You are on page 1of 1

Si Tatay ay Pangkaraniwan

Si Tatay ay pangkaraniwan. Hindi ‘ko ito napapansin ngunit pati ang mga kaibigan at kalaro ko ay
sinasabi ito, hindi pangkaraniwan ang tatay mo.

Simula nang magkaroon ako ng muwang sa mundo ay normal ang pagtingin ko kay Tatay. Hindi ‘man
siya tulad ng mga tatay na kayang buhatin ang dalawang timba ngunit nakapupuno naman kami ng
dalawang drum kahit pa inaabot kami ng gabi kasama si Nanay. At least nakapuno ‘di ba?

Edad sampu ako noong naghiwalay sila ng Nanay. Sabi ni Tatay ay gusto niya daw na sumaya nang
lubusan ang Nanay kaya’t pumayag siya na umalis ito. Biro pa nga niya, hindi na raw masaya ang Nanay
dahil sa tinis ng boses niya.

Katorse ako noong pinatawag ang Tatay sa opisina ng Prinsipal dahil sa pagsapak ko doon sa nang-aasar
sa kanya na hindi nga daw siya pangkaraniwan. Anong hindi pangkaraniwan sa kanya? E, ginagawa niya
naman lahat ng ginagawa ng mga tatay.

Si Tatay ay pangkaraniwan. Nag-aalaga siya, nagpapakahirap sa trabaho, at higit sa lahat ay binubuhay


ako. Hindi ito napapansin ng marami dahil mas nakikita ng kanilang mga mata ang kilos, pananalita at
kung paano manamit si Tatay.

Kadalasan kasing bulaklakin at mahahabang bestida ang suot ni Tatay. Mayroon din siyang malaking
turban sa ulo at mas mapula pa ang labi sa kaklase kong puro naman kuto ang buhok. Matinis din ang
boses nito lalo na kapag tumili at maputak tulad ng tsismosang babae sa kanto.

Si Tatay ay pangkaraniwan. Hindi ‘man sa pagtingin ng iba ngunit, sa akin ay normal siya at
pangkaraniwan sa kahit anong sitwasyon. Pinupuno niya ko ng pagmamahal tulad ng isang ama, bonus
pa ang pagmamahal niya bilang isang ina.

You might also like