You are on page 1of 1

Ang mga pangyayaring iyong nabasa ay mga pangyayaring nagpapakita ng suliraning naranasan ng mga

tauhan sa Ibong Adarna. Ang pagkakaroon ng karamdaman, ang katampalasan o kataksilan, at ang
pagiging sunod-sunuran kahit pa ang iniuutos ay makasasama sa iba ay ilan lamang sa mga suliranin o
problemang nangyayari sa ating paligid. Ang problemang nararanasan ng mga taong bahagi ng lipunan
ay tinatawag na suliraning panlipunan.

Halika at iyong pag-aralan ang ilan sa mga suliraning panlipunan na naranasan ng mga tauhan sa
koridong Ibong Adarna na dapat mabigyan ng solusyon.

1.Sakit o Karamdaman- Ang karamdaman o sakit ay normal na nararanasan ng tao subalit may
posibilidad na maiwasan ito. Katulad nang nangyari kay Haring Fernando sa Ibong Adarna na mababasa
sa mga saknong 030-045, siya ay nagkaroon nang malubhang karamdaman. Ito ay dulot ng kaniyang
masamang panaginip. Hindi ito nawala sa kaniyang isipan kaya unti-unti siyang nanghina. Maiuugnay ito
sa isa sa mga karaniwang problemang pangkaisipan sa kasalukuyan, ang depresyon.

Sa paghahanap ng lunas sa kaniyang karamdaman, dito nagsimula ang pakikipagsapalaran at paglalakbay


ng kaniyang tatlong anak na sina Don Juan, Don Diego at Don Pedro.

2. Pagiging sunod-sunuran sa iba kahit pa ang iniuutos ay nakasasama- Mababasa sa mga saknong 237-
246 ng Ibong Adarna ang naging bunga ng inggit na naramdaman nina Don Diego at Don Pedro kay Don
Juan. Sa bahaging ito ay naging sunod-sunuran si Don Diego kay Don Pedro sa binabalak niyang pagpatay
kay Don Juan. Sa ideyang pagpatay kay Don Juan ay tutol siya, subalit sa huli’y sumang-ayon din sa
pananakit at pagpapahirap sa kaawa-awang si Don Juan.

3. Ang kataksilan- Sa mga saknong 252-256 ng Ibong Adarna ay mababasa ang maitim na balak ni Don
Pedro sa bunsong kapatid na si Don Juan. Ang kaniyang maitim na balak ay hindi naging lingid sa kapatid
niyang si Don Diego.

Maliban sa mga nabanggit, kabilang din ang pagiging bayolente o paggamit ng dahas laban sa kapuwa,
ang paggawa nang masama at pagsisinungaling para lang mapagtakpan ang isang kabiguan o kahihiyan,
at hindi pagkakaunawaan sa mga suliraning kinahaharap ng bawat indibiduwal.

Ngayong nalaman mo na ang mga suliraning panlipunan, ihanda ang iyong sarili sa mga pagsasanay na
makatutulong sa iyo upang lubos mong maunawaan ang aralin.

You might also like