You are on page 1of 23

Aralin 4

Ang Dula
Ang dula ayon sa batikang manunulat na si Rene O. Villanueva (2006) ay “isang
anyo ng malikhaing pahayag.” Ibig sabihin, sumusulat tayo ng dula para magpahayag; o
dahil may ibig tayong sabihin. Hindi kinakailangang mahalaga, dakila, napapanahon o
monumental ang gusto nating sabihin. Ang mahalaga, malinaw sa atin na mayroon
tayong gustong sabihin, anuman iyon. Sa dula ang pangunahing kailangan ay aksiyon
at usapan.
Bukod sa ang dula ay isang pahayag, pansinin na ang dula ay isang malikhaing
pahayag. Ano ba ang tinatawag na malikhain? Malikhain ang isang pahayag kung ito ay
mapagkintal at mapagparanas. Sa Ingles, impressive at evocative. Mapagkintal:
tumitimo, bumabaon sa sinumang makaranas ng pahayag. Mapagparanas: may
kakayahang magpadama, maranasan ng nakakita o nakarinig. Magagawa ito sa
pamamagitan ng paggamit sa ilang batayang sangkap ng dula: tauhan, banghay at
tema.
Sa dula, kailangang maipakita ang nagaganap o pangyayari na parang
nagaganap ito sa unang pagkakataon. Dula ang tanging anyo na hindi
nangangailangan ng pananaw (point of view) o tagapagsalaysay. Bagaman may mga
dulang gumagamit ng narrator, lalo na sa mga dulang pambata, may kakayahan ang
dula (na siyang ikinatatangi nito sa ibang anyo ng malikhaing pagsulat) na ipahayag
ang karanasan nang walang nagsasalaysay. Sinasabing ang dulang gumagamit ng
tagapagsalaysay ay karaniwang itinuturing na mahinang dula.
Ang dula ay isang uri ng panitikang ang pinakalayunin ay itanghal sa tanghalan.
Mauunawaan at matutuhan ng isang manunuri ng panitikan ang ukol sa isang dula sa
pamamagitan ng pagbabasa at panonood nito.
Gaya ng ibang panitikan, ang karamihan sa mga dulang itinatanghal ay hango sa
totoong buhay maliban na lamang sa iilang dulang likha ng malikhain at malayang
kaisipan.
Lahat ng itinatanghal na dula ay naaayon sa isang nakasulat na dula na
tinatawag na iskrip. Ang iskrip ng isang dula ay iskrip lamang at hindi dula, sapagkat
ang tunay na dula ay yaong pinanonood na sa isang tanghalan na pinaghahandaan at
batay sa isang iskrip.
Batayang Sangkap ng Dula
Tinukoy ni Villanueva (2006) ang ilang batayang sangkap ng isang dula:
1. Tauhan (Character) – siya ang kumikilos sa dula. Kapag may tauhan, may
pangyayari. May magaganap na pagbabago.
2. Banghay (Plot) – ito ang estruktura o kabuuan ng mga pangyayari sa dula; ang
kabuuan ng pagkilos ng isang tauhan mula simula hanggang katapusan ng dula.
3. Tema (Theme) – ito ay may kaugnayan din sa pahayag (kaya napakaimportante ng
gustong sabihin sa dula) subalit ispesipiko at mas tiyak ang anyo kaysa pahayag. Ang
tema ay maaaring may moral lesson, premise o insight.
a. Ang tema bilang moral lesson ay may kinalaman sa paghuhusga sa gawi, ugali, o
halagahan: maaaring tama o mali o tamang ugali o halagahan.
b. Ang premise naman ay isang kaisipang kailangang patotohanan ng mga pangyayari
sa dula. Hindi kailangang patotohanan ay isang katotohanang unibersal. Ang dula
mismo ang magpapatotoo sa piniling premise.
c. Ang insight ay isang kagyat na pagkatanto tungkol sa isang pangyayari o tauhan.

Iba pang sangkap ng dula:


a. Tagpuan – panahon at pook kung saan naganap ang mga pangyayaring isinaad sa
dula.
b. Sulyap sa suliranin – bawat dula ay may suliranin, walang dulang walang suliranin.
Mawawalan ng saysay ang dula kung wala itong suliranin. Maaaring mabatid ito sa
simula o kalagitnaan ng dula na nagsasadya sa mga pangyayari. Maaaring magkaroon
ng higit na isang suliranin ang isang dula.
c. Saglit na kasiglahan – saglit na paglayo o pagtakas ng mga tauhan sa suliraning
nararanasan.
d. Tunggalian – ang tunggalian ay maaaring sa pagitan ng mga tauhan, tauhan laban
sa kanyang paligid at tauhan laban sa kanyang sarili. Maaaring magkaroon ng higit sa
isa o patong-patong na tunggalian ang isang dula.
e. Kasukdulan – climax sa Ingles, dito nasusubok ang katatagan ng tauhan. Sa
sangkap na ito ng dula tunay na pinakamatindi o pinakamabugso ang damdamin o
kaya’y sa pinakasukdulan ang tunggalian.
f. Kakalasan – ang unti-unting pagtukoy sa kalutasan sa mga suliranin at pag-ayos sa
mga tunggalian.
g. Kalutasan – sa sangkap na ito nalulutas, nawawaksi at natatapos ang mga suliranin
at tunggalian sa dula, ngunit maaari ring magpakilala ng panibagong mga suliranin at
tunggalian sa panig ng mga manonood.
Para kay Rene Villanueva (2006), mahalaga ang tauhan bilang sangkap ng dula.
Isinaad nga sa itaas na ang tauhan ang siyang kumikilos sa dula, kapag may tauhan,
may pangyayari at may magaganap na pagbabago. Para makalikha ng isang tauhan,
tatlong bagay ang kinakailangan: pangalan, edad at kalagayan sa buhay. Matapos
tukuyin ang tatlong katangian na magbibigay ng indibidwalidad sa tauhan, kailangang
gawing dramatiko ang tauhan kasunod ang kanyang mithi, balakid at kapalaran.
Ang mithi ay isang kongkretong bagay na gustong makamit ng tauhan. Maaaring
ito’y isang nakapagtapos ng pag-aaral, naghiganti atbp. Kailangang maging kongkreto
ang mithi sapagkat ang pagtukoy sa tunay na mithi ng tauhan sa dula ay kaakibat ng
pagtukoy sa kung ano ang magpapaligaya sa tauhan.
Pagkatapos nito’y isunod ang kapalaran, dito pagpapasiyahan ng manunulat
kung ano ang kahihinatnan ng mga tauhan sa dula.
May apat na kapalaran ang maaaring kahantungan ng tauhan. Maaring makamit
niya ang minimithi at lumigaya; hindi makamit ang mithi at hindi lumigaya; makamit ang
kanyang mithi ngunit hindi liligaya; o hindi makamit ang mithi subalit magiging maligaya.
At ang huli, ang pagtukoy sa balakid o anumang bagay na hadlang sa minimithi
ng tauhan. Karaniwan, tatlo ang uri ng balakid: Panloob, Panlabas o Pangkapaligiran,
Psychological, Physical at Environmental. Ang nasabing mga balakid ay kakatawanin
ng isa pang tauhan sa dula.
Isa sa pinakamahalagang aspekto sa dula ay ang pagmumuni-muni —ang
pagbabago ng tauhan. Sapagkat ang dula, higit sa anupaman, ay tungkol sa
pagbabago. Mula sa isang pananaw, pagpapahalaga o attitude ng tauhan tungo sa
panibagong pananaw, pagpapahalaga o attitude.

Mga Halimbawa at Panimulang Pagsusuri ng Dula


ISANG DAKILANG MAMAMAYAN NG REPUBLIKA
Rene O. Villanueva
MGA TAUHAN:
LOLA, 76 anyos, maitim, tindera ng turon at banana cue
ELSA, estudyante
MANGGAGAWA 1
MANGGAGAWA 2

TAGPUAN:
Gabi, kasalukuyan. Sa isang maliit na puwesto ng banana cue sa may Recto.Ilang
hakbang mula sa panulukan ng Recto at Bilibid Viejo, katapat ng terminal ng Victory
Liner, may maliit na pondahan ng banana cue at turon. Sa bukana ng tindahan na hindi
hihigit sa dalawang dipa ang lapad at luwang, maymahabang lutuan ng turon at banana
cue. Nakapastong ditto ang isang kusinilya at nagtambak ang mga dahon ng saging at
piling-piling na binalatang saging na saba. Hindi kailangang makita o maaninag ng
manonood ang mga ito sa pagsisimula ng dula. May gaserang ilawan sa isang
tabi.Nakaupo sa harap ng pondahan ang matabang matanda. Maaaring may mga taong
nagdaraan sa harapan, pero walang pumapansin sa kanya. Gabi na. Sa simula, tila
wala sa sariling nilalapirot ng LOLA ang isang maliit, parihabang tuwalyang puti, na
halos kulay-libag na sa pawis at alikabok; habang panay ang pahid niya sahumuhulas
na pawis sa mukha’t leeg. Kausap ang manonood.
LOLA:
Wala pa ba? (Hawak ang gasera, sisilip siya sa magkabilang tabi.) Lintek! ang tagal
naman. Sibsib na ang dilim a. Sigurado namang me nagreport na sa kanila.Me nalilihim
ba sa Maynila? Lalo dito sa kahabaan ng Recto. Dito pa sa terminal! Kahit kulay at
amoy ng utot mo, ke gumagapang pa ‘yan o nagririnyego; siguradong bistado ng lahat,
mula Avenida hanggang simbahan ng Santa Cruz. E wala naman akong balak
magtago. Ano, bale? Hindi naman ako naghahanap ng sakit ng ulo ni katawan.
Mamaya tugisin pa ako ng mga parak. E di natelebisyon pa ako. Mas malaking
iskandalo, ‘pag nagkataon! Gaya nung tarantadong umakyat diyan sa poste ng koryente
sa may Quezon Blvd. Unti-unting liliwanag ang entablado. Makikita natin ang isang
LALAKI na tumatawid sa mga kawad ng koryente. Halatang kinakabahan o natatakot. O
weno? E di pinagpistahan siya ng mga usyoso. Kaya iniligpit ko ang mga paninda ko
para makiusyoso. Ay, mali! Dinala ko pala ang mga paninda ko, at doon ako sa
mismong tapat niya naglako ng turon at banana cue. ‘Daming tao e! Tatayo ang LOLA.
May dalang basket na pupunta sa tapat ng LALAKI tumatawid sa mga kawad ng
koryente. Lilingalinga na parang sinisino ang mga mamimili habang pasigaw-sigaw ng
kanyang inilalako. Turon! Turon! Bagong luto, may langka! Banana cue kayo riyan!
(Titingala at mapapapalatak.)
(Siyempre, hindi tuloy nakatalon-talon ‘yung gago. Nalito sa sobrang dami ng matang
nakatutok sa kanya. Nahiya siguro sa dami ng bungangang nanguudyok sa kanya.
(Sisigaw.) “Tarantado, talon!” Isa-isang darami ang mga usyoso. May istambay. May
galing sa opisina. May makikisigaw. Lahat ay nakatingala. Makakarating sa dulo ang
LALAKI, tatalungko. Kung ano-ano ang isinisigaw ng mga usisero para tuluyang
tumalon ang tarantado: (Sisigaw ang LOLA na tila iba-ibang tao ang humihiyaw.)
“Ano pang hinihintay mo? ‘Yung mga kamera? Si Mike Enriquez?”
“Hindi na darating ‘yon! Nasapawan ka ng coup!”
“Me malaking rali sa Mendiola, tanga!”
“Siyempre, uunahin nilang tutukan ang Malacanang.”
“Lundag na!”
“Talon!” (Papalakpak.) Pero hindi nakatalon ang tarantado, hanggang sa halos maging
sindami na ang mga usyoso ng tao kung pista ng Nazareno. Hanggang sa abutan na
siya ng ambon. Itatalukbong ng LALAKI ang dalawang kamay sa kanyang ulo. Saka
magsisimula uling tumawid sa kawead ng koryente. Hanggang sa magdatingan na nga
‘yung mga tagaradyo at telebisyon. E di lalong nangatog ang gago. Lalong napahiya
ang walanghiya! Talagang hindi mo magagawang magpakamatay kung halos ang
buong Maynila ang nakatingala at naghihintay sa paglundag mo. Sigurado merong
pang nagdarasal na madulas ka sana, para sulit naman ang pamimitig ng leeg nila.
Walang puso ang mga tao e. Kaya hindi ako naniniwalang talagang magpapakamatay
‘yung gago. Kung magpapakamatay ka, magpapakahirap ka pa bang umakyat sa poste
ng koryente? Ang kamatayan,kailangang madali. Hindi pinagtatagal, para walang hirap.
– Turon! Turon! Banana cue, bagong luto! Maninimbang ka pa ba sa mga kable? Kung
magpapakamatay ka, bakit do’n pa? Mas madaling lumundag sa overpass, di ba?
Semento din naman ang babagsakan mo. Kung hindi mabagok ang ulo mo sa semento,
tiyak na wala kang ligtas sa mga dumarating na sasakyan. (Hahagikhik.)
Pero… hindi rin nga pala; dahil wala sa tiyempo ang pag-akyat sa poste ng
tarantado.Hapon na. Paano kang lulundag sa oras na ‘yon, e hapon na nga? Di hindi ka
nga masasagasaan! Kapag gano’ng oras, mas mabagal pa sa pagong ang usad ng
mga sasakyan. Hindi ka rin puwedeng mabagok sa semento. Wala kang puwang na
makikita sa sobrang dami ng dikit-dikit na sasakyan. Bamper to bamper! (Hahalakhak.)
Pinakamasuwerte na ‘yung bumagsak ka sa salamin sa harap ng isang sasakyan.-
Turon! May langka, mainit pa! - Puwedeng madurog ‘yung salamin at matusok ka ng
matutulis at matatalim na bubog. ‘Yon e kung masasalalak ka. Pero dahil yayatot-yatot,
singnipis ng istik ng banana cue ang parilya ng gusgusing tarantado, mabuti kung
lumusot siya sa salamin! Baka damputin lang siya sa kandungan ng drayber o pasahero
sa unahan. E di ba mas napakalaking malas naman! Hayun, nakumbinsi ring bumaba
ng mga pulis. Sayang! ‘Buti na lang naubos ang turon ko.
Isang pulis ang aakyat sa hagdan ng bumbero at aabutin ang kamay ng LALAKI.
Bababa ang LALAKI. Saglit na magdidilim. May kukuha sa roller sa puwesto habang
malilinis ang ag-aalisan ang mga usyoso. Babalik si LOLA sa tindahan niya. Muling
uupo at hahawakan ang gasera. Palinga-linga.
Kaya plis, plis lang… Pakiabatan nga ninyo ‘yung mga parak ‘pag dumating.
Sandali na lang. Baka makalingatan ko at hindi mapansin. Magliligpit-ligpit muna ‘ko.
Tatayo para magligpit, pagkuwan ay magbabago ang isip. Babalik sa pagkakaupo.
Sabagay hindi naman ako aalis dito. Wala naman akong gagawin. Wala akong
pupuntahan. Sa loob ng halos dalawampung taon mula nang mabili ko kay Tandang
Kanor ang puwestong ito nandito lang ako lagi. Mula madaling araw. Ni hindi pa
sumisikat ang araw, ni hindi pa nakapaghihilamos ‘yung dispatcher diyan sa Victory.
Maririnig ang ingay ng mga bus sa terminal habang inaayos ang puwesto. Aalis at
LOLA, pagbalik may bitbit na piling-piling na saging na saba.
Tuloy-tuloy ‘yong busina, ungol ng makina hanggang hatinggabi, matapos linisin
at igarahe ang pinakahuling bus na galing sa Baguio o Bataan, narito lang ako sa tapat
ng terminal. Magbabalat ng mga saging. Bobombahin ang kusinilya. Maghahanda sa
pagluluto ng turon at banana cue.Nagbabalat ng saba. Nagbobomba ng kalan para
maisalang ang kawali. Nagpapainit ng Minola. Nagbubuhos ng kalahating kilong asukal
na pula sa mainit na mainit, halos kumukulong cooking oil. Hanggang sa mag-arnibal
ang asukal. Hanggang sa maglubid-lubid ang arnibal na pula. Saka ko ibubuhos isa-isa
ang piraso ng saba. Saka ko hahaluin ko nang hahaluin ang arnibal para bumalot sa
bawat piraso ng saging. Kapag naluto, hahanguin kong lahat sa planggana. Bahagyang
palalamigin. Saka tuhuging tatlo-tatlo sa istik na kawayan, Sa matulis, makinis na istik
ng kawayan.
Isa o dalawang MANGGAGAWA ang bibili ng turon. Kakainin ang binili sa puwesto.
Makaraang makakain, aalis ang dalawa.
MANGGAGAWA 1:
‘La, me luto ka na?

MANGGAGAWA 2:
Lumiliit yata ang saging n’yo ‘La.

LOLA:
Bakit? Kaninong saging ba ang hindi lumiliit? Kung ayaw mo, mag-Jolibee ka! At may
malalantakan na kahit sinong humihilab ang tiyan. Ayaw n’yo pa ba no’n, sa halagang
limang piso, makakaraos na kayo? (Muling mauupo.)

Kaso, kahit anong sikap ang gawin ko, kahit anong sipag, mula noong mabili ko ang
puwestong ito kay Tandang Kanor, hindi ako makaraos. Panahon pa ni Marcos ‘yon!
Tuwing magbabago ang administrasyon, umaasa kaming bubuti ang buhay kahit
paano, kahit katiting. Pero nagdaan si Marcos, si Cory, si Ramos, si Erap, hanggang sa
tukayo ko, gano’n pa rin. Konting mabusog, problema na naman kung saan dudukot ng
susunod na isusubo. Ganon nang ganon; kahit bago pa maging presidente si Marcos,
gano’n na. Hindi nga lang dito ang puwesto ko noon. Sa tirahan namin sa may
Gastambide, malapit sa eskwelahan. Katulong ko pa si Elsa, ang panganay ko.
LOLA: Kung saan-saan ka na naman siguro dumaan, ano? Ba’t tanghali ka na?

ELSA: Me pinagawa pong project ‘yung adviser namin e.

LOLA: Sige, balutin mo na ‘yang mga turon. Mayamaya lang may maghahanap na
riyan.

LOLA: Pangarap ko sanang maging titser si Elsa. Pero hayun, sa tarantadong


kapitbahay lang namin bumagsak.

LOLA: Kaso, hindi lang matigas ang buto no’ng Erning na ‘yon; yayatot-yatot e
saksakan ng kati. Sabi ko na kasi sa anak ko, ‘wag mong patulan ‘yan. May mukha nga,
pero libag lang sa uten ang kayamanan. Makati pa sa gabi, maniwala kayo!
LOLA:
Kabi-kabila ang kabit. Me weytres, me modista, pumatol pa pati sa tisika na nasa Saudi
ang asawa. Sabi ako nang sabi kay Elsa na mag-iingat siya, dahil baka kamukat-mukat
e uubo-ubo na rin siya at kapag dumura e meron nang kimpal-kimpal na dugo. Pero
alam n’yo ‘yang anak ko, kundi saksakan ng bingi, saksakan ng tanga o saksakan ng
tigas ang bao! Wala pang sambuwang pinayagan ko siyang tumao sa pondahan, ayun,
nasungkit na ni Payayot. Sanlinggong dinala sa Laguna, nang bumalik buntis na. Naku!
Maisusumpa mo talaga kahit me Santo Kristo ka sa dibdib! At hindi pa nagkasya na
magkaasawa ng batugan. Sampu! Sampung sunod-sunod ang pagbubuntis. Isip mo,
mga namamanata sa Nazareno kung gumawa ng bata. Buti na lang at sa sampung apo
kong iniluwal sa Dr. Reyes, anim lang ang nabuhay. At sa anim, tatlo naman ang
tinamaan ng peste. ‘Yung dalawa e tinigdas o tinamaan yata ng brongkitis kaya bago pa
magtatlong taon e salamat-sa-Diyos, natepok agad. Bakit naman kayo napa-
Susmaryosep? Dib a talaga naming mas masuwerte sila kung tutuusin? Maikling
panahon lang ang tiniis na hirap, e ako? Ni parehong hindi pa nga nakakalakad nang
matatag ang dalawa; ‘yon naman lalaki, nasilat sa manhole, minsang malakas ang ulan.
Sabi ko na kasi, huwag pinalalabas ang bata sa gabi, ang titigas ng kukote!
Nagmamarakulyo pa kapag sinasabihan, kaya hayun, sabi ng kapitbahay na huling
nakakita, nadupilas sa manhole na me nakatusok lang na bakal. Baha na kasi, hindi
siguro napansin ng bata ‘yung bakal na nakatusok sa butas. Ano naman ang
maaasahan ninyo sa batang lilimang taon? Lalo kung nakatakas lang para maglaro.
Siyempre, nagtatampisaw ‘yon sa tubig. Iisipin pa ba no’n kung ang tinatapakan niya’y
me disgrasyang naghihintay? Hayun, kinabukasan na napulot sa dulo ng imburnal.
Akala n’yo ba porke tatlo lang ang mga anak nila e bumuti-buti sila? Hesus! (Luluhod
saka nakadipang lalakad nang paluhod sa palibot ng tindahan.)

Panguinoon! Kung hindi ka pa nagsasawang tumunghay sa suson-susong kamalasan


namin, di sana’y hindi mo hinayaan ang lahat nang ito? Ano ba’ng problema? Lingo-
lingo naman akong nagsisimba. Kung Pista ng Quiapo, oo nga at hindi ako nakikihila sa
ipinuprusisyong Poong Nazareno. Nakikipunas lang ako ng panyo sa mga paa ng
Mahal na Hesuskristo; pero hindi ako pumapalya, kahit anong lagay ko, sa unang misa
sa araw ng pista, kahit saksakan ang dami ng tao sa loob ng simbahan. Bukod sa lagi
kong hinihintay ko ang pagdaraan sa gabi ng prusisyon, ha! Sa dulo ng tanghalan,
lalabas ang NAZARENO na may pasan-pasang krus hanggang sa tuluyang lumabas.
LOLA:
Nagsasakripisyo nga ako sa paghihintay sa mga deboto mo, baka akala mo? O di ba,
‘pag Pista ng Quiapo, mga alas-kuwatro pa lang tumitigil na akong magluto ng turon at
bababana cue. Baka sabihin mo naman, puro pagkita na lamang ng pera ang nasa
tuktok ko. Kahit natitiyak kong mabiling-mabili ang turon at banana cue sa oras na ‘yon.
Alam mo bang ‘yon ang paraan ng pagtitika ko para sa iyo, Mahal na Nazareno, para
kapag dumaaan ang prusisyon, walang laman ang isip ko kundi sana ay matanaw ang
Poon, na tulad naming ay nakabayubay sa krus. Hinuhubad ko ang aking delantar at
tinitipon ang lahat ng barya ko’t perang papel sa isang boteng plastik, para maluwag
akong makatayo sa gilid ng daan, hindi nag-aalalang baka ako madukutan o
masalisihan ng mga mapagsamantala; para maluwag akong makakaway sa Kanya, sa
Nazarenong nasa itaas ng platapormang kinukuyog ng mga nagmamamakaawang
sindami ng langgam. Kuyog ng mga langgam, gaya ng mga mumo ng namuong arnibal,
na natapon sa lupa! Hindi pa ba sapat na sakripisyo ‘yon? Alam n’yo ba kung magkano
ang kitang nawawala sa akin sa pag-aantabay sa prusisyon? Halos dos siyentos pesos
din, Mahal na Poong Nazareno! Pero naiintindihan ko, kahit hindi mo kami iniibsan ng
bigat. Kahit natutunghayan mo, ngunit hindi pinapatid ang lubidlubid naming hirap.
Lubhang marami kang inaalala. Ako man ang nasa lagay mo, matuturete rin ako sa
dami ng nagsusumamo sa iyo. Saka sabi mo nga, hindi laging dapat naming iasa ang
lahat sa iyo. Malapit man ang Quiapo, masyadong malayo ang langit para sa aming
mga daing. Pero sino’ng aasahan naming mag-aangat at hahango sa amin sa aming
kapalaran? Ang gobyerno? Mas malayo sa Quiapot ang Malakanyang. Asa kami nang
asa sa tuwing magpapalit ng presidente. Asa kami ng asa sa mga bagong pangako.
Bababa ang presyo ng galunggong. Tataas ang kita. Minsan nangyayari,
pansamantala; pero di-magtatagal, balik uli sa dati ang lahat. Balik sa lagpasngusong
tubig ng hirap. Kaya wala na kaming ginawa kundi ang suminghapsinghap. Kaya
nagpapasalamat na rin ako sa iyo, Mahal na Poon. Mapalad kaming biniyayaan mo ng
dalawang malalakas na braso. Patunay ang mga bisig na ito, na hindi mo ako
pinababayaan dahil binigyan mo ako mga kamay, para huwag nang umasa sa iba, para
tubusin ang aming mga sarili.Para makakawag-kawag upang manatiling nakalulutang
sa malawak na dagat ng buhay. Maglalatag ng patung-patong na diyaryo si LOLA sa
lupa, mahihiga. Kahit sisinghap-singhap. Kahit mahigit sitenta anyos na ako, at ang
totoo’y hapo na. At ang talagang gusto ko’y umidlip kahit man lang isang oras lang
tuwing hapon, sa halip na magtalop ng bunton-buntong piling ng saging na saba, at
masalab sa init ng apoy ng kalan at kumukulong mantika. Naniniwala ako - mapalad
ako. Mapalad kami!
Mayroong mga taong walang paa. May mga tigmak sa sakit kaya di-nakakilos at
makapaghanap-buhay. May mga naputulan ng braso; may kulang-kulang ang daliri; ang
iba’y dahil sa walang kabagay-bagay na dahilan. Pero ako, ang iyong pinagpalang si
Lola Goya; sa kabila ng walang katapusang paghilab ng mga taon ay hindi mo
hinayaang mapigtaan ng lakas. Malalakas pa rin ang aking mga bisig. Salamat,
Panginoon! Kaya lang, di mo naman siguro ikagagalit kung aamining kong paminsan-
minsan, naiisip kong nang wisikan mo ako ng grasya, sana’y nilubos-lubos mo na. O
kahit idinawit mo na rin sa grasyang basbas mo sa akin ang kaisa-isa kong anak na
Elsa. Si Elsa ko na pinagsikapang huwag matulad sa akin sa masadlak ang buong
buhay sa pagtatalop ng saging na saba at patutuhog ng banana cue. Hindi na baleng
hindi ko siya napagtapos na high school kaya hindi siya naging titser (tanggap ko
namang medyo bopol ang anak kong iyon); hindi baleng hindi mo siya inagaw sa kamay
ng Erning na ‘yon (matigas talaga ang uilo ng batang ‘yan; kaya kahit anong pangaral
labas-masok lang sa tenga). Pero sana (masama bang isipin, Diyos ko?) na nang
kinuha mo ang tatlong anak nila, bakit hindi mo pa nilubos at kinuhang lahat?
Bakit may tatlo ka pang itinira?
Hindi. Huwag po ninyong isiping sinasabi ko ito para usigin kayo. Hindi ko kayo sinisisi.
Kita naman ninyo, ano bang ginawa ko nang maghiwalay si Elsa at ang asawa niyang si
Erning? Nang iwanan ng anak ko ang tatlong nilang anak sa poder ko? Kahit lagpas ng
sitenta ang edad ko, at walang sinomang katuwang sa buhay. Oo nga, namura ko si
Elsa nang itambak ang tatlong bata sa bahay dahil hahanapin daw si Erning, pero
tinanggap ko rin ang tatlo kong apo. Hindi lang sa naaawa ako at wala namang ibang
mag-aaruga sa tatlong bata. Ang totoo, tuwing makikita ko ang aking mga apo, lalo ang
bunsong si Edita, na kamukha-kamukha ng ina noong maliit pa, naiibsan ako ng pagod.
At kahit tila lagging nilalagnat ang katawan ko at namimigat ang mga pang di ko na
halos maihakbang gustiog-gusto kong haplusin ang kulot na buhok ng pinakabunso
kong apo, ng aking apo na magtatatlong taon, at hindi pa nakatatayo nang matatag, ni
hindi pa nga nakapagsasalita nang diretso. Pautal-utal lang; pero tuwing darating ako
ay sinasalubong ako ng “Yoya, Yoya.”
At totoong luwalhati ang mga salitang iyon para sa akin. Kaya kahit humuhulas ako sa
pawis, kakargahin ko ang bunso kong apo. At ilalapat ko ang ulo niya na tila
nakapatong sa laging nanlalambot na leeg (kaya siya madalas tinutuksong Engot ng
mga walang pusong kapitbahay namin). At hahaplusin ko ang ulo niya at likuran,
hanggang sa humimlay siya sa malapad, nagmamantika, ngunit amoy-arnibal kong
dibdib.
Si Edita, ang bunso kong apong si Edita. Ang sakitin kong apo.Magdadalawang lingo na
siyang paulit-ulit na inuubo at nilalagnat. Madalas ko namang pinaiinom ng am.
Binabanyusan ng malamig na tubig para bumaba ang lagnat. Hinihilot ko ng manzanilla,
o ng Minola na may dinikdik na luya, ang katawan at mga biyas, gabi-gabi bago
matulog. Pero lagi pa ring nilalagnat. Minsa’y mainit na mainit, parang sinisilaban ang
buong katawan. Kaya magdamag na ingit nang ingit. Kahit ipaghele ko. Kahit yugyugin
habang karga ko. Kahit kantahan pa ng pampatulog. “Ili-ili, tulog anay; wala diri imo
nanay …”
Pero ingit pa rin nang ingit, anoman ang gawin ko. Hanggang sa hindi ko na magawang
iwanan sa bahay, dahil sino ang mag-aasikaso sa kanya? Ni hindi ko naman alam kung
saan hahagilapin ang ina niya. Wala akong kahit kapirasong balita kay Elsa. Nasaan na
kaya ang batang iyon? Kaya kahit malaking istorbo si Edita sa pagtitinda ko, napilitan
ako isama siya sa puwesto. Kahit na dahil sa kanya ay malaki ang ibinagal ng kilos ko
at malaki ang nawala sa araw-araw na kita ko. Paano ako makapagtatrabaho nang
maayos samantalang may ingit nang ingit sa tabi ko. Kahit pasusuhin ko ng am, na
minsa’y hinahaluan ko ng pulang asukal para tumamis o kaunting asin para maiba ang
lasa. Ingit nang ingit. Kung medyo malakaslakas at hindi gaanong mataas ang lagnat,
wala namang nasasabi kundi “Yoya, Yoya.” Hindi rin siya umiiyak kahit anong taas ng
lagnat.. O baka sa sobrang hina niya, ni hindi na makuha ng mga mata niya ang
umiyak. Ingit lang nang ingit. Alam kong dapat noon ko pa siya dinala sa ospital. Pero
kailangan ng pera ‘pag dinala ang maysakit sa ospital; ‘pag niresetahan ng gamot…
Pero, nasaan ang pera?..
Kaya pinagtiisan ko na lang kahit hindi ako makakilos nang maayos ‘pag kasama siya.
Hindi ako makapagtalop ng saging nang tuloy-tuloy. Minsan, kumukulo na ‘yung
mantika, hindi ko pa maibuhos ‘yung asukal. O lumamig na yung mga naipritong saging
pero di ko pa rin sila maituhog sa istik. Minsan, may mga drayber o pasaherong bumibili
pero hindi ko agad maasikaso. Hanggang kaninang tanghali, nakasalang pa naman
‘yung mga turon. Biglang umiyak. Sabi ko “Sandali lang apo. Teka, hahanguin ko lang
ang turon. Madaling masunong ‘yung wrapper ng lumpia e. ‘Pag nasunog e malaki ang
malulugi sa atin.” At hinango ko nga ang mga turon, hinango ko at inilagay sa
planggana. Saka isa-isa pinagpatong-patong sa bilaong may saping dahon ng saging
para maihanda sa pagbebenta. Nang makita ko ang bunso kong apo, tumitirik ba
naman ang mata! Diyos ko po, Panginoon! Nang hawakan ko, nanlalamig ang buo
niyang katawan. Ano’ng gagawin ko? Hindi ko naman maisusugod sa ospital. Pa’no ko
iiwanan ang tindahan? Diyos ko, Diyos ko! Mabilis akong nag-apuhap ng solusyon.
Walang aasahan kundi ang sariling mga kamay, Panginoon!
Hinawakan ko siya sa dalawang paa. Hinablot sa higaan ng pinagsapinsaping dahon ng
saging, na sinapnan ko ng maruming daster. Hinawakan ko siya sa dalawang paa saka
inihampas ang ulo sa gilid ng daan, sa sementadong gilid ng daan. Ni hindi ko narinig
na umingit ang apo ko. Wala, kahit munting pagibik… Sigurado akong may nakakita o
nakapansin. Sa dami ba naman ng nagdaraan? Tiyak, darating ang mga pulis. Kundi
magmilagro at mismong ang Nazareno ang sumundo sa akin.
Makaraan ang ilang sandali, sisilbato ang sirena mula sa sasakyan ng mga pulis at
isang puting liwanag ang tututok sa tindahan at kay LOLA. Tatayo siya, pasalubong sa
liwanag habang hawak ang nanlilimahid na puting tuwalya parang ihinahaplos sa di
natin nakikitang Poon. Saka pupulutin sa bandang likuran,at kakargahin, yayapusin ang
bangkay ng batang tatatlong taon, basag ang bungo, at naliligo sa natuyong dugo.
WAKAS

Isang Dakilang Mamamayan ng Republika


ni Rene O. Villanueva
(Panimulang Pagsusuri ni Mayluck A. Malaga)
Ang dulang “Isang Dakilang Mamamayan ng Republika” ni Rene O. Villanueva
ay umiikot sa buhay ng pangunahing karakter na kilala sa tawag na Lola Goya,
isinalaysay niya ang kanyang naging buhay bilang isang tindera, ina, lola at bilang isang
simpleng mamamayan.
Nagsimula ang kanyang kuwento habang animo’y batang di mapakali at naiinip
at tila may hinihintay.
Ikinuwento niya ang kanyang buhay at karanasan habang nagtitinda ng banana
cue at turon sa kanyang puwesto na nabili niya kay Mang Kanor, mula sa
pagkukuwento sa tangkang pagpapakamatay ng lalaki na umakyat sa poste ng
koryente subalit hindi rin natuloy dahil na rin sa mga usisero’t usisera. Ang pag-aasawa
ng kanyang anak na si Elsa labag man sa kanyang kalooban, ang pagkakaroon niya ng
sampung apo subalit sa kasamaang palad ay tatlo lamang ang nabuhay at ang pag-
iwan ni Elsa ng kanyang tatlong anak upang hanapin ang kanyang asawang si Erning.
Kasabay ng pagsasalaysay ng bida sa kanyang buhay, sinalamin din ng kuwento
ang mga problemang kinahaharap ng isang simpleng mamamayan na nakikibaka sa
kahirapan ng buhay, isyung politikal, paguugali, paniniwala at kulturang Pilipino.
Ang buhay ni Lola Goya, sa edad na mahigit sitenta ay walang ipinagbago. Halos
dalawampung taon nang nagtitinda ng banana cue, ang pakamatay ng kanyang mga
apo dahil na rin sa walang pambili ng gamot at pampaospital. Patunay lamang sa
lumalalang problema ng lipunan na hanggang ngayon ay wala pang matibay na
solusyon. Pagdating naman sa isyung politikal nariyan ang hinaing ni Lola Goya sa
pamahalaan, magpalit man ng administrasyon ay wala pa ring ipinagbago ang takbo ng
kanyang pamumuhay. Isa rin sa itinampok sa dula ay ang kultura nating mga Pilipino,
ang pagmamahal sa kapamilya at ang “strong family ties” na ipinakita sa pagtanggap at
pagkupkop ni Lola Goya sa kanyang mga apo bagamat hindi siya pabor sa
kinahinatnan ng kanyang anak na si Elsa. Ang pagiging positibo nating mga Pilipino at
ang pagsandig sa Diyos anuman ang dumating na pagsubok sa buhay. Ang pagkahilig
natin sa pakikiusyoso sa mga nangyayari sa ating paligid at ang kaisipan na
panlalamang sa kapwa at ang pangungurakot para mapabuti ang buhay ay ilan lamang
sa mga inilarawang masamang katangian ng ilang Pilipino.
Gamit ang pinagsamang “satire” at trahedya nilayon ng dulang ito pagsuriin ang
mga manonood ukol sa buhay nang hindi nakatitisod ng damdamin. Maging ang
pananalitang ginamit ay magagaan at madaling maintindihan. Nakatulong din nang
malaki ang mga karanasan sa buhay ni Lola na isinalaysay sa kuwento upang mas
maging kapanipaniwala at epektibo ang paghahatid ng mensahe sa mga manonood.
Sa pamamagitan din ng monologo at “soliloquy” naipakita ang tunggalian ng
tauhan laban sa kanyang sarili tulad ng desisyon ni Lola Goya na ihampas ang ulo ng
kanyang apo sa semento bilang agarang solusyon sa problema sa halip na isugod sa
ospital. Ito ang lalong nagpamulat sa kaisipan ng mambabasa sa kahirapang dinaranas
ng maraming mga Pilipino hanggang ngayon. Samantala, upang matakasan ang
problemang ito, gumagawa tayo ng mga bagay na labag sa ating kalooban.
Ang “Isang Dakilang Mamamayan ng Republika” ay isang dulang nag-ugat sa
karanasan at buhay ng simpleng mamamayan na araw-araw ay nakikibaka para
magtamasa ng kaginhawaan sa buhay. Dakilang maituturing ang sakripisyong ibinigay
ng pangunahing tauhan para sa kanyang mga minamahal. Malungkot man ang naging
katapusan ng dula, nagtagumpay naman ito sa pagkikintal sa isipan ng mga
mambabasa o manonood ng aral ukol sa pagmamahal, pagpapakumbaba at pananalig
sa Maykapal na ipinakita ni Lola Goya – isang dakilang mamamayan ng republika.
Mga Gabay na Tanong sa Dula ni Rene O. Villanueva:
1. Ano-ano ang iba’t ibang suliraning kinaharap ng pangunahing tauhan?
2. Sumasang-ayon ka ba sa ginawang solusyon ng pangunahing tauhan sa kanyang
mga suliranin? Bakit? 3. Ano ang ideya ng may-akda hinggil sa pagiging isang dakilang
mamamayan?
4. Ano ang naramdaman mo matapos mabasa ang dula? Ipaliwanag.
5. Ano ang implikasyon ng dulang ito sa iyo bilang isang Pilipino, bilang isang
mamamayang naninirahan sa Republika ng Pilipinas?

ANG MGA PILIPINO SA SANDWICH ISLANDS


(Prize Winner, Filipino Migration to Hawaii Centenial Literary Prize 2006)
Romeo P. Peña
MGA TAUHAN
PIKAKE, isa sa mga sakada noong 1906 na bumalik sa kasalukuyan
MIULANG, estudyante sa kolehiyo
DOC, isang Pilipino na ipinanganak sa Hawaii
PINAKBOY, Pilipinong naninirahan sa Honolulu kasama ang asawang Filipina
CEZANNE, anak ng isang Hawaiian-born Filipina
GLEN, isang Filipino-American citizen sa Hawaii

Si Pikake ay naglilibang ng sarili sa makasaysayang Puuhonua O Honaunau Park na


kung saan itinayo noong 1550 na nagsilbing lugar ng mga talunang mandirigmang
Hawaiian at ang mga lumabag sa sagradong tuntunin sa Sandwich Islands.

(KAKANTA)
Filipino at Hawaiian

Kay tagal kong hinahanap

Ang bayang pinapangarap

Para sa aki’y isang biyaya (glorya)

Dito’y may kaligayahan

At may kasaganahan

Napansing may paraiso

Ngunit parang ‘di mawari

Ang lumbay ay ‘di mapawi

Dahil malayo sa pamilya


Di ko sukat akalaing

Magiging kaibigan pala natin

Ang mga islang Sandwich

Filipino at Hawaiian

Ipinagpala ng Maykapal

Filipino at Hawaiian

Akin ngang pinakamamahal…

Ang mga magiging kausap ni Pikake ay magsisirating na. Mauuna si Pinakboy at pagkaraan ay si Doc at si
Cezanne. Kasunod ay ang estudyanteng si Miulang pati si Glen Kanaohi.

(MAGSISIMULA NANG MAGSALITA SI PIKAKE)

PIKAKE: Hay buhay! Ako si Pikake! Ang ganda ng pangalan ko no?


LAHAT: Owws?
PINAKBOY: Pikake ano?
PIKAKE: Ahh? Wala! Basta Pikake.
LAHAT: Nge! Walang apelyido?
PIKAKE: Hindi ko na kasi matandaan kasi biruin mo noong Disyembre 20, 2006? Tama ba? Ay mali! 1906
pala. Isa ako sa labinlimang unang dumating dito sa mga islang Sandwich.
LAHAT: Sandwich???
DOC: Teka! Teka! Alam ko ‘yan ahh? Parang nabasa ko na ‘yan sa Honolulu Star-Bulletin noon, Sandwich
Islands ba kamo?
PIKAKE: Sandwich Islands! Sanwits sa tagalog at emparadados sa malalim na tagalog.
DOC: Teka alalahanin kong mabuti! Bago pa mang tawaging Hawaii ang mga islang ito, noong 1778
dumating ang British explorer na si Captain James Cook at siya ang nakatuklas dito. Dahil sa kanya,
nabalangkas at nailahathala ang heograpiya ng mga islang ito at tinawag niyang Sandwich Islands bilang
parangal sa padrinong si John Montagu, 4th Earl of Sandwich.
PIKAKE: Magaling! Detalyado at mismong mismo.
PINAKBOY: Ano naman ang ginawa mo at ang mga kasama mo dito sa Sandwich Islands noong 1906,
aber?
PIKAKE: Hmmm…(MAGPIPIHIT NG LEEG AT ITO’Y LALAGUTOK) Aray! Ang sakit ng leeg ko, lumagutok!
Tila lanai ito.
LAHAT: Lanai???
PIKAKE: It means stiff-necked! Ano ba kayo? Naturingang naninirahan sa Sandwich Islands, simpleng
salita hindi alam ang kahulugan.
CEZANNE: Malay namin, tse! Yabang!
PIKAKE: Sa’n na ba ‘ko? Nandirito pa rin pala ako! Eto hirap eh, balikan ba daw ang past? Basta isang
pangkat kami noon galing sa Pilipinas…..
(KAKANTA)

Ang bayan kong Pilipinas

Lupain ng ginto’t bulaklak


Pag-ibig ang sa kanyang palad
Nag-alay ng ganda’t dilag.
At sa kanyang yumi at ganda
Dayuhan ay nahalina
Bayan ko, binihag ka
Nasadlak sa dusa….

…..at alam n’yo kung ano ang tawag sa amin? Kami’y mga sakada!

MIULANG: Eh ano naman ‘yun?


PIKAKE: In long! Kami’y mga magsasaka at mambubukid. In other words, kami’y nagtatanim at nag-aani
ng mga tubong ginagawang asukal! Gets?
MIULANG: Gets, gets ko na!
PIKAKE: Hindi lang ‘yan! Hindi lang ang kayumangging kagaya ko ang nagsi-migrate sa Sandwich Islands
para magtrabaho sa bukirin ng tubo. Take note! Nandyan din ang mga Portuges, Tsino, Hapon at
Koreano, pero aminin? Mas cute ang mga kayumangging gaya ko kaysa sa kanila.
GLEN: Kaya pala! Sabi mo may Portuges, Tsino, Hapon, Koreano at kayo, ibig sabihin sa inyo nagmula
ang wikang Hawaiian Pidgin?
PIKAKE: Tumpak! Mismo! Dahil bilang mga manggagawang nagmula sa iba’t ibang lahi ay umisip kami ng
paraan kung paano mauunawaan ang isa’t isa. Kaya hindi dedmahan to the max, slight lang!
CEZANNE: Slight lang pala ha!?
PIKAKE: As in slight lang, okay? Kaya nag-imbento kami ng wika base sa aming wikang kinagisnan na
madaling maunawaan ng marami. At siyempre isinama namin ang wikang Hawaiian at Hawaiian English.
MIULANG: Naks naman! Kahit pala may amnesia ay tanda pa rin ang iba. Ayos!
PIKAKE: Hep, hep, hep! Wala akong amnesia, short term memory lang naman!
CEZANNE: Ganun din ‘yun!
GLEN: Sa ngayon talagang Hawaiian at Hawaiian English ang opisyal na wika dito sa sinasabing Sandwich
Islands.
PIKAKE: Oh yes! Totoo nga ‘yan, hindi na ako kokontra, mahirap na baka mabodyak pa ako dito. Pero in
fairness! Nabalitaan ko lang sa KITV na Tagalog ang pumapangatlong wikang sinasalita dito sa Sandwich
Islands at pang-apat ang Japanese. Sa’n ka pa? Todo na ‘to, to the highest level.
MIULANG: Marami na rin pala tayong mga Pilipino rito, biruin mo! Todo na talaga ito!
PIKAKE: Ang balita ko pa, nabasa ko lang ito sa dyaryong Hawaii Filipino Chronicle kailan lang. Aba,
talagang tayong mga Pilipino mahilig sa pulitika kasi sa natandaan ng utak ko ay tatlumpu’t pitong tupa,
este Pilipino pala ang kandidato kasama na ang kasalukuyang nakaupo noon sa puwesto ang tumakbo sa
nakaraang 2002 Primary Election.
MIULANG: Ha? Ganun na kadami? Hanga talaga ako sa’ting mga Pilipino, malalakas ang loob!
PIKAKE: Teka, teka, teka! May napapansin ako! Tila mula sa umpisa ako na ang nagsasalita, hindi ata
pwede ‘yan! Kayo naman! Kwento n’yo buhay n’yo!
LAHAT: Hay!!! Nakahalata rin.
MIULANG: Sige ako muna!
CEZANNE: Gusto ko ako muna!
PINAKBOY: Ako na lang!
DOC: Nag-aaway pa, me first!
GLEN: Ako huling nagsalita, kaya ako muna!
MIULANG: Ako na sinabi! Wala kayong magagawa sisimulan ko na.
LAHAT: (MALIBAN KAY PIKAKE) Naku naman….
PIKAKE: Sige nga, mabuti pa simulan mo na! Lights, camera, action!
MIULANG: Ah ganito kasi, noong bata pa ako dito na ako pinag-aral sa Hawaii, doon sa Punahou School.
Nagtiyagang magtrabaho sa tubuhan ang aking mga magulang para makapag-aral ako. At ngayon,
yehey! Nasa ikaapat na taon na ako sa University of Hawaii System, West O’ahu campus at
ipinagmamalaki kong Pilipino ang mga magulang ko at Pinoy ako!
LAHAT: Pinoy tayo!

(KAKANTA ANG LAHAT)

Pinoy ikaw ay pinoy

Ipakita sa mundo
Kung ano ang kaya mo
Ibang-iba ang pinoy
Wag kang matatakot
Ipagmalaki mo
Pinoy ako
Pinoy tayo…

MIULANG: At ang ikinatutuwa ko ay? Ipinagdiriwang kahit dito sa Sandwich Islands ang Araw ng
Kalayaan ng Pilipinas at mga pestibidad tuwing bakasyon! Hooray!!!
PIKAKE: Bongga! Encantadia, ay mali Etheria, este Pilipinas pala!
DOC: It’s my turn! Cezanne ako muna ha?
CEZANNE: O sige, sige ikaw muna!
PINAKBOY: Sinong nagbigay ng pahintulot na siya na?
CEZANNE: Hayaan mo na, pagbigyan na natin siya.
PINAKBOY: Okay fine! Whatever!
DOC: Papayag ka rin pala, sige simulan ko na. Tayong mga Pilipino kapag may pagkakataon ay ‘di talaga
natin pinapalampas. Like my Dad, na pumunta dito 60 years ago na kabilang sa tinawag nilang sakada
’46 kasi dumating noong 1946. Nakapagpundar ng dalawang palapag na bahay dahil sa pagsusumikap sa
tubuhan. Dinala niya si Mommy dito at hayun na!
LAHAT: Anong hayun na???
DOC: Hayun na, atlast nabuo ako!
LAHAT: (TAWANAN) Hahahaha….
DOC: Anong nakakatawa?
PINAKBOY: Wala lang! Nag-eexercise lang ng bibig.
DOC: Nakilala namin ang mga kapitbahay at natutunan naming makisalamuha sa kanila kahit iba’t ibang
lahi sila. And “we live happily ever after.”
PINAKBOY: Ano kayo! Kinasal magkakapitbahay?
DOC: Tao lang! Ang sasabihin ko sana’y “we all stay and live together.”
PINAKBOY: Kala ko kasi hayop ka, joke lang! Peace!
DOC: May the peace of the Lord may also with you!
PINAKBOY: Okay!

(KAKANTA)

It’s my turn to make it now

Just relax, listen carefully

We’re still young “hindi supot”

There so much we need to know….

LAHAT: Ohh, common!


PINAKBOY: I should note that, ang aking asawa ay one hundred percent na Filipina, galing siyempre sa
Pilipinas at nanirahan kami doon limang taon ng nakakaraan. At ngayon kami ay lumipat na sa Honolulu.
Inggit ka Miulang no?
MIULANG: Hindi ako naiinggit no! ‘Di maghahanap ako ng Filipina, alam ko naman na marami rito sa
mga islang Sandwich.
PINAKBOY: Aminin, inggit siya?
MIULANG: Hindi kaya, sabi nga Pinoy ako kaya hindi ako maiinggit.

(KAKANTA)

Hoy! Pinoy ako

Buo ang aking loob

May agimat ang dugo ko

Hoy! Oh! Pinoy ako

May agimat ang dugo ko

Oh….

PINAKBOY: Tuloy ko na nga, masasabi ko ang karamihang dumarating dito sa Sandwich Islands ay mga
ilokano na mula sa hilagang bahagi ng Luzon at mga bisaya sa timog na bahagi ng arkipelago. Tulad ng
mga lolo at lola na kasama ko na ngayon. Katatawag nga lang sa akin, kumakain sila sa restoran.
GLEN: Sosyal! Nabanggit mo na rin ang restoran, alam n’yo ba na dahil sa husay nating mga Pilipino ay
mayroon na rin ditong Goldilocks, Red Ribbon at Jollibee? Sa Jollibee bida ang saya! Kaya doon mo na
sila pakainin.
PINAKBOY: Oo nga noh, bright idea! Dahil dyan isang palakpak paikot para sa iyo. (PAPALAKPAK PAIKOT)
CEZANNE: Singitan na lang, e di pasingit na rin! Kasi si Mega nagconcerttour noong nakaraan at
sinamahan pa nga siya ni Sen. Pangilinan, nakakakilig! Binisita nga tayong mga kababayan dito sa Hawaii.
PIKAKE: Ayy! Kelan ‘yon? Sayang di ko napanood. Miss na miss ko pa naman si Mega.
CEZANNE: Ako nga rin e! Sobra as in!
PIKAKE: Di bale na lang, marami pa namang ibang sikat na mangaawit, musician at artistang Pilipino ang
nagko-concert-tour dito sa Sandwich Islands. Aabangan ko na lang!
CEZANNE: Oo sige abangan natin, sabay tayo manood ha? Para libre ako sa pamasahe… yes, yes, yow!
PIKAKE: Yes, yes, yow ka dyan! Mag-isa ka!
CEZANNE: Naman e…
PIKAKE: Sige na nga, kiss muna!?
CEZANNE: Wag na lang, sa tv na lang ako manonood!
PIKAKE: Joke lang ‘yon, eto naman hindi na mabiro.
PINAKBOY: Hmm… Hmm… Hindi pa nga ako tapos e!
LAHAT: Sige tuloy!
PINAKBOY: Nalaman kasi ng mahal kong asawa na dito sa Sandwich Islands kapag may nakilala siyang
mga kapwa Pilipino ay kadalasang ilokano o bisaya ang mga ito. Kaya wikang Filipino ang sinasalita niya.
MIULANG: Hanga na ako sa asawa mo!
PINAKBOY: Salamat! Pero mananatili siyang asawa ko, walang sulutan ha? Kasi mas bata ka baka patulan
ka niya.
MIULANG: Sinabi mo pa! Pero hindi ko magagawa ‘yon, ang sagwa!
PINAKBOY: Haay! Nakakagutom!
GLEN: Nabanggit mo ang pagkain, karamihang tao dito sa Sandwich Islands ay alam ang lutong ilokano
dahil sa mga maliliit na restorans ng mga ilokano ngunit hindi pa nila alam ang tunay na lutong Pilipino.
PINAKBOY: Sana matikman rin nila ‘yong mga luto natin, di ba?
GLEN: Mas maganda! Alam n’yo bang kumain ako noong nakaraan sa Golden Coin Restaurant dito sa
Hawaii, tinulad sa Goldilocks Bakery and Restaurants. Masarap ang mga pagkain pero may pagkakaiba
pa rin kung pagkukumparahin.
PINAKBOY: Lalo mo akong ginugutom!
LAHAT: Gutom na rin kami!
PINAKBOY: Sarap ding magpalamig noh?
LAHAT: Saan naman?
PINAKBOY: Sa mall ang naiisip ko, noong nandun pa kasi kami ng asawa ko sa Pilipinas ay madalas
kaming pumunta sa SM, Gateway, Robinson at minsan sa Shang-rila.
LAHAT: Talaga???
MIULANG: Wala ka na bang maikwento, puro na lang sa asawa mo?
PINAKBOY: Galit ka?
MIULANG: Hindi, nagtatanong lang naman. (MAHINAHON)
GLEN: Wala rin namang halos ipinagkaiba, dito sa Sandwich Islands may mga mall din, nandyan ang Ala
Moana, Pearlridge at Kahala Malls.
PINAKBOY: Kung sabagay, ayos na rin. Mayaya nga si sweetheart magmall mamaya.
CEZANNE: Idea lang ‘yan ng maraming pera!
PINAKBOY: Eh di mag-iipon!
CEZANNE: Akala ko ba ngayon ka magyaya para mag-mall?
PINAKBOY: I changed my mind!
CEZANNE: Akala ko ba tatlo o higit pa ang pinagtatrabahuhan mo?
PINAKBOY: Mismo! Oo! Alam mo namang wala para sa akin ang pagsasakripipisyong tulad no’n at lagi pa
akong nagpapadala sa mga kamag-anak ko sa Pilipinas.
CEZANNE: Oo nga noh
PINAKBOY: Kaya nga dakilang lugar ang Sandwich Islands para tirhan kahit medyo mahal mamuhay dito
ay masaya naman!
CEZANNE: Oo naman!
GLEN: Aba! Ako naman ang magkukwento. Walang kokontra, walang aangal. Ang umangal….
LAHAT: Eh ano?
GLEN: Wala lang! Kasi dati nakatira pa ako sa San Francisco. Marami nang Jollibee Filipino fast-food
restaurants doon, nagulat nga ako dahil napasok na pala ng bubuyog na happy ang Sandwich Islands at
pati Filipino Channel meron na rin . Natutuwa rin ako na mga ilokano ang nakararami dito sa Islands of
Aloha.
MIULANG: Islands of Aloha?
GLEN: Tawag din ‘yan sa Hawaii, minsan pa nga State of Aloha.
MIULANG: Aba! Aba! Aba! Daming alam nitong Hawaiian na si Glen Kanaohi! GLEN: Hoy! Hindi lang ako
Hawaiian, Pilipino rin ako!
MIULANG: Okay! Pilipino rin pala!
GLEN: Tuloy nawala na ako! Ah! Nakararami nga ang mga ilokano, natatandaan ko pa nga ‘yung mga
kaibigan ng girlfriend ko mga ilokano. Pero kahit puro ilokano sila ay hindi niya nakakalimutan ang
tagalog at marunong pa rin siyang magbisaya. Natutunan niya rin mag-ilokano dahil sa kanila. MIULANG:
Nagbabakasyon ka rin sa Pilipinas?
GLEN: Aba! Oo naman! Maayos na rin ang mga highways at natatanaw din ang naglalakihang shopping
malls na parang nagpapakilala na mayaman pa rin ang Pilipinas.
MIULANG: Kung tunay ka ngang Pilipino, pwes sagutin mo ito! Si Marcos ba ay kapampangan, bisaya o
ilokano?
GLEN: Ha? Ang dali naman!
LAHAT: Yabang! MIULANG: Ano sagot?
GLEN: Ewan? Malay ko kay Marcos?
LAHAT: Hindi pala alam! PIKAKE: Teka, teka, teka! Ako ang nakakaalam kasi nandito na ako nang
nabalitaan kong umiskapo si Pangulong Marcos sa Pilipinas at dito sa Sandwich Islands nagtago ang lolo
mo. Saan ba naman siya pupunta e di sa tinitirhan ng kapwa ilokano niya! Samakatuwid, siya’y isang
loko-loko, este ilokano pala.
MIULANG: Alam mo na ngayon? “
GLEN: Now I know!
DOC: Teka lang, duda talaga ako sa’yo kung Pilipino ka rin.
GLEN: Pagdudahan daw ba?
DOC: Dito ka sa Sandwich Islands lumaki?
GLEN: Oo!
DOC: Bumibisita ka lang sa Pilipinas?
GLEN: Oo!
DOC: E di hindi ka Pilipino?
GLEN: Eto na sinasabi ko eh, pagdudahan na lahat ‘wag lang ako. Ano gusto mong gawin ko para
mapatunayan ko?
DOC: Ahmm….
GLEN: Gusto mo kantahin ko ng mala-Victor Wood o Eddie Perigrina ‘yung Lupang Hinirang na
Pambansang Awit natin?
DOC: Baka mapahiya ka lang?
GLEN: Pwes! Manood ka’t makinig, in english watch and learn este listen pala. (KAKANTA) Bayang
magiliw Perlas ng silanganan Alab ng puso sa dibdib mo’y buhay Lupang Hinirang, duyan ka ng magiting
Sa manlulupig, di ka pasisiil….
PIKAKE: Mahusay! Kahit huwag mo ng ituloy dahil napatunayan mo ng Pilipino ka talaga. Ayos, mala-
Victor Wood ang dating.
GLEN: Salamat! Salamat! Ano Doc, hanga ka no? Naniniwala ka na?
DOC: I’m not convinced! Kung masasabi mo kung sino ang sumulat n’yan maaaring Pilipino ka nga.
GLEN: Aba! Ang dali-dali, si Julian Felipe ang sumulat niyan!
DOC: Tama! Ngayon masasabi kong Pilipino ka rin.
GLEN: Pahiya kunti, bukas bawi!
LAHAT: Hahahaha…. (MAGTATAWANAN LAHAT MALIBAN KAY CEZANNE AT DOC)
DOC: Pahiya ka dyan!
PINAKBOY: (MAPAPANSIN NI PINAKBOY NA TAHIMIK AT TULALA SI CEZANNE) Cezanne! Galaw-galaw
baka ma-stroke!
MIULANG: (SUSUNDAN ANG PANG-AASAR NI PINAKBOY) Oo nga galaw-galaw baka ma-stroke, nagbreak
kayo ng boyfriend mo noh?
CEZANNE: Kapal nitong Miulang na ‘to! Mula pagkabata daw nandito na sa Hawaii pero ‘nung kelan lang
hindi makanta-kanta ang state song.
MIULANG: Aba! Aba! Aba! Hinahamon ako, nag-voice lesson na ata ako. Ibahin mo ako ngayon. Dati ang
alam ko lang ay ang Lupang Hinirang na kahit nandito na ako sa Hawaii, ‘yon ang itinuro sa akin ng
magulang ko. Ngayon sisiw na sa akin ang Hawai’i Pono’i, gusto mo mala-Raymond Kane pa e?
CEZANNE: Raymond Kane?
MIULANG: Wala ka na ‘don, idol ko ‘yon!
CEZANNE: Tama na satsat, nagmamayabang baka ‘di naman kaya?
MIULANG: Okay! Makinig kang mabuti dahil baka ma-inlove ka sa boses ko!
CEZANNE: (MAGSASALITA SANA NG “KAPAL” PERO MAPIPIGILAN NI MIULANG) Kap….
MIULANG: (IDADAMPI ANG HINTUTURO SA LABI NI CEZANNE) Oops! Wag na mag-react! Sisimulan ko
nang kantahin ang Hawai’i Pono’i na isinulat noong 1874 ni King David Kalākaua at nilapatan ng musika
ni Captain Henri Berger.

(KAKANTA)

Hawai‘i pono‘ī
Nānā i kou mō‘ī
Ka lani Ali‘i,
Ke Ali‘i

Hawai‘i's own true sons


Be loyal to your chief
Your country's liege and lord
The chief

Hui:
Makua lani ē
Kamehameha ē
Nā kaua e pale
Me ka ihe

Chorus:
Father above us all
Kamehameha
We shall defend in war
With spears

PINAKBOY: Galing mo dude! Mabuhay ka!


MULANG: (SISIGAW) Mabuhay ako! I’m a proud Filipino-American citizen dito sa Hawaii!
CEZANNE: Parang senior citizen lang kung umasta!
PINAKBOY: Umiinit ata ulo natin Cezanne ha? Yelo gusto mo?
CEZANNE: He! Tumahimik ka Pinakboy, pangalan pa lang pinagsamang pinakbet at baboy.
LAHAT: (TAWANAN) Hahahaha….
PINAKBOY: Oohh! Ms. Beautiful, kahit tunog Pinoy ang pangalan ko, ipinagmamalaki ko rin na Filipino-
American citizen din ako dito sa Hawaii.
CEZANNE: Owws!
PINAKBOY: Baka gusto mo, ako naman ang kumanta? Baka matanggal ang sungit mo kapag marinig mo
golden voice ko?
CEZANNE: Isa ring mayabang!
PINAKBOY: Hindi ako mayabang, Pilipino ako kaya hindi ako ganun. Sabi nga ni idol Mike Enriquez,
pawang katotohanan lamang, walang kasinungalingan, hindi kita tatantanan!
CEZANNE: Ewan! May nalalaman ka pang ganyan!
PINAKBOY: Hawai’i Aloha o kung tawagin ng iba dito sa Sandwich Islands ay Ku’u One Hanaui na
kinakanta ng mga katutubong Hawaiian pati na rin ang mga nakatira dito. Pagkakaalam ko isinulat ito ni
Lorenzo Lyon na isang Christian minister. Eto na, umpisahan ko na para mawala init ng ulo ng isa dyan.
Mala-Bobby Moderow itong style ko.
CEZANNE: Bobby Moderow ka pang nalalaman!
PINAKBOY: Tahimik na!

(KAKANTA)

E Hawai‘i e ku‘u one hānau e


Ku‘u home kulaīwi nei
‘Oli nō au i nā pono lani e
E Hawai‘i, aloha ē

O Hawai‘i, O sands of my birth


My native home
I rejoice in the blessings of heaven
O Hawai‘i, aloha.

Hui:
E hau‘oli nā ‘ōpio o Hawai‘i nei
‘Oli ē! ‘Oli ē!
Mai nā aheahe makani e pā mai nei
Mau ke aloha, no Hawai‘i
Chorus:
Happy youth of Hawai‘i
Rejoice! Rejoice!
Gentle breezes blow
Love always for Hawai‘i.

LAHAT: (MALIBAN KAY CEZANNE) Pang-Pinoy Pop Superstar ang boses, walastik!
PINAKBOY: Anong masasabi mo sa akin Cezanne?
CEZANNE: (MAHINAHON AT HINDI NA PAGALIT) Oo na, magaling ka kumanta pati na rin si Miulang.
PINAKBOY: Dahil dyan, salamat!
MIULANG: Thank you very much also!
PIKAKE: Bakit ba kasi mainit ang ulo mo?
CEZANNE: Hindi pa kasi ako nakakapagkwento e! Kanina pa, lagi na lang sila.
LAHAT: Kaya pala!
CEZANNE: Hayan! Magkukwento na ‘ko! Naniniwala talaga ako na masisipag magtrabaho ang mga
Pilipino dito sa Hawaii.
LAHAT: Talaga?!
CEZANNE: Oo naman! Ang dad ko ay Pilipino at ang mom ko ay Hawaiiborn Filipina. Kinikilig nga ako sa
love life nila kasi ayaw ng nanay ni mom o ni lola kay dad kasi mambobola lang daw. Kaya ‘yun nagtanan
sila at napilitan silang ipakasal dito sa Hawaii, mahal na mahal kasi nila ang isa’t isa.
PIKAKE: How sweet naman! DOC: Anong sweet dun Pikake?
PIKAKE: Basta! Sweet ‘n sour gusto mo?
DOC: Ayoko nga!
PIKAKE: Hay! Ang buhay kong si Pikake dito sa Sandwich Islands, bilang isang sakada, matuwid, masaya
at naging masagana. Totoo nga, “Ua Mau ke Ea o ka ‘Āina i ka Pono”.
GLEN: Aba motto ‘yan dito sa Sandwich Islands ha! In english, “ The Life of the Land is Perpetuated in
righteousness.”
LAHAT: Correct! PINAKBOY: Hep! Hep! Hep! ‘Di ata patatalo ang motto ng ating lupang pinagmulan,
“Maka-Diyos, Makatao, Makakalikasan at Makabansa, parang tayo!
LAHAT: Tama ka dyan, walang mintis, sakto! MIULANG: Sa ingles, “For the Love of God, People, Nature
and Country.”
LAHAT: Mahusay!
MIULANG: Parang tayo nga, naninirahan dito sa Hawaii pero pusong Pilipino pa rin tayo dahil
lumililingon pa rin tayo sa bansang ating pinagmulan.
PIKAKE: Tama ka dyan Miulang! Kahit maituturing na natin na “Hawaiian Land in Asian Hands,” Hindi pa
rin natin dapat kalimutan ang ating Pambansang Bayaning si Dr. Jose Rizal!
Ang Mga Pilipino sa Sandwich Islands ni Romeo P. Peña
(Panimulang Pagsusuri ni Mayluck A. Malaga)
“Sandwich Islands” o “State of Aloha,” malimit na inuugnay sa naggagandahang
beaches, maririkit na dilag at siyempre sa mas kilalang tawag – Hawaii.
Ang dulang may isang yugto na pinamagatang “Ang mga Pilipino sa Sandwich
Islands” ay nagpapakita ng magandang relasyon ng mga Pilipino sa ibang nasyon,
partikular ng Pilipinas at Hawaii. Nagsimula ang kuwento sa paguugnay ng nakaraan sa
kasalukuyan na ipinakita sa pakikipagsapalaran ni Pikake isa sa mga sakada na
dumating sa Hawaii noong 1906 na bumalik sa kasalukuyang panahon. Kasabay ng
kanyang pagbabalik ay baon niya ang mga alaala ng nakalipas na kanyang inilahad sa
dula.
Mapapansin na umikot ang dula sa mga bagay-bagay tungkol sa Hawaii at
maging sa Pilipinas dahil ang mga tauhan sa kuwento ay mga Pilipinong naninirahan sa
Hawaii. Isinalaysay ang kasaysayan, kultura ng Hawaii na hindi maihihiwalay sa
kasaysayan at kulturang Pilipino. Pati ang tungkol sa politika, edukasyon, ekonomiya ay
tinalakay rin.
Magpatawa, manlibang at manghikayat ang pangunahing layunin ng dula
habang ipinasisilip sa mga manonood ang buhay ng mga Pilipinong naninirahan sa
Hawaii.
Kaiba sa tradisyonal na paraan ng pagsulat ng panitikan ang estilong ginamit sa
dula, “conversational” ang daloy ng pananalitang ginamit, kaya magaan at madaling
maintindihan ng manonood. Hinaluan din ito ng musika o mga tugtuging kilala pa rin
hanggang sa kasalukuyan upang magbigay sigla sa dula, pati ang kilos at pananalita ng
mga tauhan ay kakikitaan din ng katatawanan na nagpasigla sa paglalahad ng dula.
Gumamit ang may-akda ng higit sa isang wika (wikang Filipino, Ingles, wika sa
Hawaii) para mas lalong maging epektibo at kapani-paniwalang nasa Hawaii mismo ang
atmosperang hatid ng dula sa manonood.
Masasabing ang dulang ito ay magiging daan upang mas maunawaan at
mapahalagahan ng mga manonood hindi lamang ang kultura ng Hawaii pati na rin ang
kultura ng Pilipinas at mapagtibay ang pundasyon ng ating gunita sa pinagmulan ng
ating bayan. At higit na maipagmalaki ang pagka-Pilipino.
Mga Gabay na Tanong sa Dula ni Romeo P. Peña:
1. Sa ano-anong katangian nagkakatulad at nagkakaiba ang Hawaii sa Pilipinas?
2. Bakit mahalaga na hindi makalimutan ang nakaraan o ang pinamulang lugar ng isang
tao katulad ng inilahad ng mga pangunahing tauhan sa dula?
3. Nagtagumpay ba ang may-akda na ihatid ang mensaheng nais niyang iparating sa
mambabasa? Sa paanong paraan?
4. Ano ang kahalagahan ng dulang ito sa tulad mong Pilipino?
5. Bilang isang Pilipino paano mo maipagmamalaki ang iyong lahi?

You might also like