You are on page 1of 3

PANALANGIN

Tayo po ay manalangin, Amang makapangyarihan sa lahat, lumikha


ng sanlibutan, pinagmulan ng lahat ng pagmamahal, karunungan at
kabutihan. Kami po ay napuspos ng galak, taos-pusong lumalapit at
nananalangin sa ikatatagumpay ng araw na ito upang kilalanin ang
bunga ng pagsusumikap ng bawat mag-aaral ng Pambansang Mataas na
Paaralan ng Meycauayan.
Pinupuri ka namin Ama sa iyong walang hanggang pag-ibig na
ipinagkakaloob sa amin. Kami ay humihingi ng patuloy na kapatawaran
sa aming mga pagkakasala, sa isip, sa salita at sa aming mga nagawa
laban sa aming kapwa na labag sa inyong kalooban.
Salamat sa bawat buhay ng mga mag-aaral na ngayon ay hahakbang
sa panibagong antas ng kanilang pag-aaral. Patuloy naming panalangin o
Diyos ang Inyong patuloy na paggabay sa kanila na naayon sa Iyong
kalooban. Makita nawa nila ang daan patungo sa layunin ng kanilang
buhay. Pagkalooban Nyo nawa sila ng Bunga ng Espiritu – ang pag-ibig,
kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kagandahang loob, kabutihan,
pananampalataya, kaamuan at pagpipigil sa sarili. Nawa ang kanilang
mga natutuhan ay maging kapakipakinabang sa kanilang sarili, sa kapwa
at maging sa bayan. Nawa ang iyong salita ang kanilang maging
kalakasan sa panahong sila ay pinanghihinaan ng loob sa pagharap sa
mga hamon ng buhay
Dinadakila ka namin O Diyos sa pagtulong sa kanilang mga
magulang gayundin sa mga taong nag-abot ng pagkalinga at pagmamahal
sa bawat mag-aaral. Dalangin namin ang Iyong patuloy na pagpapala at
pagkakaloob ng kalakasan sa kanila upang patuloy na gabayan at
bigyang suporta maging emosyonal man o pinansyal na pangangailangan
ng bawat mag-aaral.
Lubos ang aming papuri at pasasalamat sa pagkalinga sa bawat guro,
sa pagbibigay ng pag-asa sa kabila ng pandemyang nararanasan. Salamat
dahil ikaw Panginoon ay nanatiling patnubay na hubugin ang mga mag-
aaral. Salamat o Diyos sa patuloy na pagbibigay ng bukas na kaisipan sa
mga guro upang unawain at mahalin ang mga mag-aaral upang mapunan
ang anomang pagkukulang sa kabila ng hirap na pinagdadaanan.
Itinataas namin Panginoon ang kaligtasan ng bawat guro. Sila nawa ay
magpatuloy sa paghubog at patuloy na magmalasakit sa mga mag-aaral.
Ama, aming ipinagpapasalamat at ipinagkakatiwala sa Iyo ang lahat
ng namumuno sa paaralang ito na patuloy na gumagabay at nagbibigay
direksyon sa paaralan na nagsilbing kanlungan ng mga mag-aaral kahit
pa ito ay nasa birtwal na espasyo sa makabagong hamon ng edukasyon
sa bagong kadawyan. Patuloy Nyo po silang samahan upang maging
maligaya at tapat na maglilingkod para sa kapakanan ng mga mag-aaral
pati na sa bayan.
Ang lahat ng ito ay aming itinataas at inilalapit sa matamis na
pangalan ni Hesus, na aming dakilang tagapagligtas. Amen.

You might also like