You are on page 1of 13

PAPEL SA

PAGSUSURI NG PELIKULANG
“CAREGIVER”

Sinuri ni:
Nia Coline M. Mendoza
Antas 10 ng LS 302
(Taon: 2008-2009)

Para kay:
Gng. Aira Buquir
Guro sa Filipino 10
I. BUOD

Tipikal na istorya ng isang Pilipinang may ambisyon para sa pamilya ang


papel ni Sarah. Dahil sa hangarin niyang matulungan ang asawang si Teddy
(John Estrada) ay nag-aral siya ng kursong caregiving at naging isa sa 150,000
OFWs na nagtatrabaho sa United Kingdom. Magkasama nilang iniwan sa
Pilipinas ang anak na si Paulo (John Manalo) na binilhan niya ng winter coat
kalakip ang pangakong pag-iipunan niya ang pamasahe nito upang makasama
nila sa London.

Hindi ang oportunidad na makapagtrabaho lamang sa ibang bansa ang


naging katuparan ng mga pangarap ni Sarah. Bumigat ang pagtitimbang sa
maraming bagay. Kaalinsunod nito ang mga pagbabago sa kanyang pagkatao,
manapa'y ang pagkakatuklas tungkol sa kanyang sarili. Magmula sa isang
pagiging masunurin at maamong maybahay kay Teddy, at bilang katuwang sa
pagsisinop ng kanilang pamilya hanggang sa pagkakaroon ng kapangyarihan,
dignidad at pagpapahalaga sa kanyang sarili bilang isang babae, at bilang isang
taong may silbi sa kanyang mundong ginagalawan.

Makalipas ang sigla at kasabikan na makatapak sa London, nagsimulang


matikman ni Sarah ang lahat ng uri ng paghamon na siya ring pinagdaanan ng
lahat ng OFWs sa kanilang araw-araw na pamumuhay sa ibang bansa: ang
kakaibang lamig ng klima, ang hirap nang pakikitungo sa samut saring ugali ng
mga nakakasalamuhang tao at ang kalbaryo ng sukdulang pagtitiis sa pag-
aalaga sa isang maysakit. Kinalaunan ay namuo ang mga tensyon - sa
banyagang lugar na kanyang kinasadlakan, sa relasyon nila bilang mag-asawa ni
Teddy, at sa kanyang ginagampananang tungkulin. Ngunit sa gitna nang unos ay
pinanatili ni Sarah ang pagiging matatag at may nag-uumapaw na pang-unawa,
higit sa lahat, ang dedikasyon at determinasyong mapagtagumpayan ang piniling
larangan.
Iginupo si Teddy ng mga pagsubok hanggang sa dumating sa puntong
napagpasiyahan na niya ang bumalik sa Pilipinas. Hinimok niya si Sarah na
sumama sa kanya upang umuwi. Dito mahahati ang desisyon ni Sarah. Isang
matalinong pagpapasiya kung ano ang nararapat niyang gawin: ang manatili sa
London kakambal nang matiim na hangaring magtagumpay sa kanyang
propesyon sa kabila nang pagkawala ng kanilang relasyon bilang mag-asawa, o
ang paglaho ng kanyang mga pangarap kapalit nang pagiging buo ng kanilang
pamilya.

II. PAGSUSURI
A. PAKSA
Ang pelikulang ito ay nagbigay diin sa pakikipagsapalaran ng ating mga
kababayan upang mabigyan ng magandang buhay o kinabukasan ang mga
minamahal sa bayang pansamantalang iniwan. Ito ay patungkol sa mga OFW’s o
Overseas Filipino Workers na nagtitiis sa mga hirap na nararanasan nila at sa
patuloy na pagkayod para sa ikabubuti o kapakanan ng kani-kanilang pamilya.
Isa pa, napagtuunan din ang transpormasyon ng mga indibidwal tungo sa
ikauunlad o ikababagsak ng kanilang pagkatao. Una, sa parte ni Sarah(Sharon
Cuneta), mula sa nakasanayan niyang pagsunod sa bawat kagustuhan ng
kanyang asawa ay nabago niya ang takbo ng kanyang buhay; malaya siyang
nakapagpasiya para sa alam niyang mas makabubuti sa buhay niya. Sa kabilang
banda, mula sa nasimulang determinasyong gumanda ang buhay, naipakita ni
Teddy(John Estrada) ang isang nakakabiglang pagbabago, at ito ay ang
desisyon niyang sumuko na sa trabahong sa tingin niya ay hindi naman karapat-
dapat sa kanya...
Bukod pa rito, natalakay rin ang mga katangian ng isang tunay na Pilipino.
Isa sa mga ito ay buong pusong pagbibigay serbisyo, pagtulong sa abot ng
makakaya, paggalang sa kapwa, at higit sa lahat, ang pagkapit sa tamang
paniniwala o ang pagsulong sa tamang prinsipyo.
Ang paksa ay masasabing tunay at matapat. Sa pelikula, ipinakita ang
realidad ng buhay sa kabila ng mga paghihirap at problemang kinakaharap. Ang
pamumuhay nina Sarah at Teddy sa United Kingdom sa kabila ng matinding
pagtitiis sa hirap, ang pagsasakripisyo ni Sarah para sa pamilya, lalong lalo na
sa kanyang anak na si Pau, ang pagpupursigi ng iba pang pangunahing tauhan
sa trabaho sa UK, at ang pagharap ng bawat karakter sa mga problemang
dumadagsa sa kanilang buhay ay ilan sa mga katibayan na ito ay naging tunay
at matapat na paksa.

B. BANGHAY
Ang kuwento ay nagsimula noong napagpasyahan na nga ni Sarah na
sumunod na patungong UK upang doon ay makasama sa trabaho ang kanyang
asawa at upang matulungan na rin niya itong maitaguyod ang pamilya sa
Pilipinas. Nang makarating si Sarah sa UK upang makapagtrabaho, noong una
ay naging mahirap sa kanyang gampanan ang kanyang trabaho bilang isang
caregiver sapagkat hindi niya masikmura ang maglinis ng puwet ng matandang
hindi naman niya kaano-ano. Kinalaunan ay minahal na rin niya ang kanyang
trabaho; na kahit alam niyang naghihintay na lamang ng kamatayan ang mga
matatandang inaalagaan niya, hindi siya sumuko sa mga tungkulin at
pananagutan niya. Dahil sa pagkakaroon ng dedikasyon sa trabaho, napamahal
na din siya sa mga ito kaya naman sa tuwing may binabawian ng buhay sa
sinuman sa kanyang alaga, hindi na niya mapigil ang sobrang pag-iyak at
paghihinagpis.
Sa gitnang parte ng kuwento, nasaksihan din ang pagbagsak ng loob ni
Teddy dahil sa paniniwalang hindi katanggap-tanggap ang trabahong napapunta
para sa kanya. Tunay na nahirapan si Sarah na maayos ang sitwasyon sapagkat
dumating ang mga araw na lagi na lamang may inom o kaya naman ay hindi
pumapasok sa trabaho si Teddy. Nawalan ng loob si Teddy sa kanyang trabaho,
at ito rin marahil ang isa sa mga dahilan ng kalungkutan ni Sarah habang siya ay
nananatiling nagtatrabaho sa UK kasama ang kanyang asawang si Teddy. Nang
hindi na matanggap ni Teddy ang mga kabiguan niya noong siya ay napadpad sa
bansang UK, nagpasya siyang bumalik na lamang sa Pilipinas upang doon na
lamang ituloy ang mga pangarap para sa kanyang pamilya. Sa kabila nito,
naging matatag si Sarah habang malaya siyang nakabuo ng pasya para sa mga
pinapaniwalaan niya. Hindi niya hinayaang basta-basta na lamang masira ang
pangarap na nasimulan na niya para sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang
anak. Nagtiyaga siyang ipagpatuloy ang trabaho bilang isang caregiver at
kinalaunan ay natupad niya ang pangako sa anak na madala ito sa UK nang sa
gayon ay magkasama na silang mag-ina. Napatunayan ni Sarah sa kanyang
sarili na kaya niyang paunladin ang sarili niya lalo na’t para sa kanyang mga
minamahal at sa mga taong patuloy na naniniwala sa kanya.
Masasabing kawili-wili ang banghay ng pelikulang ito dahil bukod sa
pagiging payak nito ay nag-iwan din ito ng kapani-paniwalang mga pangyayari.
Mapapansin din ang natural na daloy ng mga pangyayari, kumbaga, hindi na ito
nagpaligoy-ligoy upang maintindihan ng mga manonood ang pelikulang ito.

C. SCRIPT
Sa pamamagitan ng script, naging organisado ang daloy ng banghay. Isa
pa, naging malinaw ang bawat mensaheng nais iparating ng pelikula sa mga
manonood. Batid natin na mawawalang bahala ang banghay o ang mga
pangyayari kung wala ang script na magbibigay buhay sa bawat detalye ng
pelikula.
Masasabing makatotohanan ang mga paguusap ng mga tauhan sapagkat
ito ay naging makabuluhan at payak na siyang naging daan para mabilis na
maintindihan ang mga pangyayaring nagaganap sa usapan ng mga karakter. Isa
sa mga patunay dito ay ang pangyayari kung saan naging bukas si Sarah sa
kanyang anak sa totoong dahilan sa pagsunod niya kay Teddy sa UK.
Mapapansing sa natural na paraan ng pag-uusap, ay naiparating ang totoong
nais niya iparating.
Nagtaglay ito ng maayos na yugto ng mga pangyayari. Sa pamamagitan
nito, hindi naging mahirap sa mga manonood ang pag-unawa sa bawat
pangyayaring nagaganap sa kuwento. Isa pa, dahil din sa kaisahan ng mga
pangyayari, madaling napagtanto ng mga manonood ang mensaheng nais
iparating ng pelikulang ito.
Sa pamamagitan ng mga salitang binitawan ng pangunahing tauhan na si
Sarah, mabisang naipakita ang paksa ng pelikula sa script. Litaw na litaw ang
matinding mga linyang binitawan ni Sarah lalo na sa parte kung saan hindi niya
napigilan ang sarili niya upang sabihin ang naging saloobin kay Mr. Morgan, ang
matandang noong una’y naging masama ang pagtrato sa kanya bilang kanyang
tagapag-alaga. Hindi maikakailang naipakita sa script ang paksa ng pelikula, at
ito ay ang pagpapakahirap ni Sarah bilang isang caregiver sa kabila ng
kalungkutang kanyang nadarama.
Ang kuwentong nabuo sa script ay ang pakikipagsapalaran ng ilan sa
ating mga kapwa Pilipino sa ibang bansa na pinatunayan ng mga paghihirap na
kinaharap nila para mapadama sa sarili nila pati na rin sa naiwang pamilya ang
magandang buhay na naging mailap sa kanilang sariling bayan. Sa kabila nga
mga suliraning kinaharap ng mga tauhan, lalo na ni Sarah, nanatiling buo ang
loob niyang ituloy kung anu man ang nasimulan na niya sa UK kahit noong
bandang huli ay sumuko o nawalan na ng pag-asa ang kanyang asawa. Sa
pamamagitan ng mabisang script ay madaling tumatak sa isipan ko ang
istoryang nabuo sa pelikulang ito.

D. PAG-ARTE
Si Sharon Cuneta ang gumanap at nagbigay buhay sa kanyang
role bilang si Sarah. Alam nating lahat na ang “Mega Star” ay kakikitaan ng mga
magagandang katangiang hinahangaan ng balana, at bukod pa rito, kapansin-
pansin din ang pagiging masayahin ng aktres na kinatuwaan ng madami. Siya ay
isang mayamang aktres ngunit sa pagganap niya sa pelikulang ito, taliwas ang
mga nabanggit na katangian sa pagganap niya bilang Sarah. Gumanap siya
bilang isang ordinaryong manggagawa. Bukod pa dito, hindi pansin ang totoong
estado niya sa buhay; naipakita niyang kaya niyang gampanan ang mga
tungkulin ng kanyang role sa pelikula. Madamdamin ang pagganap niya at
kitang-kita ang pakikisimpatya niya sa kanyang karakter. Natural ang mga kilos
niya, at bukod pa rito ay napamalas niya ang tunay na karakter na dapat niyang
gampanan.
Ang ganap ni Sarah ang nagpatunay sa totoong saloobin ng isang
inang naiipit sa bawat kagustuhan ng asawa. Isa pa, siya rin ang nagpamulat ng
mga sakripisyong kaya niyang gawin para sa mga taong minamahal at
naniniwala sa kanyang kakayahan.
Bilang karagdagan, masasabi rin na waring si Sarah ang tunay na
tao sa papel na ginampanan niya sapagkat tunay na kapansin-pasin ang
dedikasyon niya sa kanyang role at ang pag-iinternalisa ng bawat sitwasyong
kakaharapin niya. Hindi lamang malalaking role ang nabigyang-buhay ng mga
artista sa pelikula kundi pati ang maliliit na role. Masasabing malaki rin ang
kahalagahan ng mga tauhang may maliliit na role sapagkat kahit papaano ay
nasusuportahan nila ang takbo ng kwento ng pelikula. Maliit man ang gampanin
ng ilang artista, nakatutulong pa rin ito upang maiparating ang maayos na
mensahe o koneksyon ng bawat tauhan sa mga pangyayari. Ilan sa mga patunay
dito ay ang tauhang si David, anak ni Mr. Morgan, na nagbigay kulay sa daloy ng
kuwento. Isa siya sa nagpabatid kay Sarah na habang may buhay ay may pag-
asa. Kahit hindi ganoon kahalaga ang ganap ni David, nakatulong ang gampanin
niya sa pagbuo ng mas matibay na karakter ni Sarah. Isa pang makakapag-
patunay dito ay ang ganap ni Sean na noong simula ay nagbigay problema kay
Sarah dahil sa nagawa nitong pagnanakaw sa isang grocery store. Dahil dito,
nagsimulang malapit ang loob ni Sarah sa bata sapagkat gusto niya itong
mapagbago. Dahil din sa nangyaring aksidente sa batang ito na kung saan si
Sarah ang nagdala sa kanya sa ospital, napagtanto ni Sarah ang tunay na
estado ng buhay ni Teddy sa trabaho niya. Nalaman ni Sarah ang totoong
trabaho ni Teddy. Makikita natin ang malinaw na koneksyon ng bawat karakter sa
pelikula.

E. DISENYO NG PRODUKSYON
Masasabing naipakita sa pelikula ang tunay na kaligirang
atmospera sa pamamagitan ng pagbibigay halaga sa kabuuang disenyo, kasama
ang tagpuan, kasuotan at kulay na nagbibigay daan upang maging
makatotohanan ang pelikula. Sa pamamagitan ng kabuuang disenyo, mas
madaling naiparating sa mga manonood ang mensaheng nakapaloob sa
pelikula. Masasabing ang pagkaka-pili ng direktor ng bansang paggaganapan ng
pelikula ay nakatulong upang mas makita ang totoong kaganapan sa bansang
ito. Isang halimbawa na lamang ay ang pag-snow sa London na nagsilbing
instrumento upang mas mapadama ang kalungkutan ni Sarah sa pagkakawalay
sa anak. Kung kasuotan ang pag-uusapan, nabigyang diin ang ganap ni Sarah
bilang caregiver sa pamamagitan ng uniporme ng tunay na caregiver sa ibang
bansa. Kapansin-pansin din ang mga gayak ng pamilya ni Sarah sa Pilipinas; sa
unang tingin pa lamang sa kanila, mababatid agad na sila ay kabilang sa gitnang
antas ng lipunan. Napatunayan ng mga kasuotan ang kaangkupan nito sa
pagkatao ng mga artista.

F. TUNOG
Naging epektibo naman ang pagdaragdag ng tunog at musika sa
pagbuo ng pelikula. Sa pamamagitan ng mga ito, mas nadarama ang emosyong
taglay ng mga artistang gumanap sa pelikulang ito. Nakatulong ang musika at
tunog sa pagpapadama ng tunay na kalungkutang kalakip ng pelikulang ito.
Halimbawa na lamang nito ay ang pangyayari kung saan namatay si Mr. Morgan.
Sa pamamagitan ng mabagal at nakaka-iyak na musika, nakatulong ito upang
maging makatotohanan ang pangyayari. Mas maipaparating ang totoong
damdamin ni Sarah sa bahaging ito. Sa pagdaragdag ng mga angkop na tunog,
mas maaantig ang damdamin ng mga manonood o kaya nama’y mas makikita
nila ang katotohanang bawat emosyong nakikita sa mga tauhan ay nangyayari
sa totoong buhay.

G. POTOGRAPIYA
Mapapansing ang kamera ay pinagalaw nang maayos mula sa
umpisa hanggang katapusan ng pelikula. Upang mabigyang diin ang mga
pangyayari, damdamin, at tagpo sa pelikula, ang kamera ay ipinosisyon sa iba’t
ibang anggulo. Tunay na may malaking epekto sa pagbuo ng damdamin ang
posisyon o paggalaw ng kamera sa larawang ating nakikita sa pinapanood.
Kapansin-pansin ang malimit na pagpopokus sa mukha ng bawat tauhan sa
tuwing may matinding linyang binibitawan. Sa pamamagitan nito, nabibigyang
pansin ang emosyong namayani sa mga tauhan sa pelikula.

H. DIREKSYON
Simula pa lamang ng pelikula ay kinakitaan na ito ng maayos na
daloy ng mga pangyayari. Dahil dito, masasabing naging matagumpay ang
direksyon ng pelikulang ito. Litaw na litaw ang kontrol ng direktor sa tagpuan,
pagganap ng mga artista, posisyon o galaw ng kamera, pagsasaayos ng
banghay, at ang pagbabawas o pagdargdag ng script dito. Sa kabila nito, may
mga bahaging nagpakita ng kalakasan at kahinaan ng direktor. Para sa akin, ang
nagpamalas ng kahinaan ng direktor ay ang parte kung saan binawian ng buhay
ang isa sa mga pasyente ni Sarah na naging sobrang malapit sa kanya. Naglaan
si Sarah ng oras para muling makapiling si Mr. Morgan. Bago pa man binawian
ng buhay ang butihing si Mr. Morgan ay nakasama pa siya ni Sarah at ginugol
ang mga natitirang oras sa pagpapalipad ng saranggolang gawa ng isa sa mga
kaibigan niya. Hindi nagtagal ay tuluyan na ngang binawian ng buhay si Mr.
Morgan. Pagkatapos nito, hindi man lamang naipakita sa pelikula ang mga
detalye ng pagkamatay ni Mr. Morgan. Ipinakita lamang kapagdaka ang
pagdadalamhati ni Sarah sa pagkawala ng mahal na kaibigan. Sa kabilang
banda, naipakita naman ang kalakasan ng direktor sa bahagi kung saan natupad
ni Sarah ang pangako niyang pagkuha sa anak mula sa Pilipinas. Naipakita ang
pagtatagumpay ng karakter sa desisyong binitawan at pinanindigan niya. Sa
lahat ng ito, masasabing nagtagumpay ang direktor na maabot ang orihinal
nitong layunin. Hindi lamang ito nakapag-abot ng mahahalagang impormasyon,
nag-iwan din ito ng aral sa buhay ng tao.

I. PAG-EDIT
Naipakita sa pelikula ang natural o makinis na daloy ng mga
pangyayari. Sa mga nasaksihang pangyayari, mapapansin ang mahusay na
pagkaka-edit sapagkat hindi halata ang pagputol ng mga bahagi mula sa simula
hanggang sa wakas ng pelikula na nagbigay daan upang makita ng mga
manonood ang tunay na nilalaman nito. Ang pag-edit ay tunay na nakatulong
upang matuklasan at ganap na maunawaan ang paksa, banghay, at iba pang
kaangkop nito. Sa pamamagitan ng pagtatanggal ng mga bahaging hindi
ganoong kahalaga sa daloy ng istorya, mas madali itong maunawaan. Isa pa,
mas gumaganda ang nilalaman ng pelikula kung ang kabuuang pagpapalabas sa
mga bahagi nito ay detalyado at walang nakasasagabal sa daloy ng bawat
pangyayari.

II. KONKLUSYON
Ang pelikula ay kakikitaan ng tatlong kahalagahan: Pangkawilihan,
Pangkaalaman, at Pansining. Kahalagahang Pangkawilihan ito kung nabihag nito
ang interes o kawilihan ng mga manonood. Maaaring ito ay nagpatawa o
nagpalungkot, nakapagpanabik sa mga susunod na tagpo, nakapagbigay ng
takot, at madami pang iba. Sa unang bahagi pa lamang ng pelikula, nabihag na
ako na waring walang oras para ito’y mawala sa aking paningin. Habang
pinapanood ko ang pelikulang ito, hindi ko mapalampas ang bawat pangyayari
sapagkat nawili na agad ako sa kuwento nito.
Kapansin-pansin sa pelikulang ito ang mga makabagbag damdamin ng
mga tauhan lalo na ni Sarah. Naantig ang aking puso sa ginawa niyang buong-
pusong pag-aaruga kay Mr. Morgan na kinalaunan ay naging napakalapit sa
kanya. Natuwa ako sa pagtratong inilaan niya sa matandang inaruga niya. Hindi
lamang niya nabigyang ligaya si Mr. Morgan, nabago rin niya ang takbo ng buhay
nito na mula sa pagiging masungit, nahalinhan ito ng magaang loob sa lahat ng
taong makakasalamuha niya.
Sa isang bahagi ng pelikula kung saan nawalan na ng pag-asa si Teddy,
nangamba ako para kay Sarah sapagkat maaari siyang maapektuhan sa
nangyayari sa kanyang asawa. Dahil dito, lalo pa akong nanabik sa mga
susunod pang mga pangyayari. Sa kabila ng sitwasyon ni Teddy, hindi
napanghinaan ng loob si Sarah para harapin ang bukas. Nagpursigi si Sarah sa
trabaho niya nang sa gayon ay makuha na niya ang kanyang anak sa Pilipinas.
Hinangaan ko ang desisiyon niyang ipagpatuloy ang nasimulang trabaho kahit
alam niyang magkakahiwalay sila ni Teddy. Naging buo ang loob niya sa kung
ano ang pinaniniwalaan niyang mas makabubuti sa kanya at sa mga taong
minamahal niya.
Sa kabilang banda, litaw ang Kahalagahang Pangkaalaman ng pelikulang
ito sapagkat napakaraming kaalaman o karagdagang impormasyon ang handog
nito. Sa pelikulang ito natin mapapagtanto ang tunay na pagpupunyagi ng ating
mga OFW’s o ang mga tinatawag nating mga “bagong bayani” sa ibang bansa
upang mapaganda ang buhay ng mga minamahal na pansamantalang iniwan sa
paghahangad ng ikabubuti at mas ikauunlad ng kanilang buhay.
Dito rin matututunan ang totoong ibig sabihin ng sakripisyo. Sa
pagsasakripisyo natin malalaman kung tayo ay nagmamahal ng totoo. Sa
ginawang sakripisyo ni Sarah, hindi maikakailang nagsilbi siyang isang tunay na
mapagmahal na asawa, anak at higit sa lahat, sa pagiging mabuting ina.
Maipaparating din nito ang maayos na pagtrato ng kapwa. Katulad ni David,
ipinaglaban niya si Sarah mula sa maling iniisip ng kanyang kapatid. Bukod pa
rito, mas nabigyang diin ang pagiging relihiyoso ng mga Pinoy saan mang sulok
ng mundo. Kahit na saan magpunta, hindi pa rin mawawala sa mga Pinoy ang
mga santo na pinaniniwalaang gagabay sa pang-araw-araw na pamumuhay sa
ibang bansa. Isa pa sa mga matututunan at mas maiintindihan dito sa pelikulang
ito ay ang kalayaan sa pagbuo ng sariling desisiyon. Kagaya ni Sarah, kahit alam
niyang mawawalay siya kay Teddy, pinilit niyang maging matatag para sa
pagpapatuloy sa mga pangarap niya kasama ang kanyang anak.
Higit sa lahat, ang pelikulang ito ang nagbigay diin sa mga pagtitiis at
paghihirap ng mga OFW’s sa ibang bansa. Kaugnay nito, nais nito iparating sa
mga manonood na bigyan ng sapat na puri at paggalang ang ating mga
kababayang nagpupursigi para sa pag-ahon ng kanilang pamilya, pati na rin ng
ating bayan.
Bilang huli, masasabing kakikitaan din ito ng Kahalagahang Pansining
sapagkat naisagawa naman at napaloob nito ang lahat ng bahaging nararapat
upang makatawag pansin at makaantig ng damdamin. Sa pelikulang ito ay
mabisang naipakita ang realidad ng buhay. Si Sarah, bilang isang caregiver, ay
nagpamalas ng buong pusong laging handang sumuporta anu mang oras. Hindi
niya pinabayaan ang trabaho niya. Sa kabila ng mahirap na trabaho, nagsumikap
siyang magampanan ang lahat; lagi niyang isinasapuso ang bawat
responsibilidad niya bilang isang asawa at ina. Isa sa mga pangyayaring
nakaantig ng aking damdamin ay ang parte kung saan nabago ni Sarah ang
matandang sa una’y nagkaroon ng malamig na pagtrato sa serbisyong ibinibigay
niya. Si Mr. Morgan, mula sa pagiging mainitin ang ulo marahil na rin siguro sa
problema at mga isipin, ay nakakita ng apeksyon kay Sarah. Naramdaman ni Mr.
Morgan na bilang isang tagapag-alaga niya, hindi ni Sarah basta-bastang
mapapabayaan ang kalagayan niya lalo na’t siya ay may delikadong
karamdaman. Ipinaramdam ni Sarah kay Mr. Morgan kung gaano kahalaga sa
kanya ang trabahong ginagampanan niya sa kabila ng matinding kalungkutan sa
pagkakaiwan niya sa pamilya para lamang sa pagganap ng sinabi niyang
thankless job. Dahil dito, napagtanto ni Mr. Morgan na mali ang ginawa niyang
pagpapabigat ng nararamdaman ni Sarah sa simula. Mapapansin din dito ang
dakilang pagmamahal ng ina sa kanyang anak. Hindi ni Sarah kinalimutan ang
pangako sa kanyang anak, na ito’y kukunin niya mula sa Pilipinas upang sila’y
magkasama na muli.

You might also like