You are on page 1of 24

Aralin 2

Ang Dagli at Maikling Kuwento

Ang Dagli
Ano baa ng dagli? Para kay Agoncillo, ang dagli ay sumulpot noong 1902 sa
pagkakalathala ng pahayagang Muling Pagsilang ng pinamahalaan ni Lope K. Santos
at namayani hanggang 1930. Maikli ang dagli, “hindi lalampas sa tatlong papel” pero
“hindi taal na maikling kuwento”. Tila ang pinupunto ni Agoncillo ay ang mababang
katangian ng dagli sa usapin ng kasiningan, dahil ito’y pumapaksa sa “tahasang
panunuligsa, lantarang pangangaral, karanasan sa pag-ibig at mga akdang inihahandog
sa mga paraluman”. Masalita ang mga dagli, na nagbigay-kongkluksyon para kay
Agoncillo na isipin na bahagi lamang ito ng natural na ebolusyon tungo sa “taal na
maikling kuwento”. Batay sa mga konteksto ng dagli ang mga katangian nito ay ang
mga sumusunod (Tolentino at Atienza, 2007):
1. Maikli dahil nakabatay sa domestiko at politikal na realida; kinakailangan
makaagapay, para rin sa mas sustenidong interes sa pagbabasa at pakikinig.
2. Temporal o may panahon lamang ang halaga, kadalasan sa kagyat na panahong
may mainit na balita mula sunog hanggang sa mga patakaran ng Amerikanong
opisyal.
3. Kinathang realidad, bilang subersyon sa matinding sensura sa panahon;
gayunpaman, may mimetikong katangian pa rin sa kaganapan kahit pa parody
ang marami sa mga dagli.
4. Gumagamit ng mga editorial na interbensyon sa pagsulat. Binibigyang direksyon
tungo sa papuri (kung romantikong dagli) o panlalait (makabayan); may target
itong layunin sa pagkakasulat, kadalasan ay pagdadambana sa napupusuan o
kritisismo sa kapaligiran; masasabi na madiskurso ang dagli dahil sa paghalaw
nito ng mga iba’t ibang bagay sa puntong nais ipaliwanag; nabibigyang diin ang
manunulat bilang panlipunang kritiko.
5. Partisano, may kinikilingan, kadalasan, pag-ibig ng lalakeng may-akda sa babae
o ang tapat sa sarili sa nagbabagong kaayusan.
6. Moderno sa reperesiyang ginagamit at sa wika. Ikinatutuwa ng mga lingguwista
at ikalulungkot ng mga purista sa wika.

Ang Maikling Kuwento


Ano nga ba ang maikling kuwento? Maraming kahulugan ang maikling kuwento
batay sa iba’t ibang ibinigay ng mga kilalang tao.
Ayon sa aklat ni Herbert Montgomery na pinamagatang “Plot to sell” ito’y isang
namumukud-tanging karakter na nakaharap sa isang suliraning tila imposibleng
malutas ngunir makahahanap din ng solusyon at malulutas iyon ayon sa kanyang
sariling kaparaanan. Batay naman sa ama ng maikling kuwento na si Edgar Allan
Poe, ito’y isang akdang pampanitikan na likha ng guniguni at salamisim na nakasalig
sa buhay na totoong naganap o kaya’y magaganap pa (Reynaldo Doque, 2004).
Kung pag-uugnayin ang dalawang kahulugang ibinigay, ang maikling kuwento ay
isang akdang pampanitikang likha ng masining na pag-iisip na may namumukod-
tanging karakter na haharap sa isang suliraning kailangang hanapan ng solusyonna
nakasalig sa realidad buhay. Bagamat ang maikling kuwento ay isang likhang isip
tiniyak naman nito na magbibigay larawan sa totoong buhay ng ating lipunang
ginagalawan. Ikinikintal sa isip ng mambabasa ang maikling kuwento ng karanasan
na maaaring naganap na, magaganap at ginaganap pa lamang. Madalas na
mapagkamalan na ang maikling kuwento ay nagbibigay lamang ng kaaliwan sa
mambabasa upang magpalipas ng oras ngunit higit pa sa mang-aliw ang naibibigay
nito. Nag-iiwan dapat ng aral sa mambabasa ang maikling kuwento upang ang
sinumang makabasa ay magkaroon ng kamalayang-panlipunan.
Mga Mahahalagang Sangkap ng Maikling Kuwento
Ayon kay Duque (2004), ang maikling kuwento ay may mga mahahalagang
sangkap upang masabing ang isang akda ay maikling kuwento. Ang mahahalagang
sangkap ay ang mga sumusunod:
1. Tauhan (Character): Nalalaman sa sangkap na ito kung ano ang
ginagampanang papel ng bawat tauhan kung isa sa mga ito ay protagonist (bida)
at antagonista (kontrabida). Dito rin malalaman kung sino-sino ang magsisiganap
sa kuwento upang maipamalas at maipadama ang ipinapahiwatig na mensahe o
kaisipan na na nais iparating ng akda.
2. Tagpuan (Setting): Dito nakasaad ang lugar at panahon ng pinangyayarihan ng
mga mahahalagang aksyon o mga pangyayari kung kalian at saan naganap ang
kuwento.
3. Banghay (Plot): Tumutukoy sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa
isang kuwento. Mahalaga ito upang magsilbing gulugod na magbibigay buhay sa
isang maikling kuwento o anupamang mga akdang pampanitikan.

Mga Elemento ng Banghay:


a. Panimulang Galaw. Dito nakasalalay ang interes ng mambabasa kung ito ba’y
kailangang pagbuhusan ng panahon na basahin. Dapat na ang panimula ng
maikling kuwento ay nakapagbibigay agad ng hikayat sa tao upang maging
kawili-wiling basahin at matiyak na tatapusin ng mambabasa na basahin ang
kuwento.
b. Umiigting na galaw. Ang interes ng mga mababasa ay dapat na mapanatili ng
manunulat. Sa bahaging ito’y paiigtingin pa lalo ang damdamin ng mga
mababasa upang mapdala sila sa higit na mataas na antas ng pananabik.
c. Krisis. Ito ang pinakatampok o pinakamadulang bahagi ng kuwento. Nahahaplos
ang damdamin ng mambabasa dahil sa krisis na daranasin o dinadaranas ng
tauhan sa kuwento. Sa bahaging ito nagiging mabilis ang galaw ng mga tauhan
at nagiging mabilis ang aksyon ng kuwento.
d. Kasukdulan: Ito ang pinakamatinding bahagi ng akda, tumataas ang
kapanabukan kapag nasa bahaging ito ng kuwento. Mababasa sa kuwento na
ang pangunahing tauhan ay malalagay sa panganib o sitwasyon kailangan na
niyang kumilos upang bigyan ng solusyon ang kinahaharap na suliranin.
e. Realisasyon o Wakas – ito ang huling bahagi ng banghay ng kuwento. Dito
malalaman ng mambabasa na lubusan nang naisakatuparan ng pangunahing
tauhan ang solusyon sa kinaharap na suliranin. Samakatuwid nabigyang linaw
na ang mga suliraning naisalaysay sa ilang bahagi ng kuwento.

4. Tema (Theme): Ang tema ang pangkalahatang kaisipan o lagom na nais


palutangin ng may-akda sa isang maikling kuwento. At ang kaisipang ito ang
binibigyan ng laying maikintal sa isipan ng mga mambabasa. Maaaring maging
tema ang mga sumusunid:

a. Palagay sa mga naganap na pangyayari sa lipunan


b. Obserbasyon ng may-akda tungkol sa pag-uugali ng tao
c. Paniniwala sa isang katotohanan o pilosopiyang tinatanggap ng tao sa buong
daigdig sa lahat ng panahon o ang dahilan ng pagkakasulat ng may-akda.
Mga Uri ng Maikling Kuwento
Ang mga sumusunod ay ang mga uri ng maikling kuwento (Duque, 2004):
1. Kuwento ng Romatikong Pakikipagsapalaran (story of romantic adventure) –
kuwento ng pag-ibig at romansa na kinasasangkutan ng mapanganib na
pakikipagtunggali. Sa ganitong kuwento, ang pagkawili ay nasa balangkas sa
halip na sa mga tauhan.
2. Kuwento ng Madulang Pangyayari (story of dramatic event) – sa uring uto, ang
pangyayari ay totoong kapuna-puna at makabuluhan at nagbubunga ng isang
kakaibang pagbabago sa kapalaran ng mga taong nasasangkot. Sa ganitong
kuwento higit na nakatuon ito sa mahahalagang pangyayari kaysa sa tauhan at
banghay.
3. Kuwento ng Kababalaghan (horror story) – nabubuo ang ganitong uri ng
kuwento dahil sa paniniwala ng mga tao sa mga bagay-bagay na kataka-taka.
Kadalasan pumapaksa ang mga kuwento ito sa mga lamang lupa tulad ng
aswang, multo at iba pa.
4. Kuwentong Pangkatauhan (character story) – ang nangingibaw sa kuwento ito
ay ang katauhan ng pangunahing tauhan tulad ng aksyon, pananalita, pag-iisip o
kasinuhan ng pangunahing karakter ng kuwento.
5. Kuwento ng Katutubong Kulay (story of local color) – ang binibigyang diin ng
manunulat sa ganitong uri ng kuwento ay ang tagpuan, kaugalian, paniniwala at
gawi ng mga tao sa isang tiyak na pook, gayundin ang pananalita o ginagamit na
wika.
6. Kuwento ng Tagumpay (success story) – pinapaksa nito ang naranasang hirap,
pagdurusa at pagtitiis ng protagonist (bida) patungo sa tagumpay. Samakatwid
nagwawakas ang kuwento sa masaya o maligayang tagpo.
7. Kuwento ng Trahedya (story of tragedy) – kabaligtaran ito ng kuwento ng
tagumpay. Nagwawakas ito sa malungkot na wakas dala ng mgasalimuot na
karanasan.

Mga Halimbawa ng Dagli at Panimulang Pagsusuri

Pagsasamantala
Isaias G. Estrella
Takang-taka ang maraming nakakikilala kay Manuel kung bakit siya ay naibig ni
Tonia! Manghang-mangha rin naman ang mga kaibigan ni Tonia kung bakit niya
naibig si Manuel! At ang lahat ng nakakikilala sa dawalang ito, mula nga noong
umabot sa kanilang pandinig ang gayong pagkakaibigan ay sino ang hindi
mapapalatak at di matatawa? Si tonia ay maganda at kaipala ay wala nang tatalo sa
kanyang kagandahan sa kanilang ppok na tinitirahan, at bukods sa riyan ay totoong
mapanghamak lato at nakikilala niyang isang hamak na empleyado lamang ang
liligaw sa kanya. Nais niyang ang kanyang maging kaisangpalad ay isang doctor o
kaya’y isang abogado at sa nagagandanhang lalaki na nagsisilaw sa kanya ay wala
man lamang mapili, paano’y ang mga ito’y walang maipagmamalaking kayamanan
bagang sukat sagisagin sa karangyaan upang kagandahan ni Tonia y makamit ng
isa man lamang sa kanila.
Ngayo’y sa dakong huli ay kabali-balita na lamang na sila ni Manuel ay malapit
nang pag-isahing palad sa darating na mga araw. Ngunit bakit naibigan si Manuel
ng ating mapanghamak na dalaga, gayong kung sa kapangitang lalaki ay wala nang
tatalo kay Manuel. Si Manuel ay bulutonggo, pilas ang labi, harang ang tainga,
sulipat ang mata, at sarat ang ilong na walang-walang kagadanhang
maipagmamalaki sa ibang nagsisiligaw kay Tonia. Bakit nga nagustuhan ni Tonia si
Manuel? Ah, si Manuel ay abogadto at mayaman at iyan ang naging pangunahing
dahilan kung bakit naibig nga ni Tonia. Si Tonia ay hindi tumatanaw sa kagandahan,
hindi siya tumatanaw sa kadakilaan ng isang pag-ibig kundi siya nasisilaw sa salapi
at sa katangian ng isang namimintuho.
“Hoy, Igno tingnan mo mga iyang anak ni Aling Tumasa, malapit na palang ikasal
kay Manuel na bulutong. Sukat ba namang maibig ni Tonia ang tinamaan ng
hanging Manuel na iyan!”
“Bah, ngaton pag di ka marunong magsamantala ay mamatay ka ng gutom.
Tama ang ginawa ni Tonia na ibigin si Manuel, sapagkat bubuhayin siya sa
karangyaan at kasaganaan.” Ang usapan ng dalawang magkakaibigan na
nakakikilala sa dalawng paksa ng usapin natin.
“Ngunit isang mahiwagang paraan lamang ang ginawa ng ina ni Tonia kung bakit
naibig ng kanyang anak ang bulutong na iyon.”
“At ano ang ginawa?” tanong ng isa sa nag-uusap.
“Sapagkat si Manuel ay mayaman ay kung ano-ano ang hinihiling ng ina nit onia
sa binate. Sapagkat nalalaman ni Manuel na walang makaiibig sa kanya ay paunlak
naman ng paunlak hanggang mabundat niya ang mag-ina sa pagsasamantala nito
sa kanyang bulsa. At ang ganyang mga ina ay dapat sumpain. Dapat silang
sumpain sa kanilang pagsasamantala at labis nap ag-iimbot sa mga magsisiligaw sa
kani-kanilang anak. “

Pagsasamantala ni Isaias G. Estrella


(Panimulang Pagsusuri ni Arvie DC. Tolentino)
Pinapaksa ng dagling ito ang pagkasilaw ng tao sa karangyaan kahit pa ang
maging kapalit nito ay huwad na pag-ibig. Dahil na rin sa kahirap ng buhay
kumakapit sa patalim ang sinumang tao upang sila’y makaranas ng magandang
buhay kumakapit sa patalim ang sinumang tao upang sila’y makaranas ng
magandang buhay. Sa akdang ito kitang-kita ang pagiging mapagsamantala ng ina
at ng anak na si Tonia. Dahil nga sa kagandahang pisikal ni Tonia at hindi sa ugali,
marami ang nagkakagusto sa kanya kung kaya ang kagandahang iyon ang ginamit
niya upang manamantala. Sa paanong paraan niya ito ginagawa? Kapag isang
ordinaryong lalakiang nanligaw rito o isang lalaking walang maipagmalaking yaman
tiyak ang katakut-takot na panghahamak at panlalait nito. Dahil ang nais niyang
lalaki ay may propesyon o isang edukadong mayaman. Masasabing ang pinag-
ugatan ng ugaling mapagsamatala ni Tonia ay galing sa ina nito, sa madaling sabi
namana niya ang ugali ng ina o naimpluwensiyahan siya. Tila ibinebenta niya ang
kanyang anak sa isang lalaking magbigay ng kanilang kasaganahan sa buhay. Si
Manuel na isang abogado na mayaman subalit dahil sa pisikal nitong kakulangan ay
sinamantala lalo ng ina ni Tonia na mahuthutan ito. Sapagkat nalalaman ni Manuel
na walang magkakagusto sa kanyang babae ay siya namang panghuhuthot ng ina
ng babae sa bulsa ng lalaki. Hanggang sa nalaman na lamang ng ibang tao na
ikakasal na pala si Tonia kay Manuel na ikinagulat naman ng iilan sapagkat alam ng
mga ito ang pag-uugali ng mag-ina na hindi basta-basta papatol sa isang lalaking
hindi naman makapagbibigay ng kanilang karangyaan kasama pa ang ugali nilang
mapanlait sa kapwa. Sa katapusan ng akda nabuo ang kongklusyon nang
pagkasuklam ng mga tao sa mag-ina dahil sa pagsasamantala sa kahinaan nga tao.
At naging paksang diwa pa rito na ang isang taong nagigipitay natutong
manamantala.
Kapansin-pansingang nais ipahiwatig ng dagli ay hindi sapat na dahilan ang
pagsamantalahan ang tao sa kahinaan nito upang makamit lamang ang magandang
buhay na hinahangad. Nais ng may-akda na imulat ang tao sa kagandahang-asal na
pagiging tapat o pagkakaroon ng kadakilaan sa pag-ibig at hindi dapat masilaw sa
pera o anumang yaman kung ang magiging bunga ay may masasaktang tao. Kung
kaya sa akdang ito pinapalutang din na dapat magkaroon ang tao ng magandang
pananaw sa buhay.
Dahil ang akda ay naisulat noong 1930, kakikitaan ng ilang purong tagalog na
mga salita. Masasabing madali pa ring maunawaan ang akda dahil popular pa rin
naman ang tema ng akda. Naisawika ng maaayo ang mga ideya upang mailahad
ang mga kaisipang kailangang matanggap ng mambabasa. Ang mambabasa na
siyang magiging tagatanggap ng mga ideya ay maiuugnay ang usaping panlipunan.
Kahit ang taong nakapagitan nang maisulat ito ay napakalayo na, nailalapit pa rin sa
kasalukuyan ang konteksto nito dahil nangyari parin hanggang sa kasalukuyang
panahon ang akdang ito.
Mga Gabay na Tanong sa Dagling Pagsasamantala ni Isaias G. Estrella:
1. Ano ang pinapaksa ng dagling pinamagatang Pagsasamantala?
2. Paano inilarawan ang mga tauhan sa dagli?
a. Kalagayan sa buhay
b. Paniniwala
c. Ugali
3. Paano ipinahayag ang mga kulturang Pilipino na nakapaloob sa akda?
4. Paano sumasalamin sa ating lipunan ang akda?
5. Ano-anong mga suliraning panlipunan ang nakapaloob sa akda at paano ito
mabibigyang solusyon?

KARERA
Jomar G. Adaya

Kumakaripas ang mga paa, nag-uunahan ang hininga sa pagsuot sa makitid at


liko-likong eskinita. Pinapatag ng mga mabibigat ngunit mabibilis na yabag, ang bako-
bakong daan marating lang ang labasan. Tangan ng kamay ang hinihingal na
manlalakbay. Mahigpit ang pakakahawak ng mananakbo, sa swerteng pambato ng
looban. Sa kanilang husay kasi nakasalalay ang pusta ng buong barangay. Pustang
panawid-gutom. Pustang pambayad-utang. Pustang inaasam na dumoble, panawid
hanggang gabi. Pustang tinayaan ng dasa nang sila’y pagkalooban.
Kunsabagay, walang dapat ipangamba. Kabisado na niya ang kalangitan ng
Maynila. Tunay na batser itong alaga. Kumbaga sa yoyo, bumabalik sa palad. Balikin
kung tawagin ng mga paslit na madalas sa bubungan. Yun nga lang, ang yoyo may pisi,
makokontrol mo anumang sandal.
Ito kasing manlalakbay, isang buwan munang sinanay. Inihagis sa kanto,
hanggang makarating sa Quaipo. May swerte nga talaga’t may husay. Ni minsan hindi
nadagit o naligaw. Muli’t muling bumabalik sa tahanan niyang maliit, sa ibabaw ng
kalawanging bubong ng kapitbahay.
Kumakaripas ang mga paa. Nag-uunahan ang hininga. Ilang lundag at hakbang
na lang. Heto na ang pinish layn sa tapat ng opisina ng barangay.
Kumakabog ang dibdib ng mga taga looban. May tumitili. May humihiyaw. May
nagmumura. May mga kaluluwang pigil ang paghinga.
Hinto. Saglit na sandali!
Manhid na pala’t nanginginig ang pawisang kamay nitong mananakbo. Hindi
inaasahang dumulas si manlalakbay sa kanyang kamay. Patay! Hayun! Malayang
ikinampay ang pakpak patungo sa kangitang inari niyang tunay. Lumipad papalayo sa
mundong puno ng sigalot. Kasamang nilipad ang pag-asang makaramdam ng langit,
ang mga kaluluwang ipinusta ang huling sentimo ng paghinga.
Hinto. Saglit na sandal!
May bumasag ng trip.
“Malas lang! Bawi na lang neks taym!”
Karera ni Jomar G. Adaya
(Panimulang Pagsusuri ni Andremel King S. Tolentino)
Ang dagling ito ay tumatalakay sa simple ngunit maaksyong pakikipagsapalaran
na may halong konting drama at pangarap ng isang mananakbo o “runner” – sila ang
mga nagpapakawala at humahabol sa mga pangarerang kalapati na minsan ay
nanggagaling pa sa malalayong pook ng Pilipinas upang ilaban ng pustahan.
Masasabing simple sapagkat mga pangunahing pangangailangan lamang ang nais
mabigyan ng pansamantalang solusyon ng mga taong dito’y umaasa tulad ng pagkain
sa buong araw (at sa susunod pa), pambayad sa utang, pamasahe o kaya’y dagdag-
puhunan upang makapusta ng mas malaki sa susunod na pakikipagkarera at maraming
nakasalalay pang iba.
Mahirap ang maging isang “runner” ng mga nagkakarerahang kalapati.
Porsyento lamang ang kanilang nakukuha sa tuwing mayroong magpupustahan,
mapalad kung alaga niya mismo dahil buo nitong maiuuwi ang premyo kung sakaling
manalo . Nasa bigkas na ng kanilang mga labi ang salitang “h’wag mo akong ipahiya,
manalo ka” at “bigyan mo naman ako ng swerte” habang hinihimas-himas ang
paliliparing kalapati. Laging nasa panganib ang buhay sa paghahabol at pagsubaybay
sa nagaganap na hagaran at ungusan sa himpapawid. Ang drama ay kumporme sa
pagkapanalo o pagkatalo, walang kasiguraduhan, nasa pagpagaspas ng mga pakpak
ng kalapati lagi ang kasagutan.
Layunin ng manunulat sa dagling ito ang paglalagay ng puwang sa mga isipan
ng mambabasa ng buhay ng mga “runner” o mananakbo. Na tulad ng kalapati ay
nagnanais din silang makalaya. May mga nag-aakala na ang pag-aalaga ng kalapati ay
isa lamang payak na libangan at sinasabing para lamang sa walang hanapbuhay, kung
minsan kaakibat nito ang kasabihang “malas” daw ang mag-alaga ng kalapati, dahil
nakababagal daw ito sa pagpasok ng swerte. Subalit, pinasubalian ang maling kaisipan
na ito, gamit ang malinaw na paggamit at pagpili ng mga salitang angkop upang
matapat na itampok ang kanyang mga “bida” sa obra.
Bagamat may paggamit ng code o simbolismo sa pagtukoy ng mga kasangkot ay
madali lamang maunawaan ang daloy at gaya ng kahulugang taglay ng dagli, hindi
nakababagot basahin at makararamdam ang babasa nito ng pananabik at interes sa
susunod na magaganap. Payak ang mga salitang ginamit subalit hindi kumawala sa
pagtalakay sa isyung panlipunan na hindi minsan nabibigkas ng mga tagapagbalita sa
dyaryo, radyo o telebisyon man. Umaangkop ang dagli sa kapanahunan natin na kahit
sa paanong paraan, sa hindi tradisyonal na paraan ng paghahanapbuhay basta
makagawa lang ng paraan na malamanan ang kumakalam na sikmura.
Minsan maihahalintulad natin sa mga kalapati ang pag-abot natin sa ating mga
mithiin sa buhay. Sinisimbolo rin nito ang kalayaan, ang kalayaan na makalipad at
magampanan ang papel nito sa kalikasan bilang ibon. Ganito rin ang mga mananakbo,
umaasam din sila na makalaya o makatakbo papalayo sa kasalakuyang estado kahit
minsan lang, na makapamuhay man lang ng hindi sumasala sa pagkain at sa
pamamagitan ng paglasap ng katiting na tagumpay bunga ng masugid na pagsubaybay
at paghabol sa kalapating may dala ng kanilang kapalaran.
Mga Gabay na Tanong sa Dagling Karera ni Jomar G. Adaya:
1. Ano ang pangunahing konsepto o kaisipan ng dagli?
2. Paano nakaimpluwensiya ang pamagat ng akda sa nilalaman nito?
3. Iugnay ang dagli sa mga sumusunod:
a. Lipunan
b. Sosyo-ekonomiko
c. Politika
4. Batay sa nabasang dagli, ipaliwanag ang pagkakapareho ng mananakbo at ng
manlalakbay.
5. Paano ginamit ang wika sa ganito kaiksing akda? Ipaliwanag.
Mga Halimbawa ng Maikling Kuwento at Panimulang Pagsusuri
HANDOG SA KANYANG INA
Rogelio R. Sicat

TREINTA SENTIMOS. Tatlong maliliit at bilog na sensilyo. Iyon din ang halagang
sa loob ng nakaraang linggo’y kumakala-kalansing sa kanyang bulsa. Ano ang mabibili
ng treinta sentimos na iyon?
Halos nakadikit ang kanyang mukha sa salaming eskaparate ng bazaar.
Nakatutok ang kanyang tingin sa isang pamaypay. Nakabihadhad iyon, marikit ang
disenyo, isang babaeng nakabalintawak. Sa lahat ng panghandog na nakikita niya –
lighter, bag, losyon, pitaka, huwego ng kagamitang pampaganda – iyon lang ang
pinakamura: P3.50. Binura ang dating P5.00 sa tag na nakatali sa puluhan ng
pamaypay. Baratilyo ang sinasabi ng malalaki at mapupulang titik sa kartelong nasa
ulunan niya.
Mura, naisip niya. At maganda pa. Tiyak na magugustuhan ni Inay. Ngunit treinta
sentimos nga lamang ang kanyang pera, at bukod sa sabon, mumurahing pabango,
polbo o suklay, ano pa ang mabibili niya?
Muli niyang pinagmasdan ang pamaypay. Mukhang matibay ang tela. At pino
ang pagkakayari. May panghihinayang siyang lumayo, nakadukot ang kanang kamay
sa bulsa ng pantalon, kipkip ng kaliwa ang dalawang walang takip na notebook at isang
manipis na libro.
Siguro, kung uumpisahan ko ng mag-ipon, naisip niya. Tumingin siya sa ibayo ng
lansangan. Mayroon nang nagtitimpalakang neon ang karatula ng mga tindahan, na
kung pumikit o dumilat ay waring naghahagaran sa pagtuturo sa pangalan ng bazaar.
Noong isang taon, isang dosenang panyo ang ibinigay ko sa kanya. Limang piso yata. Ang ganda, Ben!
Saan ka kumuha ng – sa’n mo nga pala nabili? Sa Avenida. Iyong pera, ibinigay po ng Itay. Ibili raw ng
regalo para sa iyo. Natuwa ang Inay. At ang Itay.

Nakatungo siya habang naglalakad. Ngayon niya higit na dapat na bigyan ng


handog ang kanyang ina. Hindi lamang dahil kaarawan nito. May sakit ang kanyang ina
at pihong matutuwa ito kapag binigyan niya ng handog. Nais niyang makitang muli na
natutuwa ang kanyang ina. Katulad noong bigyan niya ito ng panyo.
Kamakailan lamang inilabas ng ospital ang kanyang ina. May isang buwang
tumigil doon dahil sa pulmonya. At nang dumating ang kanyang ina, halos pangkuhin na
ito ng kanyang ama nang ipanhik sa bahay.
Payat at maputla ang kanyang ina. Malalim ang dati-rati’y laging nagniningning
na mata. Mahaba na ang nakalugay at walang kintab na buhok. Ibig niyang maiyak.
“Payat ang Inay, ano Ate?” tanong niya sa nakatatandang kapatid. Apat sila. Siya
lang ang lalaki at bunso pa. Labing-apat na taon.
“Kaya magpakabait ka.” Bahagya na niyang narinig ang sinabi ng kapatid.
Nakarating siya sa dulo ng Avenida. Nagtatawiran ang mga tao at tumawid siya.
Tumigil ang kanyang mga hakbang sa tapat ng isang tindahan ng alahas. At
dahil gabi na, ang mga nakatanghal na mga relo, singsing, pulseras, kuwintas at iba pa
ay tila lalong gumaganda at nagiging mamahalin sa tama ng ilaw. Palipat-lipat ang
kanyang tingin, hindi mapagwari kung alin ang pinakamaganda at pinakamahal. ‘
Sana’y mayaman ako, nasabi niya tuloy sa sarili. Bibilhin ko’ng lahat ito.
Ipababalot ko nang maganda. At pag-uwi ko, gugulatin ko ang Inay.
Happy birthday, Inay, sasabihin niya at hahawakan ang ina. Handog ko sa iyo. At
ilalabas niya ang isang napakalaking kahon. Bakit kay laki naman yata, Ben? Ano ba
ito? Buksan mo. Dahan-dahang bubuksan ng kanyang ina ang kahon. Siya naman ay
magmamasid-masid lamang, tila nagwawalang-bahala. Walang ano-ano, pagkabukas
ng kahon, titingalain siya ng ina. Hindi makapaniwala. Sa’n mo kinuha ito, Ben? Ang
dami, Ben! Ang gaganda!
Ang ligayang idinudulot ng pangarap na yao’y kagyat na naputol nang masalat
niya ang tatlong diyes sentimos sa bulsa. At di niya namamalayan, napahakbang siya
palayo sa eskaparate. Nanlabo ang kanyang paningin. Nakabingit at nagbabantang
malaglag ang luha sa kanyang pilikmata.
Ayaw niyang umuwi hangga’t wala siyang maiuuwing handog. Kahit paano,
makakikita siya. Kailangan niyang makapagbigay. Walang maibigay ang kanyang mga
kapatid. Sinabi ng kanyang Ate na naubos na ang naipon ng kanyang ama sa
pagpapagamot sa kanyang ina. At ang kanyang ama, makapagbigay man ito, ay hindi
marahil lalabis sa isang supot ng kahel, sa isang kahong biskwit – at sangsupot ding
gamot.
Naglakad pa siya nang naglakad, ngayo’y hindi na tumitingin sa mga eskaparate.
Ayaw na niyang tumingin. Nahahabag lamang siya sa kanyang sarili – sa kanyang
sarili.
Pasado alas otso na nang maisipan niyang umuwi. Hahanapin siya – o maaaring
hinahanap na – ng kanyang ama. Ngunit naisip niya, madali na ang magdahilan. Kahit
ngayon lamang siya uuwi sa gayong oras. Madaling gumawa ng dahilan .
Naglakad lamang siya pauwi. Wala siyang naramdamang pagod. Mabagal ang
kanyang mga hakbang ngunit iyo’y hindi sa hapo. Tuwing makalalampas siya sa isang
kanto, habang nalalapit na sa inuuwiang apartment, ang nadarama niya’y
pagbabantulot. Uuwi siya ngayon, walang dalang ano mang handog.
Happy birthday, Inay. Tila hindi pa niya masasabi iyon. At nasa isip niya,
pararaanin na lamang niya ang araw na iyon, ang gabing iyon na tila pangkaraniwang
araw at gabi.
Nang kumaliwa na siya sa kantong kinatitirikan ng kanilang apartment, ay
pinukaw siya ng isang tinig na kung gabi’y madalas niyang naririnig: Baluuuut!
Saglit siyang napahinto. Muli niyang kinapa ang kaliwang kamay ang treinta
sentimos. At sinalubong niya ang magbabalot.
“Ilan?”
“Balot sa puti?”
“Balot sa puti.Ilan?”
“Isa.”
Naghalungkat sa basket ang magbabalot. Inabot sa kanya ang isa.
“Ang asin?”
“Siyenga nga pala.”
“Pahingi ng supot.”
Pagkabayad ay lumakad na siya. Kaiba kaysa kangina, sinaniban na siya ng
kaunting ligaya. Hawak-hawak niya ang supot. Mainit pa ang laman niyon at naisip
niyang iyo’y magugustuhan ng kanyang ina.
Ngayo’y hindi na niya naiisip ang napipitang pamaypay o ang napapangarap
niyang hiyas. Isang balot: sapat na iyon.
Ang kanyang ama ang nagbukas ng apartment nang kumatok siya. Kaagad itong
tumingin sa orasang pandingding pagkakita sa kanya. Alas otso’y medya na.
“Sa’n ka nanggaling?” tanong ng kanyang ama.
“May basketbol sa eskuwela, Itay. Nanood ako.”
Pagdating sa itaas, nakita niyang nakaawang ang pinto. Naaamoy niya ang
gamot. Patiyad siyang lumapit at sumilip. Nakita niyang nakatagilid ang ina, nakaharap
sa dingding, ang suot na puting pantulog ay pinapaninilaw ng lampshade sa ulunan.
Patiyad siyang lumapit sa kama. Tulog ang kanyang ina. Matagal niyang
natitigan ang hapis na mukha nito. Nakaumbok ang buto sa pisngi. Maputla ang labi, tila
mabagal ang paghinga. Idinampi niya ang labi sa buhok ng ina. Pagkaraan, maingat
niyang inilagay sa tabi ng unan nito ang maliit na supot.
Nanaog siya. Nag-iinit ang kanyang katawan. Maya-maya lamang, makikita ng
kanyang ina ang balot kung sino ang naglagay ng naroong supot. Hindi siya kikibo.
Tatahimik lamang siya, maligayang matutulog. Kahit papaano, nabigyan na din niya ng
handog ang ina.
Nakahiga na siya nang marinig niya ang pagulat na pag-uusap sa kuwarto ng
mga magulang. Nabigla ang tinig ng kanyang ina at siya’y nagtaka. Nakarinig siya ng
yabag na papalapit sa silid. Bumukas ang pinto at sumungaw ang mukha ng kanyang
ama. Nakangiting kinawayan siya nito.
“Ben, halika,” anito
Nag-alangan siyang bumangon. Pagdating sa pinto, inakbayan siya ng ama.
Pumasok sila sa silid ng ina. Nakaupo ito sa kama at pinupunasan ang ibaba ng unan.
Hawak ng kaliwang kamay ang napisang balot. “Ikaw ba, Ben, ang naglagay rito ng
balot?” tanong ng kanyang ina. Hindi siya nakakibo.
“Tingnan mo nga’ng ginawa mo. Nabasa tuloy ang likod ko!”
Hawak ang nabasang supot, pinupunasan ngayon ng kanyang ina ang kama.
Parang may naaagnas sa kanyang dibdib.
“Ikaw raw ang huling pumasok dito,” patuloy ng kanyang ina. “Bakit hindi mo na lang
ipinatong dito?” At itinuro ang kalapit na mesita. Nagpatuloy ito sa pagbulong-bulong.
Tingnan mo nga’ng ginawa mo. Nabasa tuloy ang likod ko.
Ibig maiyak ni Ben. “Ako nga po ang naglagay diyan,” amin niya. “Kasi po, wala
akong maibigay sa inyo nagayon.”
Natigil sa pagpupunas ang kanyang ina. Napatingin ito sa kanya. Nakita niya ang
biglang pagbabago ng mukha nito. Umurong siya, ibig maiyak. Ngayo’y nakita niyang
nakatingin ang ina sa basang supot at nakaakma ang daliring piliin ang makakain doon.
Handog sa Kanyang Ina ni Rogelio R. Sicat
(Panimulang Pagsusuri n Andremei King S. Tolentino)
Sa akdang “Handog sa Kanyang Ina” na obra ng tanyag na manunulat na si
Rogelio R. Sicat, itinatampok nito ang payak na hangarin ng isang anak sa kanyang
magulang, ang kanyang ina. Si Ben, katulad ng mga batang mapangarapin na may
dalisay na pagmamahal sa puso ay kapapansinan na hindi alintana ang kanyang edad
sa pag-asam na makagawa ng paraan upang mapasaya ang ina, ang mabigyan ito ng
handog, ang sa palagay niya ay ang tanging paraan upang mapasaya ang kanyang ina
na dumaranas ng sakit. Subalit, kulang ang kanyang dalang pera para maibili ng
kanyang nagugustuhan para sa kanyang ina. Dahil dito, nawawalan na siya ng pag-asa.
Kaya sa halip na marangyang pamaypay o mamahaling palamuti sa katawan ay isang
pirasong balot ang tanging nabili ng treinta sentimos na laman ng kanyang bulsa.
Karaniwan na ang ganitong uri ng kuwento sa iba pang akdaing nailathala sa panahong
kinabibilangan nito at sa kasalukuyang panahon. Ngunit kaiba sa laging inaasahan na
“happy ending” na istorya, sa huling bahagi ng kuwento ay makikita na imbes na
matuwa ay nagalit pa ang kanyang ina na ikinabasag ng kanyang puso sa
pagkakabigla.
Layunin ng akdaing ito na ilahad ang bahaging hindi napapansin ng marami, na
may mga magulang na “bulag” sa maliliit na ginawang kabutihan ng kanilang (mga)
anak. Bagamat hindi sinasaktan ng pisikal, ang damdamin at isipan ang nakakadama
ng hapdi. Totoo na ang pagmamahal ng magulang sa kanilang (mga) anak ay hindi
mapapantayan at walang hindi sasang-ayon sa katagang ito. Pinapatunayan ito ng
nakasanayan na daloy ng unibersal na relasyon ng magulang sa anak o anak sa
magulang, ang hindi mapuputol at matibay na ugnayan nila sa isa’t isa. Walang duda,
nang dahil sa pagmamahal ng magulang sa (mga) anak ay nagagawa nito ang
imposibleng bagay kabilang na rito ang paglabag sa kung ano ang tama at dapat.
Idagdag din rito ang pagbibigay agad ng paghuhusga na hindi man lamang inalam ang
tunay na motibo tulad ng paglalagay ni Ben ng supot na naglalaman ng balot sa ulunan
ng kanyang ina bilang pasalubong at laking gulat na lamang niya ng kagalitan siya nito
sa kabila ng pag-alala niya rito at pag-iisip sa kung anong bagay ang maaari niyang
maibigay man lang at magpasaya sa kaarawan nito.
Hindi mahirap basahin at unawain ang maikling kuwento na ito sapagkat ang
bawat isa sa atin ay madaling makakaugnay (makaka-relate) sa sitwasyon at pagkilos
na ginagawa ng bawat tauhan. Nabigyang linaw ang mga ideya na nais ilahad at
maayos na nabalangkas ang daloy ng mga kaganapan. Kung iuugnay ito sa ating
kasalukuyang panahon ay malaki ang pagkakahawig nito sa maraming pamilya na
dumadaan sa ganitong uri ng relasyon.
Ang “domestic” na pananakit ay hindi lang natin maikukulong sa konteksto ng
pisikal na pananakit o pang-aabuso. Minsan ay mas masakit pa ang berbal na
pananakit at mas matagal itong maghilom kaysa pangkaraniwang pasa o sugat. Ang
epektong dulot nito ay walang sinoman ang makakasukat. Gamit ang mga ideyang
taglay ng maikling kwentong ito, inimumulat ang mga mambabasa na magkaroon ng
sensitibong pananaw sa bawat aksyon at salitang binibitawan.
Mga Gabay na Tanong sa Maikling Kuwentong Handog sa Kanyang Ina:
1. Anong pagkamulat ang ibinigay ng teksto sa iyo?
2. Ano ang pangunahing konsepto o kaisipan ng maikling kuwento?
3. Paano nakaimpluwensiya ang pamagat ng akda sa nilalaman nito?
4. Iugnay ang maikling kwento sa mga sumusunod: d. Lipunan e. Sosyo-ekonomiko f.
Politika
5. Sa iyong palagay, paano binuo ng may-akda ang bawat pahayag sa kuwento?
Ipaliwanag.
MULTO NG ISANG TRAHEDYA
Arlan M. Camba

“Coed, HINOLDAP … PATAY!”

Gumimbal sa buong kampus ang masamang balitang ito. Naging laman ng


maraming pahayagan ang krimen at naging usap-usapan ang brutal na kinasapitan ng
naturang estudyante sa kamay ng mga holdaper.
Isang working student, patungong eskwelahan galing sa pinapasukang trabaho
ang naturang biktima. Sumakay ito ng FX taxi at bumagtas sa kahabaan ng Ortigas
Extension. Hindi pa nakakalayo ang sasakyan ay sumakay ang tatlong kalalakihan. Isa
sa harapan, katabi ng drayber, isa sa panggitnang upuan at ang isa ay sa hulihan. Mag-
aalasais na ng hapon ang mga oras na ‘yon. Manaka-nakang binabalutan na ng dilim
ang buong kalangitan. Hindi pa man kumakanan ang FX taxi patungong Imelda Avenue
ay nagdeklara na ng holdap ang mga salarin. Agad-agad na nilimas ng mga holdaper
ang mga pera, relo at cellphone ng mga biktima. Mabilis na tumakas ang mga salarin
ngunit bago lubusang makaalis, nagpakawala ang mga ito ng isang putok mula sa isang
9 mm kalibre ng baril. Tumama ang bala sa katawan ng biktima. Tinamaan ang atay na
naglagos hanggang sa kanyang baga. Dinala ito sa pinakamalapit na ospital ngunit
hindi pinalad na maisalba pa ang kanyang buhay.
Binalot nang pagkabigla, lungkot at panghihinayang ang iniwan ng naturang
trahedya. Pagkabigla sa walang saysay na pagkamatay ng biktima, lungkot sa
napakaaga at walang katuturang pagkitil sa kanyang buhay at panghihinayang
sapagkat ang kanyang kasawian ay nangangahulugan din ng kamatayan ng kanyang
mga pangarap.
Nang pumasok ako ng araw na iyon ay nagimbal ako sa katahimikan sa loob ng
silid-aralan. Bakas sa mukha ng aking mga estudyante ang matinding pagdadalamhati.
Ang iba ay kababakasan ng matinding kalungkutan, ang ilan ay hindi mapigilan ang
maiyak at maluha sa pagkawala ng isang kaklase na itinuring na rin nilang kaibigan,
kaharutan at kakulitan sa mga panahong sila ay magkakasama.
“Sir, patay na po si Shiela… hinoldap po at saka binaril!”
“Sino…?” Tanong kong may halong pagkabigla.
“Sir, si Shiela… si Shiela Buenafe… ‘yung klasmeyt naming laging late sa sa
klase natin…”
May kung anong bumara sa aking lalamunan. Hindi ko magawang
makapagsalita. Parang may kung anong bagay na nagpapaimpis sa aking sikmura.
Nakapanlalambot ng pakiramdam. Sandali akong lumabas ng silid para makalanghap
ng hangin. Mabigat ang hakbang ng aking paa papalabas. Lumilipad ang aking isip,
patda at halos hindi makapaniwala.
Paisa-isang nagsingit-singit sa sulok-sulok ng aking gunita ang malinaw na
larawang iyon. Hindi kataasang babae, hindi kaputian at hindi rin kahabaan ng buhok;
ngunit kapansin-pansin sa kanya ang mga matang punong-puno ng pag-asa at
pangarap; kababanaagan ng kasiglahan, pagpupursige at determinasyon.
Estudyante ko siya sa panggabing iskedyul sa dalawang Major Subject ng
kursong Edukasyon. At dahil nga isang working student, madalas siyang ma-late. Kung
kailan nasa kalagitnaan ako ng paglelektyur ay saka siya papasok ng silid na hindi lang
miminsang nagiging dahilan ng pagkaantala ng aming liksyon.
“Ms. Buenafe… late ka na naman…!” Ang madalas kong paninita sa kanya.
Pamumulahan siya ng mukha. Waring nahihiya at ang tanging itutugon niya sa akin ay
isang matipid na ngiti kasabay ng sabing; “sir, hindi na po mauulit…”
Ngunit ang mga pangako ay hindi lang tatlo o ilang beses pa na napako. Naging
kalakaran na sa loob ng klase ang pagiging late ni Ms. Buenafe. Kung baga, nasanay
na kami. Minsan, inaantabayanan pa namin ang kanyang pagdating. At madalas ang
kanyang pagiging late ang nagiging sentro ng katatawanan. Siya ang aming nagiging
object of laughter. Kapag nararamdaman naming paparating na siya at papasok na ng
silid, papalakpak nang malakas ang buong klase. Magugulat at mabibigla si Ms.
Buenafe. Para siyang isang artistang binigyan ng standing ovation matapos ang isang
matinding performance. Pero sa kanya, wala lang… deadma lang… kakaway pa ang
ale at saka magba-bow…!
Ngunit kahit anong tindi ng pagiging late ni Shiela, kailanman ay hindi siya um-
absent. Kahit 15 minutes na lang before the bell, papasok pa rin siya at ako ay
kakausapin.
“Sir, pasensya na, late na naman ako.”
“Oo nga eh, dapat dropped ka na!” Tugon ko.
“Wag naman sir. Hindi po ako makakapag-aral kung hindi po ako
magtatrabaho… sir, please…!
“Aba’y dapat matuto kang mag-prioritized…! Ano bang mas uunahin mo, ang
mag-aral o magtrabaho? Hindi pwedeng laging ganyan! Lagi mo na lang sinasakripisyo
ang subject ko…ano ang tingin mo sa klase natin… bakasyunan?!” ang mariin ngunit
mahinahon kong sabi sa kanya.
Iyuyuko lamang ni Shiela ang kanyang ulo. Mananahimik. Pinakikinggan lamang
ang sermon ko. At pagkatapos, buong pagpapakumbabang hihingi siya ng sorry
kasabay ng pagsasabing “sir, babawi po ako…”
Ewan, pero kailanman ay hindi ako nakaramdam ng galit sa kanya. Siguro ay
dahil may bahagi sa kanya na nakikita ko ang aking sarili, o marahil ay dahil sa angkin
nitong likas na talino at abilidad. Hindi man siya nakakapasok ng tamang oras sa klase
ko, sinisigurado naman ni Shiela na nagagawa niya ang lahat ng assignments at
requirements sa aking subject. Nagagawa niyang maipasa ang mga quizzes at exams.
Nakakasagot sa mga graded recitations; bagaman pumapalya sa ilang group work at
class discussion; dama mo ang kanyang pagpupursige, makikita mo ang kanyang
determinasyon. Sa kanyang maliit na paraan pinagsusumikapan niyang punan ang
kanyang mga pagkukulang. At sa kabila ng pagbabanat ng buto upang makapag-aral,
tiyak kong isa siyang taong punong-puno ng pangarap.
Gabi, nagpasya akong sadyain ang kinaroroonan ng lamayan. Matarik ang lugar
na aking tinalunton. Malayo pa lang ay nakikita ko na ang kulumpon ng mga taong
naglalamay. Nasa dulo ng putol na daan ang kinaroroonan ng lugar. Nagtutumpukan
ang mga tao, kanya-kanyang umpukan sa bawat mesa habang abala sa paglalaro,
panonood at “pagmimiron” sa mga nagsusugal. Sa isang panig ay makikita ang ilang
grupo ng mga kabataang nagkakatuwaan at nagkakantahan. Ngunit ang mas
nakakatawag pansin ay ang manaka-nakang bulong-bulungan at alingasngas ng mga
makakati ang dilang pinagpipiyestahan ang tunay na kinasapitan ng kaawa-awang
biktima.
Dahop ang lugar, walang rangyang maipagmamalaki. Sabihin pa ngang ito nga
ay isang iskwater. Ang mga nakatira dito ay umaasa sa awa ng gobyernong ipagkaloob
sa kanila ang kapirasong lupang kinatitirikan ng kanilang tirahan. Ang kabuuan ng
lamayan ay niyuyungyungan ng malaking tolda na sadyang inilagay upang
pananggalang sa init ng araw at kung sakaling bumuhos ang malakas na ulan. Salamat
sa kapitan ng baranggay (na ang pangalan ay nakasulat pa sa malapad na tolda) na
matatakbuhan at mahihingan ng tulong sa mga pagkakataong katulad nito.
Pasintabi akong pumasok ng bahay. Nabungaran ko ang isang babaeng
namumugto ang mata at halos napabayaan ang sarili simula nang mangyari ang
trahedya. Tantiya kong siya ang ina. Humigit kumulang sa apatnapu at limang taon ang
edad na lalo pang pinatanda ng mga gatlang makikita sa kanyang mukha. Kapansin-
pansin ang nanunuyo at nangunguluntoy na balat, ang naghuhumindig na ugat sa bisig
at kamay na tanda nang matagal-tagal na ring pakikipagbuno sa mga labada.
Sinalubong niya ako ng isang “pilit na ngiti” kasabay ng mahinang anas na “tuloy po
kayo,” pinaupo niya ako at pagkatapos ay inalok ng biskwit at malabnaw na kape.
Hindi ko maiwasang igala ang paningin sa loob ng kabahayan. Sa harap ay
naroroon ang puting kabaong. Kapansin-pansin ang tatlong sisiw na nanginginain sa
ibabaw nito. Sinasabi at pinaniniwalaang ito daw ang uusig sa mga budhi ng sinumang
responsable sa krimen. Umaasa na makonsensya at sumuko sa batas upang
mapanagot sa ginawang kawalanghiyaan. Sa magkabilang dulo ng ataul ay
nakatambad ang ilang piraso ng bombilyang nagbibigay ng liwanag at tila mga
gwardyang nagbabantay sa katawang nakahimlay sa loob ng ataul. Mayayabong at
makukulay ang mga “korona.” Koronang hindi ipinuputong sa mga hari at reyna kundi
koronang nakalaan lamang para sa mga patay.
Sa gitnang bahagi ng ataul ay nakapatong ang isang larawan. Kuha ito sa
kanyang pagtatapos sa hayskul. Litaw na litaw ang kanyang ganda sa suot niyang
puting-puting toga. Ngunit ang nakakatawag pansin ay ang kanyang matipid na ngiti na
pinaningning ng kanyang matang punong-puno ng pag-asa at pangarap ngunit ngayon
ay dinupilas ng malagim na karahasan.
Tumambad sa may pintuan ang isang lalaki. Matangkad ngunit may kapayatan.
Nakasumbrero ito. Nangungupas ang suot na polo. Nagnanasnas ang kupasing maong
na pilit binagayan ng de-gomang sapatos. At ang braso’y nangingintab sa pawis na
tinatamaan nang malamlam na sinag buhat sa liwanag ng bombilya. Humpak ang pisngi
na ang mukha’y pinagiging barumbado ng makapal na tubo ng balbas at bigote. Ang
mga mata’y tigib ng malalim na damdamin. Panatag ang kaanyuan ngunit naroon ang
tinitimping galit na anumang oras ay maaaring magsilakbo, maaaring kumulo at
sumambulat.
Agad nitong binungaran ang bangkay ng anak. Hinimas-himas pa ang puting
kabaong. Animo’y kinakausap at inaalo ang nakahimlay na katawan ng anak. Maya-
maya’y naulinigan ko ang hikbi at hibik ng pinipigilang damdamin; hanggang ang
damdami’y kumawala sa pagpalahaw. Bumulanghit sa pagnguyngoy ang amang
ninakawan ng pag-asa, ang anak na katuparan ng kanyang pangarap, ang anak na
kahulugan ng kanyang buhay at ang sumatutal nang lahat-lahat niyang pagsisikap.
Humahagulgol ang ama sa kapaitang sinapit nang walang kalaban-labang anak sa mga
kamay ng mga buhong na kriminal. Anong klaseng damdamin ang umaalimpuyos sa
kanyang pagkatao?
Ang kakarampot na kinikita mula sa pag-eekstra bilang tagahalo ng semento sa
isang konstruksyon at ang araw-araw na pagtanggap ng mga labada ng kanyang
maybahay ay kanilang tinitiis at binabata upang igapang ito sa pag-aaral, upang maging
bahagi sila ng pagsasakatuparan ng mga pangarap ng anak, upang kahit papaano’y
makapagtapos ito; magkaroon ng pag-asa at mabigyan ng kahit kaunting dangal ang
kanilang pagkabusabos at paghihirap. Ngunit ngayo’y nagsaklob ang langit at lupa.
Wala nang natira ni katiting na pag-asa, wala nang nalabi kundi karahasan at
pagdurusa.
Matagal-tagal din bago napahupa ang eksenang iyon. Dama ang lungkot at
paghihinagpis ng isang pamilyang naghahanap ng katarungan sa tinamong trahedya.
Nagpasya na akong umuwi, ngunit bago tuluyang magpaalam, makailang ulit ko
pang sinilip ang bangkay ng aking estudyante. Wala na ang mga tingin, wala na rin ang
mga ngiti at ang naroon ay ang kalunoslunos na kaanyuan ng isang biktimang hindi
matanggap ang tinamong napakaagang kamatayan. Waring naghahanap ng hustisya
sa walang saysay at walang kapararakang pagkamatay. At naitanong ko sa aking sarili;
“may kahulugan pa ba ang budhi at konsensya sa katuturan ng buhay kung ang
pumatay ang magiging kasagutan sa nararamdamang kagutuman?”
Umalis akong halos nagugulumihanan. Sa daan papauwi, nagsusumiksik pa rin
sa utak ang katanungang iyon. Sa sulok ng isip ay naroroon ang agam-agam at
pagkatakot. Nangangamba na wala nang kaligtasan ang mga oras at sandali ng pag-
iisa. Walang pinipiling oras ang karahasan. Ang masamang elemento ay naririyan
lamang, naghahanap nang tamang pagkakataon upang sumalakay, sumila ng
mabibiktima at isakatuparan ang masamang balakin hanggang magwakas sa
nakapanlulumong trahedya.
Hindi ako nakatulog ng gabing ‘yon. Pabaling-baling ako sa higaan. Maging sa
pagtulog ay naroon ang takot na baka bukas ay hindi na magising. Bumangon ako sa
pagkakahiga, ayaw akong dalawin ng antok. Kinuha ko mula sa ibabaw ng tokador ang
aking cellphone. Binuksan iyon sa pagaakalang baka may matanggap na message.
Pagkatapos ay binuksan ko ang phonebook; ini-scroll ito pababa. Hindi nakaligtas sa
aking paningin ang pangalang SHIELA B., nakarehistro rin ang numero ng kanyang
cellphone. Hindi ako maaaring magkamali, ito ang cellphone number ni Shiela Buenafe;
ang aking estudyante, ang walang iba kundi ang nag-iisang biktima ng madugong
holdapan. Naalala kong ibinigay niya sa akin ang kanyang numero isang buwan bago
maganap ang nasabing insidente; at ang sim card kung saan nakarehistro ang
numerong iyon ay kasama sa mga cellphone na nilimas ng mga holdaper.
May kung anong bagay na pumasok sa aking isip. Hindi ko namalayan ang
pagpindot ng mga daliri sa cellphone patungong create message. Nag-text ako ng
mensahe at isinend sa numero ni Sheila. Bahala na kung may mag-reply, hindi ako
umaasa. Ang mahalaga ay nasabi ko ang mensaheng gusto kong sabihin. Ngunit sa
isang saglit lang ay nag-ring ang cellphone. Binuksan ko ito at nag-appear ang
pangalang SHIELA B.. May bahagyang takot akong naramdaman. Pinindot kong muli
ang cellphone; binasa ang message at agad akong nag-reply. Hindi ko inaasahang ang
sasagot sa akin ay ang mismong mga holdaper na may tangan sa cellphone ni Sheila.
Ilang beses pa kaming nagpalitan ng mensahe. Maiksi, ngunit malaman ang kabuuang
takbo ng aming pag-uusap…
AKO: d’re bkt nman ganun? hinoldap mo n nga, bkt nman pinatay mo pa?!!!
HOLDAPER: SORI N LANG BAY… GNUN TLGA ANG BUHAY… WG KNG MG-
ALA2… IKW NMAN ANG ISU2NOD KO!
AKO: ikw ang bhla… syang lng tlga ung bata, estudyante un! mraming pngarap
tpos pinatay mo lang!
HOLDAPER: BAGAY LNG UN SA KNYA…IKW…PNAPAHANAP N KTA… KW
N ANG ISU2NOD KO…!
AKO: gnun b? nsa syo yn, cguro nman may konsensya kp… pro bago un gusto
kong mgpkila2 syo… ako nga pla si SHIELA BUENAFE…ung hinoldap at pnatay mo
nung isang araw!!!
Wala akong alam kung anong klaseng takbo ng pag-iisip meron ang katulad
nilang mga kriminal. Iniisip ko tuloy kung meron pa bang takot na natitira sa kanilang
katawan o may sumbat pa ba ang kanilang budhi o talagang wala na silang mga
konsensya. Ngunit nang magpakilala akong ako si Sheila Buenafe na hinoldap nila at
pinatay, hindi na sila nagtangkang sumagot o mag-reply man lang!
Matapos ang pangyayaring iyon ay pinilit kong maging normal ang lahat. Maging
sa loob ng eskwelahang pinapasukan ay minabuti ko at ng aking mga estudyante na
iwasang pag-usapan ang mga bagay na patungkol sa naturang trahedya. Ngunit ilang
linggo lamang ang nakalipas, nakatanggap ako ng balita na isa sa tatlong suspek ang
nasukol sa isinagawang follow-up operation ng mga operatiba.
Isang lalaki na nasa pagitan ng dalawampu’t walo hanggang tatlumpu’t limang
taong gulang ang nadakip ng mga pulis. Nutoryus ito sa kanilang lugar sa kasong
pagnanakaw at patung-patong ang kinakaharap na kasong robbery at hold-up w/
homicide. Ayon sa paunang imbestigasyon, siya ang primary suspect. Siya rin ang
trigger man; ang kumalabit ng gatilyo ng 9mm na kalibre ng baril na umutas sa buhay
ng kaawa-awang biktima.
Magandang balita ito para sa lahat sapagkat magkakaroon na rin ng hustisya
ang pagkamatay ni Sheila. At ang pagkadakip sa naturang salarin ang magiging daan
sa tiyak na pagkahuli sa dalawa pang natitirang suspek.
Masaya ako sa tinatakbo ng kaso ngunit mayroong bagay na nagpapabagabag
sa akin. At ang pagkabagabag na ito ay naramdaman ko simula ng madakip ang
pangunahing suspek na kinilala lamang sa alyas na Bong Baho.
Ang alyas na Bong Baho ay hindi na naiiba sa akin. Ito ang alyas ng isang
kababata at kakilala na kapanabayang nagtutulak ng kariton sa pagdyadyaryo at
pagbobote. Noon ay laman kami ng mga kalsada. Magkakasama kaming naghahanap
ng mga tumpok ng basura na aming kakalkalin upang mamulot ng plastik, bakal, bote,
garapa, karton at tanso na aming ipagbibili sa junk shop ni Tambong. Libot namin ang
kalsada ng buong Rosario, De Castro, St. Joseph, Junction, Manggahan, Santolan,
Ugong at ilang kalye sa Marikina. Laman kami ng mga subdibisyon ng mga lugar na ito
sa pag-aakalang makaka-jackpot ng “mina” sa basura na kadalasang ang kinauuwian
ay ang pakikipaghabulan sa mga gwardya at kung minsan ay pinapahabol kami sa
naglalakihang mga aso. Nakita ko pa nga kung paano sagpangin ng police dog ang
binti ni Bong habang palundag na umaakyat ng pader. Sa halip na bigyan ng paunang
lunas ang tinamong pinsala ng mga gwardyang nakahuli sa kanya; pinagsusuntok pa
nila ito at pinaggugulpi.
Naging tampulan ng tukso kay Bong ang karanasang iyon. Malimit na ito ang
dahilan ng kanyang pakikipagbabag at pakikipag-away sa pangaalaska at pang-aasar
ng kanyang mga kababata. Simula noon ay naging palaiwas si Bong. Hindi na siya
sumasama sa amin at madalas ay gumagawa siya ng sariling “diskarte” sa pamumulot
ng basura.
Naging tampulan ng tukso kay Bong ang karanasang iyon. Malimit na ito ang
dahilan ng kanyang pakikipagbabag at pakikipag-away sa pangaalaska at pang-aasar
ng kanyang mga kababata. Simula noon ay naging palaiwas si Bong. Hindi na siya
sumasama sa amin at madalas ay gumagawa siya ng sariling “diskarte” sa pamumulot
ng basura.
May kakatuwang ugali itong si Bong; tuwing hapon bago ibenta sa junk shop ang
mga napulot na plastik at bote ay ugali niya na maligo at sumisid sa mabaho at kulay
itim na tubig ng Manggahan Floodway saka didiretso sa junk shop ni Tambong na
basang-basa at nakakapit sa katawan ang mabaho at masangsang na amoy ng
pinagpaliguan. “Bong Baho” ang naging palasak na tawag sa kanya simula noon.
Naging mahigpit hanggang sa ipagbawal na sa mga magbobote ang pumasok sa
loob ng mga subdibisyon. Naging todo-bantay ang mga gwardya dahil sa mga
napabalitang nakawan kung katanghaliang tapat at patay ang oras at ang mga
kasambahay ay kasalukuyang nagpapahinga. Hindi naman kalakihan at mamahalin ang
mga nawawala at ninanakaw na bagay; ‘ika nga ay small time lang. Kakatuwang isipin
na ang mga butas na kaldero, kaserola, kawali, sandok at takure ang
pinagdidiskitahang “pitikin” at “umitin” ng sinasabing magnanakaw.
Hanggang isang araw, naging usap-usapan sa junk shop ni Tambong ang
pagkakahuli kay Bong Baho habang papatalon sa isang pader ng niloobang bahay bitbit
ang isang sandok at takip ng kaldero. Sa mga gwardya pa lang ng subdibisyon ay
katakut-takot na na panggugulpi at pambubugbog ang kanyang naranasan. Hanggang
sa Barangay Hall ay pilit na pinaamin kay Bong Baho na siya ang responsible sa iba
pang nangyaring nakawan. Hindi naman niya itinanggi ang gayung mga akusasyon. At
nang tanungin kung bakit niya ginagawa ang gayung bagay; walang kagatul-gatol na
sinabi niyang kailangan niya ng pera. Ang bawat kilo ng napagbentahang aluminum na
kaldero, kaserola, kawali, sandok at takure ay malaking tulong para ipanustos sa gamot
ng inang may tuberculosis.
Batay sa pagsisiyasat ng mga nag-imbestiga, hindi nagawang ibenta ni Bong
Baho ang lahat ng mga ninakaw na bagay. Ang mga ito ay kanyang itinago at tinipon.
Isinilid sa mga sako na nakatali sa kung tawagin ay mga “taeng-bakal” (palasak na
tawag sa namuong pinagtunawan ng bakal) na nasa ilalim ng mabaho at maitim na
tubig ng Manggahan Floodway.
Pinagdusahan ni Bong Baho ang krimeng iyon. Isang linggo matapos makalaya,
namatay ang kanyang ina sanhi ng maraming komplikasyon. Magmula noon ay hindi na
siya napagkakakita sa aming lugar. Hindi na rin siya naglalabas ng kariton sa
pagbobote. Hanggang lisanin ko ang lugar na iyon, lumipat ng matitirhan at
makapagturo; wala na akong balita sa kanya na naging kababata at kakilala.
Batbat pa rin ng pagkabagabag ang aking nararamdaman. Mabilis ang tibok ng
aking puso. Nagsasala-salabat ang mga katanungang naghahanap ng kasagutan. May
gustong maapuhap sa buong pagkatao ng naturang suspek. Binabagabag ako ng
kasalukuyan. Gusto kong bumalik sa nakaraan nang sa gayu’y ‘wag akong sumbatan
ng aking hinaharap.
Dali-dali akong nagtungo sa istasyon ng pulis. Sa may information desk, nag-
usisa ako sa kalagayan ng suspek. Ipinabasa sa akin ang isang log book na
naglalaman ng impormasyon ng naturang kriminal: DOGOMEO BAUI Y BAUTISTA
a.k.a “BONG BAHO”: CASE # 4283030, ROBBERY, HOLDAP W/ HOMICIDE. Lalo
akong kinabahan. Parang binabayo nang makailang ulit ang aking dibdib. May kung
anong damdamin ang lumulukso sa aking pagkatao. Agad itinuro sa akin ang
kinaroroonan ng selda. Sinamahan ako ng isang unipormadong pulis. Parang may
tumutulak sa akin ngunit mabigat ang mga paa sa paghakbang.
Patuloy ang pagkabog ng dibdib. Habang papalapit ay nakaramdam ako ng
pagkaalinsangan. Namumutil-mutil ang aking pawis. Sumasalubong ang masangsang
na amoy mula sa selda. Kumakapit sa ilong ang amoy ng pawisang katawang
nakukulob sa maalinsangang kulungan. Sa tantya ko ay may isa’t kalahating metro ang
lapad nito na may habang lima hanggang walong metro ang sukat. Isa itong malaking
nitso. Humigit-kumulang sa dalawampung preso ang nagsisiksikan sa loob ng
kulungan. Ang iba ay nakahiga, ang iba ay nakatayo at ang karamihan ay
nakasalagmak sa sahig habang hubad ang damit pantaas. Pinagtitiyagaan ang hanging
pumapasok sa siwang ng tarangkahan ng selda.
“Bong Baho, may dalaw ka!”
Pabulyaw ang pagkakasabi ng pulis. Ang mga preso ay parang mga dagang
nagpulasan kasabay nang pagbaling ng tingin sa pulis na hindi naman katabaan ngunit
nakausli ang malaking tiyan.
Sandali ko munang ikinubli ang sarili sa gilid ng pader. Kahit paano ay may
tensyon akong nararamdaman. May namumuong takot sa dibdib na ang haharapin ay
isang mamamatay tao; isang magnanakaw, isang kriminal. Ngunit ang kadahupan sa
sagot sa mga tanong ng nakaraan ay tila mga barenang nagpaparindi sa aking sintido.
Bumabaon sa isip ang mga larawang iyon. Nakapagpapangilo ang mga eksenang
nagpapaalala ng aking nakaraan.
Huminga ako nang malalim. Humugot ng lakas ng loob. Humakbang akong
paharap sa selda. Nabungaran ang isang lalaking nakayuko; hawak sa magkabilang
kamay ang rehas na bakal. May kapayatan ngunit namimintog ang mga masel.
Kapansin-pansin ang mga tattoo na nakaguhit sa braso, binti at sa hubad na katawan.
May mahabang peklat sa kaliwang bahagi ng tagiliran. Bagaman nakayuko, aninag ang
bukol at pasa sa kanyang kanang pisngi. May sariwang sugat siya sa ibabaw ng
kaliwang kilay.
Iniangat niya ang kanyang ulo. Nagtama ang aming paningin. Hindi ito nagbitaw.
Nagtatanong ang aking mata. Nag-uusisa. Hinahanap sa kanyang tingin ang
kasagutan. Walang pagdadamot na nagpaubaya siya ng mga ganting titig. Malalim at
matalim ang kanyang mga titig; at hindi ko man lamang siya kinakitaan ng pagkabigla.
Walang katinag-tinag. Nananatili siyang kalmado. Ngunit sa kanyang balintataw ay
masasalamin ang matinding poot na ikinikimkim. Nag-aapoy ang kanyang mga mata.
Nagaalab. Naglalagablab ang damdaming ikinukubli nang matagal na panahon.
Napapaso ako sa kanyang tingin. At bago tuluyang matupok ng kanyang mga titig; ako
na ang bumasag ng katahimikan.
“Kamusta Bong?” Ang halos pabulong at banayad na tanong ko sa kanya.
Patuloy pa rin ang pagkabog ng aking dibdib. Nag-aabang ng maaari niyang
isagot. Sumandaling katahimikan. Bahagya siyang yumuko. Iniwas ang mata sa akin. At
ang inaasahang tugon sa ipinukol kong tanong ay sinagot nang marahan ngunit pikit-
matang pag-iling. Nagngangalit ang kanyang panga. Nagtitiim ang kanyang bagang.
Muli niya akong tinitigan. Mata sa mata. Sabay hagod nang mapanukat na tingin sa
aking kabuuan; “mula ulo hanggang paa, mula paa hanggang ulo.” Umatras siyang
papalayo sa selda. Bumitaw ang dalawang kamay sa pagkakahawak sa rehas na bakal.
At sa ikalawang pagkakataon ay muli niya akong hinagod ng tingin ngunit ngayon ay
mas mapang-usig; “mula paa hanggang ulo, mula ulo hanggang paa…!”
“Boss, Tsip… hindi ko kilala ‘yan… pwde n’yo na ‘yang pauwiin!”
Matigas ang kanyang pagtanggi. Nakakarindi sa pandinig na lalo pang nagpabilis
sa pintig ng aking puso. Bumaling ako ng tingin sa pulis; kapwa kami nabigla. Muli kong
itinapon ang tingin kay Bong. Ngayon ay mapanudyo ang kanyang ngiti… hindi ngiti
kundi ngisi ng isang taong nanunukso, nanunuya, nang-aasar. Tumalikod siyang
tinalunton ang dulo ng selda at hindi na muling lumingon pa. Halos patakbo akong
napakapit sa selda. Dalawang kamay na napahawak sa rehas na bakal. Gusto ko
siyang pigilan ngunit naumid ang aking labi. Hindi ako nakapagsalita. May kung anong
bagay na humarang sa aking lalamunan. Nakaramdam ako nang matinding kahihiyan
sa buong pagkatao. At habang sinusundan ko ng tingin ang papalayong kababata’t
kakilala ay nakita ko ang sariling ibinilanggo sa mga sumbat ng mga multo ng isang
trahedya.
MULTO NG ISANG TRAHEDYA ni Arlan M. Camba
(Panimulang Pagsusuri ni Arvie DC. Tolentino)
Bawat tao ay may kanya-kanyang multo sa buhay. Marami ang hindi maaaring
ibaon sa limot kung kaya nagiging sugat na ito ng alaala. Ang kuwento’y pumapaksa sa
isang taong minumulto pa rin ng kahapon. Marami sa kanyang alaala ang hindi pa rin
mawaglit sa isipan dahil sa trahedyang dinanas ng pangunahing tauhan sa kuwento.
Isang guro ang pangunahing tauhan sa kuwento. Nagimbal siya sa isang balita
tungkol sa trahedyang sinapit ng kanyang estudyante. Pinatay pagkatapos pagnakawan
ang kaawa-awang estudyante. Ang estudyante niyang iyon ay isang working student na
kadalasan ay tampulan ng tukso o sentro ng atraksyon dahil sa madalas nitong
pagkahuli sa klase. Hindi inakala ng pangunahing tauhan na ang kumitil sa buhay ng
kanyang estudyante ay isang kababata na naging kasa-kasama niya sa kanyang
kabataan. Nasukol naman ng awtoridad ang kababata ng pangunahing tauhan at
nagkaroon siya ng pagkakataon na ito’y sadyain sa piitang kinalalagyan. Subalit hindi
siya kinilala bilang isang kababata nito kung kaya’t humantong iyon sa pagiging
bilanggo ng trahedya.
Kung palulutangin ang paksang diwa ng kuwentong ito kababakasan ito ng iba’t
ibang multo ng trahedya na nakaangkla sa mga tauhan ng akda. Trahedya ang maging
biktima sa krimen na humantong sa kamatayan hindi lamang ng pisikal na katawan
kundi kamatayan rin ng pangarap upang maiahon sa kahirapan ang sarili, kasama ang
mga mahal sa buhay. Patuloy na magmumulto ang pangarap na iyon sa mga naiwang
mahal sa buhay ng estudyante. Ang krimen na kinasangkutan ng isang tauhan sa
kuwento ay nagdulot din ng trahedya sa buhay nito, dahil ang pangyayaring iyon ang
magpapaalala sa tauhan na isa siyang kriminal na kumitil sa isang kaawa-awang
estudyante. Dahil sa ginawang krimen na iyon, magiging tatak na nito ang
panghuhusga sa kanya ng lipunan bilang isang masamang nilalang. Isang malaking
trahedya sa buhay ng pangunahing tauhan ang malaman na ang mga taong naging
bahagi ng kanyang buhay ay bumuo ng isang hindi malilimutang tagpo na
magpapaalala sa kanya upang multuhin pa lalo ng kahapon. Mapapansin ang
kabalintunaan sa buhay ng tao na sa dinami-dami ng taong magiging biktima ng krimen
ay ang kanyang estudyante na madalas pa niyang mapagalitan at sa dinami-dami ng
gagawa ng krimen ay ang dati niya pang kababata.
Bawat akdain ay may mga layunin na nakapaloob. Sa akdang pinamagatang
“Multo ng Trahedya” layunin sa akdang ito na salaminin ang realismo o tunay na
kalagayan ng ating lipunan. Pinadadama sa mambabasa ang malungkot para sa ibang
tao, pinapakita sa mambabasa kung ano ang hindi nakikita ng kanilang mata at hindi
kayang ipaliwanag ng kanilang isip. Samakatuwid ang kalungkutan ay natural na
nangyayari sa tao dahil sa kalungkutang iyon ay magkaroon ng malaking dagok sa
damdamin ng mambabasa na magpahalaga sa mga tao habang ito’y nabubuhay pa.
Layunin din ng akda na bigyan ng babala ang mambabasa na mag-ingat sa panahong
ito dahil hindi natin hawak ang bawat sandali dahil sa patuloy na pagdarahop ng lipunan
ay nakakagawa ng kasamaan ang mga indibidwal na bumubuo sa lipunan.
Kung babasahin ang akdang ito, kakikitaan ng magaan na paggamit ng Wikang
Filipino. Ang diyalogo ng bawat tauhan ay akma sa kanilang pananalita batay sa
kalagayang panlipunang nailarawan ng mayakda. Mas magaan ang paglalarawan ng
mga tagpo, pangyayari at kilos ng mga tauhan dahil ang mga katagang ginamit ay
karaniwang ginagamit sa diskurso ng nakararaming tao.
Kung sakaling mabasa ito ng isang mambabasa na panatiko ng iba’t ibang
akdang pampanitikan lulutang ang iba’t ibang tugon o reaksyon ng mga ito. Karaniwan
ang tugon ay sasabihing makapagbagbag damdamin ang kabuuan sapagkat hanggang
sa dulo ng akda ay kakikitaan ng pagdurusa ang mga tauhan. Lutang na lutang rin ang
tiyak na tugon na may suliraning panlipunan ang akda na kadalasan ay nasaksihan na
ng mambabasa o nabalitaan na sa iba’t ibang kaparaanan. Tiyak din na ang
pagtanggap ng mambabasa ng panitikan sa akdang ito ay magsasabing ang estilo ng
pagkukuwento ay may mabilis na daloy ng mga pangyayari at hindi paligoy-ligoy.
Maaaring mayroon ding hindi maibigan ang mambabasa sa akdang ito o maaaring
magkaroon ng sariling kuro-kuro kung paano ba dapat ang naging takbo ng kuwento.
Kadalasan ang wakas ng kuwento ang nakikita na nais na mabago. Ang mga bitin na
tagpo sa pagwawakas sa kuwento ay kinaaayawan ng nakararami sapagkat nais nilang
matapos ang kuwento na may tiyak na wakas. Ang ilan namang mambabasa ay
kinahihiligan ang nabibitin na kuwento o sa Ingles kung tawagin ay “open ended”. Sa
pagwawakas ng kuwento nabibigyang pagkakataon ang mambabasa na maghinuha sa
mga posibilidad na pangyayari kung kaya’t bitin ang pagwawakas ng may-akda.

Mga Gabay na Tanong sa Maikling Kuwentong Multo ng Isang Trahedya:


1. Naging matagumpay baa ng paggamit ng wika ng may-akda sa paglikha ng mga
diyalogo sa kuwento? Ipaliwanag.
2. Ano ang pinapaksa ng maikling kuwento?
3. Paano inilarawan ang mga tauhan sa kuwento?
a. Kalalagayan sa Buhay
b. Paniniwala
c. Ugali
4. Paano sumasalamin sa ating lipunan ang maikling kuwento ?
5. Sang-ayon ka bas a naging wakas ng kuwento? Ipaliwanag.

You might also like