You are on page 1of 3

Sa Aking Ika-18 na Kaarawan

Lubos na pinagplanuhan at pinagisipan ng aking mga magulang ang magiging kaganapan sa


aking kaarawan upang mapagdiwang ito. Labing-walo… labing-walong taon na ako dito sa mundo,
papalapit na ang araw na magdedeklara na ako’y nasa legal na edad na. Isang araw bago ang
kaarawan ko, nasa iisang kwarto kami ng mama, papa at ate ko habang pinaguusapan nila ang
magiging lakad ay napaisip ako,“Labing-walong taon na ako, ngunit hirap pa rin akong malaman kung
anong silbi ko dito sa mundo. Ano nga ba ang mga makabuluhang nagawa ko sa labing-walong taon
ko? Masaya ba ako?” Pinipilit kong makaisip ng sagot, ang dami-daming kabataan na ang may
naiambag sa murang edad ngunit ako? Ni isa, ay wala akong maisagot sa sarili ko. Napatawa nalang
ako at hinayaan nang lumipad ang nasa isip kong tanong. Saktong natapos na rin ang pagpaplano
nila mama tungkol sa mga gagawin bukas sa araw ko.

Naalimpungatan ako nang gisingin ako ni mama ng maaga at binati, “Happy birthday, nak”
Ngumiti ako at babalik na sana sa pagtulog nang naalala ko na aalis nga pala kami at kailangan ko
na maghanda, bumangon na ako at nag-ayos. Walang gana akong sumakay ng sasakyan at natulog
pagkasimula ng aming byahe. Pupunta raw kami ng Koronadal City at doon maliligo sa pool resort
dahil kaarawan ko daw at gagala kung saan saan at kakain kung saan mayroong masasarap na
pagkain. Tumango lang ako at tumitig sa bintana ng aming sasakyan. Ang byahe papuntang
Koronadal ay tahimik at maaliwalas, makikita mo ang malalawak na palayan at mga puno, yun
lamang ay mayroon, walang katapusang basakan at palayan. Nang ako ay magsawa na sa pagtingin
sa labas ay pumikit ako ngunit hindi na ako makatulog. Hindi ko namalayang nag-iisip na naman ako
at bumalik na naman ang tanong sa isip ko na, “Ano ba ang silbi ko? Masaya ba ako?” Wala paring
sagot sa utak ko, napabuntong hininga ako at sinubukang mag-isip ng ibang bagay.

Dalawang oras ang lumipas at sa wakas ay dumating na rin kami sa Koronadal City, dumiretso
kami sa The Farm, dahil ayun daw ang resort kung saan kami mags-“swimming” Sosyal ang datingan
ng resort, bilang lamang ang mga tao at karamihan sa kanila ay may malalaking sasakyan, maganda
ang paligid, nakakatuwa sa mata. Ako ay napangiti ng makita ang “pool” Nagbihis ako agad ng aking
panligo at nagsimula nang magtampisaw. Tuwang tuwa kami ng ate ko dahil sa dami ng litrato ng
aming nakuha, sobrang ganda ng mga ito dahil nga sa itsura ng paligid, nakalulugod sa mata.

Ganito madalas ang aking nararamdaman, sa labing-walong taon ko. Oo, natutuwa ako sa
iba’t ibang sitwasyon ngunit hindi ko naramdaman yung totoong saya na tatagal sa sarili ko at
mananatili. Halos araw-araw akong sumusunod lamang sa mga nangyayari, minsan hindi ko rin alam
kung anong gusto ko. Ginagawa ko lamang iyong mga nakasanayan ko, tumigil muna kami sa
paglalangoy at kumain sa gilid ng “pool” Napatanong si mama sa akin kung masaya ba ako, sumagot
naman ako ng oo dahil natutuwa ako at sobra ang pasasalamat ko sa kanila sa paggastos at pag-isip
na ipagdiwang ang kaarawan ko. Niyaya ako ni papa na kumain pa, medyo busog na ako kaya inaya
ko ulit ang kapatid ko na bumalik na sa pool para sa huling pagtampisaw naming at aalis na kami
papuntang hotel upang makagala na sa mall. Alam kong iyon ang gusto ng ate ko, hindi ko gaanong
gusto at di ko rin naman talaga alam kadalasan anong gusto ko, sumusunod lang ako sa pamilya ko,
kaya gusto ko nang tapusin ang swimming dahil nasisiyahan ako kapag masaya ang ate ko.

Natapos kami ng bandang hapon na at napagisipan na nila mama at papa na kumain nan g
hapunan, nakaupo kami sa isang mesa, katabi ko si papaa at kaharap ko naman si mama na katabi
ang ate ko. Habang sila ay naguusap, tahimik lang akong nakikinig at pinagmamasdan sila, ngiting-
ngiti ang aking mama. Tinignan ko si papa at mukhang masaya naman sya, ang ate ko ay masayang
nakikipagkwentuhan kay mama. Dito ko naisip na, “Oo nga, masaya nga pala talaga ako, ang swerte
swerte ko na mayroon akong pamilya. Alam ko na anong silbi ko, ang mapasaya ang mga magulang
at kapatid ko. Dito lamang ako nasisiyahan, kapag nakikita ko silang masaya.”

Para sa akin, ang saya ay hindi lamang makukuha sa mga bagay na ibinibigay sa iyo, hindi
lamang ilang materyal na bagay ang makakapagbigay ng saya sa isang tao, sapagkat ang tunay na
saya ay nasa karanasan at nasa mga tunay na taong nakapaligid sa iyo. Sila ang tunay na
makakapagbigay ng saya sa ating lahat Marami akong nasa isip na tanong noong magsisimula pa
lamang ang ika-labing walong kaarawan ko ngunit nang matapos ang araw at ang aming pananatili si
Koronadal City ay nasagot ang mga ito. Buong buhay kong dadalhin ang mga nagging sagot sa mga
tanong ko sa sarili ko, bibitbitin ko ito araw araw at paninidigan hanggang sa tunay ko na itong
magawa.

You might also like