You are on page 1of 31

PAGDIRIWANG NG PAGSUSUNOG
NG MGA LUMANG PALASPAS
UPANG MAGING ABO
PASIMULA
Kapag natitipon na ang sambayanan, ang Tagapagdiwang at mga tagapaglingkod ay lalakad patungo sa
altar, samantalang ang awiting pambungad ay ginaganap. Pagsapit sa dambana, ang Tagapagdiwang at
mga tagapaglingkod ay magbibigay-galang alinsunod sa hinihinging paraan. Magbibigay-galang ang
Tagapagdiwang sa dambana sa pamamagitan ng paghalik sa ibabaw ng altar. Kung minamabuti niya,
maiinsensuhan niya ito. Pagkatapos, ang Tagapagdiwang ay paroroon sa kanyang upuan.

Matapos ang awiting pambungad, habang nakatayo ang lahat, ang Tagapagdiwang at ang mga tao ay
magkukrus. Ipahahayag ng Tagapagdiwang nakaharap sa mga tao:

Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.


Bayan: Amen.

PAMBUNGAD NA PANALANGIN
Magkadaop ang mga kamay na ipahahayag ng Tagapagdiwang:

Manalangin tayo.
Sandaling katahimikan. Ilalahad ng Tagapagdiwang ang kanyang mga kamay habang ipinapahayag:

Ama naming mapagmahal,


nilikha mo kami mula sa alabok
at patuloy mo kaming inaaanyayahang makibahagi
sa kaligtasang dulot ng iyong Mabuting Balita,
kasama ng buong sambayanan.
Kalugdan mo kami ng iyong awa
habang ang mga alabok na ito ay inihahanda
bilang tanda ng pasimula ng paglalakbay namin
sa panahon ng Kuwaresma.
Tulutan mong ang aming paglalakbay
sa ilang ng Kuwaresma
ay mag-akay sa amin
sa luwalhati ng bagong pagsilang
bunga ng muling pagkabuhay ng iyong Anak.
Magbunga nawa ng kapayapaan
ang pag-aayuno ng bawat isa
ang panalangin ay magpabanal sa amin
upang makasalo kami
sa piging na ‘di magwawakas sa iyong kaharian,
sa pamamagitan ni Kristo
kaisa ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
Bayan: Amen.

PAGBASA
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias (58:5-10)

“Ito ang gusto kong gawin ninyo:


Tigilan na ninyo ang pang-aalipin; sa halip ay pairalin ang katarungan;
ang mga api’y palayain ninyo at tulungan.
Ang mga nagugutom ay inyong pakanin,
patuluyin sa inyong tahanan ang walang tirahan.
Yaong mga tao na halos hubad na ay inyong paramtan,
ang inyong pagtulong sa mga kasama
ay huwag tatalikdan.
At kung magkagayon, matutulad kayo sa bukang-liwayway,
hindi maglalao’t gagaling ang inyong sugat sa katawan.
Ako’y laging sasainyo, ililigtas kayo at iingatan kahit saang lugar.
Sa araw na iyon, diringgin ng Panginoon ang dalangin ninyo,
‘pag kayo’y tumawag, ako’y tutugon agad.
Kung titigilan ninyo ang pang-aalipin at pagsuway sa akin,
at ang masamang salita’y iiwasan,
kung ang nagugutom ay pakakanin ninyo at tutulungan,
ang kadilimang bumabalot sa inyo
ay magiging tila liwanag sa katanghalian.
Upang ipahiwatig ang katapusan ng pagbasa, ihahayag ng tagapaglahad at sasagot ang lahat:

Ang Salita ng Diyos.


Bayan: Salamat sa Diyos.
SALMO AT PAGSUSUNOG NG MGA PALASPAS
Sisindihan ang mga palaspas na natipon sa isang lalagyan. Maaaring awitin o dasalin ang Salmo 51.

Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos, Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
Sang-ayon sa iyong kagandahang- Ang Espiritu mo ang papaghariin.
loob;
Mga kasalanan ko’y iyong pawiin, Ang galak na dulot ng ’yong
Ayon din sa iyong pag-ibig sa akin! pagliligtas,
Linisin mo sana ang aking karumhan Ibalik at ako ay gawin mong tapat.
At ipatawad mo yaring kasalanan! Kung magkagayon na, aking
tuturuang
Ang pagsalansang ko ay kinikilala, Sa iyo lumapit ang makasalanan.
Laging nasa isip ko at alaala.
Sa iyo lang ako nagkasalang tunay, Ingatan mo ako, Diyos kong
At ang nagawa ko’y di mo Manunubos,
nagustuhan; Ang pagliligtas mo’y galak kong
ibabantog.
Kaya may matuwid ka na ako’y Turuan mo akong makapagsalita,
hatulan, At pupurihin ka sa gitna ng madla.
Marapat na ako’y iyong parusahan.
Ako’y masama na buhat nang iluwal, Hindi mo na nais ang mga
Makasalanan na nang ako’y isilang. panghandog;
Sa haing sinunog di ka nalulugod.
Nais mo sa aki’y isang pusong tapat; Ang handog ko, O Diyos, na karapat-
Puspusin mo ako ng dunong mong dapat
wagas. Ay ang pakumbaba’t pusong
Ako ay linisin, sala ko’y hugasan mapagtapat.
At ako’y puputi nang walang
kapantay. Iyong kahabagan, O Diyos, ang Sion;
Yaong Jerusalem ay muling ibangon.
Sa galak at tuwa ako ay puspusin; At kung magkagayon, ang handog na
At muling babalik ang galak sa akin. haing
Ang kasalanan ko’y iyo nang limutin, Dala sa dambana, torong susunugin,
Lahat kong nagawang masama’y Malugod na ito’y iyong tatanggapin.
pawiin.
Papuri sa Ama at sa Anak at sa
Isang pusong tapat sa aki’y likhain, Espiritu Santo.
Bigyan mo, O Diyos, ng bagong Kapara noong una, ngayon at
damdamin. magpasawalang hanggan. Amen.
PANALANGIN NG PAGBABASBAS
Magkadaop ang mga kamay na ipahahayag ng Tagapagdiwang:

Manalangin tayo.
Sandaling katahimikan. Ilalahad ng Tagapagdiwang ang kanyang mga kamay habang ipinapahayag:

Ama naming makapangyarihan


pakabanalin mo ang mga abong ito ✠
sagisag ng aming pagbabalik-loob sa iyo.
Kaawaan mo kami
at tulungan mo kaming maging tapat sa Iyo
sa pagtahak sa landas ng pagbabagong loob
sa panahon ng Kuwaresma.
Sapagkat ang kaloob mo’y maligtas ang lahat
sa pamamagitan ni Hesukristo
kaisa ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
Bayan: Amen.

Wiwisikan ng banal na tubig ang abo.

Kung may misa, pagkatapos pagbabasbas, tutungo ang pari at ang sambayanan sa loob ng simbahan.
Aawit ng angkop na awitin habang ang lahat ay patungo sa loob ng simbahan. Pagsapit ng pari sa
dambana, haharap siya sa mga tao at darasalin ang Panalanging Pambungad ng Misa. Ipagpapatuloy ang
Misa ayon sa nakagawian.

PAGDIRIWANG NG
MIYERKULES NG ABO
LITURGICAL NOTES FOR LENT
The Annual Lenten Season is a fitting time to climb the holy mountain of Easter. The Lenten season
has a double character, namely to prepare both catechumens and faithful to celebrate the paschal
mystery. The catechumens, with the rite of election and scrutinies and by catechesis, are prepared for
the celebration of the sacraments of Christian initiation; the faithful, ever more attentive to the word
of God and prayer, prepare themselves by penance for the renewal of heir baptismal promises
(Cæremoniale episcoporum, 249).

1. Lent runs from Ash Wednesday until the Mass of the Lord's Supper exclusive on Holy
Thursday.
2. Lenten weekdays are not commemorated on solemnities and feasts. Ash Wednesday and the
days of Holy Week take precedence over all solemnities and feasts.
3. Volume II of the Liturgy of the Hours is used from Ash Wednesday through Pentecost Sunday,
the close of the Easter season.
4. All memorials of the saints occurring during Lent are observed as optional. Hence, they may
be omitted or observed as commemorations.
5. Alleluia is not sung or said from the beginning of Lent until the Easter Vigil; nor is the "Te
Deum' sung at OR on Sundays of Lent.
6. During Lent the altar should not be decorated with flowers, and musical instruments may be
played only to give necessary support to the singing.
1. On the Fourth Sunday of Lent ("Laetare") and on solemnities and feasts, musical instruments
may be played and the altar decorated with flowers.
7. If marriages are to take place during Lent, couples are to be reminded that the wedding plans
should respect the special nature of this liturgical season; they should refrain from much pomp
or display.
8. The readings for the Lenten Masses have been chosen in relation to the themes of baptismal
renewal and penance. The gospels and readings from the scriptures have been selected for
their mutual relationship.
9. Optional Prayers over the People are given in the Roman Missal next to the Order of Mass.
During Lent any one of these may be used in place of the usus simple blessing given at the
end of Mass. The Ordo suggests specific blessings throughout the season.
10. It is fitting that the Lenten season concludes, both for the individual Christian as well as for
the whole Christian community, with a penitential celebration, so that all may be helped to
prepare to celebrate more fully the Paschal Mystery. Such a celebration should take place
before the Easter Triduum. (cf. Misericordia Dei).
PASIMULA
Kapag natitipon na ang sambayanan, ang pari at mga tagapaglingkod ay lalakad patungo sa dambana
samantalang ang awiting pambungad ay ginaganap.

Pagsapit sa dambana, ang pari at mga tagapaglingkod ay magbibigay-galang alinsunod sa hinihinging


paraan. Magbibigay-galang ang pari sa dambana sa pamamagitan ng paghalik sa ibabaw. Kung
minamabuti niya, maiinsensuhan niya ito. Pagkatapos, ang pari ay paroroon sa kanyang upuan.

Matapos ang awiting pambungad, habang nakatayo ang lahat, ang pari at ang mga tao ay magkukrus.
Ipahahayag ng paring nakaharap sa mga tao:

Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.


Bayan: Amen.

Ilalahad ng Tagapagdiwang ang kanyang mga kamay bilang pagbati sa mga tao habang ipinapahayag:

Ang pagpapala ng ating Panginoong Hesukristo,


ang pag-ibig ng Diyos Ama,
at ang pakikipagkaisa ng Espiritu Santo
nawa’y sumainyong lahat.
Bayan: At sumaiyo rin.

Ang Tagapagdiwang ay makapagbibigay ng maikling paliwanag tungkol sa buod ng Misang


ipagdiriwang:

Mga minamahal na kapatid,


ipinagdiriwang natin sa araw na ito
ang Miyerkules ng Abo.
Ngayon ay ating sinisimulan
ang panahon ng Kuwaresma
bilang paghahanda sa Misteryo ng Paskuwa
—ang pagpapakasakit, kamatayan
at muling pagkabuhay ni Hesus.
Tanda ng pagdadalamhati at pagsisisi,
ipinapahid sa ating mga noo ang abo.
Subalit itong tanda ng pagsisisi
ay dapat na antabayanan
nang tapat na pagbabalik-loob,
ng pagbabago ng puso’t isip.
Umaasa tayo sa kabutihan at awa ng Diyos
sapagkat batid natin
na hindi sapat ang sarili nating kakayahan.

PAMBUNGAD NA PANALANGIN
Magkadaop ang mga kamay na ipahahayag ng Tagapagdiwang:

Manalangin tayo.
Ang lahat kaisa ng Tagapagdiwang ay tahimik na mananalangin nang saglit. Pagkalipas ng ilang sandali,
ilalahad ng Tagapagdiwang ang kanyang kamay at ipahahayag ang panalanging pambungad.

Ama naming makapangyarihan,


ipagkaloob mong masimulan namin ngayon
sa banal na pagkukusang magtiis ng kagutuman
ang pakikipagtunggalian
bilang mga kapanig ni Kristo.
Sa aming pagsugpo sa mga salungat
sa pamumuhay sa Espiritu
maging amin nawang sandata
ang pagtitimpi sa sarili
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
Bayan: Amen.
UNANG PAGBASA
Paroroon sa pook ng pagbasa ang maglalahad ng Salita ng Diyos. Habang ipinahahayag niya ang unang
pagbasa, ang lahat ay nakaupong makikinig.

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Joel (2:12-18)

Sinabi ngayon ng Panginoon:


“Mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin,
kayo’y mag-ayuno, manangis at magdalamhati.
Magsisi kayo nang taos sa puso, hindi pakitang-tao lamang.”
Magbalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Diyos.
Siya’y may magandang-loob at puspos ng awa,
mapagpahinuhod at tapat sa kanyang pangako;
laging handang magpatawad at hindi magpaparusa.
Maaaring lingapin kayo ng Panginoon
at bigyan ng masaganang ani.
Kung magkagayon,
mahahandugan natin siya ng haing butil at alak.
Ang trumpeta ay hipan ninyo,
sa ibabaw ng Bundok ng Sion;
iutos ninyo na mag-ayuno ang lahat,
tawagin ninyo ang mga tao para sa isang banal na pagtitipon.
Tipunin ninyo ang lahat, matatanda’t bata,
pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal.
Mga saserdote,
kayo’y tumayo sa pagitan ng pasukan at ng dambana,
manangis kayo’t manalangin nang ganito:
“Mahabag ka sa iyong bayan, O Panginoon.
Huwag mong tulutang kami’y hamaki’t
pagtawanan ng ibang mga bansa at tanungin,
‘Nasaan ang inyong Diyos?’”
Pagkaraan, ipinamalas ng Panginoon
na siya’y nagmamalasakit sa kanyang bayan.
Upang ipahiwatig ang katapusan ng pagbasa, ihahayag ng tagapaglahad at sasagot ang lahat:

Ang Salita ng Diyos.


Bayan: Salamat sa Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 50:3-4. 5-6. 12-13. 14. 17

Poon, iyong kaawaan kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,


sang-ayon sa iyong kagandahang-loob;
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan
at ipatawad mo yaring kasalanan! (Tugon)

Ang pagsalansang ko ay kinikilala,


laging nasa isip ko at alaala.
Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang nagawa ko’y di mo nagustuhan. (Tugon)

Isang pusong tapat sa aki’y likhain,


bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin. (Tugon)

Ang galak na dulot ng ‘yang pagliligtas,


ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Turuan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla. (Tugon)

IKALAWANG PAGBASA

Paroroon sa pook ng pagbasa ang maglalahad ng Salita ng Diyos. Ipahahayag din ang ikalawang pagbasa.

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-


Corinto (5:20—6:2)
Mga kapatid, ako’y sugo ni Kristo;
parang ang Diyos na rin ang namamanhik sa inyo
sa pamamagitan ko: makipagkasundo kayo sa Diyos.
Hindi nagkasala si Kristo, ngunit dahil sa atin,
siya’y ibinilang na makasalanan
upang makipag-isa tayo sa kanya
at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya.

Yamang kami’y mga katulong sa gawain ng Diyos,


ipinamamanhik namin sa inyo na huwag ninyong sayangin
ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos.
Sapagkat sinasabi niya:

“Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita,


Sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.”

Tingnan ninyo! Ngayon na ang panahong nararapat!


Ngayon ang araw ng pagliligtas!
Upang ipahiwatig ang katapusan ng pagbasa, ihahayag ng tagapaglahad at sasagot ang lahat:

Ang Salita ng Diyos.


Bayan: Salamat sa Diyos.

MABUTING BALITA
Isusunod ang Awit-Pambungad sa Mabuting Balita. Samantalang ginaganap ang pag-awit, maglalagay ng
insenso sa insensaryo ang Tagapagdiwang kung minamabuting gamitin ito.

Kapag ngayo’y napakinggan Mateo 4, 4b


ang tinig ng Poong mahal,
huwag na ninyong hadlangan
ang pagsasakatuparan
ng mithi n’ya’t kalooban.
Ang Tagapagdiwang na nakayuko sa gawing dambana ay magdarasal nang pabulong:

Makapangyarihang Diyos,
Gawing mong Dalisay ang aking puso at mga labi
Upang marapat kong maipahayag ang Mabuting Balita.

Pagkaraan, ang diyakono o ang Tagapagdiwang ay paroroon sa pook ng pagbasa. Magagawa ito ng
paprusisyon na nilalahukan ng mga tagapaglingkod na may dalang insensaryo at mga kandila.
Sa pook ng pagbasa, ihahayag ng tagapaglahad:

Sumainyo ang Panginoon.


Bayan: At sumaiyo rin.

Ihahayag ng tagapaglahad habang kukrusan niya ang aklat, ang kanyang noo, ang kanyang bibig, at ang
kanyang dibdib:

✠ Ang Mabuting Balita ng Panginoon


ayon kay San Mateo. (6:1-6. 16-18)
Bayan: Papuri sa iyo, Panginoon.

Pagkaraan, iinsensuhan ng tagapaglahad ang aklat kung ginagamit ang insenso at ipahahayag niya ang
Mabuting Balita:

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang


mga alagad: “Pag-ingatan ninyo na huwag maging
pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti.
Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong
matatamong gantimpala buhat sa inyong Amang
nasa langit.

“Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang


ipagmakaingay ito, katulad ng ginagawa ng mga
mapagpaimbabaw doon sa sinagoga at sa mga
lansangan. Ginagawa nila ito upang purihin sila ng
mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang
kanilang gantimpala. Ngunit kung naglilimos ka,
huwag mo nang ipaalam ito kahit sa iyong
pinakamatalik na kaibigan upang malihim ang
iyong paglilimos. At gagantihin ka ng iyong Amang
nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.
“At kapag nananalangin kayo, huwag kayong
tumulad sa mga mapagpaimbabaw. Mahilig silang
manalangin nang patayo sa mga sinagoga at sa mga
panulukang-daan, upang makita ng mga tao.
Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang
gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka,
pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka
ka manalangin sa iyong Amang hindi mo nakikita, at
gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng
kabutihang ginagawa mo nang lihim.

“Kapag nag-aayuno kayo, huwag kayong


magmukhang malungkot, tulad ng mga
mapagpaimbabaw. Hindi sila nag-aayos upang
malaman ng mga tao na sila’y nag-aayuno. Sinasabi
ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang
gantimpala. Kapag ikaw ay nag-aayuno, mag-ayos ka
ng buhok at maghilamos upang huwag mapansin ng
mga tao na nag-aayuno ka. Ang iyong Amang hindi
mo nakikita ang siya lamang nakaaalam nito. Siya,
na nakakikita ng kabutihang ginagawa mo ng lihim,
ang gaganti sa iyo.”
Sa katapusan, ihahayag niya:

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Bayan: Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

Hahalikan ang aklat habang dinarasal nang pabulong:

Magbunga nawa itong pagpapahayag ng Mabuting Balita


ng pagkapawi ng mga kasalanan.

Pagkaraan, gaganapin ang homiliya.


PAGBABASBAS AT PAGLALAGAY NG ABO SA ULO
Kasunod ng homiliya, ang Tagapagdiwang magkadaop ang mga kamay ay magpapahayag ng paanyaya:

Minamahal na mga kapatid,


manalangin tayo sa Amang Maykapal
upang ang abong sa ulo natin ilalagay
para ipahiwatig ang pagbabagong buhay
ay marapatin niyang gawaran
ng kanyang pagpapala at malaking pagmamahal.
Pagkapanalanging matahimik, isusunod ito:

Ama naming mapagpatawad,


kinukupkop mo at itinatampok
ang umaamin sa kasalanan
at ikinalulugod mo ang nagbabagong-buhay.
Dinggin mo kami at kupkupin
sa pagkakaloob mo ng pagpapala ✠
bilang pagtatampok sa iyong mga lingkod
na naglalagay ng abo sa ulo.
Sa pagganap ng apatnapung araw na paghahanda
para sa Pasko ng Pagkabuhay
marapatin mong kami’y maging Dalisay
para sa pagdiriwang ng tagumpay ng iyong Anak
na siyang namamagitan kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.

Bayan: Amen.

Tahimik na wiwisikan ng banal na tubig ang abo.


Lalagyan ng pari ang bawa’t dumudulog habang kanyang sinasabi:

Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita


sumampalataya.
Makaaawit ng mga nababagay na awitin.

Pagkalagay ng abo, maghuhugas ng kamay ang pari; isusunod ang panalanging pangkalahatan o
panalangin ng bayan. Hindi ipahahayag ang Sumasampalataya.

PANALANGIN NG BAYAN
Aanyayahan ng Tagapagdiwang ang sambayanan:

Sa pagpasok natin sa panahon ng Kuwaresma


inaanyayahan tayong tumugon sa Diyos na tumatawag sa
atin upang magbalik sa kanya ng buong puso. Sa bawat
kahilingan ating itutugon:

Panginoon, dinggin mo ang iyong bayan.


Bilang isang Simbahan, makaisa nawa tayo ni Kristo sa kanyang
pagpapakasakit sa pagpasok natin sa panahong ito ng Kuwaresma.
Manalangin tayo. (Tugon)

Madisiplina nawa natin ang ating mga sarili sa pamamagitan ng pag-


aayuno at pag-sasakripisyo. Manalangin tayo. (Tugon)

Imulat nawa natin ang ating mga mata sa mga kapatid nating lubos na
nangangailangan sa pamamagitan ng pagkakawanggawa at
paglilingkod. Manalangin tayo. (Tugon)

Dumulog nawa tayo sa Sakramento ng Pangungumpisal lalo na sa


panahong ito ng pagpapakasakit at pagbabago. Manalangin tayo.
(Tugon)

Maging masaya at mapayapa nawa sa piling ng Diyos ang mga


kapatid nating yumao. Manalangin tayo. (Tugon)
Sa ilang sandali ng katahimikan, itaas natin sa Diyos ang ating mga
pansariling kahilingan gayundin ang mga taong lubos na
nangangailangan ng ating panalangin (Tumahimik), manalangin tayo sa
Panginoon. (Tugon)
Wawakasan ng Tagapagdiwang ang panalangin:

O Diyos na mahabagin,
tunghayan mo ang mga kahilingan namin.
Nawa ang mga abong aming tinanggap
ay tunay na maging sagisag
ng aming pangakong tuparin ang iyong kalooban.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan
ni Kristong aming Panginoon.
Bayan: Amen.
PAGHAHAIN NG MGA ALAY
Pagkatapos, sisimulan ang awit ng pag-aalay. Samantalang ito’y ginaganap, ilalagay ng mga
tagapaglingkod ang telang patungan ng Katawan ni Kristo, ang pamahiran, ang kalis, at ang Aklat ng
Pagmimisa sa ibabaw ng dambana. Nababagay na ang pakikiisa ng mga nagsisimba ay ipahayag sa
pamamagitan ng prusisyon ng pag-aalay ng tinapay at alak at ng iba pang handog para sa Simbahan at
para sa mga dukha. Ngayon nama’y tatayo ang Tagapagdiwang sa gawing gitna ng dambana, hahawakan
niya ang pinggan ng tinapay nang bahagyang nakaangat sa dambana, habang dinarasal niya nang
pabulong:

Kapuri-puri ka, Diyos Amang Lumikha sa sanlibutan.


Sa iyong kagandahang-loob, narito ang aming maiaalay.
Mula sa lupa at bunga ng aming paggawa ang tinapay na ito
para maging pagkaing nagbibigay-buhay.

Kapag hindi ginaganap ang awit ng pag-aalay, ang mga pangungusap na ito ay madarasal nang malakas
ng Tagapagdiwang at sa katapusan makapagbubunyi ang mga tao:

Kapuri-puri ang Poong Maykapal ngayon at kailanman!

Ilalapag niya ang pinggan ng tinapay sa telang patungan ng Katawan ni Kristo. Ang Tagapagdiwang ay
magbubuhos ng alak at kaunting tubig sa kalis habang dinarasal nang pabulong:

Sa paghahalong ito ng alak at tubig


kami nawa’y makasalo sa pagka-Diyos ni Kristo
na nagpagindapat makihati sa aming pagkatao.

Pagbalik sa gawing gitna ng dambana, hahawakan ng Tagapagdiwang ang kalis nang bahagyang
nakaangat sa dambana habang dinarasal niya nang pabulong:

Kapuri-puri ka, Diyos Amang Lumikha sa sanlibutan.


Sa iyong kagandahang-loob, narito ang aming maiaalay.
Mula sa katas ng ubas at bunga ng aming paggawa ang alak na ito
para maging inuming nagbibigay ng iyong Espiritu.

Kapag hindi ginaganap ang awit ng pag-aalay, ang mga pangungusap na ito ay madarasal nang malakas
ng Tagapagdiwang at sa katapusan makapagbubunyi ang mga tao:

Kapuri-puri ang Poong Maykapal ngayon at kailanman!

Ilalapag niya ang kalis sa telang patungan ng Katawan ni Kristo. Pagkatapos, yuyuko ang Tagapagdiwang
habang dinarasal niya nang pabulong:

Diyos Amang Lumikha, nakikiusap kaming mga makasalanan.


Tanggapin mo ang aming pagsisisi bilang handog
upang kami’y matutong sumunod sa iyo nang buong puso.

Kung minamabuting gawin, iinsensuhan ng Tagapagdiwang ang mga alay at ang dambana pagkaraa’y
iinsensuhan ng diyakono o ng tagapaglingkod ang Tagapagdiwang at ang mga nagsisimba.
Pagkatapos, ang Tagapagdiwang ay pupunta sa gilid ng dambana, maghuhugas siya ng mga kamay
samantalang pabulong niyang dinarasal:

O Diyos kong minamahal,


kasalanan ko‘y hugasan
at linisin mong lubusan
ang nagawa kong pagsuway.

Pagbalik ng Tagapagdiwang sa gawing gitna ng dambana, ilalahad niya ang kanyang mga kamay sa mga
tao at muli niyang pagdaraupin habang kanyang ipinahahayag:

Manalangin kayo, mga kapatid,


upang ang paghahain natin
ay kalugdan ng Diyos Amang makapangyarihan.
Bayan: Tanggapin nawa ng Panginoon
itong paghahain sa iyong mga kamay
sa kapurihan niya at karangalan
sa ating kapakinabangan
at sa buong Sambayanan niyang banal.

PANALANGIN UKOL SA MGA ALAY


Pagkaraa’y ilalahad ng Tagapagdiwang ang kanyang mga kamay at darasalin niya ang panalangin ukol sa
mga alay.

Ama naming lumikha,


ginaganap namin ang paghahaing ito
bilang maringal na pasimula
sa apatnapung araw na paghahanda.
Ang aming kusang pagtitiis at pagmamalasakit
ay makapagpadalisay nawa sa aming masasamang
hilig
upang kami’y pagindapating makinabang
sa iyong Anak na para sa ami’y nagpakasakit
bilang aming Tagapamagitan
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
Bayan: Amen.
PAGBUBUNYI O PREPASYO
Ilalahad niya ang kanyang mga kamay habang kanyang sinasabi:

Sumainyo ang Panginoon.


Bayan: At sumaiyo rin.

Pagkaraa’y isusunod niya habang itinataas niya ang kanyang mga kamay:

Itaas sa Diyos ang inyong paso at diwa.


Bayan: Itinaas na namin sa Panginoon.

Habang nakataas ang mga kamay, kanyang ipahahayag:

Pasalamatan natin ang Panginoong ating Diyos.


Bayan: Marapat na siya ay pasalamatan.

Ipagpapatuloy ng Tagapagdiwang ang Pagbubunyi o Prepasyo nang nakalahad ang mga kamay.

Ama naming makapangyarihan,


tunay ngang marapat
na Ikaw ay aming pasalamatan
sa pamamagitan ni Hesukristo
na aming Panginoon.

Sa aming kusang pagtitiis ng hirap


tinutulungan mong aming maitumpak
ang kinamihasnang pagsalungat
sa pananagutang iyong iniatas.
Sa aming pagtulad sa Anak mong mahal
na nagpakasakit para sa tanan,
ang pagsisikap nami’y iyong kinalulugdan
at ang pagpapakabuti nami’y iyong ikinararangal.
Kaya kaisa ng mga anghel
na nagsisiawit ng papuri sa iyo
nang walang humpay sa kalangitan,
kami’y nagbubunyi sa iyong kadakilaan.
Sa katapusan nito, pagdaraupin niya ang mga kamay niya samantalang kanyang pinaabot sa hantungan
ang Pagbubunyi o Prepasyo ngayong kaisa ng sambayanan kanyang inaawit o binibigkas nang malakas:

Santo, Santo, Santo


Panginoong Diyos ng mga hukbo!
Napupuno ang langit at lupa
ng kadakilaan mo!
Osana sa kaitaasan!
Pinagpala ang naparirito
sa ngalan ng Panginoon!
Osana sa kaitaasan!
IKALAWANG PANALANGIN
NG PAGPUPURI AT PAGPAPASALAMAT
Nakalahad ang mga kamay ng Tagapagdiwang sa pagdarasal.

Ama naming banal,


ikaw ang bukal ng tanang kabanalan.
Pagdaraupin ng Tagapagdiwang ang kanyang mga kamay at lulukuban ng mga kamay niya ang mga alay
habang siya’y nagdarasal.

Kaya’t sa pamamagitan ng iyong Espiritu


gawin mong banal ang mga kaloob na ito
Pagdaraupin ng Tagapagdiwang ang kanyang mga kamay at kukrusan niya ang tinapay at kalis,
samantalang kanyang dinarasal:

upang para sa ami’y maging Katawan at Dugo ✠


ng aming Panginoong Hesukristo.
Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay. Ang mga salita ng Panginoon sa mga sumusunod na
pangungusap ay ipahahayag nang malinaw at nauunawaan ng tanan ayon sa hinihingi ng kahulugan ng
mga ito.

Bago niya pinagtiisang kusang loob na maging


handog,
Hahawakan ng Tagapagdiwang ang tinapay nang bahagyang nakataas sa ibabaw ng dambana habang
kanyang patuloy na inihahayag:

hinawakan niya ang tinapay, pinasalamatan ka niya,


pinaghati-hati niya iyon,
iniabot sa kanyang mga alagad at sinabi:
Bahagyang yuyuko ang Tagapagdiwang.

TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT KANIN:


ITO ANG AKING KATAWAN
NA IHAHANDOG PARA SA INYO.
Ipamamalas niya ang ostiyang itinalagang maging Katawan at Dugo ni Kristo, ipapatong niya ito sa
pinggan, at luluhod siya bilang pagsamba. Ang Tagapagdiwang ay magpapatuloy.
Gayun din naman, noong matapos ang hapunan,
Hahawakan ng Tagapagdiwang ang kalis nang bahagyang nakataas sa ibabaw ng dambana habang
kanyang patuloy na inihahayag:

hinawakan niya ang kalis,


muli ka niyang pinasalamatan,
iniabot niya ang kalis
sa kanyang mga alagad at sinabi:
Bahagyang yuyuko ang Tagapagdiwang.

TANGGAPIN NINYONG LAHAT ITO AT INUMIN:


ITO ANG KALIS NG AKING DUGO
NG BAGO AT WALANG HANGGANG TIPAN,
ANG AKING DUGO NA IBUBUHOS
PARA SA INYO AT PARA SA LAHAT
SA IKAPAGPAPATAWAD NG MGA KASALANAN.
GAWIN NINYO ITO SA PAG-ALALA SA AKIN.
Ipamamalas niya ang kalis, ipapatong niya ito sa telang patungan ng Katawan ni Kristo, at luluhod siya
bilang pagsamba.

Pagkatapos, ipahahayag ng Tagapagdiwang:

Ipagbunyi natin ang misteryo ng pananampalataya.


Ang mga tao ay magbubunyi:

Si Kristo’y namatay!
Si Kristo’y nabuhay!
Si Kristo’y babalik sa wakas ng panahon!
Ilalahad ng Tagapagdiwang ang kanyang mga kamay samantalang siya ay nagdarasal:

Ama,
ginagawa namin ngayon ang pag-alala
sa pagkamatay at muling pagkabuhay ng iyong Anak
kaya’t iniaalay namin sa iyo
ang tinapay na nagbibigay-buhay
at ang kalis na nagkakaloob ng kaligtasan.
Kami’y nagpapasalamat
dahil kami’y iyong minarapat
na tumayo sa harap mo
para maglingkod sa iyo.

Isinasamo naming kaming magsasalu-salo


sa Katawan at Dugo ni Kristo
ay mabuklod sa pagkakaisa
sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Nakikimisa 1:

Ama,
lingapin mo ang iyong Simbahang
laganap sa buong daigdig.
Puspusin mo kami sa pag-ibig
kaisa ni Francisco, na aming Papa
at ni Ruperto, na aming Obispo,
at ng tanang kaparian.
Nakikimisa 2:

Alalahanin mo rin
ang mga kapatid naming nahimlay
nang may pag-asang sila’y muling mabubuhay
gayun din ang lahat ng mga pumanaw.
Kaawaan mo sila at patuluyin sa iyong kaliwanagan.
Kaawaan mo at pagindapatin kaming lahat
na makasalo sa iyong buhay na walang wakas.
Kaisa ng Mahal na Birheng Maria na Ina ng Diyos,
ng kanyang Kabiyak ng puso, si San Jose,
kaisa ng mga apostol at ng lahat ng mga banal
na namuhay dito sa daigdig
nang kalugud-lugod sa iyo,
maipagdiwang nawa namin
ang pagpupuri sa ikararangal mo.
Pagdaraupin ng Tagapagdiwang ang kanyang mga kamay.

sa pamamagitan ng iyong Anak


na aming Panginoong Hesukristo.
Hahawakan ng Tagapagdiwang ang pinggang may ostiya at ang kalis na kapwa niya itataas habang
kanyang ipinahahayag:

Sa pamamagitan ni Kristo, kasama niya, at sa kanya


ang lahat ng parangal at papuri ay sa iyo,
Diyos Amang makapangyarihan,
kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan.
Ang mga tao ay magbubunyi:

Amen.
ANG PAKIKINABANG
Pagkalapag ng kalis at pinggan sa dambana, ipahahayag ng Tagapagdiwang nang may magkadaop na
mga kamay:

Sa tagubilin ng mga nakagagaling na utos


at turo ni Hesus na Panginoon natin at Diyos
ipahayag natin nang lakas-loob:
Ilalahad ng Tagapagdiwang ang kanyang mga kamay at ipahahayag niya kaisa ng lahat:

Ama namin, sumasalangit ka.


Sambahin ang ngalan mo.
Mapasaamin ang kaharian mo.
Sundin ang loob mo
dito sa lupa para nang sa langit.

Bigyan mo kami ngayon


ng aming kakanin sa araw-araw.
At patawarin mo kami sa aming mga sala
para nang pagpapatawad namin
sa nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso.
At iadya mo kami sa lahat ng masama.
Nakalahad ang mga kamay ng Tagapagdiwang sa pagdarasal:

Hinihiling naming kami’y iadya sa lahat ng masama,


pagkalooban ng kapayapaan araw-araw,
iligtas sa kasalanan at ilayo sa lahat ng kapahamakan
samantalang aming pinananabikan
ang dakilang araw ng pagpapahayag
ng Tagapagligtas naming si Hesukristo.
Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay. Wawakasan ng sambayanan ang panalangin sa ganitong
pagbubunyi:

Sapagkat iyo ang kaharian at ang kapangyarihan at ang kapurihan


magpakailanman! Amen.
PAGBIBIGAYAN NG KAPAYAPAAN
Pagkatapos, malakas na darasalin ng Tagapagdiwangng nakalahad ang mga kamay:

Panginoong Hesukristo,
sinabi mo sa iyong mga Apostol:
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo.
Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo.”
Tunghayan mo ang aming pananampalataya
at huwag ang aming mga pagkakasala.
Pagkalooban mo kami ng kapayapaan
at pagkakaisa ayon sa iyong kalooban.
Pagdaraupin niya ang kanyang mga kamay.

kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.


Bayan: Amen.

Ang Tagapagdiwang ay paharap sa sambayanang maglalahad at magdaraop ng mga kamay sa


pagpapahayag.

Ang kapayapaan ng Panginoon ay laging sumainyo.


Bayan: At sumaiyo rin.

Maidaragdag, kung minabuti, ang paanyayang ipahahayag ng diyakono o Tagapagdiwang:

Magbigayan kayo ng kapayapaan sa isa’t isa.


At, alinsunod sa kaugalian ng iba’t-ibang pook, ang mga nagsisimba ay mabigbigyan ng kapayapaan. Ang
Tagapagdiwang at ang mga tagapaglingkod ay makapagbibigayan ng kapayapaan.

PAGHAHATI NG TINAPAY
Pagkatapos, hahawakan ng Tagapagdiwang ang ostiya at hahati-hatiin niya ito sa ibabaw ng pinggan at
isasawak niya ang kaputol sa kalis habang pabulong niyang dinarasal:

Sa pagsasawak na ito
ng Katawan sa Dugo ng aming Panginoong Hesukristo
tanggapin nawa namin sa pakikinabang
ang buhay na walang hanggan.
Samantalang ginaganap ang paghahati-hati sa ostiya, aawitin ang pagluhog na ito.

Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,


maawa ka sa amin!
Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
maawa ka sa amin!
Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan,
ipagkaloob mo sa amin ang kapayapaan!

Ito ay mauulit-ulit habang ginaganap ang paghahati-hati sa tinapay. Sa huling, pag-uulit saka pa lamang
idurugtong ang “ipagkaloob mo sa amin ang kapayapaan.”

Magkadaop ang mga kamay ng Tagapagdiwang sa pabulong na pagdarasal.

Panginoong Hesukristo, Anak ng Diyos na buhay,


sa kalooban ng Ama kasama ng Espiritu Santo,
binuhay mo sa iyong pagkamatay ang sanlibutan.
Pakundangan sa iyong banal na Katawan at Dugo,
iadya mo ako sa tanang aking kasalanan at lahat ng masama,
gawin mong ako’y makasunod lagi sa iyong mga utos,
at huwag mong ipahintulot na ako’y mawalay sa iyo kailanman.

Luluhod ang Tagapagdiwang at pagtayo niya’y kanyang hahawakan ang ostiya na itataas sa ibabaw ng
pinggan. Paharap sa mga tao siyang magsasabi ng malakas:

Ito ang Kordero ng Diyos.


Ito ang nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan.
Mapalad ang mga inaanyayahan sa kanyang piging.
Idurugtong niyang minsanan kaisa ng sambayanan:

Panginoon, hindi ako karapat-dapat na magpatuloy sa iyo


ngunit sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako.

Siya’y makikinabang nang magalang at nakayuko sa dambana habang pabulong na nagdarasal:

Ipagsanggalang nawa ako ng Katawan ni Kristo


para sa buhay na walang hanggan.

Mapitagan niyang tatanggapin ang Katawan ni Kristo. Pagkatapos, hahawakan ng Tagapagdiwang ang
kalis at pabulong na magdarasal:

Ipagsanggalang nawa ako ng Dugo ni Kristo


para sa buhay na walang hanggan.
Mapitagan niyang tatanggapin ang Dugo ni Kristo. Hahawakan niya ang pinggan o lalagyan ng ostiya at
lalapitan niya ang mga nakikinabang, bahagyang itataas ang ostiya para sa bawat nakikinabang habang
sinasabi:

Katawan ni Kristo.

Nakikinabang: Amen.

Samantalang nakikinabang ang Tagapagdiwang, sisimulan ang awit sa pakikinabang. Pagkapakinabang,


ang mga mumo ng ostiya na nasa pinggan ay titipunin sa kalis na huhugasan ng Tagapagdiwang o
diyakono o tagapaglingkod. Habang ito ay ginaganap ng Tagapagdiwang, pabulong siyang magdarasal:

Ama naming mapagmahal,


ang aming tinanggap ngayon ay amin nawang mapakinabangan
at ang iyong ipinagkaloob ay magdulot nawa sa amin
ng kagalingang pangmagpakailanman.

Makababalik ngayon sa upuan ang Tagapagdiwang.

PANALANGIN PAGKAPAKINABANG
Pagkaraan, ang Tagapagdiwang ay titindig sa harap ng upuan o sa gawi ng dambana paharap sa mga
nagsisimbang magpapahayag:

Manalangin tayo.
Sandaling katahimikan.

Ama naming mapagmahal,


ang pinagsaluhan namin
ay amin nawang pakinabangan
sa pagkakamit ng dulot na kagalingan
ng kagutumang kusa naming pinagtitiisan
at iyong kinalulugdan
sa pamamagitan ni Hesukristo
kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
Bayan: Amen.

Maisusunod kapag may ipagbibigay-alam, ang mga maiiksing patalastas na sasabihin sa mga tao.
PAGHAYO SA PAGWAWAKAS
Pagkatapos, gaganapin ang paghayo. Ang Tagapagdiwang na nakalahad ng mga kamay sa mga tao ay
magpapahayag:

Sumainyo ang Panginoon.


Bayan: At sumaiyo rin.

Ipahahayag ng pari ang paanyaya:

Magsiyuko tayo habang iginagawad ang pagbabasbas.


Pagkaraan, itataas ng pari ang kanyang mga kamay na lumulukob sa lahat, samantalang inaawit o
ipinahahayag niya ang mga pagbabasbas.

Ang Diyos Amang maawain na nagkaloob sa inyong Anak


niyang nagpakasakit bilang huwaran ng pag-ibig
ay siya nawang magbasbas sa inyong lahat,
pakundangan sa paglilingkod ninyo sa kanya at sa kapwa
ngayon at magpasawalang hanggan.
Bayan: Amen.

Pakundangan sa kanyang kamatayan,


upang kayo’y huwag dumanas
ng walang katapusang pagkamatay,
makamtan nawa ninyo ang buhay na walang hanggan.
Bayan: Amen.

Pakundangan sa pagpapakumbaba niya


para sa iyong kapakanan,
kayo nawa’y makasalo sa kanyang muling pagkabuhay
ngayon at magpasawalang hanggan.
Bayan: Amen.
Babasbasan ng Tagapagdiwang ang mga tao habang kanyang ipinahahayag.

Pagpalain kayo ng makapangyarihang Diyos,


Ama at Anak X at Espiritu Santo.
Bayan: Amen.
Ang Tagapagdiwang na magkadaop ang mga kamay ay magpapahayag ng paghayo sa sambayanan:

Humayo kayong taglay ang kapayapaan


upang ang Panginoon ay mahalin at paglingkuran.
Bayan: Salamat sa Diyos

Karaniwan, ang dambana ay bibigyang-paggalang sa paghalik dito ng Tagapagdiwang at matapos


makapagbigay-pitagan kaisa ng mga tagapaglingkod, siya ay hahayo. Habang ginaganap ito ay maaaring
umawit ng angkop na pangwakas na awit.

You might also like