You are on page 1of 25

Kabanata 5

Antolohiya at Kritika ng mga akda


Aralin 1:
Ang Sanaysay
Ano nga ba ang sanaysay?
Ayon sa makatang si Alejandro G. Abadilla ang sanaysay ay hango sa pahayag
na “Pagsasalaysay ng isang sanay” kung saan ito ay kakikitaan ng dalawang sangkap
ang “Salaysay” at “Sanay” – dalawang salita na pinaghanguan ng salitang sanaysay.
Marahil, ito ay bunga na rin ng pagkahilig ng mga Pilipino sa pagsasalaysay bilang
isang anyo ng pagpapahayag, samantalang ang sanay naman na binanggit sa aklat ni
Lilia Antonio, ay maiuugnay sa pagiging sanay ng mananaysay sa paksang tinatalakay,
lalo na, ang paggamit ng kasanayan sa wika at gamit ng wika.
Tinalakay ni Lilia Santiago (2006), malimit na narration sa Ingles ang itinutumbas
natin sa salitang pagsasalaysay, subalit napakalawak kung susuriin ang sakop ng
salitang ito kung isasama o iuugnay sa iba pang uri ng pagpapahayag. Isang
halimbawa nito ang salitang kasaysayan na binigyan ng depinsyong “mga salaysay na
may saysay.” Sa kabilang banda, ang sanaysay ay may paglilinaw ng mga bagay-
bagay, paglalatag ng paninindigan upang humikayat o kumumbinsi sa iba ukol sa isang
punto. Maaaring maglaman ito ng pagsusuri at pagmumuni, pag-uulat at
pagpapaliwanag o pangangaral o sermon.
Ang sanaysay ay isang uri ng akda na nasusulat sa anyong tuluyan na
karaniwang pumapaksa tungkol sa mga kaisipan at mga bagay-bagay na sadyang
kinapupulutan ng aral at aliw ng mga mambabasa. Komposisyon itong taglay ang tatak
ng panlasa at hilig, reaksyon at palagay, saloobin at paniniwala, kalagayan at katauhan,
karanasan at kaalaman ng bawat may-akda (Arrogante, 2007).
Taliwas ang depinisyon ni Abadilla sa isang naunang tradisyon ng essay, na
siyang madalas na itinutumbas natin sa sanaysay. Sa tradisyong Europeo, na
pinagmulan ng anyo ng pagsulat ng essay, pagtatangka o attempts o eksplorasyon ang
unang naging ibig sabihin nito. Ayon ito sa French writer ng 1500s na si Montaigne na
gumamit ng katagang “Essais” bilang pamagat ng kanyang mga sulatin tungkol sa mga
personal at trivial na danas sa bias ng impormal na wika at asta (Santiago, 2006).
Dagdag pa niya, si Francis Bacon, manunulat sa Ingles ang nagpasimuno sa
mapanuring pagmumuni, analitikal, pilosopikal at impersonal na gamit ng essay.
Magmula kay Bacon, magagamit ang essay upang magpamansag ng malalim na
kabatiran, palaisipan at katuturan ng pag-iral. Kaya, sumulat ng mga pormal/impersonal
na essay ang mga makatang John Milton at Alexander Pope. Sa Amerika, nakilala
bilang bihasang essayist sina Oliver Wendell Homes, Ralph Waldo Emerson, si Samuel
Clemens o Mark Twain, na nagpatampok sa political satire bilang instrumento upang
labanan ang imperyalistang pananakop ng Estados Unidos sa Pilipinas. Sa dekada 60
naman nakilala si Susan Sontag bilang essayist na nagpanukala ng kakaibang pagsipat
sa sining sa kanyang akdang Against Interpretation (1964).

Mga Uri ng Sanaysay


May dalawang uri ang sanaysay:
Ang sanaysay na pormal o maanyo ay sanaysay na tinatawag din na impersonal
kung ito'y maimpormasyon. Naghahatid ng mahahalagang kaisipan o kaalaman sa
pamamagitan ng makaagham at lohikal na pagsasaayos ng mga materyales tungo sa
ikalilinaw ng pinakapiling paksang tinatalakay. Maayos rin ito kung tingnan sapagkat
ito'y talagang pinag-aaralan. Maingat na pinili ang pananalita kaya mabigat basahin.
Pampanitikan kasi kaya makahulugan, matalinghaga at matayutay. Mapitagan ang tono
dahil bukod sa ikatlong panauhan ang pananaw ay obhetibo o di kumikiling sa
damdamin ng may-akda. Ang tono nito ay seryoso, pang-intelektuwal at walang halong
pagbibiro.
Ang sanaysay na pamilyar o palagayan ay sanaysay na mapangaliw,
nagbibigay-lugod sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga paksaing karaniwan, pang
araw-araw at personal. Idinidiin nito dito ang mga bagay-bagay, mga karanasan at mga
isyung bukod sa kababakasan ng personalidad ng may-akda ay maaaring kasangkutan
ng mambabasang midya. Ang pananalita ay parang usapan lamang ng magkakaibigan
kaya magaan at madaling maintindihan. Palakaibigan ang tono nito kaya pamilyar ang
tono dahil ang paunahang gamit ay unang panauhan. Subhetibo ito sapagkat
pumapanig sa damdamin at paniniwala ng may akda.
Sa websayt naman ng Purdue University na nasa Estados Unidos, inuri sa apat
ang pagsulat ng sanaysay:
1. Sanaysay na naglalahad – isang uri ng sanaysay na nangangailangan ng
pagsusuri sa ideya, pagtataya ng mga patunay, pagpapalawak ng kaisipan at
pagtakda ng pangangatwiran ukol sa ideya o kaisipan sa malinaw at tiyak na
paraan. Ito ay ginagamitan ng paghahambing at pagkokontras, paglalahad,
pagbibigay ng halimbawa, pag-aanalisa ng sanhi at bunga at iba pa.
2. Sanaysay na naglalarawan – sanaysay na ginagamit sa paglalarawan ng isang
tao, bagay, lugar, pangyayari, damdamin, sitwasyon at iba pa. Ito ay uri ng
sanaysay na humihimok sa kakayahan ng mga magaaral na sumulat batay sa
partikular na karanasan. Higit pa rito, hinahayaang ang mga manunulat na
gamitin ang kalayaan sa paglikha. Layunin nitong magkintal ng imahen sa isip ng
mga mambabasa.
3. Maaaring isipin na ito ay isang uri ng pagkukuwento, ang ganitong uri ng
sanaysay ay malimit na gumagamit ng anekdota, karanasan at may
pagkapersonal – hinahayaan nitong ang mga mag-aaral na ihayag ang kanilang
saloobin gamit ang pagiging malikhain.
4. Sanaysay na nangangatwiran – isang uri ng sanaysay na matamang nagsusuri
sa isang paksa, nangongolekta ng datos, nakalilikha at nakapagsusuri ng mga
ebidensya at nakapagpapatibay ng tindig o panig ng isang paksa sa tiyak na
paraan sa pagbuo ng argumento o pangangatwiran.
Katangian ng Mahusay na Sanaysay
Ang isang mahusay na sanaysay ay may mga sumusunod na katangian
(Santiago, 2006):
1. Kailangang may mahusay na ideya. Ang ideya pa rin ang nagdadala ng
sanaysay. Kahit napakapino ng wika, kahit napakabongga ng estilo kung
hungkag ang ideya, hindi pa rin magiging mahusay ang sanaysay
2. Kailangang masinop at organisado. Dito magagamit ang mga kasangkapang
panretorika sa paghahayag. Matapos matiyak ang sentral na ideya, piliin din
ang sentral na layon at paraan ng pagpapalawig ng ideya. Ang pagsinop ay
nangangailangan ng disiplina. Piliin lamang yaong mga ideya na isasangkot
sa talakay at iwasan ang pagpapahayag sa kung saan-saang paksain at
pagkakaroon ng maraming pag-iiba ng tuon ng sanaysay. Gayundin, mainam
kung manatili sa isa o dalawang paraan ng paghahayag ng mga ideya.
3. Litaw ang sariling tinig. Isang napakahirap na hamon ito pero ang totoo, sa
sanaysay nasusubok kung mayroon ngang sariling estilo o tinig ang isang
manunulat.
4. Dapat may sariwang pagtingin o perspektibang inihaharap. Iba na ang
sariwa. hindi kinakailangang bago kundi sariwa. Tulad ng isda, makikilatis
ang sariwa sa bilasa at kahit paulit-ulit na tinatalakay ang ideya kung may
panibagong pagtingin o perspektiba mas katakamtakam ito.
5. Maging bukas sa mga pagbabago o puna. Ang kahingiang ito ay isang tatak
ng pagiging mahusay na manunulat. Bigotry ang tawag doon sa ayaw
tumanggap ng puna at posibilidad ng pagbabago sa pagtingin man o sa
sinisiyasat at inihaharap na sanaysay.

Ito’y malalagom gamit ang katagang MASIGABU, na tulad ng masigabo ang


palakpak sa isang sanaysay kung ito ay (Santiago, 2006):
MA May mahusay at sariwang ideya
SI Masinop ang organisasyon at pagkakalahad.
GA Gamit ang sariling estilo at tinig.
BU Bukas sa mga posibilidad ng pagbabago.
Sa aklat naman ni Arrogante (2007), nagbigay rin siya ng mga katangiang
dapat taglayin ng isang mananaysay. Ito ay ang mga sumusunod:
 mabilis ang utak
 sensitibo sa kapaligiran
 may laging tugon at hinuha sa interes ng buhay, ng tao, at ng mga bagay-
bagay
 may kakayahang manuklas ng mga bagay-bagay na hindi nakikita ang
panlabas lamang
 malikhain at orihinal sa isip
 may mapiling panlasa
 may kalugurang mapagkakatiwalaan
 may kabatiran sa mga kaalamang makabago hinggil sa makataong
kapakanan
 pamilyar sa mga mabubuting panitikan at iba pang sining.
Mga Halimbawa at Panimulang Pagsusuri ng Sanaysay

TULA: KAISAHAN NG KALAMNAN AT KAANYUAN


Alejandro G. Abadilla
ANG SANAYSAY, o makurong lathalain, ng kasamang Iñigo Ed Regalado, sana
ay nagbunga ng pagkikibit na lamang ng balikat (na madalas kong ginagawa mula sa
kamakailan) kundi sa ilang katangiang hindi bihirang taglayin ng isang karaniwang
lathalain, sanaysay, o anumang babasahing pampanitikan. Samakatuwid, mahihinuha
ninyo agad, hindi pa man na hindi ko tangkang sumagot sa kasamang Regalado, ni
makipagtalo kaya sa kanya sa isang paksang mandin ay siya ang may karapatang
sumarili (maliban kung ang kasamang Amado V. Hernandez na katulad din niyang
Makata ng Pamahalaan at lawriyado ay makihati sa kanya).
Datapwa, sa kabila ng kamalayang iyan, na maaga pa’y nais ko nang matalos
ninyo, ay hindi ko rin napaglabanan ang tukso, wika nga, at ito’y upang masabi ko
lamang naman marahil sa inyo ang mahalagang katotohanang tao lamang ako at isang
taong nabubuhay sa ilalim ng di-pangkaraniwang kalagayang dulot sa atin ng digmaan
sa bahaging ito ng daigdig. Ngayon pa’y inyo nang makukuro, sa gayon, na ang
paglabas kong ito (kung palabas nga) sa mapanganib na larangan ay dulot hindi ng
likas na sarili kundi manapa’y bunga ng di-pangkaraniwang kalagayan ng panahong
ginagalawan nating lahat.
Isa sa ilang katangiang nakatawag ng aking pansin ay ang mahalagang pahayag
ng kasamang Regalado na diumano, sa kanyang pakiwari ang puntahin ngayon ng
itinuturing na mga makabago ay ibagsak at lansaging ganap ang katutubong balangkas
ng Tulang Tagalog at palitan ng balangkas ng Tulang Inggles na hatid at naiwan sa atin
ng mga Amerikano. Sa di iilang pagkakataon, ang balangkas na tinutukoy at sinasabing
katutubo ay ang tugma at sukat, na mandin kung wala ang mga ito ang isang akda ay
hindi matatawag na tula sang-ayon sa wastong pagkilala ng sining.
Ang palagay ng kasamang Regalado, sa unang malas, di maikakait ay hindi
matututulan, sapagkat ako man naman ay naniniwalang panahon nila ito upang
makilala natin ang sarili at mga katangiang katutubo nating mga Pilipino. Subalit ang
paratang niyang diumano’y hangad ng mga makabagong lansaging ganap ang
katutubong balangkas ng Tulang Tagalog ay hindi ganap na totoo, kung totoo mang
masasabi.
Hindi totoo, ang wika ko: una, sapagkat ang sinasabing katutubong balangkas sa
bisa ng tugma at sukat ay hindi sarili ng Tulang Tagalog kundi ng lahat ng panulaan sa
daigdig. Kung tunay na ang mga makabago, sa kanilang kalayaan ay walang hangad
kundi lansagin ang katutubong balangkas ng panulaang pandaigdig, ay ano’t ang mga
makabago lamang ng panulaang Tagalog ang siyang pananagutin sa pagkakasala,
kung pagkakasala nga? Ang kapinsalaan, ng sinasabing pagkakasala, ay pandaigdig:
bakit ang mga makabagong makatang Tagalog lamang ang ibig panagutin? Kung ang
kabuuan ng mga mambabasa ay hukuman, ang hukumang ibig pahatulin ng kasamang
Regalado, sa malas ko’y walang kapangyarihang makapaglitis, kaya walang karapatang
makahatol, sapagkat maliwanag na lumalabas na ang usalin ay malaki kaysa larangan
ng kapangyarihan ng hukuman. Ikalawa: sapagkat ang sinasabing katutubong
balangkas ng Tulang Tagalog, sa bisa ng tugma at sukat, ay hindi kabuuan ng mga
katutubong balangkas ng Tulang Tagalog at ito’y sa katotohanang ang panulaan natin,
ayon sa patotoo ng mga mananalaysay, ay mayroon ding malayang taludturan na siya
ngayong kinagigiliwang gawin ng mga makabago. Kung ang ikalawang matuwid na ito
ay totoo, ay ano’t masasabing ganap na paglansag ang ginagawang pagbuhay lamang
sa mga katangiang katutubo ng ating panulaan.
Hindi nagkakamali ang kasamang Regalado nang siya na rin ang magsabing
“ako’y sadyang naniniwala na ang kabaguhan ay isang bagay na di maiiwasan sa
mabilis na takbo ng pagkasulong.” Kung ang malayang taludturan ay maipalalagay na
kabaguhan sa tulang Tagalog, ayon na rin sa pagtanggap ng kasamang Regalado, at
siya naman ay naniniwala na iyan ay isang bagay na hindi maiiwasan, ay ano pa kaya
ang pagtatalunan sa bagay na ito? Hindi kaya maliwanag na hindi paglansag ni
pagwasak sa katutubong balangkas ang ginagawa ng mga makabago, lalo pa nga kung
isasaalangalang ang katotohanang iyan man naman palang sinasabing malayang
taludturan ay hindi na rin bago at bahagi pa nga ng katutubong balangkas ng Tulang
Tagalog.
TANGGAPIN NAMAN natin, alang-alang man lamang sa usapan, na ang
ginagawa ng mga makabago ay pagwawasak nga ng katutubong balangkas ng ating
panulaan, at ang tinurang pagwawasak ay isinasakatuparan sa pamamagitan ng pag-
iwas sa tugma at sukat. Subalit nais ko namang sabihin sa inyo, na ang pagwawasak
na ito ng mga makabago ay makabuluhan, kaya mapaglikha at sapagkat mapaglikha,
kaya dakilang pagwawasak.
Ang balangkas, ang pamamaraan, o ang kaanyuan, kung baga sa tao, ay damit
lamang ng tula. Ano kaya ang masama sa isang taong nagbabagongbihis lamang sa
kanyang kapamuhayan? Ang pagbabagong-bihis sa malas ko, ay kailangan: una
pagbagay marahil sa sumisibol niyang kamalayan; at ikalawa, pagkatakot marahil
mangamoy ang katawan na maaaring likhain ng basahan na niyang damit na
nagpuputik na sa dumi. At ang damit, sa kaisipan ng isang taong umuunlad, kahit
gaano kamahal o kaganda ay nawawalan ng bisa sa mata ng ibang nagmamalas kung
iyon at iyon din ang nakikitang isinusuot araw-araw. At ang makata, palibhasa’y tao, ay
hindi makaiwas sa di-maiwasang katotohanang iyan sa kanyang buhay at
pakikipamuhay. Di natangi sa ibang kaguro, ang makabagong Makatang Tagalog, ay
ganyang isang nilikhang tumatangging maiwan ng panahon, isang kaluluwang aayaw
mangamoy dahil sa iyon at iyon ding damit na naluma na sa katawan.
Sa katotohanan, ang mga makabago ay wala namang ginagawang
katampalasanan sa sarili sa pagsusuot ng bagong damit. Ang ginagawa lang naman ng
mga makabago ay halinhan ang luma at marumi na, sa hangad marahil na ito ay
palabhan lamang at hindi upang wasakin o ilagay kaya sa basurahan. Hindi nga kaya
ganyan lamang ang dapat gawin ng isang may sumisibol na pag-iisip―magbago? Hindi
kaya ang pagbabagong ganito, kung pagwawasak ay makabuluhang pagwawasak? At
sapagkat makabuluhan, kaya mapaglikha at dakilang pagwawasak.
Ang isa pang bagay na nais kong ipatlig sa inyo ay ito: na pagwawasak man ang
pag-iwas sa sukat at tugma sa pagtula ay pagwawasak na mabuti sapagkat may
bagong balangkas na ibig itayo. Ang isang tunay na mamamayan ng daigdig ay may
katwirang huwag masiyahang mamahay sa luma’t sira-sira na niyang kubo kung may
kaya rin lamang siyang makapagtayo ng ibang naiiba at nababago. Ano ang masama
kung pagkatapos maigiba ang giring-giring na niyang kubong pawid at kawayan ay
makapagtayo siya ng isang bahay na kongkreto at maaliwalas pang pamahayan? Ano,
sa malas ninyo, hindi kaya mabuting di palak ang ganitong pagwawasak kaysa
pagbubuong walang kapara-pararakan, sapagkat walang binubuo kundi ang buo na?
Hindi ako salungat sa damdaming makalahi subalit nakalulungkot makitang ito’y
ginagawang luhuran lamang ng ibang tumatangging magpakilala ng kanyang matatag
na katauhan sa pagharap sa buhay.
SA AKING PAKIWARI, ang balangkas o pamamaraan sa tula ay hindi mahalaga.
Sa papatayin mang hayop, ang mahalaga ay ang kalamnan, at ito sa tula ay ang
damdaming matulain – yaong damdaming may hubog, may kulay at may tinig.
Datapwa’t higit sa damdamin ay ang makata sa kanyang sarili niyang kakanyahan na
iba sa lalong malapit niyang katulad. Ang makata, sa kanyang sarili, ay nag-iisang
batayan, nag-iisang balangkas at nag-iisang pamamaraan ng paglikha. At sa mga
sandaling siya’y nasa ilalim ng kapangyarihan ng damdaming ayaw nang magpatantan,
ang makata, ang tunay na makata ay may ganap na kalayaan sa pagpili ng mga
balangkas at pamamaraang naaangkop sa pagsasakatuparan ng lunggati sa
pagpapahayag. Sa ang maibigan man niya sa mga sandaling yaon ng paglikha ay ang
luma o bagong pamamaraan bilang kasangkapan, ito’y hindi gaanong mahalaga . Sapat
na sa kanya ang damdaming nag-uumapaw sa puso at di masayod na damdamin sa
kaluluwa upang sa pamamagitan niya, ng sariling di hawa sa iba, ay makalikha
pagkatapos ng isang munting tula, isang tulang iba kaysa kapangalang nalikha sa bisa
ng mababaw na kapormalan ng kombensiyon.
Hindi kailangang hadlangan ang makata sa kalayaang dapat lubusang
pagpasasaan. Kung ang damdamin ng makata, samantalang hindi pa naibubulalas, ay
mayroon ng sukat at tugma, ay ano ang makahahadlang sa kanya upang ibulalas na
may sukat at patugma? Datapwa, kung ang damdaming iyang nasa makata ay lalong
mabuting pahayag, sa ngalan ng guniguni, sa pamamagitan ng pag-iwas sa sukat at
tugma ng pinagkagawiang pagtula, ay ano ang makahahadlang sa kanya upang siya’y
magpahayag ng damdamin sa pamamagitan ng malayang taludturan?
Diyan ay maliwanag na ang tula ay wala sa pagkakaroon ng sukat at tugma, at
wala rin sa pag-abuso ng kakawag-kawag na damdamin sa kalayaan ng
pagpapahayag. Ang tugma at sukat ay hindi garantiya sa mabuting tula, at ang
pagbakli-bakli ng mga taludtod ay hindi rin katibayan ng mabuting malayang taludturan.
Ang tula ay tula sa anumang sukat ang ginagamit ng diumano’y makabago o
makaluma.
Bago ako magwakas ay nais ko pa ring sabihin sa inyo na ang daloy o ritmo, sa
tula ay siyang mahalaga – hindi yaong daloy na panlabas kundi yaong daloy na
panloob. At ang daloy na panloob ay ang pagkakaisa at natural na pagkakasundo ng
kulay, tinig at hubog ng damdamin ng makata, sa isang dako, at ng mga salita bilang
sangkap o mabisang sangkap sa pagpapahayag ng kagandahan sa kabila tungo sa
ikapagkakahulugan nito sa damdamin ng mambabasa.
Tula: Kaisahan ng Kalamnan at Kaanyuan
ni Alejandro G. Abadilla
(Panimulang Pagsusuri ni Jomar G. Adaya)
Mapagbuong Pagwasak

Ang sanaysay na ito ni Alejandro G. Abadilla ay lumabas sa Liwayway noong


Hulyo 8, 1944 bilang tugon sa panunuri ni Iñigo Ed Regalado. Kilala si Abadilla bilang
modernista ng panulaan sa kanyang panahon kaya masisilayan sa sanaysay ang
pinanananigan niyang ideya sa pagsulat ng tula. Ang layunin niya’y magkaroon ng
kalayaan ang makata sa pagpili ng balangkas at paraan sa pagtula na nang mga
panahong iyon ay hindi maunawaan ng mga manunulat na itinuturing na haligi ng
panitikang Tagalog. Winika niya:
Ang makata, sa kanyang sarili, ay nag-iisang batayan, nagiisang balangkas at
nag-iisang pamamaraan ng paglikha. At sa mga sandaling siya’y nasa ilalim ng
kapangyarihan ng damdaming ayaw nang magpatantan, ang makata, ang tunay
na makata ay may ganap na kalayaan sa pagpili ng mga balangkas at
pamamaraang naaangkop sa pagsasakatuparan ng lunggati sa
pagpapahayag… Hindi dapat hadlangan ang makata sa kalayaang dapat
lubusang pagpasasaan..
Malinaw sa pahayag ni Abadilla mula sa kanyang sanaysay na ang makata ay
sentral ang ginagampanan sa malayang pagpapahayag ng mga sangkap at balangkas
ng tula. Hindi marapat pigilan ng sinuman, kahit pa ng mga maituturing na muhon ng
panulaan ang pagbabago ng mundo na kailan man ay hindi tumigil sa pag-ikot upang
higit pang matuklasan ang mga kalinangang sarili at pambansa. Ang sanaysay na ito ay
isang testamento ng paghuhugis sa bagong mukha ng panulaan nang panahong iyon at
pagpipinta ng tunay na kahulugan ng modernistang paniniwala ni Alejandro G. Abadilla.
Nilinaw niya na mali ang paniniwala ng mga kritiko na ang makabago ay may layuning
ibagsak at lansaging ganap ang katutubong balangkas ng Tulang Tagalog at palitan ng
Tulang Ingles na mula sa mga Amerikano. Ang tinutukoy na balangkas at katutubo ng
tula ay ang sukat at tugma na siyang batayan ng pagiging tula ng isang tula sa pagkilala
ng sining. Itinuturing noon na sagrado ang pagkakaroon ng sukat at tugma ng tula kaya
walang maaaring bumali lalo pa’t ang establisyamento ng panulaan ay binalangkas ng
mga matatandang makata na sumamba sa sagradong katutubong balangkas.
Ipinaliwanag sa sanaysay na ang pagbabagong hangad ay hindi isang
pagwasak. Ikinumpara ni Abadilla ang usaping ito sa damit na kumakatawan sa
balangkas, pamamaraan o anyo kung saan ang pagbabago ay parang paglalaba ng
damit na luma at marumi na. Hindi nito hangad ang lapastanganin ang damit dahil kung
gayon nga, ang nilalapastangan ng mga makabago ay ang mga sarili rin nila. Kaya
bakit sila gagawa ng bagay na wawasak din sa damit na kanilang inalayan ng panata sa
mahabang panahon? Dagdag pa niya, ang isang mamamayan ay may katwirang huwag
masiyahang tumira sa luma’t sira-sirang kubo kung may kakayahan naman siyang
makabuo ng ibang naiiba at nababago.
Kung gayon, maaari nating sabihing mapagbuo ang pagwasak na ito, kung
pagwasak ngang maituturing. Mapagbuo sapagkat ang hangaring pagbabago ay hindi
upang burahin ang isang balangkas at anyo kundi pintahan ng bagong kulay at himig
tungo sa isang malayang pagpapahayag.
Ang Laman at Anyo
Nais linawin ni Abadilla na ang balangkas o pamamaraan sa tula ay hindi
mahalaga. Sa halip, ang kalamnan nito na tumutukoy sa damdaming matulain, yaong
damdaming may hubog, may kulay at may tinig. Gayundin, ang halaga ng ritmo o daloy
na panloob na kabuuan ng pagkakaisa at pagkakasundo ng kulay, tinig at hubog ng
damdamin ng makata. Hiramin din natin ang pahayag ni Clodualdo Del Mundo sa
pagsusuri niya sa “Ako ang Daigdig” ni Alejandro G. Abadilla:
Ang tunay na tula ay kailangang matigib sa damdamin, kinakailangang
managano sa kabuuan nito sapagkat kung hindi mapupuno sa damdamin,
kailanma’y hindi maaaring mabitag sa mga taludtod nito ang isang kagandahan.
At ang gandang kinakailangang mabihag ng mga taludtod at mga parirala sa
isang tula’y yaong nakapupukaw sa isang banal na damdamin. Iyan ang tunay
na tula: nananagano sa masisidhing damdaming gumigising sa kabanalan ng
isang panimdim.
Ang tinutukoy na damdamin ni Del Mundo ay uusbong sa kapangyarihan sa
pagpapahayag ng isang makata. Sa kanyang sariling sumpa nakasalalay ang matigib
na damdaming mangingibabaw sa isang obra upang tiyak na lumambong sa puso ng
mga mambabasa.
Malaki kung gayon ang papel na ginagampanan ng makata sa pagbuo ng
damdamin at balangkas ng anyo. Tulad ng nabanggit sa bandang unahan, ang makata
ay sentral ang gampanin sapagkat sa kanyang namumukod-tanging kakanyahan,
batayan, balangkas at pamamaraan ng paglikha, bumubukal ang tunay na anyo ng
isang makata. Ang makatang bukas ang kamalayan, maramdamin sa kanyang
mundong ginagalawan at makapangyarihan sa pagpapahayag ng mga kaisipang
kayang damhin ng lahat, subalit hindi kayang ipahayag ng pangkaraniwang tao.
Sa pagniniig ng mga nabanggit, tiyak na matitigib ang laman at makukulayan ang
anyo na magpapasilay sa tunay na kahulugan ng tula sa mundo ng panitikan. Ayon kay
Abadilla “Ang tula ay tula sa harap ng anumang sukat ang ginagamit ng diumano’y
makabago o makaluma.”
Ang Kamao ng Panulat ni AGA
Taong 1940 nang lumabas sa magasin na Liwayway ang tula niyang “Ako ang
Daigdig” na gumimbal sa panulaang Tagalog. Ang tulang iyon ay isang manipesto ng
kanyang paglihis sa tradisyon ng pagtula at pagkilos para sa pagbabanyuhay ng mukha
ng panulaan. Walang takot ang kanyang mga pahiwatig sa pag-alpas sa pagkakatali sa
sukat at tugma. Gayunman, itinuring siya ni Clodualdo Del Mundo na namimilosopiya sa
anyong paberso sa kanyang tula. Isang pilosopo sapagkat hindi niya naipahayag ng
matapat at taimtim ang damdamin na katangian ng isang tula.
Ang paglaban sa sariling mundo ng sining ni Abadilla ay itinuturing niyang sining
ng pagpapatiwakal. Ito’y sa kadahilanang sa pagsuong sa disyerto, dadating ang
panahon ng pag-iisa at mauubos ang katas ng katawan hanggang sa lamunin ng
alikabok at manatili na lamang sa kasaysayan. Ayon kay Virgilio Almario sa kanyang
aklat na Pitong Bundok ng Haraya (2010), napakahirap maging dakila. Uulitin ko ang
wika ni Abadilla, sining ito ng “pagpapatiwakal”; isang “panata” para sa kalayaan para
kay Ka Amado at malimit na sinusukat ang katapatan at konsistensi pagkaraan ng
kamatayan. Kaya higit na dumarating ang mga gantimpala’t parangal kapag siguradong
hindi ka na makapagbabagong-loob (sapagkat patay ka na o ulyanin) para maging
inconsistent.
Hindi matatawaran ang halos 30 taong krusada ni Alejandro G. Abadilla tungo sa
paggiba sa tinatawag niyang “kastilyong-moog ng lumang institusyon” (Almario, 2010).
Subalit nakalulungkot isipin ang katotohanang, ang pagtanggap sa mga kaisipan ng
isang tao ay kinikilala na lamang kapag siya’y patay na. Ang mga naiwan niyang
kasaysayan ay buhay na patunay ng pagsusulong ng kamulatan sa anumang
sistemang umiiral. At ang lahat ng iyan ay makikita sa mga obra niyang bumalangkas at
bumago sa tradisyon ng panulaan.
Sa kabuuan, hindi pagsunod sa tradisyon ang mahihiwatigang tinig ng sanaysay,
kundi pagtatakwil sa sistema ng panulaan na hindi nagbigay ng sapat na kalayaan sa
makata upang lumikha.
Mga Gabay na Tanong sa Sanaysay ni Alejandro G. Abadilla
1. Ano ang nais patunayan ng argumento ni Alejandro G. Abadilla sa sanaysay?
2. Ano ang tinutukoy na kalamnan at kaanyuan ng tula?
3. Makatwiran ba ang ipinaglalabang pagbabago sa panulaan ng mayakda? Ipaliwanag.
4. Sa kabuuan ng sanaysay, anong makabuluhang ideya ang nais ikintal sa mga
mambabasa?
5. Ano ang diskurso ni Alejandro G. Abadilla? Naglalahad ba siya? Naglalarawan?
Nagsasalaysay? Nanghihikayat? Ipaliwanag?
SULYAP SA TULA NG PANGASINAN
Renato R. Santillan
Isa sa matandang uri ng panitikan sa Pangasinan ay ang Anlong. Salitang mula
sa wika ng Pangasinan na ang ibig sabihin ay tula. Katulad din ng ibang tula sa wika ng
Filipinas nagsimula itong nagpasalin-salin sa bibig ng mga ninuno ng mga Pangasinan.
Gaya ng tula sa Tagalog, ang anlong ay may sukat at tugma rin. Gayundin, ang mga
paksain ay karaniwang pangaraw-araw na buhay ng isang taga-Pangasinan. Pansinin
ang halimbawa sa ibaba:
Walay manok kon taras
Bagsit a melamelag,
Bangno manongtongtong ak
Siber siber ed arap.
Kung susuriin ang sukat ng anlong sa itaas may pito itong pantig sa bawat
taludtod. Kung papansinin naman ang tugma nito, ang taras, melamelag, ak at arap
sang-ayon kay Dr. Jose Rizal ay nasa anyong malakas na katinig ang tugmaan.
Malinaw sa halimbawang ito na ang anlong ng Pangasinan ay walang ipinagkaiba sa
tugmaan ng tula sa Tagalog. Gaya ng ibang wika sa Pilipinas, umusbong ang panulaan
ng Pangasinan bago pa dumating ang mga Kastila. Subalit habang nasasakop ang
bansa ng mga dayuhan unti-unting napag-iwanan at naglalaho ang panulaan ng
Pangasinan sa iba pang wika ng Pilipinas. Ito ang malaking paniniwala ni F. Sionel
Jose, Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura. Ayon sa kanya: “Pangasinan as a
literary language is waning.”
Nitong mga nakaraang taon, marami ang nagsasabing namamatay na ang
wikang Pangasinan. Isa na rito si Armando Ravanzo sa kanyang sanaysay nagtanong
siya: Is a Pangasinan A Dying Dialect? Ang tanong na ito ni Ravanzo ay bunga ng
madalang na ang nagsusulat sa wikang Pangasinan. Gayundin, ang mga bagong
henerasyon ng mga taga-Pangasinan ay hindi marunong magsalita sa nasabing wika.
Ni ang kanilang alam na pangalan ng kanilang wika ay Panggalatok na hindi naman
dapat. Ang panggalatok ay galing sa dalawang salita na pinagsama: Pangasinan at
Katok. Kaya kung bibigyan ng kahulugan ang panggalatok – “Pangasinan na may sira
ulo.” Kaya buong tutol si Santiago Villafania na hindi namamatay ang wikang
Pangasinan. Wika niya:
“Maksil so pananisiak tan amtak ya dakel so onabobon ya ag
empapatey sa salita tayo. Balbaleg labat so impanguman na
salitan Pangasinan no ikumpara nen antis ya sinmakbit iray
Kastila ed pampang na Caboloan.”
Sa pahayag na ito ni Villafania naniniwala sa siya na hindi namamatay ang wika
ng Pangasinanan. Ang kaibahan lang ay hindi na nagagamit ang mga salitang luma sa
halip ay nanghihiram sila ng mga salita mula Ingles. Kung papansinin ang salita ng mga
kabataang Pangasinan, may halong wikang Filipino at kung minsan ay Ingles. Kaya
hindi siya pumayag na mabaon sa wala ang mga salitang nalilimutan na ng mga
bagong usbong na Pangasinan. Bunga nito, nabuo ang Malagilion bilang patunay na
hindi namamatay ang wikang kanyang nakagisnan, gaya ng nasasabi ng ilan. Isang
kolesyon ng tula (Soneto at Villanelle) na nasusulat sa Pangasinan ang kanyang
ginawa upang patunayan ang kanyang sinasabi. Nakuha ang aking atensyon ng aklat
na ito ni Villafania lalo na’t nasusulat ito sa Pangasinan dahil ako mismo ay
nakakaintindi ng Pangasinan.
Sulyap sa Anyo ng Malagilion
Ang aklat ni Villafania ay may pamagat na “Malagilion Sonnets tan Villanelles.”
Kung bubuklatin ang aklat na ito, naglalaman ng tatlong daang (300) soneto. Pansinin
ang soneto na nakapaloob sa Malagilion. Ayon sa UP Diksyonaryong Filipino ang
soneto ay tula na nagpapahayag ng isahan at kompletong ideya o damdamin sa loob
ng labing-apat (14) na taludtod na may mga tugmang naayon sa sinusunod na modelo,
gaya ng modelong Italyano na nahahati sa pangkat ng oktaba at sinusundan ng sestet,
o ng modelong Ingles na karaniwang binubuo ng tatlong quartet at sinusundan ng isang
couplet. Ang pamantayang ito ng soneto ay mahigpit na sinusunod. Kung hindi man o
sumunod sa dalawang anyo, naroon at naroon pa rin itong tugmaan basta’t naroon pa
rin ang labing-apat na taludtod. Alin man sa anyo ng tulang soneto na walang tugma at
hindi labing-apat ang taludtod ay hindi matatawag na soneto. Ngayon pansinin ang isa
sa soneto ni Villafenia:
Sonito 1

(1) kawalaan mo natan Urduja? (a)


(2) anggapo'y makaamta no iner (b)
(3) so angisinopan da ed sika (a)
(4) say linget tan dala'n impaterter (b)
(5) tinmubo iran dika na dalin (c)
(6) pian nasakuban so angarian (d)
(7) agko amta no aya so bilin (c)
(8) bilang prinsisa na Caboloan (d)

(9) nabilang so istoryan nisulat (e)


(10) istoryan mangipakabat komun (f)
(11) no sika et tua o mito (g)
(12) bonga'y kanonotan na totoon (f)
(13) pinabli ran maong so luyag da (a)
(14) kanian say ngaran mo inako ra (а)

Sa sonetong ito ni Villafania, mapapansin na ang bawat taludtod av


mayroong limang saknong at labing-apat na taludtod. Ang bawat taludtod nito ay
may tigsasampung pantig. Mayroon itong saknungan na 3, 3, 2, 3 at 3. Kung
papansinin naman ang unang taludtod kawalaan mo/ natan Urduja? mayroon
itong limahing sesura. Sa ikalawang taludtodkungsusundin ang| unang sesura ay
mahahati ang tula sa maka/amta para maging limahin ang sesura anggapo'y
maka/amta no iner. Lumalabas na mali ang hati ng ikalawang taludtod. Kung
paghihiwalayin ang tula sa sesura lalabas na ang ikalawang taludtod nito ay
magiging ganito: Anggapo'y maka/ amta no iner. Lumalabas na ang unang
sesura nito ay nagtatapos sa maka at ang ikalawang sesura ay nagsisimula sa
amta. Gayundin ang ikatlong taludtod ng tula. Pansinin ang taludtod: so
angisinopan da ed sika. Kung susuriin ang sesura ng ikatlong taludtod lalabas
ang ganitong hati: so'angisino/pan da ed sika. Nahati ang taludtod sa pagitan ng
salitang angisino? at pan? Pansinin din natin ang tugmaan ng tula. Mayroon
itong ganitong tugmaan na a, b, a/ b, c, d/ c, d/ e, f, g/ f, a, a/ lumalabas sa tula
na walang tugmaan ang sonito 1. Kung titingnang mabuti, tama na sana ang
tugmaan ng unang saknong dahil ang unang taludtod nito ay tugma sa ikatlong
taludtod. Subalit sa ikalawang saknong hindi naman tugma ang mga taludtod
nito, Hindi naman ito tugmaang Italyano o Ingles at lalong hindi naman ito mono
rhyme. Para lalong mapagtibay ang aking mga pinagsasabi-sabi sa artikulong
ito, pansinin pa natin ang isa pang soneto ni Villafania:

Sonito 64

(1) wala'y no anton kebiew ed pagew (a)


(2) sanlabi lan ag pakaugipay (b)
(3) pannunnonot koʻd isabi'y agew (a)
(4) a pangikban yo'd lobir na bilay (a)
(1) asingger lan onselek so banwa (c)
(2) magano onkupit so matak (d)

(3) ompawil ak la'd podir a panggia (c)


(4) pamatanir yo'd bugtong ya anak (d)

(1) dia ed yarap yo'd say Makauley (a)


(2) piaet kon nagamoran yo'y tawen (a)
(3) anggan say pusok et mantagleey (a)
(4) maliket kon abete'y arapen (a)

(13) ta amtak wala kila'd akualan (e)


(14) na Impiniton Sankatageyan (e)

Sa sonetong ito ni Villafania, mayroon itong labing-apat na taludtod. Ang bawat


taludtod nito ay may tigsasampung pantig. Sa tulang ito ni Villarania ay may tugmaang
masasabi dahil sa unang saknong may tugmaait itong /a, b, a, b/, sa ikalawa ay may
tugmaang /c, d, c, d/. Sa ikatlong) saknong ay may tugmaang /a, a, a, a/ at ang huling
saknong nito ay /e, e/ Kung susuriin naman ang sesura nito sa una hanggang ikaapat
na taludtod sa unang saknong mayroon itong limahing sesura. Samantala ang
ikalimang taludtod sa ikalawang saknong kapansin-pansin na nahati ang tula sa
salitang onselek. Kaya lalabas ang taludtod na ganito: asingger lan on/selek so banwa.
Ganoon din ang ikaanim na taludtod sa ikalawang saknong ng tula. Nahahati ang
taludtod sa salitang onkupit. Kaya ang magiging kalalabasan ng ikaanim na tulodtod ay
magano lan on/kupit so matak. Kung papansinin pa ang sesura ng natitirang taludtod ng
tula, ang ikasampu at ikalabindalawang taludtod ay walang sesura. Sa kabuuan ng tula
wala itong iisang sesura. Hindi iisa o dadalawang ulit na nangyari na walang sesura ang
tula ni Villafania. Upang mapatotohanan ang aking sinasabi. Narito ang ilang mga
halimbawang tula:
sonito 180

karaklan ed sa/ray kaugawan


ya agla 'ra kab/kabat ed ngaran

sonito 181
aminsan mabo/lik ed dila yo
ira'y talurtur/ ya imbalikas
agay la'y bulas/las na ilalam
ed saray inko/rit yoran libro

Sonito 165
si Arin Kasi/kis tan Alaos
si Arin Kasi/lag tan Dalisay

Hindi ko alam kung ano ang layunin ng may-akda sa ginawa niyang mga
sonetong walang sesura.Sadya bang hindi niya nilagyan ng sesura ang. lahat ng
koleksyon niya ng soneto at villanelle? Kung papansinin naman ang ibang taludtod ng
kanyang tula ay may sesura naman ito. May mga tugmaan sa soneto niya na sumablay
gaya ng halimbawa sa ibaba:

Sonito 158
panon takan aroen Pinabli? (a)
ipetek ko man ira'y sonata (b)
anlongen ko man ira'y sonito (c)
ag iraya onkana anganko (c)
ed puson agto amta'y ondengel (d)
ed saray dangoan na panangaro panoon takan pablien Inaro? (c)
yalay ko man ed sika ya'y egpang (e)
tan sinonito iran pilalek (f)
ag iraya onkana anganko (c)
ed puson anggapo'y pililikna (b)
tan sagiat ed sayan manangaro (c)

balet ta lapu'd sika so musia (g)


ligliwak lawas ya anlongen ka (g)

Sa unang saknong, hindi nagtugmaan ang mga huling salita ng mga taludtod
nito. Gayundin ang ikalawang saknong maliban sa ikatlong saknong na nasa
tugmaang /g,g/. Para lalong mapatunayan ang aking sinasabi basahin ang ilang soneto
niya at husgahan ninyo kung tama ang aking. sinasabi. Isa sa mga tulang nakapaloob
sa Malagilion ni Villafania ay ang villanelle. Ang villanelle ay tulang liriko na may
labinsiyam na taludtod, may dalawang tugma lamang at inuulit ang ilang linya. Ang una
ay nauulit sa ikaanim, at ikalabindalawang taludtod. Samantala ang ikatlong taludtod
nito ay nauulit sa ikasiyam at ikalabinlimang taludtod. Sa huling dalawang taludtod,
pinagsasama ang una at ikatlong taludtod. Sa aklat ni Villafania mayroon siyang
koleksyon na limampu (50). Pansinin ang halimbawa sa ibaba:

Villanelle 1: Talabay

"Education's only,the Envelope -


Give,me,the,Letter." - Jose Garcia Villa
(1) say talabay et sobri lambengat (A1)
(2) ya anggapo'y iyan ono karga (b)
(3) iter o yawat yo'd siak so sulat (A2)

(4) no iner inkorit ira'y bangat (a)


(5) pangoliran tan saray simbawa (b)
(6) say talabay et sobri lambengat(A1)

(7) anggapo'y balor a singa galat (a)


(8) singa dunong ya ag ikakana (b)
(9) iter o yawat yo'd siak so sulat ((A2)

(10) tapian nagamoran so pirawat (a)


(11) a pangiwanwan ed inkapalsa (b)
(12) say talabay et sobri lambengat (A1)
(13) aya et nayarin naandipat (a)
(14) no ag niubol ono nilikna (b)
(15) iter o yawat yo'd siak so sulat (A2)

(16) ta wadtan ira'y tepet tan ebat (a)


(17) ed dorongawa'y bilay dia'd talba (b)
(18) say talabay et sobri lambengat (A1)
(19) iter o yawat yo'd siak so sulat (A2)

Sa halimbawang ito na villanelle mapapansin na ginamitan ni Villafania ng


epigraph ang tula na kinuha niya sa tula ni Jose Garcia Villa. Mayroon itong labinsiyam
na taludtod. Kung titingnan ang tula, nasunod ni Villafania ang tuntunin ng villanelle.
Gayundin, mayroon itong tugmaang /a, b, a/ mula sa unang saknong hanggang
ikalimang saknong. Sa ikaanim na saknong ay /a, b, a, b/. Ang bawat taludtod nito ay
may tigsasampung pantig. Pansinin naman ang sesura nito. Sa unang taludtod ganito
ang hati: sav talabay et/ sobri lambengat. Nahati ang taludtod sa pagitan ng salitang
etat sobri. Sa ikalawang taludtod nito ganito ang hati ng taludtod: va anggapo'y i/yan
ono karga. Nahati ang taludtod sa pagitan ng salitang iyan. Tama ang sesura ng unang
taludtod subalit mali naman ang sesura ng ikalawang taludtod. Sa ikatlong taludtod
tama ang sesura samantala ang sesura ng ikaapat na taludtod ay mapapansing nahati
sapagitan ng salitang inkorit. Kaya ang magiging kalalabasan ng inkorit ay inko? at rit?
Lumalabas na mali ang sesura nito. Tingnan pa ang mga sumunod na |taludtod saka
husgahan sang-ayon sa alituntunin ng pagsulat ng tulang may sukat at tugma at lalo’t
villanelle ang anyo nito. Pansinin ang villanelle 4 na may pamagat na Urduja. Kinuha ko
ang anim na taludtud nito:

(1) agay la'y binta na impanlupam(a)


(2) postura ka na kinalakian (а)
(3) aya so ipapatnag na matam (а)

(4) dia ed ritmo na sayiao ya tagam (a)


(5) tewek ira'y amin ya talawan (a)
(6) agay la'y binta na impanlupam (a)

Kung susuriin ang tugmaan ng villanelle 4, nasa iisang tugmaan ito. Mayroon
itong sampung pantig sa bawat taludtod. Sa una at ikalawang taludtod, tama ang
sesura nito dahil sa unang taludtod nahahati ito sa pagitan ng salitang binta at na.
Gayundin sa ikalawang taludtod nasa pagitan ng salitang ka at na. Mali naman ang
sesura ng ikatlong taludtod dahil nahahati ito sa salitang ipapatnag (ipa/patnag). Sa
ikalawang saknong, may tamang sesura ang ikaapat na taludtod at ikaanim na taludtod.
Samantalang ang ikalimang taludtod ay mali ang sesura dahil nahati ang taludtod sa
salitang amin (a/min). Sa kabuuan, karamihan sa villanelle sa |Malagilion ay walang
sesura ngunit natupad nito ang pag-uulit-ulit ng taludtod na kailangan sa isang
villanelle.

Sulyap sanilalaman ng Malagilion

Isa sa kapansin-pansing nilalaman ng aklat ni Villafania na Malagilion ay ang


mga hinaing niya sa mga kapwa Pangasinan.-Sabi niya, wala ng nagmamalasakit sa
wikang Pangasinan. Pansinin ang soneto 136.

singa bukbukor ko'y mibabakal


ed saray kailalaka'y biklat y
a angakamo'y dila'y Pangasinan.

Kung susuriing mabuti ang saknong ang tinitukoy na personang ko'y sa taludtod
na: singa bukbukor ko'y mibabakal ay dalawa ang pakahulugan una ay ang taong taga-
Pangasinan na nagmamalasakit sa wikang Pangsinan at ang pangalawa ay ang may-
akda. Sa tingin ng may-akda ay nag-iisa siyang nagmamalasakit sa wikang
Pangasinan. Bunga nito, lalong humihina ang wikang Pangasinan dahil sa
impluwensiya ng mga wikang Ingles at Filipino. Kaya nga wika niya sa soneto 128:
dia'd inkasil da ra'y dayon musia
kinmuyep so masnag a liwawa
ed muling na musia'y Pangasinan,

Sa saknong na ito, ang liwawa na tinutukoy rito ng may akda ay pag-asang


babangon ang wikang Pangasinan. Ayon sa kanya nawala ang pag-asang ito ng
dumating ang mga dayo at ang pag-iisip ng mga taga-Pangasinan ay pinalitan ng
kanilang mga paniniwala at kultura.Sa soneto114,mapapansin na ang mga bagong
henerasyon, lalo na sa mga lungsod ayTagalog ang kanilang gamit.,

balet saray tobun-balo natan,


dia ed binmungayong ya siudad
Dinmalin tan binmato’y dila ra
Salitan Tagala’y pilatek da

Ayon pa sa kanya, nakalimutan hindi lang ang wika ng Pangasinan,kundi ang lumang
pangalan nito. Mapapansin ito sa soneto 104. Angtinutukoy niya ritong lumang
pangalan ay Caboloan.,

agko la namngel irama'y dangoan,


tan simponia na kakawayanan,
nen alingwanan da lan bitlaan,
so daan ya ngaran mo pinabli.,

Bunga nito, ang mga tulang nalikha bago dumating ang mga Kastila,ay tuluyan ng
nawala. Gayundin ang mga tumutula ay kasabay na naglaho ng,Caboloan. Makikita ito
sa soneto 94 at villanelle 23.,

Sonito 94,
amigmig la'ra'y egpang na anlong,
tan saray tekep na pangoliran
,da'ra'y sinaunan umaanlong,
a simmulming dia ed Caboloan,

villanelle 23,

naandi la'ra'y anlong a ditso,


tan saray tagaumen a daan,
Aborak la’ra’d egpang a nitso

Magkagayon man, malakas pa rin ang loob ni Villafania na muling,babangon ang


wikang Pangasinan dahil naniniwala siya na buhay pa rin ang,panitikan ng Pangasinan.
Naniniwala siya na ang magpapabangon ay ang kagaya niya manunulat. Hanggat may
nagsusulat sa wikang Pangasinan na gaya niya hindi kailan man mamatay ang wika ng
gnkanyang sinabi sa villanelle 46 at soneto 248

villanelle 46

Say bilay na tawir a salita


Saypansiansia’y dilan Pangasinan
Wala’d mabunan litiratura

soneto 248,

Immalagey so balon awiran


Ya amasimbalo ed ulupan
Ya natogiop ed panaon aman
Malakas ang kaniyang loob na ibigay ang mga aklat na bunga ng mga reklamasyon ng
pag-iisip na nagpapatunay na buhay ang panulaan ng Pangasinan sa kaniyang
pangunahing kritiko na si Virgilio Almario. Makikita ito sa soneto 164

Soneto 164

anlemlemew so liknaa'd pagew


nen yaoat ko'd sikayo so librok
a Pinabli tan arum nin anlong

anggano oala so panduaruoa


ompano gaygayen yo'd palian
ta nidatek lanti'd Pangasinan

anggaman ontan emben yo natan


so balikas na musian abangon
ed abayag ya impakalingoan

aya met so ebat ko ed kuan yo


ya riklamasion na kanonotan
para ed saya'y lapag a nasion

ta say litiraturan panrihion


oala la'd tambib na ibolusion

Ang hinaing na ito ni Vilafania ang siyang manggigising sa mga natutulog na


mga kababayan niyang may pagmamalasakit sa wikang Pangasinan,Kaya isang
malaking hamon sa mga taga-Pangasinan lalo na sa mga manunulat na kailangan
nilang kumilos para sa muling pagbuhay ng panitikan ng Pangasinan.

Sa kabuuan ang Malagilion ni Villafania ay sumasalamin sa tula ng


Pangasinan.Nahusgahan ko na ang anyo ng Malagilion at ang nilalaman nito. Maaaring
ang aking paghuhusga ay may kulang pa subalit |pinapangatawanan ko ang aking mga
binitiwang paghuhusga batay sa abot. ng aking kaalaman at natutuhan sa panuluaan.
Maaring may mga hindi pa ako nakikita sa aklat ni Villafania. Para lalong masuri ang
aklat niya, hinahamon ko mga kapwa ko Pangasinan na kritiko. Suriin ang aklat ng
Malagilion at husgahan ninyo sang-ayon sa inyong kaalaman sa panitikan ng
Pangasinan.
Sulyap sa Tula ng Pangasinan ni Renato R. Santillan
(Panimulang Pagsusuri ni Karen G. San Diego)

Ang muling pagtingin sa tula ng Pangasinan ay nagpapakita ng pagtindig sa


pinaniniwalaan na ang wikang Pangasinan ay hindi namamatay bagkus ito ay
dumaraan sa pagsubok nang pagbabago at pagiging malikhain na siyang pangunahing
katangian ng wika. Nagbabago sa aspektong kaalinsabay ng pamamayagpag ng
teknolohiya at pandaigdigang wika ay hindi maiiwasang masanggi ang wika at kultura
ng Pangasinan. Nariyan na ang mga lumang salita ay nalilimutan na dahil sa hindi
ginagamit gayundin na ang mga lumang salita ay inaangkupan ng bagong bihis upang
iakma sa kasalukuyang panahon na nasa katangian ng pagiging malikhain.

Ang mga anlong o tula ng Pangasinan ay nagpapatunay na mayaman ito sa


karanasan at buhay na buhay ang kahusayan sa pagpapabatid ng kultura at mga
ideyang kanilang kinagisnan.

Isang patunay sa patuloy na pamamayagpag ng tula ng Pangasinan ay ang


koleksyon ng tatlong daan (300) soneto at villanelle ni Santiago Villafania.
Maihahalintulad din ang Malagilion sa anyo at estilo ng mga tula sa Tagalog.

Ang pagiging mahusay ni Santillan sa wikang Pangasinan ay walang


pinapanigan sa pagtingin sa mga akda. Ito pa nga ang nagtutulak sa kaniyang
mapatunayan sa mga mambabasang lalo na't taga- Pangasinan na buhay na buhay at
patuloy na pumapaimbulog ang wikang Pangasinan. Isa rin siya sa nagsusulong ng
adhikaing muling patatagin at payabungin ang wikang nagpaging tao sa kanila. Bilang
patunay, inilahad niya ang soneto at villanelle ni Villafania na siksik sa mga tulang
magpapabangon muli sa wikang inaakala ng karamihan na patay na at nabaon na sa
limot.

Sa anyo ng Malagilion, sinikap ipaliwanag ang pisikal na aspekto nito. Na tulad


sa wikang Tagalog na may tugmaan, mga saknong at mga taludtod na nagpapakita ng
kagandahan ng kultura ng mga taga- Pangasinan. Pagpapatunay lamang na sa
pagtahak sa tuwid na landas ng tula ay hindi lamang sa Tagalog makikita ang
itinatagong yaman at husay ng mga akda. Bagkus, lutang na lutang ito sa mga anlong.
Lutang na lutang sa akdang ito ang pagpapatunay na buhay ang wika ng
Pangasinan.

Sa pagbabasa, hindi maiwasang makita ang pag-angat ng may- akda sa wika at


kultura ng Pangasinan lalo na sa larangan ng tula. Higit sanang mauunawaan ang nais
ipahayag ng mga tula kung ito ay naisalin sa pambansang wika dahil kung ang babasa
nito ay mga hindi taga- Pangasinan ay tiyak na hindi babasahin ang bahagi ng akdang
ito. Binibigyang puwang din ng may-akda ang lalim ng kaniyang pagnanais na itama
ang mga maling akala sa pagbulusok ng wikang Pangasinan. Bagkus, ito ay kaniyang
itinataas sa paglalayong ipabatid na ang wikang kabilang sa pangunahing wika sa
Pilipinas ay hindi kailanman mamamatay. Kaalinsabay nito, ang wikang Pangasinan ay
napagod sa paglipad na ibon kaya naman ito ay namahinga sa pamamayagpag at
naghanap ng mapagkakanlungan at mag-aalaga sa kaniya.

Hindi naman dahilan ang kawalan ng nagsusulat sa wikang Pangasinense ay


patay ng maituturing ang wikang ito. Lalo na at sa kasalukuyang panahon ay
ipinatutupad ang paggamit ng wikang bernakular sa pakikipagtalastasan sa antas ng
elementarya kaya naman ito ang magbibigay daan upang mahalin at tangkilikin hindi
lamang ng mga Pangasinense gayundin ng iba pang nagsasalita ng bernakular na
wika. Ito ang magtutulak sa lalong pagpapaunlad ng kulturang kinagisnan ng mga
Pangasinense. Kaya naman,hindi na masasabing namamatay na wika ito kundi ito ay
pinagsisikapang mapalawak pa at muling maitayo ang bandera ng panitikang kikilalanin
pa ng mga kaapu-apuhan ng mga ninunong nagsikap mapaunlad 'atmapayabong ang
kulturang kinasanayan.

Ang pinakalayunin ng akdang ito ay himukin ang mga Pangasinense na


ibanyuhay ang panitikan at kulturang Pangasinan hindi lamang sa kanilang sariling
bayan bagkus kahit saang lupalop/bahagi ng mundo.Kumbaga, huwag kalimutan ang
wikang siyang bumuhay sa kanila na dapat alagaan hindi lamang sa isip, sa salita at sa
gawa. Naglalayon itong gisingin ang mga nahihimlay na diwa ng mga taong sangkot o
silang tinatawag na tagapagsulong ng kahusayan at kadakilaan ng wika.

Ang pagsasawika ng ideya ay kasintatag ng kanyang pananampalataya na ang


wikang Pangasinan ay patuloy na nabubuhay sa paraang tahimik at bigla na lang
sasambulat na tulad ng bulkan na tahimik sa umpisa ngunit unti-unting nag-iipon ng
lakas upang ipabatid ang kalakasan. Nagpapakita lamang ito ng pangungumbinseng
ipagpatuloy ang naudlot na pagpapalaganap ng wika. Kung mahihikayat lamang natin
ang mga bata na pag-aralan at linangin pa ang kaalaman sa Pangasinan, tiyak na mag-
uumalpas ang kahusayan ng Pangasinense. Hindi ba't uliran at dakila ang kilala mo
kung saan at anong uri ng panitikan mayroon ka? Kaysa mag-aral ng banyagang wika
na hilaw sa iyong puso't damdamin. Natural na natural sa may-akda ang paglalabas ng
hinaing sa kinahantungan ng wikang Pangasinense na noon ay tinitingala ngunit
ngayon at tinutudla. Hindi ko rin naman mauunawaan kung bakit kailangan ng sesura
gayong kung ang titingnan ay may tigsasampung (10) pantig. Kumbaga, ang sesura ay
nagpapakita ng pahilis na paghahati ng pantay na bilang ng pantig.

Ang pag-ibig sa sariling dugo't laman ng buhay ang siyang instrumento sa pag-
unlad hindi lamang ng iyong bayan kundi ng iyong sarili. Bago mo pag-aralan ang
panitikan ng iba, pag-aralan muna ang sariling panitikanupang hindi maging mangmang
sa sariling teritoryo at sa sariling kapaligiran. Amayamay so ibabagak diad salita, iner so
mansimula? Sa pinanggalingan natin, hindi masamang lumingon dahil ang paglingon ay
tanda ng paggalang sa pinagmulan.

Kumbaga sa multo, unti-unti itong susulpot hindi para takutin ka kundi upang
Ipaaalala sa iyo na "Hoy, buhay ko yang kinakalimutan mo". Patuloy kitang mumultuhin
at uusigin hanggang sa ikaw ang magsawa at lumingon sa iyong pinanggalingan.

Ang kultura ng tao ay dumaraan sa dilim ngunit unti-unting mahahawi ito tulad ng
lunar eclipse na sandaling iimbulog sa iyong kinang subalit aalpas pa din ang awit ng
buhay na puno ng pagbabanyuhay sa soneto at villanelle.

Mga Gabay na Tanong sa Sanaysay ni Renato R. Santaillan:,

1. Sa tingin mo, ano ang nais ipabatid ng may-akda?

2. Masasabi mo bang namamatay o patuloy na yumayabong ang wikang Pangasinan


lalo na sa larangan ng panitikan? Ipaliwanag.

3. May mga bagong kaisipan bang inilatag tungkol sa tulang Pangasinense ang
sanaysay ni Santillan?

4. Paano nilinang ng may-akda ang kaniyang argumento sa sanaysay?


5. Ano ang himig o estilo ng sanaysay?

You might also like