You are on page 1of 1

John David I.

Romasanta
CE- 2109

Wikang Filipino: Isang mabisang sinturon ng bansang Pilipinas

Mahigit pitong libong isla, hiwa-hiwalay na mga pulo, samu’t-saring diyalekto,


iba’t-ibang etniko, ngunit iisang bansa, may iisang pagkakakilanlan, at may iisang wika;
ang Wikang Filipino.

Isang napakahalagang bagay para sa isang bansa ang pagkakaroon ng isang


unibersal na wika na lubos na maiintindihan at magagamit ng iba’t- ibang tao saan
mang lugar sila naroroon. Ito ay isang mainam na kasangkapan upang maipahayag ng
isang tao ang kaniyang mga damdamin at saloobin. Sa buong kasaysayan, napakarami
nang mga bagay, sitwasyon at pangyayari ang tumukoy sa kahalagahan ng wika sa
mga tao, sa kaniyang kapaligiran at higit lalo na sa kaniyang bansa.

Ang wika ay hindi lamang kumakatawan sa isang tao. Ito ay hindi lamang isang
sasakyan para sa pagpapahayag ng mga sariling saloobin, opinyon, mga personal na
obserbasyon at halaga ng kanyang mga katangian bagkus ay isang sisidlan na siyang
nagpapahayag ng mga aspeto ng isang komunidad o bansa. Minsan naisip ba natin
kung ano na lang ang magiging kalagayan ng ating bansa kung hindi iisa ang wika na
ating ginagamit? Lalo na sa panahon ngayon na napakalaki na ng impluwensiya ng
wikang banyaga sa kultura ng ating bansa. Naaalala pa ba natin ang tanyag na tanyag
na kasabihan ni Dr. Jose Rizal na nagsasabing, “Ang hindi magmahal sa sariling wika
ay mas masahol pa sa malansang isda”. Tila isang larong pahulaan ang pangaraw-
araw na buhay ng bawat Pilipino kung magpapatuloy ang pagtangkilik at pagpapaalipin
natin sa wikang banyaga. Magulo, malabo, at mukhang walang patutunguhan ang
bawat usapan. Ang masama pa, maari itong maging hadlang sa pagkakaroon ng
pagkakaisa sa ating bansa. Tunay nga na napakahalaga ng tungkuling ginagampanan
ng ating wika para sa ating kaunlaran. Madaling suotin ang pantalong maluwang, ngunit
napakahirap nitong dalhin. Wala itong ipinagkaiba sa isang bansa na walang iisang
wika na tinatangkilik. Kaya ang wika natin, ang wikang Filipino ang siyang nagsisilbing
mabisang sinturon upang maitali tayong mga Pilipino sa ating diwa, pangarap, at landas
na tinatahak. Wala rin nga naman talagang kahirap-hirap sa pagkilos kung maayos ang
ating pagkakasuot ng ating pantalon kung tayo ay may gamit na sinturon.

Sa kabuuan, ang Wikang Filipino ay siyang mabisang daan tungo sa malawakan


at mabilis na pamamahagi ng impormasyon tungo sa maunlad na pagkakaisa ng ating
bansang Pilipinas. At isa pa, ang wika ang nagsisilbing kaparaanan upang maging
isang ganap na tao ang isang tao at maging isang ganap na bansa ang isang bansa.
Tayo ay may iisang pagkakakilanlan at may iisang wika na dapat mahalin.

You might also like