Professional Documents
Culture Documents
Malaking sakripisyo ng isang Inang OFW, Ang paglayo niya ay hindi niya gusto,
Pero dahil sap mahal na anak at kinabukasan nito, Ang lahat ay titiisin niya
habang nasa malayo. Dakila ang mga Inang OFW, nasa ibang bansa.
Ang ating mga magulang ay ang pinakamahalagang tao sa buhay natin. Simula
pagmulat ng ating mga mata hanggang sa panahong mayroon na tayong tama at sapat
na isipan ay kasama natin sila. Sila yung nagpapakahirap makaraos lamang ang
pamilya sa pang-araw-araw na mga pangangailangan. Ang ating mga magulang,
gagawin lahat maibigay lamang yung mga bagay na makapag-papasaya sa atin. Ang
mga magulang ang siyang sumusuporta sa atin ano man ang maging desisyon nating
sa mga bagay-bagay at iba’t ibang aspeto ng buhay. Sila rin ang gumagabay sa atin,
parating nariyan matiyak lamang ang ating kaayusan. Ang ating mga magulang ang
gumagawa ng paraan makapagtapos lamang tayo ng pag-aaral. Kahit anong hirap,
titiisin nila para lamang sa atin. Sila rin yung unang taong parati nating karamay sa
mga oras na mayroon tayong problema na hindi nating magawang solusyonan ng tayo
lang. Ang ating mga magulang ang siyang lahat-lahat sa atin. Kung kaya’t mapalad
yung mga nabiyayaan ng kumpleto at masayang pamilya. Isang buong pamilya na
magkakasama sa hirap at ginhawa, lungkot at kasiyahan.
Ako, lumaki ng walang kinikilalang ina. Dalawang araw pa lamang ako dito sa mundo
noong ako’y kanyang iniwanan. Wala e, kinuha agad siya ng Panginoon. Ang
nakakalungkot, hindi man lamang ako nabigyan ng pagkakataon na masilayan ang
babaing nagluwal at nagbigay buhay sa akin. Hindi ko man lamang nakita ang
maganda at maamong mukha ng pinakamamahal kong ina. Hindi man lamang ako
nabigyan ng pagkakataon na maiparamdam sa kanya kung gaano ko siya kamahal.
Hindi rin ako nakapag-pasalamat para sa siyam na buwan niyang paghihirap, pagtitiis
at pag-aalaga sa akin sa loob ng kanyang sinapupunan. Nakakalungkot!! Sobra.
Napakaraming oportunidad sa buhay kasama siya ang agad ng nawala sa akin. Kahit
ano pa ang gawin ko, hindi ko na maibabalik ang mga pangyayaring nakalipas na.
Hindi ko rin maibabalik ang buhay ng yumao kong ina. Ngayon, ang kailangan ko na
lang gawin ay harapin ang bukas ng buong tapang at maluwag na tanggapin sa aking
puso at isipan ang katotohanang kahit kailang ay hindi na mabubuo pa ang aming
pamilya. Kahit na pagbali-baligtarin ko pa ang mundo, ang nakaraan ay tapos na at
kailangan ng kalimutan. Ang dapat ko na lang pagtuunan ng pansin ay kung anong
meron ako ngayon. Ang aking ama! Siya na lang ang nag-iisa at dapat kong ingatan.
Oo, masasabi ko na hindi ako perpektong anak para sa kanya. Nakagagawa ako ng
mga kamalian ng buong puso ko namang inaamin. Minsan pa ay nasasagot ko siya.
Nakakalimutang igalang. Ano pa man ang mangyari at kahit sino pa man sa amin ang
tama sa mga bagay na aming pinagtatalunan, siya pa rin ang aking ama. Kailangang
irespeto at hindi na dapat akong sumagot pa. Unawaan na lang kumbaga para
magkasundo at wala ng pagtatalo pa. Sa napakaraming beses nang ako’y nagkamali sa
mga desisyon na aking ginawa, siya lang ang nakapag-tama! Siya lang ang
nakatulong.
Ang aking ama na mag-isang nagtaguyod sa akin ay lubos kong hinahangaan. Lahat
ng hirap na pinagdaanan niya masigurado lamang ang aking magandang kinabukasan
ay lubos kong pinasasalamatan. Sa ngayon, ako ay nag-aaral at nagsusumikap hindi
lamang para sa aking sarili kundi para rin sa aking ama na umaasa at nagtitiwala sa
aking kakayahan. Siyempre, para rin sa aking ina na siyang nagsilbing inspirasyon ko
sa buhay. Ano man ang aking marating sa hinaharap ay alay ko sa aking ama at ina.
Sa aking mga magulang.
Lahat kayo, lahat tayo! Pahalagahan natin ang ating mga magulang. Dahil hindi sa
lahat ng pagkakataon ay nariyan sila. Lalong hindi buong buhay ay kasama natin
silang malakas at masigla. Mahalin, alagaan, ingatan at iparamdam natin sa ating mga
magulang na mahalaga sila. Huwag nating sayangin ang bawat oras at pagkakataon.
Sulitin natin ang bawat minutong kasama natin sila. Dahilika’ngani Kuya Kim, ang
buhay nating mga tao ay “Weather, Weather lang!”