You are on page 1of 11

SAINT JOSEPH COLLEGE

Junior High School Department


Tunga-tunga, Maasin City, Southern Leyte

Ika-15 na Linggong LLM sa Filipino 10

Ikaapat
na

BB. LYNBIEMAE B. DEGAMO, LPT


BB. MARY SHEEN J. LEONOR,LPT
Guro sa Filipino 10

GNG. ERNALIN G. SARATAN, LPT


Ikalawang Punong-Guro

G. DANTE M. MONTER,MAT-PE
Punong Guro
I. Panalangin:
Ama naming bukal at tagapagtaguyod ng karunungan
Dakilang pinagmulan ng lahat at Siyang tamang daan
Nawa’y tanggapin ang aming pasasalamat sa iyong mga biyaya
At buong pusong paghingi ng kapatawaran sa aming mga nagawang
pagkakasala sa Iyo at sa aming kapwa
Gabayan Ninyo po kami sa aming mga gawain sa araw-araw
Lalong-lalo na sa pagsagot sa aming mga modyul
Gabayan niyo rin po ang mga guro sa kani-kanilang gawain
Bigyang lakas at husay sa pagharap sa bawat pagsubok ng buhay
Habang nananatiling nagpupunyagi at nagsusumikap 
Para sa ikauunlad ng aming sarili at pamayanan
At para sa ikararangal ng aming paaralan at ng bansang Pilipinas.
Amen.
II. Pangkalahatang Panuto:
1. Ang pagsubok ay nasa hiwalay na bahagi upang madali niyo
lamang itong ipasa na hindi niyo na kailangan pang putulin o
kopyahin ang bahagi ng paksa.
2. Ang ipapasa niyo lamang ay ang pagsubok, HUWAG
KAKALIMUTANG LAGYAN NG PANGALAN AT SEKSIYON ANG
INYONG PAPEL.
3. Maaari niyo itong ipasa sa paaaralan/messenger/email.
4. Kung may katanungan o may hindi kayo naintindihan sa aralin at
mga komento o suhestiyon maaari niyo lamang kaming kontakin
gamit ang messenger/email.
III. Layunin:
 Kailigirang Pangkasaysayan ng El Filibusterismo: Nasusuri ang
pagkakaugnay ng mga pangyayaring napakinggan tungkol sa
kaligirang pangkasaysayan ng El Filibusterismo. F10PN-IVa-b-83
 Natitiyak ang kaligirang pangkasaysayan ng akda sa pamamagitan
ng:
- pagtukoy sa mga kondisyon sa panahong isinulat ang akda
- pagpapatunay ng pag-iral ng mga kondisyong ito sa kabuuan o ilang
bahagi ng akda pagtukoy sa layunin ng may-akda sa pagsulat ng
akda. F10PB-IVa-b-86
 Naiuugnay ang kahulugan ng salita batay sa kaligirang
pangkasaysayan nito. F10PT-IVa-b-82
 Napahahalagahan ang napanood pagpapaliwanag na kaligirang
pangkasaysayan ng pagkakasulat ng El Filibusterismo sa
pamamagitan ng pagbubuod nito gamit ang timeline. F10PD-IVa-b-81
 Naisasalaysay ang magkakaugnay na mga pangyayari sa
pagkakasulat ng El Filibusterismo. F10PS-IVa-b-85
 Naisusulat ang buod ng kaligirang pangkasaysayan ng EL
Filibusterismo batay sa ginawang timeline. F10PU-IVa-b-85
Paksa: Paglalayag sa Talinghaga ng Buhay, Kaligirang Kasaysayan ng
El Filibusterismo, Teoryang Realismo
IV. Nilalaman:
a. Isakonteksto
Binigyang-kahulugan ng UP Diksiyonaryong Filipino (Ikalawang
Edisyon, 2010) ang diksriminasyon bilang “pakikitungo nang hindi
maganda batay sa hindi matuwid na palagay ukol sa lahi, kulay, edad, at
kasarian.” Isa itong suliraning panlipunan na patuloy na umiiral. Panoorin
ang balita mula sa isa sa mga sumusunod na website. Suriin ang
kalagayang tampok sa balita ayon sa pagpapakahulugan sa diskriminasyon.
Pagkatapos, sagutin ang mga kasunod na pamprosesong tanong.
 SONA: Diskriminasyon laban sa mga Muslim, lumala raw nang
sumiklab ang gulo sa Marawi: https://youtu.be/5t5j4g7bebA
 TV Patrol: All-gender na banyo, ibinida para iwas diskriminasyon:
https://youtu.be/9vmgXNwq-RM
 UKG: Turistang Briton, dumanas ng diskriminasyon sa Palawan:
https://youtu.be/2T8A-BIn1kY
 TV Patrol: Babaeng may kapansanan, inireklamo ng ‘diskriminasyon’
ang isang mall shop: https://youtu.be/TGLBTf-n9HQ

1. Sa ano-anong mga pagkakataon umiiral ang diskriminasyon sa


lipunan? Magbigay ng halimbawa batay sa mga napanood na
video?
2. Kung ikaw ay nasa kalagayan ng isa sa mga tampok na indibidwal
sa mga video, paano mo haharapin ang naranasang
diskriminasyon?
3. Sa iyong palagay, bakit umiiral ang diskriminasyon?
4. Ano ang iyong pananaw ukol sa diskriminasyon? Magbigay ng
halimbawa bilang pagsasakonteksto ng iyong sagot.
5. Sa isang matapat na pagsagot, nagpamalas ka na ba ng
diskriminasyon sa kapuwa? Bakit oo/hindi?

b. Talasalitaan

Ang mga sumusunod na salita ay mababasa mo sa Tampok na


Panitikan. Sa tulong ng diksiyonaryo, tukuyin ang kahulugan ng
bawat isa at pagkatapos ay gamitin ito sa pangungusap.

1. Serbesa
kahulugan: Isang uri ng inuming nakakalasing
pangungusap: Inutusan ako ng aking tatay na bumili ng serbesa.
2. Kamara
kahulugan: kapulungan
pangungusap: Nais nilang ipadaig ang kanilang mga hinaing sa
kamara.
3. Silyon
kahulugan: upuan
pangungusap: Komportable siyang na nakaupo sa silyon.
4. Kasko:
kahulugan: bangka
pangungusap: Hindi pa niya naranasang sumakay sa isang kasko.
5. Kapritso
kahulugan: luho o mga kagustuhan
pangungusap: Naubos na lahat ng kanyang inipon dahil sa kanyang
mga kapritso.
6. Mahagway
kahulugan: matangkad at balingkinitan
pangungusap: Maraming nagkakagusto sa kanya dahil sa kanyang
mahagway na postura.
7. Saserdote
kahulugan: Pari
pangungusap: Pangarap ng kanyang magulang na siya ay maging
Saserdote.
8. Punglo
kahulugan: bala
pangungusap: Puno ng punglo ang baril ng pulis.

c. Tampok na Panitikan
Matagal nang umiiral ang diskriminasyon. Naging matingkad pa ito
noong panahon ng eksplorasyon at pananakop ng mga Kanluranin sa mga
bayan sa Asya. Idinulot ito ng kaisipang ang isang tao ay mas mataas kaysa
sa isa pa. Halimbawa, noong panahon ng mga mananakop, sinabing ang
kalinangan ng mga Europeo ay mas mataas kaysa sa kalinangan ng mga
sinakop nilang mga bayan. Sila umano ang tagapagdala ng sibilisasyon sa
mga katutubo. Basahin ang sumusunod na buod ng mga kabanata ng El
Filibusterismo at tukuyin ang paglalarawan ni Rizal sa umiiral na
diskriminasyon noong panahon niya.
Sa Kubyerta ng Bapor Tabo
(Buod ng Kabanata 1–3)
Ibinuod ni Christopher S. Rosale
Disyembre noon. Hirap na bumabagtas
ang Bapor Tabo sa paliko-likong daloy ng Ilog
Pasig. Lulan nito ang maraming pasahero na
patungo sa lalawigan ng Laguna. Bilog halos ang
hugis ng bapor, tulad ng tabo na pinagmulan ng
pangalan nito. Marusing ito sa kabila ng
pagkukunwaring maputi, subalit maharlika at kapita-pitagan dahil sa
angking kabagalan. Nakadungaw sa pang-ibabang kubyerta ng Bapor Tabo
ang mga kayumangging mukha at ulong maiitim, karamiha’y mga Indio at
Tsino. Nagsisiksikan sila sa piling ng sari-saring baul at kalakal. Samantala,
sa pang-itaas na kubyerta ay nakaupo naman sa magagarang silyon ang
mga prayle, empleado, at iba pang pasahero na nakadamit Europeo. Sa
hanay ng mga banyaga ay namumukod-tangi ang isang senyora na
nakapeluka at puno ng mga kolorete ang mukha—si Donya Victorina. Gaya
ng dati, namumulaklak ang panlalait sa bibig niya. Yamot na yamot siya sa
mga nagkalat na kasko at balsang niyog, maging sa mga namamangka,
naglalaba, at naliligong Indio sa ilog. Sa isip-isip niya, higit na bubuti ang
takbo ng Tabo kung walang mga Indio sa buong bayan. Nawaglit sa isip niya
na ang kapitan, marino, at makinista ng bapor ay pawang mga Indio.
Gayundin, kung kakayurin ang kulapol niya sa mukha at huhubarin ang
nagmamataas niyang damit ay isang hamak na Indio ang tatambad.
Kilalang-kilala sa buong bayan si Donya Victorina dahil sa kaniyang
luho at kapritso. Malimit siyang dumalo sa mga pagtitipon at pinagtitiisan
naman siyang samahan ng pamangking si Paulita Gomez. Ulilang lubos na
ang napakagandang si Paulita. Ang senyora na ang nagsisilbi niyang
ikalawang ina. Noon pa man ay pangarap na ni Donya Victorina na maging
isang tunay na Europea. Ang lahat ng kaniyang kagustuha’y buong
pagtitimpi namang sinusunod ng asawa niyang si Don Tiburcio de
Espadaña. Gayunman, isang araw, napatid din ang pisi ni Don Tiburcio.
Dahil sa labis na kagaspangan ng ugali ng ginang ay di niya napigilang
hambalusin ito ng kaniyang saklay. Lubos namang nabigla ang senyora sa
inasal ng dati’y sunud-sunuran niyang asawa. Tumakas si Don Tiburcio at
hindi na muli pang bumalik. Paglaon ay nabalitaan naman ng senyora na sa
Laguna ito nagtatago. Kaya’t heto siya ngayon, sakay ng Bapor Tabo, handa
nang akitin at suyuin ang asawa sa pamamagitan ng kaniyang buhok na
tinina.
Sa kabilang banda, sa itaas na kubyerta ay pinagtatalunan ng ilang
pasahero ang pagtutuwid sa paliko-likong ilog. Sumabat naman si Donya
Victorina at napopoot na nagwikang walang mabuting lawa sa kanilang
bayan. Biglang-bigla, tumindig ang isang mahagway na lalaki sa gitna ng
umpukan. Matangkad siya, kayumangging-kayumanggi, nakasuot ng
napakalaking salamin, at nakadamit Ingles. Siya ang alaherong si Simoun.
Aniya, napakadali ng lunas sa kanilang problema. Ang dapat lamang gawin
ay humukay ng isang tuwid na kanal mula sa liwasan hanggang sa hulo ng
ilog na magdaraan sa Maynila. Sa madaling salita, gumawa ng isang bagong
ilog at sarhan na ang dati. Sa pamamagitan niyon, makakatipid sila sa lupa,
iikli ang kanilang paglalakbay, at mapipigil ang pagtubo ng mga balaho.
Humanga ang lahat sa panukala niyang iyon, maliban sa liberal na si Don
Custodio. Aniya, napakalaking halaga ang gugugulin para dito, at kailangan
pa marahil sumira ng mga poblasyon. Sinagot naman ito ni Simoun at
sinabing mga preso’t salarin pagtatrabahuhin nang sa gayon ay hindi
kailangang magbayad. Kung hindi ito sapat ay sapilitang isasama ang
matatanda, kabataan, at mga musmos sa buong bayan. Sa ganitong paraan
lamang maisasakatuparan ang isang malaking proyekto nang maliit ang
puhunan. Dagdag pa niya, ganito rin naman ang mekanismong ipinatupad
sa pagpapatayo ng Piramide ng Ehipto at Koliseo ng Roma na pawang
hinahangaan at dinarayo sa kasalukuyan ng maraming tao. Lubos namang
nanghilakbot si Don Custodio sa planong iyon ng alahero. Matinding
kaguluhan ang idudulot nito sa kanilang nayon. Tinuya naman siya ni
Simoun at sinabing ano’t nasa kanilang bayan ang mga prayle kung hindi
rin lang mapipigilang maghimagsik ang bayan. Umugong ang mga pagtutol
sa itaas ng bapor. Nangitim naman sa galit si Don Custodio. Ngayon pa lang
siya nakatagpo ng ganito kapangahas na nilalang! Pagkuwa’y walang lingon-
likod na umalis si Simoun.
Nang mahimasmasan si Don Custodio ay siya naman ang naglahad
ng plano. Panukala niya, mag-alaga na lamang ng mga pato ang lahat ng
nakatira malapit sa ilog. Ang mga pato na mismo ang magpapalalim ng ilog
dahil sa panghuhuli ng mga susô. Namangha ang marami sa suhestiyon
niyang iyon, kabilang na sina Padre Salvi, Padre Camorra, at Padre Irene.
Humingi pa ng pahintulot ang manunulat na si Ben Zayb upang gawan ng
artikulo ang planong iyon. Nanginig naman sa pandidiri si Donya Victorina
dahil lubos na dadami ang mga kinaaayawan niyang balut.
Samantala, sa ibabang kubyerta ay makikitang kausap ng dalawang
binatilyo ang mayamang si Kapitan Basilio. Ang isa sa mga binatilyo ay si
Isagani na isang kilalang makata sa Ateneo at malimit na walang kibo. Ang
isa naman ay si Basilio na isang estudyante ng Medisina na lubos na
hinahangaan dahil sa angking galing sa panggagamot at sa pag-aalaga ng
mga may sakit. Kinumusta ni Kapitan Basilio sa dalawang binata ang
kalagayan ni Kapitan Tiago na wala pa rin noong tigil sa paghithit ng opyo.
Pinag-usapan din nila ang tungkol sa Academia de Castellano na planong
ipatayo nina Isagani at Basilio. Layon ng akademya na turuan ng Espanyol
ang mga Indio. Anang dalawa, ang pahintulot na lamang ng Heneral ang
hinihintay. Niregaluhan pa nila ng isang pares ng mga kastanyo si Padre
Irene upang kausapin lang nito ang Heneral. Ang pondo para sa proyekto ay
kukunin nila sa ambag ng bawat estudyante. Ang lugar na pagtatayuan ng
eskuwela ay magmumula naman sa mayamang si Makaraig. May nakuha
na rin silang mga propesor na maaaring magturo—ang kalahati’y mga Indio
at ang kalahati’y mga Peninsular. Pagkaraang matiyak na naihanda na nga
ng dalawa ang lahat ay umalis na rin si Kapitan Basilio.
Bahagyang nayamot si Isagani sa inasal ng kapitan. Aniya, tila mga
balakid lamang ang nakikita nito sa halip na ang mga pakinabang.
Samantala, naibahagi niya rin kay Basilio ang hiling ni Donya Victorina na
hanapin ang naglayas nitong asawa. Nais sanang tumulong ni Isagani lalo
pa’t iniibig niya ang pamangkin nitong si Paulita. Gayunman, ang
problema’y sa bahay nila mismo ng kaniyang tiyo nagtatago si Don Tiburcio!
Ilang saglit pa, biglang dumating si Simoun at nilapitan ang dalawa.
Inaya niya ang mga ito na uminom ng serbesa. Malugod namang tumanggi
sina Isagani at Basilio na siyang ikinasuya ng alahero. Aniya, mabuti ang
serbesa lalo na para sa matamlay nilang bayan na pulos tubig ang iniinom.
Napatindig naman si Isagani at makahulugan na nagwika. Aniya, kayang
lunurin ng tubig ang alak at serbesa. Kaya rin nitong pumatay ng apoy.
Nagiging singaw ang tubig kapag pinainitan. Kapag naliligalig naman ay
nagiging karagatan na kayang pumuksa sa sangkatauhan.
Noon din ay umalis na si Simoun. Pagkuwa’y pinayuhan naman ni
Basilio ang kaibigan. Aniya, dapat ay mag-ingat siya sa pagsasalita dahil
isang makapangyarihang tao ang alahero. Kapagdaka, biglang dumating
ang isang katulong at sinabihan si Isagani na hinahanap siya ng kaniyang
tiyo na si Padre Florentino. Nang magkita ang dalawa, sinabi ng klerigo na
inanyayahan siya ng Kapitan ng barko na pumasok sa kamara at umakyat
sa pang-itaas na kubyerta. Nagbilin si Padre Florentino na huwag na huwag
papasok si Isagani habang nasa loob siya ng kamara. Nangiti naman ang
binata dahil halatang iniiwasan ng kaniyang tiyo na kausapin siya ni Donya
Victorina.
Si Padre Florentino. Anak ng isang napakayaman at kilalang pamilya
sa Maynila si Padre Florentino. Sa totoo lang ay hindi niya ginusto
kailanman na maging saserdote. Iyon nga lang, dahil sa panata’t pangako
ng kaniyang ina sa arsobispo ay napilitan siyang pumasok sa seminaryo.
Walang nangyari sa mga pagsamo niya’t pagtutol. Sa gulang na
dalawampu’t lima ay naging isa siyang ganap na klerigo. Tatlong araw na
ipinagdiwang ng kaniyang pamilya ang una niyang misa. Pagkaraa’y
namatay ang kaniyang ina na masaya at may ngiti sa mga labi. Gayunman,
kabaligtaran ang nararamdaman ni Padre Florentino, lalo na nang
mabalitaan niyang nagpakasal na sa kung sino ang babaeng kaniyang
pinakamamahal. Pagkaraan niyang maglingkod sa bayan at simbahan nang
kung ilang taon ay nagretiro din siya paglaon at nanirahan bilang isang
karaniwang mamamayan. Inampon niya ang pamangking si Isagani na ayon
sa mga usap-usapa’y anak sa pagkadalaga ng isang pinsan ni Padre
Florentino sa Maynila.
Samantala, sa pag-akyat ni Padre Florentino sa pang-itaas na
kubyerta ay humupa na ang init ng nakaraang pagtatalo. Nagtatawanan
na sila. Nagbibiruan. Nakalimutan na rin ni Don Custodio ang pagkayamot
niya kay Simoun. Habang nagkakasiyahan ang lahat ay nagbahagi ang
Kapitan ng bapor ng isang kuwento tungkol sa Ilog Pasig. Isinalaysay niya
ang tungkol sa alamat ng Malapad-na-Bato na siyang pinaniniwalaang
tahanan ng mga espiritu at minsang ginawang pugad ng mga tulisan.
Ikinuwento naman ni Padre Florentino ang tungkol kay Donya Geronima na
nanirahan nang maraming taon sa yungib ng Ilog Pasig matapos itakwil ng
nag-arsobispo niyang kasintahan. Samantala, naglahad din ng alamat si
Padre Salvi. Ibinahagi niya ang kuwento ng isang di binyagang Intsik na
namamangka noon sa ilog at nailigtas mula sa isang demonyong nag-
anyong buwaya. Ayon sa mga sabi-sabi, humingi ng tulong ang Intsik kay
San Nicolas (na hindi naman niya talaga kilala at nariririnig lang kapag
nadaraan sa simbahan). Ginawang bato ng santo ang buwaya at hanggang
ngayo’y makikita pa rin diumano ang hubog nito sa gilid ng ilog. Lubos na
namangha si Ben Zayb sa mga narinig niyang kuwento. Nangako siyang
gagawan ang mga ito ng artikulo. Gayunman, hindi napigilan ni Simoun na
kuwestiyunin ang lohika ng mga narinig niyang kuwento na siya namang
lubos na ikinasuya ng mga klerigo.Maya-maya pa, pumasok na ang bapor
sa lawa. Tumambad sa lahat ang nakabibighaning tubig na naliligid ng
luntiang pampangin at asul na bundok. Kapagdaka, tinanong ni Ben Zayb
sa Kapitan kung saang dako namatay ang isang tulisang binatang
nagngangalang Ibarra. Malugod naman nitong itinuro kung saan tumalon
ang binata mula sa bangka, malapit sa Kinabutasan. Itinuro niya rin kung
saan nakakita ng dugo ang mga kawal matapos nilang paulanan ng mga
punglo ang binata. Sumabat naman si Padre Sibyla at sinabing kapiling na
ni Ibarra ang bangkay ng kaniyang ama na isa ring filibustero. Natahimik
naman si Simoun at napatingin na lamang sa malayo
d. Panunuring Pampanitikan
Teoryang Realismo
Ayon kay Donna Campbell sa kaniyang Realism in American
Literature, 1860–1890 (2018), ang Realismo ay isang teknik ng pagsulat sa
panitikan na nakatuon sa paglalahad ng representasyon ng realidad o
katotohanan ng buhay (verisimilitude). Dahil dito, ang mga manunulat na
tumatangkilik sa teoryang ito ay nakatuon sa paglalahad ng detalyadong
paglalarawan ng tunay at totoong pangyayari sa pang-araw-araw na buhay.
Saligan ng pagkukuwento sa ilalim ng teoryang ito ang mga obhetibo,
makatotohanan, at kapani-paniwalang paglalarawan. Idinagdag pa ni
Campbell na bagama’t isang teknik, madalas na paksa ng teoryang
Realismo ang buhay ng mga karaniwang mamamayan at ng mga nasa
gitnang uri ng lipunan. Kasalungat ito ng teoryang Idealismo na nakatuon
naman sa kung ano ang ideal o yaong maaaring umiiral lamang sa
imahinasyon.
Sa binasang tampok na buod ng mga kabanata, ipinakita ang tunay
na kalagayan ng mga Pilipino sa panahon ni Rizal. Silang mga Indio at
Tsino, na itinuturing na mas mababa ang uri kaysa sa mga Europeo at iba
pang mayayaman sa lipunan, ay nakalugar sa ibabang bahagi ng Bapor
Tabo. Isa itong representasyon ng katotohanang sa panahon ni Rizal,
mababa ang pagtingin sa mga Indio at Tsino. Malinaw ring inilarawan ang
panghahamak ng isang Donya Victorina, isa ring Pilipino, sa mga Indio at sa
kaniyang bayan. Representasyon siya ng mga Pilipino noon na
mapagpanggap na kabilang sa mataas na uri, kaya masasabing isa siyang
“social climber” na inaangat ang katayuang panlipunan upang makaranas
ng higit na pagturing
e. Palihang Pampanitikan

Kaligirang Kasaysayan ng El Filibusterismo


Oktubre 1887 sa Calamba, Laguna nang sinimulang isulat ni Jose
Rizal ang kaniyang ikalawang nobela, ang El Filibusterismo. Ito ay
karugtong ng naunang inilathalang Noli Me Tangere. Ang lunan ng
ikalawang nobela ay 13 taon makaraan ang huling eksena sa naunang
nobela—nang magkatulong na ilibing nina Crisostomo Ibarra at Basilio sina
Elias at at Sisa. Sa El Filibusterismo, ipinakilala ang misteryosong karakter
na si Simoun, isang mayamang mag-aalahas na ginagamit ang kaniyang
yaman at impluwensiya.
Mula sa Calamba, dinala ni Rizal sa Paris, Pransya, at Madrid, Espanya ang
pagsulat ng sumunod na mga kabanata ng El Fili, pero sa Biarritz, Germany
niya natapos ang pinakahuling kabanata nito noong ika-29 ng Marso 1891.
Naghanap siya ng magiging imprentahan ng El Fili at tinanggal na sa
listahan ang Paris dahil sa mahal ng pag-iimprenta rito, kaya bumalik siya
sa Brussels, Belgium at sumunod ay sa Ghent, Belgium, kung saan mas
mura ang gastos sa mga bilihin. Katuwang ang kaibigang si Jose
Alejandrino ay natagpuan niya ang F. Meyer-Van Loo Press na pumayag na
ilimbag ang kaniyang aklat kahit hulugan ang bayad. Si Alejandrino ang
naging tagapadala sa imprenta ng mga proof at pagtatama. Dito na
nailathala ni Rizal ang El Fili noong gitna ng Setyembre 1891.
Subalit katulad ng Noli, dumaan din sa masalimuot na karanasan
ang El Fili bago ito nailathala. Kung susuriin, mas makapal nang di hamak
ang Noli na may 64 na kabanata kaysa sa El Fili na mayroon lamang 39
kabanata. Ayon kay Ambeth Ocampo sa kaniyang librong Rizal Without the
Overcoat (2018), intensiyon ni Rizal na gawing dobleng mas mahaba ang El
Fili kaysa sa Noli pero dumaraan noon si Rizal sa maraming pagsubok
kasama ang pinansiyal na problema. Batay kay Augusto de Viana sa
kaniyang librong Jose Rizal in Our Times (2011), kapos sa pera noon si
Rizal. Sinikap niyang magtipid nang husto upang mairaos ang kaniyang
buhay at makaipon ng perang pampalimbag ng El Fili. Isinanla niya ang
kaniyang alahas upang makalikom ng pondo. Idinagdag niya ang nalikom
mula sa pagsasanla sa natira niyang pera mula sa pagbebenta ng kaniyang
anotasyon sa Sucesos de las Islas Filipinas ni Antonio Morga at sa ambag
ng kaibigang negosyanteng si Jose Maria Basa mula sa Hong Kong.
Idinagdag naman ni Ocampo na bukod sa problema sa pera, dumanas
din si Rizal ng depresyon, pangungulila, at pag-aalala sa kaniyang pamilya
na noon ay nakaranas ng panggigipit mula sa mga Espanyol bunsod ng
problemang agraryo sa Calamba. Halos dumating sa puntong ninais niya na
lang sunugin ang manuskrito ng El Fili.
Nagkaroon din ng pagkakataon na natigil sa pagbabayad si Rizal sa
imprenta kaya’t nahinto ang paglilimbag ng El Fili. Dito na sumaklolo si
Valentin Ventura, isang mayamang Pampango na nasa Europa rin upang
magsulong ng reporma sa Pilipinas. Gayunman, naging sakto man ang
dating ng tulong ni Ventura, nasunog na ni Rizal ang ilang manuskritong
natapos niya dahil sa dinanas na mababang emosyon. Ayon kay Ocampo,
nasa 47 pahina ng manuskrito rin ng El Fili ang binura ni Rizal gamit ang
brush at tinta.
Sa kabila ng mga pagsubok na ito ay natuloy rin ang paglalathala
niya ng El Filibusterismo. Ayon sa www.joserizal.ph na pinangangasiwaan
ng Jose Rizal University, kabilang sa mga unang pinadalhan ni Rizal ng
kopya ng nailimbag na El Fili ay sina Basa na nakatanggap ng dalawang
kopya at si Ventura na binigyan niya ng orihinal na manuskrito ng El Fili at
isang inilimbag na kopya na may lakip na autograph. Ang orihinal na
manuskritong ito ay nasa pangangalaga na ngayon ng Pambansang
Aklatan, ayon kay Ocampo. Bukod kina Basa at Ventura, pinadalhan din ni
Rizal ng kopya sina Sixto Lopez na kasama ni Basa sa Hong Kong,
Ferdinand Blumentritt, Mariano Ponce, Graciano Lopez Jaena, Trinidad
Pardo de Tavera, Antonio Luna, Juan Luna, at Marcelo del Pilar.
Ayon kay Ocampo, noong panahong iyon ay naging lubhang bihira
ang kopya ng mga nobela ni Rizal. Noong 1887 ay humiling ng kopya ng Noli
ang gobernador heneral sa Malacañang pero dahil sa kawalan ng kopya ay
humiram muna si Rizal mula sa kaniyang kaibigan upang ibigay sa
gobernador. Lalo pang naging bihira ang kopya ng mga nobela ni Rizal nang
ipagbawal ng pamahalaan ang kaniyang mga libro. Nang magpuslit si Rizal
ng kopya ng El Fili sa Maynila mula sa Hong Kong ay halos lahat ng kahon
na naglalaman ng nobela ay nakumpiska ng customs. Ang kopya ng
kaniyang mga nobela ay naipasa-pasa na lamang upang mabasa ng mas
maraming Pilipino

Pangalan:____________________________________Seksiyon:___________________
Marka:_____
V. Pagsubok: LLM 15
Sagutin ang mga sumusunod na mga katanungan.
1. Sino ang senyorang nakapeluka at puno ng mga kolerete ang mukha?
Si Donya Victorina
2. Saan naganap ang mga pangyayari sa Kabanata 1-3? Sa Bapor Tabo
3. Magbigay ng limang tao na nakasakay sa Bapor Tabo.
a. Donya Victorina
b. Paulita Gomez
c. Don Tiburcio
d. Simoun
e. Don Custodio

4. Magbigay ng dalawang alamat na pinagusapan sa Kabanata.


a. Alamat tungkol sa Ilog Pasig
b. Alamat ng Malapad na Bato

5. Sino ang asawa ni Donya Victorina? Si Don Tiburcio

Kasagutan:
1. Donya Victorina.
2. Bapor Tabo
3. a. Simoun
b. Isagani
c. Don Custodio
d. Ben Zayb
e. Padre Salvi
4.a. Malapad-na-Bato
b. Ilog Pasig
5. Don Tiburcio

You might also like