You are on page 1of 6

Regional Science High School for Region VI

MODERNONG TEKNOLOHIYA O KALIKASANG PAWALA NA

LAKANDIWA: Jeresse Jeah Recaforte


KALIKASAN: Nicole Anne Bautista
MODERNONG TEKNOLOHIYA: Princess Keith Malolos

LAKANDIWA:
Magandang araw po sa mga panauhin
Jeah Recaforte ang pangalan ng tagabilin
Ang lakandiwa na may gustong sambitin
Na ang lahat ng bagay sa mundo ay may katapusan din.

Ihaharap ko sa inyo lakambining magtatalo


Paksang bibigyang katwiran malaon nang gumugulo
Nakatutulong nga kaya teknolohiyang moderno
O sinisira lamang kalikasang mahalaga sa tao?

Kasabay ng paglipas ng panahon ay ang mabilis na pagbabago


Modernong teknolohiya’y naging kakampi na ng tao.
Itong regalo ng siyensiya’y pinagaan ang ating trabaho
Ating buhay ay umunlad, naging hi-tech at progresibo.

Ngunit sa kabilang dako tila yatang may namumuong galit


Modernong teknolohiya daw ay delikado at pangit.
Dala-dala ang mga masasamang epektong hindi masukat
Kaya itong si kalikasan ay sumasalungat.

Itong balagtasa’y akin nang binubuksan


Nang ang dalawang panig ay magsimulang magtagisan.
Ang unang binibi’y nasa panig ng kalikasan
Habang siya ay papagitna malakas na palakpakan.
KALIKASAN:
Maraming salamat Binibining Lakandiwa
Ako si Nicole Anne Bautista.
Ang tunay na kakampi ng balana
Na siyang unang magiging tagapagsalita.

Saan ba nagbuhat itong gumigiba


Sa kapaligiran ng mundo at ng bansa.
Ating kalikasang dating mapayapa
Sinong gumipiling, sinong nagpaluha?

Ang lupang mataba na bukid-sabana,


Saan ba napunta, nangaglayag na ba?
Ah hindi… naroon… mga mall na pala,
Ng ganid na tao sa yaman at pera.

Anong klaseng nilalang ka


Kapaligiran kung saan ka nakatira
Gigibain mo na parang wala kang konsensya?
Naku, ‘pag mangyari ito paano ka na?

LAKANDIWA:
Hinay-hinay, pakalmahin ang sarili
Tila yatang nag-aapoy na sa galit itong si binibi
Sabik nang pakinggan ang imbi ng kabilang panig
Pagkat tingin niya’y teknolohiya’y wala ng tindig.

Itong aking tatawagin Lakambining mahinahon


Balintataw nangungusap nagbabadya ng paghamon
Modernong teknolohiya ang nias na itugon
Katahimikan ang hiling pakinggan ang nilalayon.
MODERNONG TEKNOLOHIYA:
Sa ating Lakandiwa at sa bayan ding nakikinig
Ako po ay bumabating buong galak, kinikilig!
Princess Malolos, paralumang ngayo’y nasa harap ninyo,
Handang-handa mangatuwiran at makipagtalo.

Kung ika’y nagmamadali sa iyong pupuntahan


Mapa-paaralan o grocery store man iyan.
Sasakyan ang solusyon sa ganyang problema,
Pagkalipas ng ilang minuto, tiyak naroon ka na.

Sa pang-araw araw nating mga gawain,


Ano nga ba ang kaakibat ng bawat isa sa atin?
Mula sa mga gawaing bahay hangga’t sa paglilibang,
Mga appliances gaya ng washing machine at tv lang naman.

Aking mga katoto, nais ko lamang malaman ng bawat isa


Na ang lahat ng nabanggit, dahilan ay ating teknolohiya
Pinapagaan ang bigat na hindi kayang dalhin
At sa isang pindot lang, tapos na ang gawain.

KALIKASAN:
At sa halos lahat ng mga larangan,
May teknolohiyang sasagip sa bayan,
Ngunit kaalinsabay nitong kaunlaran,
Iniluluwal din – sirang kalikasan!

Tunay ngang modernisasyon ay nakatutulong


Ngunit ang mga tulong na ito ay saan ba hahantong?
Pagkasira ng kalikasa’y muli nanamang uusbong
Modernong teknolohiya, hatid sa tao’y pagkalulong
LAKANDIWA:
Tagisan ng argumento, tumitindi, umaanghang!
Sa bawat salitang usal, madla’y lalong nag-aabang.
Pasiklabin pa nating lalo, init na naglalatang;
Teknolohiya ba’y nakatutulong o humahadlang?

MODERNONG TEKNOLOHIYA:
Hindi mo man lang ba natanong kung saan nagmumula
Ang mga produktong ginagamit mo sa gabi man o sa umaga?
Na maaari para sa sarili mong ikabubuti at ikagaganda.
Iyan ang bunga ng pag-ikot ng mga makabagong makinarya.

Sa tuwing dumarating ang panahon ng tag-init,


Siguradong pawis mo’y papatak ng papatak
Buksan ang aircon o di kaya’y ang electric fan
Upang ang sarili naman ay presko at malamigan.

KALIKASAN:
Iikot ba ang makinarya kung ang kalikasa’y sira na
Sa aking katunggali, isipa’y paganahin mo nga
Paano gagana ang iyong teknolohiya
Kung ang kalikasan ay hindi na mapakinabangan pa

Ang natural na simoy ng hangin


Mas masarap dumapyo sa balat mong pawisin
Di bale nang walang electric fan
Kung ito naman ang magdudulot ng kamatayan ng ating kalikasan

MODERNONG TEKNOLOHIYA:
Ngayon naman ay pagmasadan ang iyong kapaligiran,
Malalaking mga imprastraktura ang iyong makikita,
Na sa totoo lang, tunay ngang kamangha-mangha
Ito pa ay simbolo ng kaunlaran ng isang bansa.
Kung aking pakikinggan ang iyong mga saloobin
Pinapamukha mong teknolohiya’y hindi na dapat pairalin.
Negatibong epekto lamang yata ang iyong tinitingnan
Hay nako! mahirap talaga kapag kalaban mo’y isang mangmang.

KALIKASAN:
Sa sinasabi mong ngiti ng unlad ng bagong ginhawa,
Ay luhang dalisdis ng pinakaaba,
Abang kalikasan na kumakalinga
Sinirang mabilis ng teknolohiya.

Mangmang ba ang nagsasabi ng katotohanan


O sadyang sa ating dalawa ako lang ang may alam
Sige nga, mag-isip-isip ka naman
Nang magkaroon ng patutunguhan itong ating tunggalian

MODERNONG TEKNOLOHIYA:
Ang nabanggit ko kanina, tungkol sa mga makinarya
Isa pa pala nitong benepisyo ay para sa medisina.
Paggawa ng gamot, x-rays, ultrasound at marami pang iba.
Tunay nga’ng tagapagligtas ang ating teknolohiya.
Sa aking katunggali na hindi alam ang mga pinagsasabi
Sana nama’y naunawaan mo ang aking mga ibinahagi
Upang kamulatan at dunong ay agaran ng umusbong
At ika’y hindi na magmukhang pantas na nagmamarunong.

KALIKASAN:
Tumigil ka alibugha ako sa iyo’y nagbabanta!

MODERNONG TEKNOLOHIYA:
Ako’y ‘wag kakantihin, baka ika’y sasamain!
KALIKASAN:
Paniniwalang bulastog!

MODERNONG TEKNOLOHIYA:
Kaisipang sobrang tayog!

LAKANDIWA:
Hinto, tumigil na kayo tama na ang pagtatalo!
Ang oras nyo'y naubos na, ang sisingit nama'y ako.
Bawat panig ay may katwirang talagang totoo
Hahandugan natin sila palakpakang masigabo.

Matapos na mapakinggan yaong magkabilang panig


Ng dalawang nagtatalong gintong lantay sa panitik.
Ako, kayo tayong lahat maging saksi sa pag-usig
Kapwa sila may katwiran sa kanilang bawat tindig.

Modernong teknolohiya sadyang napakahalaga


Sa mabilis na pag-usad ng trabaho na nasa.
Ngunit sa pagkamit nito’y kailangang maging maingat
Upang maging balanse ang lahat.

Ang atin namang kapaligiran ay dapat ingatan


Panatilihin, alagaan ang mga likas na yaman
Pagkat ang mga ito’y hindi na mapapalitan
Ng kahit ano mang teknolohiyang magdaan.

Sa paghatol hugas-kamay lingkod ninyong lakandiwa


Sa madla iniaatang kapangyarihang magpala.
Sa dalawang lakambini, palakpakan ang iadya
Kami’y nagpapasalamat muli tayong magkikita.

You might also like