You are on page 1of 3

RACQUEL MADRID MUNAR

Atop sa Balay (Maikling Kwento)

"Sabi ni Ama, sa paggawa ng bahay, bukod daw sa pagiging solido ng biga at poste, kailangan
rin na solido ang bubong," wika ko kay Steph nang hindi nagbibigay ng tingin. Tutok ang aking
mata sa aking ginagawa at alam kong salubong na rin ang kanyang kilay sa init na hatid ng araw,
"Ito daw kasi yung nagsisilbing proteksyon sa pamilya at higit sa lahat ito ang simbolo na bubuo
sa isang matibay na pagsasama. Huling pyesa na kukumpleto kumbaga."

Napaniwala ko nga ba si Steph? Sa tingin ko hindi. Naglaro lamang ang kanyang mga mata sa
paikot na direksyon. Binasa ang kanyang labi at bahagyang lumunok.

"Naghihintay na ang tanghalian Jerick," malinaw nyang sagot. Ibinaba ko na ang martilyong
hawak tsaka muli syang hinarap na nakalabas lahat ng ngipin. Inalalayan ko syang makababa ng
bubong. Bago ang huling hakbang nagawa pa nyang ngumiti sa akin. Huminto muna 'ko tsaka
muling tinanaw ang buong laki ng bahay gamit ang aking palad na ipinangharang sa nakakasilaw
na sinag ng araw.

"Mabubuo na ang iyong pangarap Jer. Anong pakiramdam?"

"Masaya. Masayang-masaya. Parang hindi ko na mahintay na marinig ng mga tao sa paligid ang
senyales"

"Siguradong matutuwa ang iyong Ama. Nakikita ko ang magandang ngiti sa kanyang labi"

"At!" putol ko, "mapapatunayan kong hindi nasayang ang tiwalang ipinagkaloob nya sa akin"

Sa loob ng bahay na pansamantala naming tinutuluyan ni Steph sinalubong kami ng mga tauhan.
Magarbo ang handa. Hindi ko pa kaarawan at lalong malayo pa ang fiesta sa baranggay kaya
bugso ang tanong sa aking isip. Maraming bumabati at marami ding tumatapik sa aking balikat.
Congrats ang madalas kong marinig.

"Engineer!" humahangos na sigaw ni Pablo, "Dagsa na ang mga tao! Lahat ay naghihintay sa
gagawing anunsiyo ng ating grupo. Naroon din ang ilang opisyal. Balita ko'y ikaw ang kanilang
pakay"

Napakamot ako sa ulo. Nakarating na pala ang balita. Hindi napigilang tubuan ng pakpak ang
ibong may hatid ng tsismis. Sumenyas si Steph na ayos lang ang lahat. Sabay turo sa mga taong
nakatingin sa akin. Tama na naman sya. Huwag akong mag-alala. Hindi ito para sa kanila. Lahat
ay para kay Itay.

Si Itay? Ama? Hindi ko na kailangan pang hintayin ang wastong edad para malaman na hindi
nya sariling dugo ang dumadaloy sa aking ugat. Maputi sya at matangkad. May sinasabi ang
tangos ng kanyang ilong. Magalang ang bawat salitang lumalabas sa kanyang bibig. Taliwas sa
aking anyo. Masasabi rin namang tao. Maitim ang kulay ng aking balat. Payat na bagsak ang
mga balikat. Makapal na labi, at ang buhok na kulot ay nagdidiktang malayo ako sa
pangkaraniwan.

Kwento ng aking Ama, galing daw ako sa bundok. Ilang ulit kong tinitigan ang sarili sa salamin.
Wala akong balahibong makapal at buntot kaya siguradong hindi ako hayop. Galing daw ako sa
tribo. Ita daw ang aking tunay na mga magulang. Iniisip ko nga baka noong iniluwal ako ng
aking tunay na Ina, ay gumulong ako pababa ng bundok hanggang makarating sa pintuan ng
aking kinilalang ama. Pero mali ang teorya ko. Sabi ni Ama, noong panahong gustong i-preserba
ng gobyerno ang mga kabundukan ay pilit daw pina-aalis ang aming lahi. Pilit daw silang
pinababa sa nayon at pinangangakuang bibigyan ng magandang tirahan, trabaho, at mala-
RACQUEL MADRID MUNAR

artistang pamumuhay. Ipinangako din daw ng Gobernador na magiging pantay ang turing sa
kanila kapag sila'y pumayag. Magiging opisyal silang mamamayan at hindi parang ligaw na
pusang pilit itataboy ng kung sino mang makakakita. Ngunit sa aking paglaki, naikot ko na ang
buong bayan pero hanggang sa ngayon ay wala akong nakitang bakas na naiwan ng aking lahi.
Kung sa estero man sila itinapon ay hindi ko na alam. Ang masama pa, ang sinabing pag-
preserba sa mga bundok, ngayo'y maihahalintulad na sa buhok ng mga opisyal. Lahat napapanot.
Ibinigay daw ako ng aking tunay na Ina sa aking nakalakihang Ama nang minsang naligaw daw
ito sa bundok. Kung ano mang sumanib kay Ama para tanggapin ako ay lubos kong
ipinagpapasalamat.

Hindi naging madali ang pakikisama sa mga hindi mo ka-uri. Sa eskwela, lagi akong umuuwing
hindi lamang takdang aralin ang dala, pati na rin ang sama ng loob. Lagi akong sentro ng tukso.
Lagi akong na'sa likod ng klase. Kulang na lamang ay ipasok ako sa loob ng basurahan na
madalas kong katabi. Maging ang recess ay nagiging takot ang dating sa akin. Walang gustong
tumabi. Walang may nais kumausap. Tila isang sakit na ayaw madikitan at baka sila'y
mahawaan. Natapos ko ang elementarya nang hindi ako naging masaya. Nakaakyat ako ng
entablado ngunit walang pumalakpak liban na lamang sa aking Ama. Akala ko noon, pwede na
kong mabuhay pagkatapos. Posible na kong makahanap ng trabaho. Hindi pa pala. Ang mas
masama, hindi pa pala ako makaka-iwas sa eskwela.

Parang ayoko nang maniwala kay Ama na na'sa edukasyon ang susi para mabuhay at na'sa Diyos
ang paniniwalang gagabayan ako sa lahat ng bagay. Ilang ulit ko ng ipinagdasal na sana ang
bawat araw ay maging normal ngunit hindi natupad. Tanging uwian lang ang dasal kong
ibinibigay. Pakiramdam ko kasi doon lang nagiging payapa ang lahat. Naisalba ko ang
sekondarya na kahit hindi matiwasay ay bitbit naman ang kapirasong papel na bubuo daw sa
pagkatao ko balang araw.

"Sa paggawa ng bahay, bukod sa pagiging solido ng biga at poste, kailangan rin na solido ang
bubong. Ito kasi yung nagsisilbing proteksyon sa pamilya at higit sa lahat ito ang simbolo na
bubuo sa isang matibay na pagsasama." wika ni Ama matapos kong maiguhit ang larawan ng
isang bahay. Engineering ang kinuha kong kurso sa kolehiyo. Hindi ko gusto ngunit iyon ang
hiniling ni Ama. Bilang pagbibigay respeto at pagtanaw ng utang na loob, pinaunlakan ko ang
kanyang kaisa-isang hiling.

"Itay, sa tingin mo ba'y sa pamilya o sa tahanan nagsisimula ang lahat?"

"Oo, kung mayroong isang maayos na pamilya kailangan nila ng isang maayos na tahanan"

"Po? Hindi ko makuha. May mga pamilyang buo ngunit walang maayos na tirahan, pero maayos
ang kanilang pamilya."

"Hindi tipikal na tahanan Jerick. Isang tahanan na huhulma sa bawat pamilya. Iyon ang kulang."

Bata pa nga siguro ako noong mga panahong iyon. Kulang pa ang pag-unawa sa iilang bagay.
May mga dapat pang punuan. May mga bagay na pilit mo mang aralin ay hindi mo matututunan.
At ang laging sagot ni Ama, ay buhay ang magtuturo sa iyo. Marami na kong naranasan pero
hanggang sa ngayon hindi ko pa natututunan.

Luha ang naging sagot ko sa palakpak ng mga tao noong muli akong tumuntong ng entablado.
Hindi luha na dala ng saya. Bagkus luha ng pagdurusa. Bago ako makatapos, kinuha na ng Diyos
si Ama. Marami akong naging tanong. Marami akong hinihinging sagot. Ngunit isa lang ang
aking hiling. Ninais kong makita ni Amang ako'y nagtagumpay. Gusto kong makita nya kung
ano na ako sa ngayon. Gusto kong ngiti nya ang makita ko higit sa mga palakpak ng mga tao sa
RACQUEL MADRID MUNAR

ibaba ng entablado. Para saan pa at narating ko ang lahat kung hindi rin lang sya naroon para
salubungin ako.

Nakahanap ako ng trabaho sa Maynia. Nagsumikap. Naglakbay. Hinanap ko ang kulang. Ang
tahanang huhulma sa bawat pamilya. Ilang proyekto ang nahawakan ko ngunit wala doon ang
nais iparating ni Ama. Walang bakas ng ligaya. Alam kong may kulang pa. May isang bagay pa
kong hindi nagagawa.

Bumalik ako sa lugar na aking kinalakihan. Doon ko na nakilala si Steph. Naging magkaibigan.
Nagkagustuhan, at nauwi sa tunay pag-iibigan. Nai-kwento ko sa kanya ang lahat. Tulad ng mga
nakasalamuha kong tao, parehas ang kanyang reaksyon. At tulad ng ibang magkapareha sa
mundo parehas din kaming nangarap. Bumuo ng pamilya. Masayang pamilya. Inisip ko na ito
ang tahanang hinihingi ni Ama. Ito ang gusto nya para sa akin.

Nilibot kong muli ang bayan sa muling pagkakataon. May mga nagbago. Ewan ko lang yung
mga pulitiko. Marami akong nakita na hindi ko nasilayan noon. Masaya akong umuwi na bitbit
ang isang mithiin na hindi ko nakita noon. Isang misyon na hindi ko napansin. Hiling na
nakapaloob sa mga salita ni Itay.

"Jer, nais ka daw makita ng mga tao," bulong ni Steph. Masigla akong bumalik sa lugar kung
saan itinatayo ang aming magiging tahanan. Sinalubong ako ng mga taong noo'y anino ko
palang ay nilalayuan na.

Maraming nagpapasalamat. Maraming tumatapik-tapik sa aking balikat. Gamit ang hagdan muli
kong inakyat ang bubong. Tanaw ko ang kapal ng tao. Mula dito, tanaw ko din ang bundok.
Sinong mag-aakalang ito pala ang kulang. Ang tahanang huhulma sa bawat pamilya. Ang babago
sa puso ng bawat tao. Higit sa lahat, ang pangarap ng nag-iisang pari sa aming bayan na itinuring
kong Ama.

Humakbang ako para abutin ang lubid na naghihintay. Hinila ko ng buong lakas. Sa unang
pagkakataon, narinig ng buong bayan ang unang sigaw ng kampana ng simbahan. Ang tahanan
ng Diyos na pinagsilbihan ng aking Ama.

-Wakas

You might also like