You are on page 1of 11

YUNIT IV

Ang Pagsulat ng Iba’t ibang Akdang Pampanitikan


Aralin 1- ANG SANAYSAY
- Ang

Panimula

Ano nga ba ang sanaysay?

Ayon sa makatang si Alejandro G. Abadilla ang s anaysay ay hango sa pahayag na “Pagsasalaysay ng isang
sanay” kung saan ito ay kakikitaan ng dalawang sangkap ang “Salaysay” at “Sanay” – dalawang salita na
pinaghanguan ng salitang sanaysay. Marahil, ito ay bunga na rin ng pagkahilig ng mga Pilipino sa pagsasalaysay
bilang isang anyo ng pagpapahayag, samantalang ang sanay naman na binanggit sa aklat ni Lilia Antonio, ay
maiuugnay sa pagiging sanay ng mananaysay sa paksang tinatalakay, lalo na, ang paggamit ng kasanayan sa wika
at gamit ng wika.

Tinalakay ni Lilia Santiago (2006), malimit na narration sa Ingles ang itinutumbas natin sa salitang
pagsasalaysay, subalit napakalawak kung susuriin ang sakop ng salitang ito kung isasama o iuugnay sa iba pang uri
ng pagpapahayag. Isang halimbawa nito ang salitang kasaysayan na binigyan ng depinsyong “mga salaysay na may
saysay.” Sa kabilang banda, ang sanaysay ay may paglilinaw ng mga bagay-bagay, paglalatag ng paninindigan
upang humikayat o kumumbinsi sa iba ukol sa isang punto. Maaaring maglaman ito ng pagsusuri at pagmumuni,
pag-uulat at pagpapaliwanag o pangangaral o sermon.

Ang sanaysay ay isang uri ng akda na nasusulat sa anyong tuluyan na karaniwang pumapaksa tungkol sa
mga kaisipan at mga bagay-bagay na sadyang kinapupulutan ng aral at aliw ng mga mambabasa. Komposisyon
itong taglay ang tatak ng panlasa at hilig, reaksyon at palagay, saloobin at paniniwala, kalagayan at katauhan,
karanasan at kaalaman ng bawat may-akda (Arrogante, 2007).

Taliwas ang depinisyon ni Abadilla sa isang naunang tradisyon ng essay, na siyang madalas na itinutumbas
natin sa sanaysay. Sa tradisyong Europeo, na pinagmulan ng anyo ng pagsulat ng essay, pagtatangka o attempts o
eksplorasyon ang unang naging ibig sabihin nito. Ayon ito sa French writer ng 1500s na si Montaigne na gumamit
ng katagang “Essais” bilang pamagat ng kanyang mga sulatin tungkol sa mga personal at trivial na danas sa bias ng
impormal na wika at asta (Santiago, 2006).

Dagdag pa niya, si Francis Bacon, manunulat sa Ingles ang nagpasimuno sa mapanuring pagmumuni,
analitikal, pilosopikal at impersonal na gamit ng essay. Magmula kay Bacon, magagamit ang essay upang
magpamansag ng malalim na kabatiran, palaisipan at katuturan ng pag-iral. Kaya, sumulat ng mga
pormal/impersonal na essay ang mga makatang John Milton at Alexander Pope. Sa Amerika, nakilala bilang
bihasang essayist sina Oliver Wendell Homes, Ralph Waldo Emerson, si Samuel Clemens o Mark Twain, na
nagpatampok sa political satire bilang instrumento upang labanan ang imperyalistang pananakop ng Estados
Unidos sa Pilipinas. Sa dekada 60 naman nakilala si Susan Sontag bilang essayist na nagpanukala ng kakaibang
pagsipat sa sining sa kanyang akdang Against Interpretation (1964).
Mga Uri ng Sanaysay

May dalawang uri ang sanaysay:

Ang sanaysay na pormal o maanyo ay sanaysay na tinatawag din na impersonal kung ito'y
maimpormasyon. Naghahatid ng mahahalagang kaisipan o kaalaman sa pamamagitan ng makaagham at lohikal na
pagsasaayos ng mga materyales tungo sa ikalilinaw ng pinakapiling paksang tinatalakay. Maayos rin ito kung
tingnan sapagkat ito'y talagang pinag-aaralan. Maingat na pinili ang pananalita kaya mabigat basahin.
Pampanitikan kasi kaya makahulugan, matalinghaga at matayutay. Mapitagan ang tono dahil bukod sa ikatlong
panauhan ang pananaw ay obhetibo o di kumikiling sa damdamin ng may-akda. Ang tono nito ay seryoso, pang-
intelektuwal at walang halong pagbibiro.

Ang sanaysay na pamilyar o palagayan ay sanaysay na mapangaliw, nagbibigay-lugod sa pamamagitan ng


pagtalakay sa mga paksaing karaniwan, pang araw-araw at personal. Idinidiin nito dito ang mga bagay-bagay, mga
karanasan at mga isyung bukod sa kababakasan ng personalidad ng may-akda ay maaaring kasangkutan ng
mambabasang midya. Ang pananalita ay parang usapan lamang ng magkakaibigan kaya magaan at madaling
maintindihan. Palakaibigan ang tono nito kaya pamilyar ang tono dahil ang paunahang gamit ay unang panauhan.
Subhetibo ito sapagkat pumapanig sa damdamin at paniniwala ng mayakda.

Sa websayt naman ng Purdue University na nasa Estados Unidos, inuri sa apat ang pagsulat ng sanaysay:

1. Sanaysay na naglalahad – isang uri ng sanaysay na nangangailangan ng pagsusuri sa ideya, pagtataya ng mga
patunay, pagpapalawak ng kaisipan at pagtakda ng pangangatwiran ukol sa ideya o kaisipan sa malinaw at tiyak na
paraan. Ito ay ginagamitan ng paghahambing at pagkokontras, paglalahad, pagbibigay ng halimbawa, pag-aanalisa
ng sanhi at bunga at iba pa.

2. Sanaysay na naglalarawan – sanaysay na ginagamit sa paglalarawan ng isang tao, bagay, lugar, pangyayari,
damdamin, sitwasyon at iba pa. Ito ay uri ng sanaysay na humihimok sa kakayahan ng mga magaaral na sumulat
batay sa partikular na karanasan. Higit pa rito, hinahayaang ang mga manunulat na gamitin ang kalayaan sa
paglikha. Layunin nitong magkintal ng imahen sa isip ng mga mambabasa.

3. Sanaysay na nagsasalaysay – Maaaring isipin na ito ay isang uri ng pagkukuwento, ang ganitong uri ng sanaysay
ay malimit na gumagamit ng anekdota, karanasan at may pagkapersonal – hinahayaan nitong ang mga mag-aaral
na ihayag ang kanilang saloobin gamit ang pagiging malikhain.

4. Sanaysay na nangangatwiran – isang uri ng sanaysay na matamang nagsusuri sa isang paksa, nangongolekta ng
datos, nakalilikha at nakapagsusuri ng mga ebidensya at nakapagpapatibay ng tindig o panig ng isang paksa sa
tiyak na paraan sa pagbuo ng argumento o pangangatwiran.

Katangian ng Mahusay na Sanaysay

Ang isang mahusay na sanaysay ay may mga sumusunod na katangian (Santiago, 2006):

1. Kailangang may mahusay na ideya. Ang ideya pa rin ang nagdadala ng sanaysay. Kahit napakapino ng wika,
kahit napakabongga ng estilo kung hungkag ang ideya, hindi pa rin magiging mahusay ang sanaysay.

2. Kailangang masinop at organisado. Dito magagamit ang mga kasangkapang panretorika sa paghahayag.
Matapos matiyak ang sentral na ideya, piliin din ang sentral na layon at paraan ng pagpapalawig ng ideya.
Ang pagsinop ay nangangailangan ng disiplina. Piliin lamang yaong mga ideya na isasangkot sa talakay at
iwasan ang pagpapahayag sa kung saan-saang paksain at pagkakaroon ng maraming pag-iiba ng tuon ng
sanaysay. Gayundin, mainam kung manatili sa isa o dalawang paraan ng paghahayag ng mga ideya.

3. Litaw ang sariling tinig. Isang napakahirap na hamon ito pero ang totoo, sa sanaysay nasusubok kung
mayroon ngang sariling estilo o tinig ang isang manunulat.

4. Dapat may sariwang pagtingin o perspektibang inihaharap. Iba na ang sariwa. hindi kinakailangang bago
kundi sariwa. Tulad ng isda, makikilatis ang sariwa sa bilasa at kahit paulit-ulit na tinatalakay ang ideya
kung may panibagong pagtingin o perspektiba mas katakamtakam ito.

5. Maging bukas sa mga pagbabago o puna. Ang kahingiang ito ay isang tatak ng pagiging mahusay na
manunulat. Bigotry ang tawag doon sa ayaw tumanggap ng puna at posibilidad ng pagbabago sa pagtingin
man o sa sinisiyasat at inihaharap na sanaysay.

Ito’y malalagom gamit ang katagang MASIGABU, na tulad ng masigabo ang palakpak sa isang
sanaysay kung ito ay (Santiago, 2006):

MA May mahusay at sariwang ideya.


SI Masinop ang organisasyon at pagkakalahad.
GA Gamit ang sariling estilo at tinig.
BU Bukas sa mga posibilidad ng pagbabago.

Sa aklat naman ni Arrogante (2007), nagbigay rin siya ng mga katangiang dapat taglayin ng isang
mananaysay. Ito ay ang mga sumusunod:

 mabilis ang utak


 sensitibo sa kapaligiran
 may laging tugon at hinuha sa interes ng buhay, ng tao, at ng mga bagay-bagay
 may kakayahang manuklas ng mga bagay-bagay na hindi nakikita ang panlabas lamang
 malikhain at orihinal sa isip
 may mapiling panlasa
 may kalugurang mapagkakatiwalaan
 may kabatiran sa mga kaalamang makabago hinggil sa makataong kapakanan
 pamilyar sa mga mabubuting panitikan at iba pang sining.

Aralin 2- ANG DAGLI AT MAIKLING KUWENTO_________________________________

Ang Dagli Ano ba ang dagli?

Para kay Agoncillo, ang dagli ay sumulpot noong 1902 sa pagkakalathala ng pahayagang Muling Pagsilang
na pinamahalaan ni Lope K. Santos at namayani hanggang 1930. Maikli ang dagli, “hindi lalampas sa tatlong papel”
pero “hindi taal na maikling kuwento”. Tila ang pinupunto ni Agoncillo ay ang mababang katangian ng dagli sa
usapin ng kasiningan, dahil ito’y pumapaksa sa “tahasang panunuligsa, lantarang pangangaral, karanasan sa pag-
ibig at mga akdang inihahandog sa mga paraluman”. Masalita ang mga dagli, na nagbigaykongklusyon para kay
Agoncillo na isipin na bahagi lamang ito ng natural na ebolusyon tungo sa “taal na maikling kuwento”. Batay sa
mga konteksto ng dagli, ang mga katangian nito ay ang mga sumusunod (Tolentino at Atienza, 2007):
1. Maikli dahil nakabatay sa domestiko at politikal na realidad; kinakailangang makaagapay, para rin sa mas
sustenidong interes sa pagbabasa at pakikinig.
2. Temporal o may panahon lamang ang halaga, kadalasan sa kagyat na panahong may mainit na balita mula
sunog hanggang sa mga patakaran ng Amerikanong opisyal.
3. Kinathang realidad, bilang subersyon sa matinding sensura sa panahon; gayunpaman, may mimetikong
katangian pa rin sa kaganapan kahit pa parodya ang marami sa mga dagli.
4. Gumagamit ng mga editoryal na interbensyon sa pagsulat. Binibigyang direksyon tungo sa papuri (kung
romantikong dagli) o panlalait (makabayan); may target itong layunin sa pagkakasulat, kadalasan ay
pagdadambana sa napupusuan o kritisismo sa kapaligiran; masasabi na madiskurso ang dagli dahil sa
paghalaw nito ng mga iba’t ibang bagay sa puntong nais ipaliwanag; nabibigyangdiin ang manunulat bilang
panlipunang kritiko.
5. Partisano, may kinikilingan, kadalasan, pag-ibig ng lalakeng may-akda sa babae o ang tapat sa sarili sa
nagbabagong kaayusan.
6. Moderno sa reperensiyang ginagamit at sa wika. Ikinatutuwa ng mga lingguwista at ikalulungkot ng mga
purista sa wika.

Ang Maikling Kuwento

Ano nga ba ang maikling kuwento?


Maraming kahulugan ang maikling kuwento batay sa iba’t ibang ibinigay ng mga kilalang tao.

Ayon sa aklat ni Herbert Montgomery na pinamagatang “Plot To Sell” ito’y isang namumukud-tanging
karakter na nakaharap sa isang suliraning tila imposibleng malutas ngunit makahahanap din ng solusyon at
malulutas iyon ayon sa kanyang sariling kaparaanan. Batay naman sa ama ng maikling kuwento na si Edgar Allan
Poe, ito’y isang akdang pampanitikan na likha ng guniguni at salamisim na nakasalig sa buhay na totoong naganap
o kaya’y magaganap pa (Reynaldo Duque, 2004).

Kung pag-uugnayin ang dalawang kahulugang ibinigay, ang maikling kuwento ay isang akdang
pampanitikang likha ng masining na pag-iisip na may namumukod-tanging karakter na haharap sa isang suliraning
kailangang hanapan ng solusyon na nakasalig sa realidad buhay. Bagamat ang maikling kuwento ay isang likhang-
isip tinitiyak naman nito na magbigay larawan sa totoong buhay ng ating lipunang ginagalawan. Ikinikintal sa isip
ng mambabasa ang maikling kuwento ng karanasan na maaaring naganap na, magaganap at ginaganap pa lamang.
Madalas na mapagkamalan na ang maikling kuwento ay nagbibigay lamang ng kaaliwan sa mambabasa upang
magpalipas ng oras ngunit higit pa sa mang-aliw ang naibibigay nito. Nag-iiwan dapat ng aral sa mambabasa ang
maikling kuwento upang ang sinumang makabasa ay magkaroon ng kamalayang-panlipunan.

Mga Mahahalagang Sangkap ng Maikling Kuwento

Ayon kay Duque (2004), ang maikling kuwento ay may mga mahahalagang sangkap upang masabing ang
isang akda ay maikling kuwento. Ang mahahalagang sangkap ay ang mga sumusunod:

1. Tauhan (Character): Nalalaman sa sangkap na ito kung ano ang ginagampanang papel ng bawat tauhan kung isa
sa mga ito ay protagonista (bida) at antagonista (kontrabida). Dito rin malalaman kung sino-sino ang magsisiganap
sa kuwento upang maipamalas at maipadama ang ipinapahiwatig na mensahe o kaisipan na nais iparating ng akda.

2. Tagpuan (Setting): Dito nakasaad ang lugar at panahon ng pinangyayarihan ng mga mahahalagang aksyon o
mga pangyayari kung kailan at saan naganap ang kuwento.
3. Banghay (Plot): Tumutukoy sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa isang kuwento. Mahalaga ito upang
magsilbing gulugod na magbibigay buhay sa isang maikling kuwento o anupamang mga akdang pampanitikan.

Mga Elemento ng Banghay:

a. Panimulang Galaw. Dito nakasalalay ang interes ng mambabasa kung ito ba’y kailangang pagbuhusan
ng panahon na basahin. Dapat na ang panimula ng maikling kuwento ay nakapagbibigay agad ng hikayat sa
tao upang maging kawili-wiling basahin at matiyak na tatapusin ng mambabasa na basahin ang kuwento.

b. Umiigting na galaw. Ang interes ng mga mambabasa ay dapat na mapanatili ng manunulat. Sa bahaging
ito'y paiigtingin pa lalo ang damdamin ng mga mambabasa upang madala sila sa higit na mataas na antas
ng pananabik.
c. Krisis. Ito ang pinakatampok o pinakamadulang bahagi ng kuwento. Nahahaplos ang damdamin ng
mambabasa dahil sa krisis na daranasin o dinadaranas ng tauhan sa kuwento. Sa bahaging ito nagiging
mabilis ang galaw ng mga tauhan at nagiging mabilis ang aksyon ng kuwento.

d. Kasukdulan: Ito ang pinakamatinding bahagi ng akda, tumataas ang kapanabikan kapag nasa bahaging
ito ng kuwento. Mababasa sa kuwento na ang pangunahing tauha ay malalagay sa panganib o sitwasyong
kailangan na niyang kumilos upang bigyan ng solusyon ang kinahaharap na suliranin.

e. Realisasyon o Wakas - Ito ang huling bahagi ng banghay ng kuwento. Dito malalaman ng mambabasa a
lubusan nang naisakatuparan ng pangunahing tauhan ang solusyon sa kinaharap na suliranin.
Samakatuwid nabigyang linaw na ang mga suliraning naisalaysay sa ilang bahagi ng kuwento.

4. Tema (Theme): Ang tema ang pangkalahatang kaisipan o lagom na nais palutangin ng may-akda sa isang
maikling kuwento. At ang kaisipang ito ang binibigyan ng layang maikintal sa isipan ng mga mambabasa. Maaaring
maging tema ang mga sumusunod:

a. palagay sa mga naganap na pangyayari sa lipunan


b. obserbasyon ng may-akda tungkol sa pag-uugali ng tao
c. paniniwala sa isang katotohanan o pilosopiyang tinatanggap ng tao sa buong daigdig sa lahat ng panahon o ang
dahilan ng pagkakasulat ng may-akda.

Mga Uri ng Maikling Kuwento


Ang mga sumusunod ay ang mga uri ng maikling kuwento (Duque, 2004):

1. Kuwento ng Romatikong Pakikipagsapalaran (story of romantic adventure) – kuwento ng pag-ibig at romansa


na kinasasangkutan ng mapanaganib na pakikipagtunggali. Sa ganitong kuwento, ang pagkawili ay nasa balangkas
sa halip na sa mga tauhan.

2. Kuwento ng Madulang Pangyayari (story of dramatic event) – sa uring ito, ang pangyayari ay totoong kapuna-
puna at makabuluhan at nagbubunga ng isang kakaibang pagbabago sa kapalaran ng mga taong nasasangkot. Sa
ganitong kuwento higit na nakatuon ito sa mahahalagang pangyayari kaysa sa tauhan at banghay.

3. Kuwento ng Kababalaghan (horror story) – nabubuo ang ganitong uri ng kuwento dahil sa paniniwala ng mga
tao sa mga bagay-bagay na kataka-taka. Kadalasan pumapaksa ang mga kuwentong ito sa mga lamang lupa tulad
ng aswang, multo at iba pa.
4. Kuwentong Pangkatauhan (character story) – ang nangingibabaw sa kuwentong ito ay ang katauhan ng
pangunahing tauhan tulad ng aksyon, pananalita, pag-iisip o kasinuhan ng pangunahing karakter ng kuwento.

5. Kuwento ng Katutubong Kulay (story of local color) – ang binibigyang diin ng manunulat sa ganitong uri ng
kuwento ay ang tagpuan, kaugalian, paniniwala at gawi ng mga tao sa isang tiyak na pook, gayundin ang
pananalita o ginagamit na wika.

6. Kuwento ng Tagumpay (success story) – pinapakasa nito ang naranasang hirap, pagdurusa at pagtitiis ng
protagonista (bida) patungo sa tagumpay. Samakatwid nagwawakas ang kuwento sa masaya o maligayang tagpo.

7. Kuwento ng Trahedya (story of tragedy) – kabaligtaran ito ng kuwento ng tagumpay. Nagwawakas ito sa
malungkot na wakas dala ng masalimuot na karanasan.

Aralin 3- ANG TULA_______________________________________________________________

Hindi mapasusubalian na marami nang tao o kilalang manunulat ang tumalakay at nagbigay ng kahulugan
tungkol sa tula. Kung kaya patuloy pa rin ang tao sa pagbibigay ng sariling pagpapakahulugan sa tula na batay sa
abot ng kanilang kaalaman ukol dito. Madalas na kahulugan ng nakararami sa tula ay isang anyo ng panitikan na
nagpapahayag ng damdamin ng isang tao. Ito ay binubuo ng mga saknong, ang mga saknong ay binubuo ng mga
taludtod.
Ayon kay Eugene Evasco at Will Ortiz (2008), ang tula ay sinasabi ring uri ng sining na may wikang
nagsasaad ng higit pa kaysa sa ordinaryong pamamahayag. Karaniwang paraan ng pagsasabi nito ay sa higit na
kaunting salita at higit na kaunting espasyo. Pinayayabong ang anyo ng tula sa pamamagitan ng paggamit ng
talinghaga. Nagpapahayag ang tula ng isang ideya o damdamin sa isang wikang matalinghaga. Kapag sinabing
matalinghaga, may higit itong kahulugan kaysa sa literal nitong sinasabi. Halimbawa, sa pahayag na “kumukulo ang
dugo,” hindi ito literal na nangangahulugang nakikita ng nagsabi ang pagkulo ng dugo. Ibig nitong sabihin na
nagagalit ang isang tao o di kaya’y nawawala ang pasensiya, maaaring kaugnay nga ito sa literal na pagtaas ng
presyon ngunit sa matalinghagang pakahulugan.
Samantala, ayon naman kay Rufino Alejandro, “ang tula ay nangangahulugang likha at ang makata ay
tinatawag na manlilikha”. Sinabi naman ni Amado V. Hernandez, “ang tula ay hindi pulos na pangarap at
salamisim, hindi pawang halimuyak, silahis, aliw-iw at taginting. Ang tula ay walang di nagagawang paksain”.

Mga Bahagi ng Tula

Narito ang mga bahagi ng tula ayon kina Evasco at Ortiz (2008):

1. Talinghaga – “kung walang talinghaga, walang tula.” Karaniwang binabanggit ang ganitong pahayag ng mga
guro ng panitikan. Sinabi ni Virgilio Almario na ang talinghaga ay ang buod ng pagtula. Ito ang utak ng paglikha at
disiplinang pumapatnubay sa haraya at sa pagpili ng salita habang isinasagawa ang tula. Ipinapakahulugan nito na
may mga karanasan (panlabas) ang isang tao o manlilikha ng tula na kailangan nitong iproseso sa kanyang sarili
(panloob) upang magamit sa kaniyang paghaharaya o paggamit ng imahinasyon. Kailangang pandayin ang
anumang panlabas na karanasan tungo sa loob (utak at damdamin) upang maihayag ang talinghaga. Dito makikita
na sa pagtula at paggamit ng talinghaga, hindi lamang damdamin ang ginagamit kundi isip o kamalayan upang
mapahusay ang pagtula.

2. Persona – ang tawag sa nagsasalita sa loob ng tula. Maaaring ang makata rin ang persona subalit maaaring
maging magkaiba ang dalawa. Sa loob ng tula, maaaring lumikha ng iba’t ibang persona ang makata. Maaaring ang
makata ay lalaki subalit ang kaniyang persona ay isang babae. Maaaring may gulang o edad na ang makata subalit
ang persona na nagsasalita sa kanyang tula ay isang bata. Maaaring walang asawa ang makata subalit ang persona
sa loob ng kanyang tula ay isang taong may asawa’t anak. Maaari rin namang maging sahig ang persona ng tula o
iba pang mga bagay na walang buhay na bibigyang-buhay ng makata sa pamamagitan ng kanyang imahinasyon.

3. Tugma – pagkakapare-pareho ng dulong tunog ng dalawa o higit pang taludtod sa isang saknong ng tula. Pag-
uulit ang namamayaning prinsipyo sa pagtutugma. Nauulit ang dulong tunog ng panghuling salita ng sinundang
taludtod. Tandaan: tunog o ponema ang inuulit, hindi titik. Sa mas payak na pagsasabi, mga salita (sa dulo ng
dalawa o higit pang taludtod) ang pinagtutugma. Magkatugma ang anumang dalawa o higit pang salita kung ang
mga ito ay nagtatapos sa iisa o magkapamilyang tunog o ponema.

4. Sukat – pagkakapare-pareho ng bilang ng pantig ng dalawa o higit pang taludtod sa isang saknong ng tula. Tulad
sa pagtutugma, paguulit ang namamayaning prinsipyo sa pagsusukat. Bilang ng pantig na inuulit.
5. Imahen – hindi lamang ang detalye ng larawan sa loob ng isang tula kundi ito ay anumang pandamang pisikal.
Inilalarawan nito ang mga pandamdam tulad ng pandinig, pandama, pang-amoy, biswal, panlasa na bumubuo ng
isang imahen. Sa pagtula, mahalaga ang pagpapakita at hindi paglalahad lamang. Ito ang panuntunan ng makata
na show, don’t tell. Kapag nais ipadama ng makata ang kalungkutan ng tauhan o persona ng tula, hindi niya
sasabihing “malungkot ang persona.” Bagkus, iisip siya ng paraan kung paanong ipadarama sa pamamagitan ng
imahen ang karanasan ng kalungkutan ng tauhan o ng persona. Kailangang kongkretong madama ng mambabasa
ang isinusulat ng makata. Tingnan ang ilang halimbawa ng pagpapakita at hindi paglalahad lamang.

6.Tono – Hindi lamang awitin ang may tono o himig. Maging ang ating paraan ng pagsasalita ay mayroon ding
tono. Maaaring ang tono ng pagsasalita ng isang tao ay galit, nanunuya, sarkastiko, tapat, nagmumuni o dili kaya
nama’y masaya. Ang tono ng tula ang siyang nagpapakita ng emosyon o damdamin ng persona sa tula.
Makatutulong ang pagbabasa nang malakas upang marinig ang tono ng persona.

Mga Uri ng Tula

1. Tulang Liriko o Tulang Damdamin (Lyric Poetry) – ang tulang ito ay nagpapahayag ng damdamin ng makata
batay sa kanyang karanasan o likha ng malikhaing guniguni. Nauuri ito sa soneto, elehiya, oda, pastoral at dalit.

2. Tulang Pasalaysay (Narrative Poetry) – ang tulang ito ay naglalarawan ng mahahalagang tagpo o pangyayari sa
buhay tulad ng kabayanihan o kagitingan, panganib sa pakikidigma, kabiguan o suliranin particular sa pag-ibig at
suliraning pantahanan. Ang mga uri nito ay epiko, awit at korido.

3. Tulang Pandulaan (Theatrical Poetry) – itinatanghal ito sa entablado. Saklaw ng uring ito ang komedya,
trahedya, monologo, sarsuwela, melodramang tula at iba pa.

4. Tulang Patnigan (Joustic Poetry) – Ang tulang patnigan ay isang uri ng pagtatalong patula na ginagamitan ng
pangagatwiran at matalas na pag-iisip. Kabilang sa uring ito ang karagatan, duplo at balagtasan.
ARALIN 4: ANG DULA____________________________________________________
Ang dula ayon sa batikang manunulat na si Rene O. Villanueva (2006) ay “isang anyo ng malikhaing
pahayag.” Ibig sabihin, sumusulat tayo ng dula para magpahayag; o dahil may ibig tayong sabihin. Hindi
kinakailangang mahalaga, dakila, napapanahon o monumental ang gusto nating sabihin. Ang mahalaga, malinaw
sa atin na mayroon tayong gustong sabihin, anuman iyon. Sa dula ang pangunahing kailangan ay aksiyon at
usapan.

Bukod sa ang dula ay isang pahayag, pansinin na ang dula ay isang malikhaing pahayag. Ano ba ang
tinatawag na malikhain? Malikhain ang isang pahayag kung ito ay mapagkintal at mapagparanas. Sa Ingles,
impressive at evocative. Mapagkintal: tumitimo, bumabaon sa sinumang makaranas ng pahayag. Mapagparanas:
may kakayahang magpadama, maranasan ng nakakita o nakarinig. Magagawa ito sa pamamagitan ng paggamit sa
ilang batayang sangkap ng dula: tauhan, banghay at tema.

. Sa dula, kailangang maipakita ang nagaganap o pangyayari na parang nagaganap ito sa unang
pagkakataon. Dula ang tanging anyo na hindi nangangailangan ng pananaw (point of view) o tagapagsalaysay.
Bagaman may mga dulang gumagamit ng narrator, lalo na sa mga dulang pambata, may kakayahan ang dula (na
siyang ikinatatangi nito sa ibang anyo ng malikhaing pagsulat) na ipahayag ang karanasan nang walang
nagsasalaysay. Sinasabing ang dulang gumagamit ng tagapagsalaysay ay karaniwang itinuturing na mahinang dula.

Ang dula ay isang uri ng panitikang ang pinakalayunin ay itanghal sa tanghalan. Mauunawaan at
matutuhan ng isang manunuri ng panitikan ang ukol sa isang dula sa pamamagitan ng pagbabasa at panonood
nito.
Gaya ng ibang panitikan, ang karamihan sa mga dulang itinatanghal ay hango sa totoong buhay maliban na
lamang sa iilang dulang likha ng malikhain at malayang kaisipan.

Lahat ng itinatanghal na dula ay naaayon sa isang nakasulat na dula na tinatawag na iskrip. Ang iskrip ng
isang dula ay iskrip lamang at hindi dula, sapagkat ang tunay na dula ay yaong pinanonood na sa isang tanghalan
na pinaghahandaan at batay sa isang iskrip.

Batayang Sangkap ng Dula

Tinukoy ni Villanueva (2006) ang ilang batayang sangkap ng isang dula:

1. Tauhan (Character) – siya ang kumikilos sa dula. Kapag may tauhan, may pangyayari. May magaganap na
pagbabago.

2. Banghay (Plot) – ito ang estruktura o kabuuan ng mga pangyayari sa dula; ang kabuuan ng pagkilos ng isang
tauhan mula simula hanggang katapusan ng dula.

3. Tema (Theme) – ito ay may kaugnayan din sa pahayag (kaya napakaimportante ng gustong sabihin sa dula)
subalit ispesipiko at mas tiyak ang anyo kaysa pahayag. Ang tema ay maaaring may moral lesson, premise o
insight.
a. Ang tema bilang moral lesson ay may kinalaman sa paghuhusga sa gawi, ugali, o halagahan: maaaring
tama o mali o tamang ugali o halagahan.
b. Ang premise naman ay isang kaisipang kailangang patotohanan ng mga pangyayari sa dula. Hindi
kailangang patotohanan ay isang katotohanang unibersal. Ang dula mismo ang magpapatotoo sa piniling
premise.
c. Ang insight ay isang kagyat na pagkatanto tungkol sa isang pangyayari o tauhan.

Iba pang sangkap ng dula:


a. Tagpuan – panahon at pook kung saan naganap ang mga pangyayaring isinaad sa dula.

b. Sulyap sa suliranin – bawat dula ay may suliranin, walang dulang walang suliranin. Mawawalan ng saysay
ang dula kung wala itong suliranin. Maaaring mabatid ito sa simula o kalagitnaan ng dula na nagsasadya sa
mga pangyayari. Maaaring magkaroon ng higit na isang suliranin ang isang dula.

c. Saglit na kasiglahan – saglit na paglayo o pagtakas ng mga tauhan sa suliraning nararanasan.

d. Tunggalian – ang tunggalian ay maaaring sa pagitan ng mga tauhan, tauhan laban sa kanyang paligid at
tauhan laban sa kanyang sarili. Maaaring magkaroon ng higit sa isa o patong-patong na tunggalian ang
isang dula.

e. Kasukdulan – climax sa Ingles, dito nasusubok ang katatagan ng tauhan. Sa sangkap na ito ng dula tunay
na pinakamatindi o pinakamabugso ang damdamin o kaya’y sa pinakasukdulan ang tunggalian.

f. Kakalasan – ang unti-unting pagtukoy sa kalutasan sa mga suliranin at pag-ayos sa mga tunggalian.

g. Kalutasan – sa sangkap na ito nalulutas, nawawaksi at natatapos ang mga suliranin at tunggalian sa dula,
ngunit maaari ring magpakilala ng panibagong mga suliranin at tunggalian sa panig ng mga manonood.

Para kay Rene Villanueva (2006), mahalaga ang tauhan bilang sangkap ng dula. Isinaad nga sa itaas na ang
tauhan ang siyang kumikilos sa dula, kapag may tauhan, may pangyayari at may magaganap na pagbabago. Para
makalikha ng isang tauhan, tatlong bagay ang kinakailangan: pangalan, edad at kalagayan sa buhay. Matapos
tukuyin ang tatlong katangian na magbibigay ng indibidwalidad sa tauhan, kailangang gawing dramatiko ang
tauhan kasunod ang kanyang mithi, balakid at kapalaran.

Ang mithi ay isang kongkretong bagay na gustong makamit ng tauhan. Maaaring ito’y isang nakapagtapos
ng pag-aaral, naghiganti atbp. Kailangang maging kongkreto ang mithi sapagkat ang pagtukoy sa tunay na mithi ng
tauhan sa dula ay kaakibat ng pagtukoy sa kung ano ang magpapaligaya sa tauhan.

Pagkatapos nito’y isunod ang kapalaran, dito pagpapasiyahan ng manunulat kung ano ang kahihinatnan ng
mga tauhan sa dula.

May apat na kapalaran ang maaaring kahantungan ng tauhan. Maaring makamit niya ang minimithi at
lumigaya; hindi makamit ang mithi at hindi lumigaya; makamit ang kanyang mithi ngunit hindi liligaya; o hindi
makamit ang mithi subalit magiging maligaya.

At ang huli, ang pagtukoy sa balakid o anumang bagay na hadlang sa minimithi ng tauhan. Karaniwan,
tatlo ang uri ng balakid: Panloob, Panlabas o Pangkapaligiran, Psychological, Physical at Environmental. Ang
nasabing mga balakid ay kakatawanin ng isa pang tauhan sa dula.

Isa sa pinakamahalagang aspekto sa dula ay ang pagmumuni-muni —ang pagbabago ng tauhan. Sapagkat
ang dula, higit sa anupaman, ay tungkol sa pagbabago. Mula sa isang pananaw, pagpapahalaga o attitude ng
tauhan tungo sa panibagong pananaw, pagpapahalaga o attitude.
Aralin 5- ANG TALUMPATI_____________________________________________________

Sa mga taong may katungkulan mababa man o mataas ay hindi maiiwasan mahilingang magbigay o
bumigkas ng isang talumpati. Sa mga dinadaluhang okasyon o mga pagtitipon kailanman at saanman ay maaaring
hingan ng talumpati ang dumadalo.

Ano ang Pananalumpati?

Ayon kay Jose Villa Panganiban, ang pananalumpati ay magalang na pagsasalita sa harap ng isang publiko
hinggil sa isang mahalaga at napapanahong paksa. Malimit gamitin ang salitang pagdidiskurso bilang
kasingkahulugan. Mga kauri, ngunit hindi kasingkahulugan ng pananalumpati ang pagpapanayam, pagbigkas,
pakikipagtalo o debate at pakikipag-usap.

Mga Hangarin ng Pananalumpati

a. Magbigay-kabatiran - kabatiran sa mga bagay na hindi pa alam ng publiko.


b. Magturo - ituro sa publiko ang nararapat na paraan o paniniwala hinggil sa isang kaisipan.
c. Manghikayat - hikayatin ang publiko sa katotohanan at kabutihan ng isang kaisipan.
d. Magpaganap o Magpatupad - gaya ng pagpapaboto sa isang kandidato, pagpapaambag sa isang kawanggawa,
pagpapagawa ng isang bagay na mabuti at kailangan at iba pa.
e. Manlibang - hangaring dapat maging laging kakambal ng unang apat sapagkat ang bawat talumpati, anuman ang
hangarin ay dapat makawili.

Tatlong Bagay ang Dapat Isaalang-alang sa Pananalumpati:

a. Ang mananalumpati na dapat maghanda ng mabisang


b. talumpati na bibigkasin at dapat kalugdan ng
c. publiko, dapat pakinggan ito at unawain

Mga Uri ng Talumpati

a. Dagliaan o Biglaan (impromptu). Ang mananalumpati ay hindi binibigyan ng pagkakataong makapaghanda.


Agad na lamang siyang tinatawagan.

b. Maluwag (extemporaneous). Ang mananalumpati ay may inihandang sasabihin at may panahong mapag-aralan
ang publiko at makagawa ng balangkas ng talumpati ngunit hindi nagsasaulo.

c. Handa (prepared set). Sadyang inihanda at isinulat ang talumpati upang basahin o sauluhin.

Mga Dapat Tandaan Upang Maging Kaakit-akit ang Pagbigkas ng Talumpati

a. Kasiglahan ng mananalumpati sa kanyang pagbigkas


b. Kasanayan sa pagharap sa publiko at kasanayan sa pagbigkas ng talumpati.
c. Pagpapalagay na ang pagtatalumpati ay isa lamang pakikipag-usap.
d. Pagsupil sa nerbiyos―ang mananalumpating ninenerbiyos ay dapat munang mag-alis ng nerbiyos.
e. Masidhing hangad na maiparating ang kahulugan ng sinasabi sa pangunawa ng nakikini
Tatlong Katangiang Dapat Taglayin ng Paksa ng Talumpati:

a. Napapanahon—ang talumpati ay maaaring hinggil sa isang kasalukuyang pangyayari o sa hinaharap na may


kabuluhan sa publiko.

b. Kapaki-pakinabang sa publiko—dapat pag-aralan ang mga katangian at pangangailangan ng publiko bago


magtalumpati.

c. Katugon ng layon ng talumpati—laging alalahanin ang limang layunin. Dapat maging bihasa sa pagpili ng wasto
at bagay na paksa ang mananalumpati. Magmasid at magsuri sa pananalumpati ng mga kinikilala at tanyag na
orador.

Pagyayari ng Talumpati:

a. May simula na dapat kakitaan ng hangarin ng mananalumpati.


b. May katawan na nagtataglay ng kalamnan ng talumpati.
c. May pangwakas na nagpapakilala ng kaganapan ng talumpati.

Mga Hakbangin sa Pagsulat ng Talumpati:

a. Pagbuo ng tiyak na layunin


b. Pagbabalangkas (outlining)
c. Pagggawa ng panggitnang diwa
d. Pag-uugnay-ugnay ng mga sangkap
e. Pagsasaayos

Mga Sangkap ng Talumpati:


a. Mga katunayan (facts)
b. Mga kuro-kuro (ideas)
c. Mga damdamin (feelings)

Pamamaraang Ginagamit sa Pagwawakas ng Talumpati

a. Paglalagom (summarizing)
b. Pagdiriin (emphasis)
c. Pamumukaw ng damdamin (arousing of emotion)

Gawain I:
Panuto: Pumili ng isang URI NG AKDA at gumawa nito. (Huwag nang piliin ang sanaysay.)
Paalala: Siguraduhin na ang akdang inyo gagawin ay kayang isalin sa ibang wika bilang paghahanda sa
susunod na aralin.

You might also like