirapan pala kami paglabas sa kuweba dahil may mga pagkakataong kinakailangan naming magrapelling upang makaakyat. Basa na ang aming damit sa magkahalong pawis at tubig dulot ng kuweba. Halos apat na oras kami bago makaakyat sa bunganga nito. Nag-aagaw na ang liwanag at dilim bago kami makalabas. Masakit man ang katawan ay natutuwa pa rin akong maranasan ito. Nagpahinga kami sa isang transient house kung saan may anim na tao sa bawat kwarto. Mabilis kaming nakatulog dulot ng pagod sa maghapong pamamasyal pero nangibabaw ang pananabik sa mga pupuntahan pa namin kinabukasan. Unan naming pinuntahan ang echo valley park, mula sa aming tinuluyan ay 10 minuto papunta rito at may sampung minuto muling trecking. Kagaya kahapon ay kasama pa rin naming ang aming guide. Mayroong 1,162 metro ito above sea level. Tanaw namin mula rito ang papasikat na Haring araw at ang alon ng mga ulap. Napakalamig ng simoy ng hangin dito. Dito raw madalas maglabas ng sama ng loob ang mga turista sa pamamagitan ng pagsigaw sa mga hinaing nila. Mula rito ay dumiretso kami sa simbahan ng Virgin Mary kung saan kahanga-hang ang kasimplehan at katahimikan dito. Ito ang magiging huling destinasyon naming…bitin pero sulit at babalik- balikan. Sagada na sagad sa adventour, sagad sa saya, sagad sa pagod at sagad sa karanasan.
Pagsasanay 1:
Panuto: Itala ang mga lugar na pinuntahan ng may-akda at anong kakaibang
karanasan ang nakapaloob dito. Punan ng datos ang tsart.