lakad kami ni Tatay. Pupunta kami sa parke para mag-ehersisyo at kumuha ng mga retrato. Sabi ni Tatay, kailangan daw naming kumilos. “Hindi malusog ang mataba, Ramon. Kailangan mong magbawas ng timbang. “Bakit sina Nanay at Lola, mabibilog?” pagtataka ko. “Isusunod natin sila,” sagot ni Tatay, sabay kindat. Palihim kaming nangiti ni Tatay. Ngayon, Hindi muna kami sasakay ng jeep o traysikel. “Hindi lahat ng naglalakad, walang pamasahe,” pabirong sabi ni Tatay. Nag-inat muna kami ng aming mga binti at braso. Inikot namin ang aming mga balikat at iginiling-giling ang mga balakang. “Handa ka na ba?” tanong ni Tatay. “Handa na!” maliksi kong sagot. Sabay naming nilakad ang naghihikab pang daan habang papasikat ang araw. Nakita namin si Aling Tasya habang nagdidilig ng mga bulaklak. Medyo mahirap na siyang kumilos pero hindi siya tumitigil. Lagi niyang dinadamuhan ang hardin para lumusog ang kanilang pananim. “Magandang umaga,” bati namin. “Puwede bang kunan ang iyong mga bulaklak?” Pumayag si Aling Tasya at ipinagmalaki ang mga paborito niya. Laking pasalamat ni Aling Tasya nang ipinag- igib namin siya ni Tatay ng limang baldeng tubig na pandilig. “Sasama ako minsan sa inyong ehersisyo,” pamamaalam niya sa amin. Itinuloy namin ni Tatay ang paglalakad. Sa simula’y mabagal. Tapos, bibilis. Babagal muli at muling bibilis. Parang may nagdaraang musiko sa dibdib namin ni Tatay. Ilang sandali lang ay pawis na ako. ‘Huwag kang matakot pagpawisan,” naalala kong laging payo ni Tatay. “Natutuwa ang iyong puso kapag ika’y gumagalaw.” Hihinto kami sandali ni Tatay upang kumuha ng mga retrato. Ginulat kami ni Tatay ng nagdaang mga siklista. “Magandang araw!” bati namin sa kanila. Kumuha ako ng retrato ng mga papalayong bisikleta. Mukhang ulan ng alikabok ang mga nakunan ko. Sa susunod kong kaarawan, bisikleta ang hihilingin kong regalo. Nais kong tularan si Tatay na nagbibisikleta papunta sa kaniyang opisina. (Alam mo bang “Padyakero” ang palayaw sa kaniya ng mga kaopisina at kaibigan niya?) Masaya sa parke , nakaiindak ang musika at panay hiyawan at hagalpakan ang maririnig sa paligid. Ganito rito tuwing umaga: parang sirko, parang piyesta ng maliliksing katawan. Tumingin sa akin si Tatay. Parang nabasa niya ang iniisip ko. “Sige, sumama ka na sa kanila. Pagbutihin mo,” nakangiti niyang sabi. Natapos na ang ehersisyo. Umiindak pa rin ang paligid ko. Ang gaan-gaan ng aking pakiramdam, para bang nakaangkas ako sa hangin. “Meryenda na tayo,” sabi ni Tatay. Ipinakita sa akin ni Tatay ang mga kuha niyang larawan. Ang galing kong mag-ehersisyo! Sa susunod,isasama na naming sina Nanay, Lola, at Lolo. Hindi na ako makapaghintay sa susunod naming lakad ni Tatay!