You are on page 1of 5

Pagsisisi

O Hesus na Katamis-tamisan! Amang pinaka-iibig ng aking puso, na sa pag-ibig Mo sa


sangkatauhan ay nagkatawang-tao Ka, at ninais Mong ipanganak at magdamdam ng mga
kahirapan sa silungan ng hayop, sa dayami ng sabsaban, at sa kasamahan ng mga hayop. Ako’y
nagpapasalamat sa Iyo nang walang katapusan, sa kasamahan ng lahat ng Iyong mga nilalang,
dahilan sa di-malirip na pag-ibig Mo sa tao, at pinagsisisihan kong Ikaw ay napagkasalaan ko,
sapagkat ang aking iginanti sa Iyong kagandahang loob, sa Iyong pagsinta at sa Iyong
paghaplos, ay ang di-maulatang kasalanan at pagpapawalang halaga, at tinatawag ko ang lalong
nagpapakasakit na mga penitente, at lalong nagpapakadukhang mga monghe, na ako ay
tulungang tumangis sa aking kawalan ng pasasalamat. O lubha kong kagalingan! Mapanghila sa
aking puso! Hilahin Mo sa dakong Iyo ang kalooban ko, at nang ang kaukulan lamang ay ang
paglilingkod sa Iyo, ako’y nagtitikang matibay na di na muling magkakasala sa Iyo.
Magkagayon nawa, matamis kong Hesus at magkakagayon nga kung ako’y Iyong bibigyan ng
biyaya, at kung ito’y mapanatili ko hanggang kamatayan, ay magkamit ako ng ligaya sa Iyong
kaluwalhatian. Amen.

Panalangin sa Araw-araw
O Lubhang-maawaing Hesus! tagapagligtas ng mundo, bukal ng lahat ng biyaya at awa,
pinagmumulan ng lahat ng kagalingan ng tao, at ama ng lahat ng kaliwanagan, ako’y
nagpapatirapa, sumasamba’t nanalig na Ikaw ay Diyos na totoo, bugtong na Anak ng Ama, at
tunay na Anak ni Maria, buong kababaang-loob kitang pinupuri, at kinikilala ko ang Iyong
kaawaan, ang Iyong pag-ibig, at ang Iyong masigasig na kawanggawa para sa tao, at hinihiling
ko sa Iyo alang-alang sa Kabanal-banalan Mong Ngalan at sa Iyong Banal na Pagkabata na ako’y
pagkalooban Mo ng Iyong biyaya at ang hinihingi ko sa pagsisiyam na ito, kung ito’y sa
ikagagaling ng kaluluwa ko at sa lalo Mong kaluwalhatian. Amen.

Unang Araw
O Kaganda-gandahang Hesus! Na ang walang-tulad Mong kagandahan ay nakahahalina sa puso
ng mga taong nakamamalas sa iyo. Sinasamba kita sa kasamahan ng koro ng mga Angeles, na
walang-hupang nagnanais na makamalas sa Iyong mukha. Hinihiling ko sa Iyo na maibalik sa
amin ang Iyong kagandahan at mabihag nito ang aming mga puso, upang ibigin Ka namin nang
walang maliw sa buhay na ito, at sa gayo’y matamasa namin ang kagandahan Mo sa
kaluwalhatiang walang hanggan. Amen.

Ikalawang Araw
O Napakamaawaing Hesus! Na sa dakila Mong kaawaan ay naparito Ka sa Pilipinas, upang
protektahan, kupkupin, at pangalagaan ang mga nananahan dito bilang Kapitan-Heneral nila.
Sinasamba kita sa kasamahan ng koro ng mga Arcangeles, na iniukol ng Iyong kapangyarihan na
magtanggol sa mga bayan. Hinihiling ko sa Iyo na pangalagaan Mo ang aking kaluluwa at
patibayin ito sa mga kabanalan, nang kung makapagwagi ito sa tatlo niyang kaaway, ang mundo,
ang demonyo at ang katawan, ay makamit nito ang Iyong pakikipagkaibigan, ang Iyong biyaya at
ang Iyong kaluwalhatian. Amen.

Ikatlong Araw
O Katamis-tamisang Hesus! Na sa malaki Mong pag-ibig sa tao, ay lagi kang lumalapit sa kanila
nang may inspirasyon at tulong, upang maihatid sila sa pagkakilala sa Iyo. Sinasamba kita sa
kasamahan ng mga makapangyarihang espirito ng koro ng mga Principados, na pinagtagubilinan
ng Iyong kapangyarihan sa pangangalaga ng mga kaharian, upang humantong sila sa pagkakilala
ng Iyong kabanalan. Hinihiling ko sa Iyo, na ang lahat ng di-nakakaalam ng mga kautusan mo ay
mapabilang sa Simbahang Katolika, at kaming lahat ay pagkalooban Mo ng pananatiling walang
katapusan sa pananampalataya sa Iyo, nang kung matapos ang buhay namin ay kamtan namin
ang ligaya ng kaluwalhatian. Amen.

Ikaapat na Araw
O Napakalakas na Hesus! Na sa liwayway ng matuwid Mong aral, na pumapawi sa kadiliman ng
kamang-mangan at ng kailaliman, ay nagliwanag sa puso ng mga naninirahan sa mga kapuluang
ito. Sinasamba kita sa kasamahan ng koro ng mga Potestades, na pinagbigyan ng kadakilaan Mo
ng dakilang kapangyarihan laban sa mga kapangyarihan ng kadiliman. Hinihiling ko sa Iyo, na
kami ay lagi Mong lapitan sa aming pangangailangan, taglay ang liwayway ng Iyong biyaya at
ng makapangyarihan Mong kamay. Amen.

Ikalimang Araw
O Lubhang-makapangyarihang Hesus! Na ang kadakilaan Mo ay nababanaag sa mga himalang
ginawa Mo at pinamalas sa mga kapuluang ito. Sinasamba kita sa kasamahan ng banal na koro
ng mga Virtudes, na pinagkalooban ng kalakhan Mo, ng dakilang kapangyarihang gumawa ng
mga himala, para sa Iyong karangalan at kaluwalhatian. Hinihiling ko sa Iyo, nang buong
kababaang-loob, na ipagkaloob Mo, na ang kaluluwa ko’y madagdagan ng mga kabanalan at
karapatan, nang ito’y lumigaya sa walang hanggang kaluwalhatian. Amen.

Ika-anim na Araw
O Kabanal-banalang Hesus! Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon, na nanaig sa
puso ng mga tao. Sinasamba kita sa kasamahan ng koro ng mga Dominaciones, na nakahanda at
mapagkumbabang sumusunod sa Iyong kapangyarihan. Hinihiling ko sa Iyo, na ako’y laging
sumunod sa mga tinig na ipinupukaw Mo sa aking puso, at kung ako’y makapanaig sa aking mga
hilig, ay makamit ko ang Iyong biyaya, nang ako’y maging marapat lumigaya sa kaluwalhatiang
walang hanggan. Amen.

Ikapitong Araw
O Kataas-taasang Hesus! Na sa kaawaan Mo’y tumahan Ka sa Simbahang ito, na sa ilalim ng
Kabanal-banalan mong Pangalan ay itinayo dahilan sa masidhing debosyon sa Iyo, sa
ikagiginhawa ng mga nananahan sa mga kapuluang ito. Sinasamba kita sa kasamahan ng mataas
na koro ng mga Tronos, na pinagbigyan ng kalakhan Mo ng isang dakilang kalinisan at
kabanalan, nang sila’y maging karapat-dapat sa Iyong walang hanggang kabanalan. Hinihiling
ko sa Iyo, na ang kaluluwa ko’y pagkalooban Mo ng dakilang kalinisan sa kabanalan, nang
mangyaring tahanan Mo siyang walang hanggan, sa pamamagitan ng biyaya. Amen.

Ikawalong Araw
O Kapantas-pantasang Hesus! Na pinagkalooban mo ng karunungan ang mga misyonero sa mga
kapuluang ito nang kanilang maipakilala sa mga nananahan sa kaniya ang kaalaman sa
Relihiyong Katolika. Sinasamba kita sa kasamahan ng marurunong na koro ng mga Querubines,
na pinagyaman ng kadakilaan Mo ng karunungan. Hinihiling ko sa Iyo na kami’y bigyan mo ng
kaliwanagan at karunungan, nang Ika’y aming kilalanin, papurihan at dakilain sa buhay na ito, at
pagtapos, sa kaluwalhatiang walang hanggan. Amen.

Ikasiyam na Araw
O Lubhang-masintahing Hesus! Na ang pag-ibig Mo’y malinaw na naipakita sa kaagarang
pagtulong Mo sa mga pangangailangan ng mga namimintuho sa Iyo. Sinasamba kita sa
kasamahan ng masintahing koro ng mga Serafines, na nagliliyab sa kalinis-linisang pag-ibig Mo,
at nag-aalay sa Iyong kadakilaan ng lubos na pag-ibig. Hinihiling ko sa Iyo na pagliyabin mo ang
aking puso, sa matamis na liyab ng Iyong pag-ibig, kung saan ako’y mamumuhay at mamamatay
nang makamtan ko ang kaligayahan sa kaluwalhatiang walang hanggan magpakailan man.
Amen.

Pangwakas na Panalangin
O Hesus na Katamis-tamisan! Amang tunay na mapagmahal, na kumakalinga sa mga
namimintuho sa Iyo sa mga kapuluang ito ng Pilipinas, at binibigyan mo sila ng lahat ng
kanilang pangangailangan. Hinihiling ko ng buong kapakumbabaan at nagpapatirapa sa paanan
ng Iyong kadakilaan, na pagkalooban Mo ng kapayapaan at pagkakasundo ang mga Haring
Kristiyano, na talikuran ng mga herejes ang kanilang mga kamalian, na kilalanin ng mga di-
binyagan ang Iyong kadakilaan, na magpakasakit ang mga makasalanan, at ang walang-
hanggang kapahingaan para sa mga kaluluwa sa purgatoryo, at sa kalahatan, ang Iyong biyaya, at
ang tanging hinihiling namin sa pagsisiyam na ito, kung ito’y sa ikagagaling namin, at sa lalo
Mong kapurihan at kaluwalhatian. Amen.

Dalit sa Sto.Nino

Mapanghila sa sinta mo
Mapang-ibig na totoo.

Tulungi magandang Niño


Ang naasa sa awa Mo.

Sa pagloob sa siyudad
Ay nasumpong ka sa kaban
At sa iyo nasunduan
Ang kaban ng kaawaan
At sa pagkatotoo mong lunas
Sa hirap ng tao.

Tulungi...

Bahay na kinakitaan
Niño sa iyong liwayway
Mga sundalo’y naglakbay
At kanilang pinaroonan
Doon ay ang mga tao
Tuwang lubos na nagtamo.
Tulungi...

Sa marami ang Heneral


Sa himalang napagmasdan
Lumuhod na umuuwang
Puri sa iyo’t paggalang
Sa katuwaang tinamo
Iginalang kang totoo.

Tulungi...

Sa lagay na ito pala


Sa malaking sinta nila
Templo ay iginawa ka
Pinasarinlan ng altar
Marikit na yari ito
Na inihandog sa iyo.

Tulungi...

Tamis ng iyong luningning


Ay tinamo ng salarin
Mga sakit ay gumaling
Kahirapan ay gayun din
At sa paghingi sa iyo
Ng ulan ay binigyan mo.

Tulungi...

Kailan ma’t magkukulang


Mga pag-amo ng ulan
Sa iyo Niño isasakdal
At kukunin ka sa kaban
Itatanghal ka sa tao
Daralanginang totoo.

Tulungi...

Kung sakali’t hindi kamtan


Mga pag-amo ng ulan
Sa dagat ka ilalakbay
At doon paliliguan
At sa gawa nilang ito
Kapagdaka’y binibigyan mo.
Tulungi...

Sa himala ngang ganito


Ay nahikayat ang tao
Sa paghalal sa iyo
Patron ka nilang totoo
At ang mga Filipino’y
Nanatili sa sinta mo.

Tulungi...

Kaya Niño aming daing


Kami’y iyong ampunin
Ang kailanga’y tambingin
Saklolo mo’y paratingin
Kami’y naasang totoo
Sa pagkamaawain mo.

Tulungi...

Mapanghila sa sinta mo
Mapang-ibig na totoo.

Tulungi magandang Niño


Ang naasa sa awa Mo.

N. Purihin ang Ngalan ng Panginoon


S. Ngayon at magpakailanman

PANALANGIN

O Diyos, na hinirang Mo ang Iyong Bugtong na Anak bilang Tagapagligtas ng sangkatauhan, at


ninais mong pangalanan Siyang Hesus, ipagkaloob mo sa aming gumagalang sa Kanyang Banal
na Pangalan dito sa lupa, ay maging marapat na makaharap Siya sa langit, na nabubuhay at
naghahari magpakailanman. Amen.

N. Sumaatin nawa ang tulong ng Maykapal


S. Amen

You might also like