You are on page 1of 7

IKALAWANG PAGLALAKBAY NI RIZAL

MGA LAYUNIN
1. Maitala ang ikalawang paglalakbay ni Rizal at ang mga dahilan sa kanyang muling pag-alis
2. Maipamalas ang kakayahang matalas na obserbahin ang paligid
3. Maisulat ang epekto ng ikalawang paglalakbay ni Rizal
4. Matularan si Rizal sa mga katangian na kanyang ipinakita sa pakikisalamuha at pago-obserba niya sa ibang tao
MGA PINAGBATAYANG AKDA:
Coates, Austin. Rizal: Filipino Nationalist and Patriot. Solidad Publications. 1992. Translation ni Nilo Ocampo. Rizal: Makabayan at Martir. UP Press, 2007.
Zaide, Gregorio. (1999). Jose Rizal: Buhay, Mga Ginawa at Isinulat ng Isang Henyo, Manunulat, Siyentipiko at Pambansang Bayani. Quezon, City

Mga Dahilan ng Muli at Pilit na Pagalis ni Rizal

1. Ang mga problema at hinaing na nakalap ni Rizal sa mga taga-Calamba ukol sa asyenda ng mga Dominikano sa Calamba
ay nagdulot ng kapahamakan para sa kaligtasan ng kanyang pamilya at mga kaibigan. Tinulungan niya ang mga taga-
Calamba para sa imbestigasyon ni Gobernador-Heneral Terrero ukol sa mga asyenda ng mga prayle.
a. Ang buong bayan ng Calamba ay sakop ng asyenda ng mga Dominikano.
b. Ang kinitang tubo ng mga Dominikano ay patuloy na tumataas dahil sa pabigla-biglang pagtataas ng upa sa mga
inquilino at kasama.
c. Hindi nagbigay ni kusing ang mga Dominikano para sa paghahanda ng piyesta ng bayan, pagpapaaral sa mga
anak ng mga inquilino at kasama at sa pagpapaunlad ng agrikultura.
d. Ang mga kasama na siyang naghirap na magsaka sa mga lupain ng asyenda ay nawalan ng lupa sa mababaw na
kadahilanan.
e. Mataas ang mga ipinataw na interes sa mga kasama sa hindi agad pagbabayad ng upa at kapag hindi
nababayaran ang upa ay kinukumpiska ng mga may-ari ng asyenda ang mga kalabaw, mga kagamitan pati
bahay ng mga kasama.
2. Mas madaling kalabanin ang mga kaaway ni Rizal kung siya’y wala sa Pilipinas kung saan nanganganib ang kanyang buhay
at ng kanyang pamilya. Mas maigi din niyang maisusulong ang mga reporma para sa Pilipinas kung siya ay nagsusulat sa
ibang bansa. Mahihinuhang sa Calamba sinimulan ni Rizal ang ideya sa pagsulat ng ikalawa niyang nobela, El Filibusterismo.

Paglalakbay sa Hongkong, Hapon at Estados Unidos

Rizal sa Hongkong

Pebrero 1888 : Umalis si Rizal sa Pilipinas patungong Hong Kong daladala ang PhP5000 na kinita niya sa panggagamot
(nakilalala siyang Doktor Uliman). Pagkatapos ng 5 araw na paglalakbay, nakarating si Rizal sa Hong Kong at nakitahan sa
bahay ni Jose Maria Basa. Si Jose Maria Basa ayon kay Rizal ay isang progresibo, parang republikano, may
pagkamapaghinala. Siya rin ang tinuturing na matwang dili, doyen sa Asya ng mga Pilipino sa labas ng bansa, na dating
abugado at tanging tinapon noong 1872 na nakatakas paHongkong at umunlad sa negosyo. Bukod kay Jose Maria Basa,
nakilala din ni Rizal sa Hong Kong si Balbino Mauricio na isang filibustero na itinakwil ng sariling pamilya sa Pilipinas. Itinuring
ang mga filibustero na parang mga ketongin ng Edad Medya, nakagigiyagis ng takot na nagpapamanhid sa anumang awa o
pagkatao. Bagaman sawi si Mauricio ay marangal at wala itong angal kaya’t napagtanto ni Rizal na si Mauricio ay Kaawa-
awang taong karapatdapat sa mas mabuting kapalaran.

Ilan sa mga napanuna ni Rizal sa Hong Kong :


1. Ang ordeng Dominikano ang pinakamayamang relihiyosong orden sa Hong Kong. Nagmamayari ang mga Dominikano
ng mahigit 700 paupahang bahay at maraming shares sa mga dayuhang bangko. Nakakapaglagak ito ng milyon-
milyon sa mga bangko.
2. Maraming libingan para sa iba’t ibang relihiyon : para sa Protestante, Katoliko at Muslim. Pinakamaganda ang mga
libingan ng mga Protestante dahil sa angking kalinisan at kaayusan. Pinakamagarbo at pinakamahal ang mga libingan
ng mga Katoliko dahil sa mga musuleo. Pinakapayak at simple ang libingan ng mga Muslim na mayroong isang maliit na
mosque at mga lapidang may sulat ng Arabic.

Sakay ng barkong Kui Kiang ay nagpunta ng Macao si Rizal kasama si Jose Maria Basa, Jose Sainz de Veranda(ang
hinihinalang espiya na padala ng Gobernador-Heneral) at ilang Portuges. Sa Macao ay nanirahan sila sa bahay ni Don Juan
Francisco Lecaroz, ang huling delegado ng mga Pilipino sa Spanish Cortes. Namasyal sa Macao si Rizal at pinagtuunang
pansin ang Botanical Garden sa Macao at ang Grotto ni Camoens, ang pambansang manunula ng Portugal. Bago matapos
ang Pebrero ay naglayag si Rizal patungong Hapon lulan ng barkong Oceanic.

Rizal sa Hapon

Sa huling araw ng Pebrero dumating si Rizal sa Yokohama. Tumuloy siya sa Grand Hotel. Inimbita siyang sa Spanish Legation
mamalagi. Pinag-aralan ni Rizal ang mga gawi at tradisyon ng mga Hapones, ang kanilang wika, ang kanilang mga teatro
at kalakalan. Pagsapit ng Marso ay namasyal din siya sa Tokyo kung saan namalagi siya sa Tokyo Hotel. Sa liham niya kay
Blumentritt ay makikita ang paghanga ni Rizal sa katapatan, kagalangan, kalinisan at kasipagan ng mga Hapones. Bukod
dito ay napuna din niya ang:
a. Ang kagandahan ng bansang Hapon
b. Ang kaigaigayang kasuotan at simpleng kagandahan ng mga babaeng Hapones
c. Ang mabibilang na magnanakaw na makikita sa kaugaliang hindi pagsasara ng bahay araw man o gabi, at
maaaring magiwan ng pera sa lamesa
d. Ang halos kawalan ng mga pulubi sa lansangan ng siyudad di katulad ng mga lansangan ng Maynila

Ngunit ipinahayag din ni Rizal ang kanyang pagkamuhi sa paggamit ng jinrikisha o rickshaw, isang popular na transportasyon
sa Hapon na hila ng isang tao.

Sa Legacion na namalagi si Rizal sa Tokyo sa paghikayat ng puno nito na si Juan Perez Caballero. Naging magkaibigan ang
dalawa dahil ayon kay Rizal si Caballero ay isang magaling na diplomat na nakarating na sa iba’t ibang lugar at mahusay
na manunulat. Isang buwan namalagi si Rizal sa Hapon at doon natutunan niya ang paggamit at pagsulat sa wikang Hapon.
Natuto si Rizal ng katakana (Japanese script), kabuki (Japanese drama) at judo (Japanese martial arts).

Sa liham ni Rizal sa kanyang pamilya ay nahinuha ni Rizal na sa di malayong hinaharap ay mas magiging malapit ang
bansang Hapon at Pilipinas. Ilang buwang namalagi si Rizal sa Hapon at sa kalagitnaan ng Abril ay umalis si Rizal ng
Yokohama patungong San Francisco lulan ng barkong Belgic. Dito niya nakilala at naging kaibigan si Tetcho Suehiro, isang
manunulat na Hapon na dalawang beses ng nakulong dahil sa mga sinulat laban sa pamahalaang Hapon. Nakasama niya si
Rizal sa paglalakbay sa Estados Unidos hanggang sa London.

Rizal sa Estados Unidos

Bago matapos ang Abril nakarating si Rizal sa San Francisco, California. Anim na araw na na-quarantine ang Belgic na
nakaangkla sa San Francisco Bay. Naging sagabal para sa kanya ang quarantine at lumabas ito sa sulat niya sa pamilya:
Hindi ko papayuhan ang sinumang magpunta rito sa Amerika, dahil lukong-luko sila rito sa quarantine at napakahigpit ng
inspeksyon ng customs, pataw ng pataw ng kung anong buwis na pagkamamahal sa mga bagay na pagkaliliit.

Nang matapos ang quarantine ay tumuloy si Rizal sa Palace Hotel sa San Francisco at dalawang araw na naglibot sa bayan.
Nang lumaon ay apat na araw na naglakbay si Rizal sa kontinente ng America mula kanluran pasilangan at dumaan sa Reno
(Nevada), sa Ogden (Utah), sa Denver (Colorado), sa Farmington (Connecticut) , sa Salt Lake City (Utah), sa Provo (Utah), sa
Nebraska, sa Chicago (Illinois) hanggang sa makarating sa Albany (New York). Dito siya naglakbay sa Ilog ng Hudson.
Pagdating sa New York ay namalagi siya sa Fifth Avenue Hotel.

Mga Puna ni Rizal sa Estados Unidos:


1. Kaunlarang materyal ng bansa na mahihinuha sa malalaking sakahan ng mga lungsod, sa mga kumikitang kabuhayan, sa
mga paggawaang punong-puno ng buhay
2. Ang angking kagandahan ng bansa
3. Ang mataas ng estado ng pamumuhay
4. Mga oportunidad para sa mas magandang buhay na inaalay sa mga mahihirap na dayuhan
5. Diskriminasyon, walang tunay na kalayaang sibil at walang pagkakapantay-pantay ng lahi na hindi alinsunod sa mga
mga alituntunin ng demokrasya at kalayaan

Sa kalagitnaan ng Mayo ay umalis si Rizal patungong Liverpool lulan ng barkong City of Rome. Inilarawan ni Rizal ang
ikalawang pinakamalaking barko sa mundo noon sa kanyang mga magulang: Para may ideya kung gaano kalaki ang
dambuhala na ito, sasabihin kong may tatlo itong funnel at nagkokonsyum ng 300 tons ng coal araw-araw. Mahigit 200 yarda
ang haba nito at 18 yarda ang luwang at may 12,000 horsepower kung kaya may 63 kuluan ito.

Siyam na araw na naglakbay si Rizal lulan ng City of Rome bago nakarating sa Queenstown at nang maglaon ay nakarating
din sa Liverpool. Dito tumuloy siya sa Adelphi Hotel. Bago matapos ang Mayo ay lumisan si Rizal patungong London.

Rizal sa London

Mayo 1888: Pinatuloy si Rizal ni Dr. Reinhold Rost at ng kanyang pamilya sa kanilang tahanan para sa isang tea party. Doon
nakita ni Rizal ang isang kahangahangang aklatan tungkol sa Pilipinas. Hindi ito nakakapagtaka sapagkat si Rost ay mahilig
talaga sa libro, bilang siya ang librarian ng Ministro ng Ugnayang Panlabas ng Inglatera at isang sikat na Malayalogist.
Naging interesado si Rost kay Rizal at tinawag pa itong hombre perla. Sa London naisip ni Rizal na ilimbag muli ang Noli
kasama ang mga ilustrasyon ni Juan Luna at ilang mga pagbabago. Nais niyang paltan ang maraming pagkakamali sa
pagkakatitik at ang maling sipi niya kay Shakespeare na mula talaga kay Schiller.
Bago matapos ang Mayo ay nanuluyan si Rizal sa Chalcot Crescent sa Primrose Hill sa tahanan ng pamilyang Beckett
Sa isang liham kay Mariano Ponce, naghayag si Rizal na magpadala pa ng kopya ng Noli Me Tangere sa Pilipinas. Inihayag
din niya na nais pa niyang makakita ng mas marami pang manunulat sa larangan.
Sa London din nagpadala ng liham kay Blumentritt para siya’y payuhan kung sasagutin ba niya ang mga paratang ni
Senador Vida sa talumpati nito sa Senado sa Madrid na siya ay malapit na kaibigan ni Prinsipe Bismarck at ang kanyang
Noli ay laban sa mga Katoliko at nagpapalaganap ng Protestantismo at sosyalismo. Nagdesisyon si Rizal na maglathala ng
sanaysay upang turuan si Senador Vida ng katapatan at paggalang.

Agosto 1888: Nakapasok si Rizal sa Reading Room ng British Museum sa tulong ni Rost na kumuha ng tiket para sa kanya
para makabasa. Tanyag na limliman ng mga himagsikan ang dakkel, ang kopuladong Reading Room. Dito siya naging abala
sa pag-aannotate ng Sucesos ni Morga kung saan may orihinal na kopya ng akda ni Morga. Nangako si Dr. Antonio Regidor
na mamumuhunan sa pagpapalimbag nito. Bukod dito, plinano din ni Rizal na isalin ang akda ni Blumentritt na “Tribes of
Mindanao” at iba pang mga dokumentong Espanyol tungkol sa Pilipinas na nakita niya sa British Museum. Kasabay ng pag-
annotate sa Morga ay nais niyang remedyuhan ang nakakalungkot na pagkapabaya sa mga wikang Pilipino- nais niyang
gumawa ng wastong diksyunaryo at grammar, at kaalinsabay nito ang paggawa ng istandard ortograpi (o wastong
pagbabaybay ng mga salita). Kasabay din nito ay iniamba din ni Rizal ang sarili upang maging expert sa philology (pag-
aaral ng kasaysayan ng linguistics, pinagsasama ang linguistics at pag-aaral ng panitikan.) Kasabay ng lahat ng ito ay
sinimulan ni Rizal ang ikalawa niyang nobela.

Nakatanggap ng ilang balita si Rizal habang nasa London:

1. Ang paglilitis sa mga makabayang Pilipino sa Maynila at ng ilang bayan na malapit dito na lumagda sa Petisyon ng
1888 na iniharap kay Don Jose Centeno, Gobernador Civil ng Maynila. Nakalaan sa Reyna Regente ng Espanya ang
petisyon, humihiling ng pagpapalayas sa mga prayle sa Pilipinas, kasama ang Arsobispo ng Maynila na si Pedro Payo
na isang Dominikano.
2. Ang kaguluhang agraryo sa Calamba ng 1888 kasama ang pamilyang Rizal
3. Ang pagpapatapon sa bayaw na si Manuel Hidalgo sa Bohol
4. Ang pagtanggi ng simbahan sa pagpapalibing sa bayaw na si Mariano Herbosa sa libingan ng mga Katoliko
5. Nakulong ang kaibigan ni Rizal na si Laureano Viado, isang estudyante ng medisina sa UST dahil sa pagmamay-ari sa
isang kopya ng Noli
6. Pinagtanggol ni Padre Vicente Garcia ang Noli

Rizal sa Paris (Setyembre 1888)

Nagpunta si Rizal sa Paris para maghanap pa ng ilan pang dokumentong makasaysayan sa Bibliotheque Nationale. Ilang
gabi siya sa Paris kung saan inaliw siya ni Juan Luna at ng kanyang asawang si Paz Pardo de Tavera. Pagkatapos magbasa
sa Bibliotheque Nationale ay bumalik si Rizal sa London upang ituloy ang Morga.

Rizal sa Barcelona (Disyembre 1888): Dito niya unang nakilala si Marcelo H. del Pilar at Mariano Ponce, dalawa sa
pinakamahalagang tauhan ng Kilusang Propaganda. Natatag ang Asosacion La Solidaridad sa Madrid kung saan nahalal si
Rizal bilang honorary president kahit tutol siya rito.

Rizal sa London II (Disyembre 1888): Sa London pa rin nagdiwang ng Pasko si Rizal sa bahay ng pamilyang Beckett. Sa
London din niya sinulat ang sagot niya sa kritisismo ni Padre Jose Rodriguez na pinamagatang La Vision de Fray Rodriguez.
Dito rin niya sinulat ayon sa hiling ni del Pilar ang liham para sa mga kababaihan ng Malolos na nagtatag ng isang paaralan
kung saan makapagaaral sila ng Espanyol bagaman pinigilan sila ng kura ng Malolos na s Padre Felipe Garcia.

Rizal sa London at ang La Solidaridad (Pebrero 1889)

Naging mahalagang tauhan si Rizal sa kilusang Propaganda sa paglahok niya sa La Solidaridad. Nagpapadala si Rizal ng
mga artikulo niya sa pahayagan ng La Solidaridad na noon ay nasa ilalim ng patnugot ni Graciano Lopez Jaena na ayon
kay del Pilar ay napakasipag: siya ang nagwawasto, nagbabalita, gumagabay sa paglilimbag at namimigay ng kopya at
minsa’y siya pang nagpapadala sa tanggapan ng koreo. Si Mariano Ponce naman ang: nangangalap ng impormasyon,
nagwawasto, nagsusulat ng mga pangunahing balita, naghahanda sa mga korespondent at namamahagi din ng kopya. Ginamit
ni Rizal ang mga pseudonym na Dimasalang at Laong Laan sa mga akda niya sa La Solidaridad.

Rizal sa Paris
Marso ng 1889 ay malungkot na lumisan si Rizal ng London papuntang Paris. Sa Paris napalimbag niya ang kanyang
anotasyon ng Sucesos ni Morga, nagtatag ng dalawang asosasyong Filipino – ang Kidlat Club at ang Indios Bravos at sumulat
ng sagot kay Padre Salvador Font na pinamagatang Por Telefono.

Ilang araw na nanuluyan si Rizal sa bahay ni Valentin Ventura ngunit ilang beses din siyang nagpalipat lipat dahil na rin sa
dami ng mga turista noon sa Paris para sa International Exposition ng 1889. Nang naglaon ay nakahanap siya ng isang maliit
na kuwarto kung saan kasama niya si Capitan Justo Trinidad (dating gobernadorcillo ng Sta. Ana, Manila at isang refugee
mula sa pagmamalabis ng Espanya) at Jose Albert (isang estudyante mula sa Maynila). Sa halip na magsaya sa Paris ay
binuhos ni Rizal ang pagtapos sa kanyang anotasyon at pagbabasa sa Bibliotheque Nationale. Kung siya ay hindi nagsusulat
ay nakakapunta siya sa mga kainan sa bahay ng mga Pardo de Tavera, mga Ventura, mga Ramirez at mga Rochas.
Madalas ding panauhin si Rizal sa tahanan ng pamilyang Boustead (sa Paris at villa Eliada sa Biarritz). Narepaso at naging
mahusay din si Rizal sa paggamit ng kanyang Pranses habang na sa Paris. Kasama ni Trinidad Pardo de Tavera ay nakinig si
Rizal sa mga lektyur ukol sa mga wikang Oriental sa University of Paris. Tuwing Linggo ay kasama naman niya si Luna (sa
studio nito) na nagaaral ng eskrima o fencing. Nakikipag-sparring siya sa magkapatid na Luna, Valentin Ventura at ang
magkapatid na babaeng Boustead.

Ang Kidlat Club (Marso 1889) ay isang asosasyon ng mga Filipino itinatag ni Rizal sa Paris kung saan kasapi sina Antonio at
Juan Luna, Lauro Dimayuga, Baldomero Roxas, Gregorio Aguilera, Fernando Canon, Gregorio Pautu at Julio Llorente. Ang
Kidlat Club ay nabuo lamang para pagtipunin ang mga Filipino sa Paris upang masaksihan ang Eksposisyon. Ang Indios
Bravos ang pumalit sa Kidlat Club ng mapanood nina Rizal ang grupo ni Buffalo Bill at ng mga American Indians. Bilang mga
Indios Bravos ay nangako ang mga kaspi nitong mas pagbubutihin ang kanilang angking intelektuwal at pisikal upang
mapabilib ang mga Espanyol.

Gabay na Tanong : Ano ang kahalagahan ng paglalakbay ni Rizal sa iba’t-ibang lugar ?


Mga Posibleng Sagot
1. Mas namulat si Rizal sa pagiging atrasado ng Espanya bilang kolonyalista
2. Mas maraming paghahambing na naggawa si Rizal sa paglalakbay niya sa Timog-Silangang Asya, sa Hilagang Asya, sa Estados Unidos at sa Europa
3. Mas marami nang inspirasyon si Rizal sa kanyang pagsulat
4. Mas pinayaman ng paglalakbay ang mga karanasan ni Rizal
5. Mas pinalawak ng mga paglalakbay niya ang kanyang mga pananaw lalo na ukol sa Pilipinas, Espanya, mga karatig bansa sa Asya, ang Estados Unidos at
Europa
6. Mas naging maparaan si Rizal sa kanyang mga saloobin at mga plano

Takdang Aralin at Pangkatang Diskusyon para sa Sunod na Aralin :


Maghanda ng maikling ulat para sa klase ukol sa mga mahahalagang akda ni Rizal para sa Kilusang Propaganda. Huwag kalimutan
ang pagsipi ng bibliograpi o mga akdang kinonsulta para sa takdang aralin. Ilimita sa 1 hanggang 2 pahina ang paguulat. Gumawa
ng ulat ukol sa mga paksa ng mga sanaysay ni Rizal para sa La Solidaridad.

1. La Verdad Para Todos, La Solidaridad (Mayo 1889)


2. Verdades Nuevas La Solidaridad (Hulyo 1889)
3. Una Profanacion, La Solidaridad (Hulyo 1889)
4. Filipinas dentro de Cien Anos, La Solidaridad no 16, 18, 21, 24 (Setyembre 1889- Pebrero 1890)
5. Ingratitudes, La Solidaridad (Enero 1890)
6. Sin Nombre La Solidaridad (Pebrero 1890)
7. Filipinas en el Congreso La Solidaridad (Marso 1890)
8. Seamos Justos La Solidaridad (Abril 1890)
9. Sobre la Nueva Ortografia de la Lengua Tagala La Solidaridad (Abril 1890)
10. Cosas de Filipinas La Solidaridad (Abril 1890)
11. Sobre la Indolencia de los Filipinos, La Solidaridad no. 35-39( Hulyo-Setyembre 1890)
12. Como se Gobiernan las Filipinas, La Solidaridad (Disyembre1890)
13. Sucesos de las Islas Filipinas, pro el Dr. Antonio de Morga anotado por Jose Rizal (Paris, 1890)

Annex : Sa Mga Kababaihan ng Malolos


Batayan : http://joserizal.info/Writings/Other/malolos_tagalog.htm

Buod: Sa kanyang liham sa mga kadalagahan ng Malolos na sinulat noog 1889, ipinahahayag ni Jose Rizal ang kanyang papuri at
paggalang sa katapangang ipinamalas ng mga ito sa pagsusulong ng karapatan sa edukasyon – isang di-karaniwang hakbang para
sa maraming kababaihan sa kanyang panahon. Ayon kay Rizal , namulat siya sa pananaw na ang kababaihang Pilipino ay katuwang
sa layunin para sa ikagagaling ng bayan. Batay sa kanya, ang mithiin ng mga kadalagahan ng Malolos para sa karunungan ay
patunay ng pagkamulat sa tunay na kahulugan ng kabanalan - kabanalang nakatuon sa kabutihang-asal, malinis na kalooban at
matuwid na pag-iisip. Binibigyang-diin ni Rizal ang tungkulin ng kababaihan – bilang dalaga at asawa – sa pagbangon ng kanilang
dignidad at halaga sa lipunan. Kaugnay nito, inilalarawan niya ang katangian ng kababaihan sa Europa at bilang halimbawa ay
pinakita ang babaing Sparta bilang huwaran ng pagiging mabuting ina. Ipinapayo ni Rizal na gamitin ang halimbawang ito upang
maitaguyod ang isang anak na marangal at magtatanggol sa bayan. Bahagi rin ng liham ang pagpapaalala ni Rizal sa lahat na
gamitin ang isipang kaloob ng Diyos, upang matukoy ang katotohanan at hindi maging alipin ninuman. Pinupuna ang mga hindi kanais-
nais na gawain ng mga prayle, gayundin ang pagiging mulat ukol sa tunay at huwad na relihiyon. Ang payo ni Rizal ay "mulatin ang
mata ñg anak sa pag-iiñgat at pagmamahal sa puri, pag-ibig sa kapwa sa tinubuang bayan, at sa pagtupad ñg ukol. Ulit-uuliting
matamisin ang mapuring kamatayan sa alipustang buhay".

Mga Tala: Ika-17 ng Pebrero 1889 nang isulat ni Jose Rizal – gamit ang wikang Tagalog – ang liham na ito habang ginagawa ang
anotasyon sa aklat ni Morga. Isinulat niya ito sa London, limang araw matapos ipaalam sa kanya ni Marcelo H. del Pilar ang isang
mahalagang pangyayari sa bayan ng Malolos. Ayon sa pagsasalaysay, ika-12 ng Disyembre 1888 nang may 20 kadalagahan ng
Malolos ang naghain ng petisyon kay Gobernador-Heneral Weyler upang magtayo ng isang "panggabing paaralan." Layunin nila na
mag-aral ng wikang Español sa ilalim ni Teodoro Sandiko, isang propesor sa Latin. Gayunpaman, hindi sinang-ayunan ni Padre Felipe
Garcia, ang kura paroko, ang petisyon. Naging dahilan ito upang hindi rin pumayag ang gobernador-heneral na maitatag ang
paaralan. Sa kabila ng pagtutol, hindi dagliang sumuko ang mga kadalagahan sa kanilang layunin. Patuloy silang nanawagan at
nang lumaon, pumayag na rin ang pamahalaan na maitatag ang paaralan, bagama't tumagal lamang ito ng tatlong buwan. Si
Señora Guadalupe Reyes ang nagsilbing guro ng mga kadalagahan.
Europa Pebrero 1889

SA MGA KABABAYANG DALAGA SA MALOLOS:

Nang aking sulatin ang Noli Me Tangere, tinanong kong laon, kung ang pusuang dalaga'y karaniwan kaya diyan sa ating bayan. Matay
ko mang sinaliksik yaring alaala; matay ko mang pinagisa-ngisa ang lahat ñg dalagang makilala sapul sa pagkabatá, ay mañgisa-ñgisa
lamang ang sumaguing larawang aking ninanasá. Tunay at labis ang matamis na loob, ang magandang ugalí, ang binibining anyó, ang
mahinhing asal; ñgunit ang lahat na ito'y laguing nahahaluan ñg lubos na pagsuyó at pagsunod sa balang sabi ó hiling nang
nagñgañgalang amang kalulua (tila baga ang kaluluwa'y may iba pang ama sa Dios,) dala ñg malabis na kabaitan, kababaan ñg loob ó
kamangmañgan kayá: anaki'y mga lantang halaman, sibul at laki sa dilim; mamulaklak ma'y walang bañgo, magbuñga ma'y walang katas.

Ñguní at ñgayong dumating ang balitang sa inyong bayang Malolos (=Malolos, Bulacan), napagkilala kong ako'y namalí, at ang tuá ko'y
labis. Dí sukat ako sisihin, dí ko kilala ang Malolos, ni ang mga dalaga,liban sa isang Emilia, at ito pa'y sa ñgalan lamang.

Ñgayong tumugon kayo sa uhaw naming sigaw ñg ikagagaling ñg bayan; ñgayong nagpakita kayo ñg mabuting halimbawa sa kapuá
dalagang nagnanasang paris ninyong mamulat ang mata at mahañgo sa pagkalugamí, sumisigla ang aming pag-asa, inaaglahì ang
sakuná, sa pagka at kayo'y katulong na namin, panatag ang loob sapagtatagumpay. Ang babaing tagalog ay di na payukó at luhod,
buhay na ang pagasa sa panahong sasapit; walá na ang inang katulong sa pagbulag sa anak na palalakhin sa alipustá at pagayop. Di na
unang karunuñgan ang patuñgó ñg ulo sa balang maling utos, dakilang kabaitan ang ñgisi sa pagmura, masayang pangaliw ang
mababang luhá. Napagkilala din ninyo na ang utos ñg Dios ay iba sa utos ñg Parí, na ang kabanalan ay hindi ang matagal na luhod,
mahabang dasal, malalaking kuentas, libaguing kalmin, kundí ang mabuting asal, malinis na loob at matuid na isip. Napagkilala din ninyo
na dí kabaitan ang pagkamasunurin sa ano mang pita at hiling ñg nagdidiosdiosan, kundi ang pagsunod sa katampata't matuid, sapagka't
ang bulag na pagsunod ay siyang pinagmumulan ñg likong paguutos, at sa bagay na ito'y pawang nagkakasala. Dí masasabi ñg punó ó
parí na sila lamang ang mananagot ñg maling utos; binigyan ñg Dios ang bawat isa ñg sariling isip at sariling loob, upang ding
mapagkilala ang likó at tapat; paraparang inianak ñg walang tanikalá, kundí malayá, at sa loob at kalulua'y walang makasusupil, bakit
kayá ipaaalipin mo sa iba ang marañgal at malayang pagiisip? Duag at malí ang akalá na ang bulag na pagsunod ay kabanalan, at
kapalaluan ang mag isipisip at magnilay nilay. Ang kamangmañgan'y, kamangmañgan at dí kabaita't puri. Di hiling ñg Dios, punó ñg
kataruñgan, na ang taong larawan niya'y paulol at pabulag; ang hiyas ñgisip, na ipinalamuti sa atin, paningniñgin at gamitin. Halimbawá
baga ang isang amang nagbigay sa bawat isang anak ñg kanikanyang tanglaw sa paglakad sa dilim. Paniñgasin nila ang liwanag ñg
ilaw, alagaang kusá at huag patain, dala ñg pag-asa sa ilaw ñg iba, kundí magtulongtulong magsangunian, sa paghanap ñg daan. Ulol
na di hamak at masisisi ang madapá sa pagsunod sa ilaw ñg iba, at masasabi ng ama: "bakit kita binigyan ng sarili mong ilaw?" Ñguni't dí
lubhang masisisi ang madapá sa sariling tanglaw, sapagka't marahil ang ilaw ay madilim, ó kayá ay totoong masamá ang daan.

Ugaling panagot ng mga may ibig mang ulol, ay: palaló ang katiwalá sa sariling bait; sa akalá ko ay lalong palaló ang ibig sumupil ng
bait ng iba, at papanatilihin sa lahat ang sarili. Lalong palaló ang nagdidiosdiosan, ang ibig tumarok ng balang kilos ng isip ng DIOS; at
sakdal kapalaluan ó kataksilan ang walang gawá kundí pagbintañgan ang Dios ng balang bukang bibig at ilipat sa kanya ang balá
niyang nasá, at ang sariling kaaway ay gawing kaaway ng Dios. Dí dapat naman tayong umasa sa sarili lamang; kundí
magtanong,makinig sa iba, at saka gawain ang inaakalang lalong matuid; ang habito ó sutana'y walang naidaragdag sa dunong ng tao;
magsapinsapin man ang habito ng huli sa bundok, ay bulubundukin din at walang nadadayá kungdí ang mangmang at mahinang loob.
Nang ito'y lalong maranasan, ay bumili kayo ng isang habito sa S. Francisco at isoot ninyo sa isang kalabao. Kapalaran na kung pagka
pag habito ay hindí magtamad. Lisanin ko ito at dalhin ang salitá sa iba.

Sa kadalagahang punlaan ng bulaklak na mamumuñga'y dapat ang babai'y magtipon ng yamang maipamamana sa lalaking anak. Ano
kaya ang magiging supling ng babaing walang kabanalan kundí ang magbubulong ng dasal, walang karunuñgan kungdí awit, novena at
milagrong pangulol sa tao, walang libañgang iba sa panguingue ó magkumpisal kayá ng malimit ng muli't muling kasalanan? Ano ang
magiging anak kundí sakristan, bataan ng cura ó magsasabong? Gawá ng mga ina ang kalugamian ngayon ng ating mga kababayan, sa
lubos na paniniwalá ng kanilang masintahing pusó, at sa malaking pagkaibig na ang kanilang mga anak ay mapakagaling. Ang
kagulañga'y buñga ñg pagkabatá at ang pagkabata'y nasa kanduñgan ñg ina. Ang inang walang maituturó kundí ang lumuhod humalik ñg
kamay, huwag magantay ng anak ng iba sa duñgó ó alipustang alipin. Kahoy na laki sa burak, daluro ó pagatpat ó pangatong lamang; at
kung sakalí't may batang may pusong pangahas, ang kapangahasa'y tagó at gagamitin sa samá, paris ng silaw na kabag na dí
makapakita kundí pag tatakip silim. Karaniwang panagot ang una'y kabanalan at pagsinta sa Dios. Ñguní at ano ang kabanalang itinuró
sa atin? Magdasal at lumuhod ng matagal, humalik ng kamay sa parí, ubusin ang salapí sa simbahan at paniwalaan ang balang
masumpuñgang sabihin sa atin? Tabil ng bibig, lipak ng tuhod, kiskis ng ilong..... bagay sa limos sa simbahan, sangkalan ang Dios, may
bagay baga sa mundong ito na dí arí at likhá ng Maykapal? Ano ang inyong sasabihin sa isang alilang maglimos sa kayang panginoon ng
isang basahang hiram sa nasabing mayaman? Sino ang taong dí palaló at ulol, na mag lilimos sa Dios at magaakalang ang salantá niyang
kaya ay makabibihis sa lumikhá ng lahat ñg bagay? Pagpalain ang maglimos sa kapus, tumulong sa mayhirap, magpakain sa gutom; ñguní
at mapulaan at sumpain, ang biñgi sa taghoy ng mahirap, at walang binubusog kundí ang sandat, at inubos ang salapí sa mga frontal na
pilak, limos sa simbahan ó sa frayleng lumalañgoy sa yaman, sa misa de gracia ng may tugtugan at paputok, samantalang ang salaping
ito'y pinipigá sa buto ñg mahirap at iniaalay sa pañginoon ñg maibili ng tanikalang pangapus, maibayad ng verdugong panghampas. Ó
kabulagan at kahiklian ng isip!

Ang unang kabanalan ay ang pagsunod sa matuid, anoman ang mangyari. "Gawá at hindí salitá ang hiling ko sa inyo" ani Cristo; "hindí
anak ni ama ang nagsasabing ulit-ulit ama ko, ama ko, kundí ang nabubuhay alinsunod sa hiling ñg aking ama." Ang kabanalan ay walá
sa pulpol na ilong, at ang kahalili ni Cristo'y di kilala sa halikang kamay. Si Cristo'y dí humalik sa mga Fariseo, hindi nagpahalik kailan pa
man; hindí niya pinatabá ang may yaman at palalong escribas; walá siyang binangit na kalmen, walang pinapagcuintas, hiningan ng
pamisa, at di nagbayad sa kanyang panalangin. Di napaupa si San Juan sa Ilog ng Jordan, gayon din si Cristo sa kanyang pangangaral.
Bakit ngayo'y ang mga pari'y walang bigong kilos na di may hinihinging upa? At gutom pa halos nagbibili ng mga kalmen, cuentas, correa
at ibapa, pang dayá ng salapi, pampasamá sa kalulua; sa pagkat kalminin mo man ang lahat ng basahan sa lupá, cuintasin mo man ang
lahat ng kahoy sa bundok ibilibid mo man sa iyong bayawang ang lahat ng balat ng hayop, at ang lahat na ito'y pagkapaguran mang
pagkuruskurusan at pagbulongbulongan ng lahat ng pari sa sangdaigdigan, at iwisik man ang lahat ng tubig sa dagat, ay di mapalilinis
ang maruming loob, di mapatatawad ang walang pagsisisi. Gayon din sa kasakiman sa salapi'y maraming ipinagbawal, na matutubos
kapag ikaw ay nagbayad, alin na ngá sa huag sa pagkain ng karne, pagaasawa sa pinsan, kumpari, at iba pa, na ipinahihintulot kapag
ikaw ay sumuhol. Bakit, nabibili baga ang Dios at nasisilaw sa salaping paris ng mga pari? Ang magnanakaw na tumubos ng bula de
composicion, ay makaaasa sa tahimik, na siya'y pinatawad; samakatuid ay ibig ng Dios na makikain ng nakaw? Totoo bagang hirap na
ang Maykapal, na nakikigaya sa mga guarda, carabineros ó guardia civil? Kung ito ang Dios na sinasamba ñg Frayle, ay tumalikod ako
sa ganyang Dios.

Maghunos dilí ngá tayo at imulat natin ang mata, lalong laló na kayong mga babai, sa pagka't kayo ang nagbubukas ng loob ng tao.
Isipin na ang mabuting ina ay iba, sa inang linalang ng fraile; dapat palakhin ang anak na malapit baga sa larawan ng tunay na Dios,
Dios na dí nasusuhulan, Dios na dí masakim sa salapí, Dios na ama ng lahat, na walang kinikilingan, Dios na dí tumatabá sa dugó ng
mahirap, na dí nagsasaya sa daing ng naruruhagi, at nangbubulag ng matalinong isip. Gisingin at ihandá ang loob ng anak sa balang
mabuti at mahusay na akalá: pagmamahal sa puri, matapat at timtimang loob, maliwanag na pagiisip, malinis na asal, maginoong kilos,
pagibig sa kapuá, at pagpipitagan sa Maykapal, ito ang ituró sa anak. At dahil ang buhay ay punó ng pighatí at sakuná, patibayin ang
loob sa ano mang hirap, patapañgin ang pusó sa ano mang pañganib. Huag mag antay ang bayan ng puri at ginhawa, samantalang likó
ang pagpapalaki sa batá, samantalang lugamí at mangmang ang babaing magpapalaki ñg anak. Walang maiinom sa labó at mapait na
bukal; walang matamis na buñga sa punlang maasim. Malaki ngang hindí bahagyá ang katungkulang gaganapin ng babai sa pagkabihis
ng hirap ng bayan, nguni at ang lahat na ito'y dí hihigit sa lakas at loob ng babaing Tagalog. Talastas ng lahat ang kapanyarihan at
galing ng babayi sa Filipinas, kayá ñgá kanilang binulag, iginapus, at iniyukó ang loob, panatag sila't habang ang iba'y alipin, ay ma-
aalipin din naman ang lahat ng mga anak. Ito ang dahilan ng pagkalugamí ng Asia; ang babayi sa Asia'y mangmang at alipin.
Makapangyarihan ang Europa at Amerika dahil duo'y ang mga babai'y malaya't marunong, dilat ang isip at malakas ang loob.

Alam na kapus kayong totoo ñg mga librong sukat pagaralan; talastas na walang isinisilid araw araw sa inyong pagiisip kundí ang
sadyang pang bulag sa inyong bukal na liwanag; tantó ang lahat na ito, kayá pinagsisikapan naming makaabot sa inyo ang ilaw na
sumisilang sa kapuá ninyo babayi; dito sa Europa kung hindí kayamutan itong ilang sabi, at pagdamutang basahin, marahil ay makapal
man ang ulap na nakakubkob sa ating bayan, ay pipilitin ding mataos ñg masantin na sikat ñg araw, at sisikat kahit banaag lamang ... Dí
kami manglulumo kapag kayo'y katulong namin; tutulong ang Dios sa pagpawí ñg ulap, palibhasa'y siya ang Dios ñg katotohanan; at
isasaulí sa dati ang dilag ñg babaying Tagalog, na walang kakulañgan kundí isang malayang sariling isip, sapagka't sa kabaita'y labis. Ito
ang nasang lagì sa panimdim, na napapanaginip, ang karañgalan ñg babaying kabiak ñg pusó at karamay sa tuá ó hirap ñg buhay: kung
dalaga, ay sintahin ñg binatá, di lamang dahilan sa ganda ó tamis ñg asal, kundí naman sa tibay ñg pusó, taas ñg loob, na makabuhay
baga at makapanghinapang sa mahiná ó maruruwagang lalaki, ó makapukaw kayá ñg madidilag na pagiisip, pag isang dalaga bagang
sukat ipagmalaki ñg bayan, pagpitaganan ñg iba, sapagka at karaniwang sabi sabi ñg mga kastilá at pari na nangagaling diyan ang
karupukan at kamangmañgan ñg babaying tagalog, na tila baga ang mali ñg ilan ay malí na nang lahat, at anaki'y sa ibang lupá ay
walá, ñg babaing marupok ang loob, at kung sabagay maraming maisusurot sa mata ñg ibang babai ang babaying tagalog..... Gayon
ma'y dala marahil ñg kagaanan ñg labí ó galaw ñg dilá, ang mga kastilá, at parí pagbalik sa Espanya'y walang unang ipinamamalabad,
ipinalilimbag at ipinagsisigawan halos, sabay ang halakhak, alipustá at tawa, kundí ang babaing si gayon, ay gayon sa convento, gayon
sa kastilang pinatuloy, sa iba't iba pang nakapagñgañgalit; sa tuing maiisip, na ang karamihan ng malí ay gawá ñg kamusmusan, labis na
kabaitan, kababaan ñg loob ó kabulagan kayang kalalañgan din nila..... May isang kastilang nagayo'y mataas na tao na, pinakai't
pinatuloy natin sa habang panahong siya'y lumiguyliguy sa Filipinas ... pagdating sa Espanya, ipinalimbag agad, na siya raw ay
nanuluyang minsan sa Kapangpañgan, kumai't natulog, at ang maginoong babaying nagpatuloy ay gumayon at gumayon sa kanya: ito
ang iginanti sa napakatamis na loob ng babayi ... Gayon din ang unang pahili ng pari sa nadalaw na kastila, ay ang kanyang mga
masusunuring dalagang tagahalik ng kamay, at iba pang kahalo ang ñgiti at makahulugang kindat ... Sa librong ipinalimbag ni Dn.
Sinibaldo de Mas, at sa, iba pang sinulat ng mga pari, ay nalathala ang mga kasalanang ikinumpisal ng babai na di ilinilihim ng mga pari
sa mga dumadalaw na Kastila, at kung magkaminsan pa'y dinadagdagan ng mga kayabañgan at karumihang hindi mapaniniwalaan ... Di
ko maulit dito ang mga di ikinahiyang sinabi ng isang fraile kay Mas na di nito mapaniwalaan ... Sa tuing maririnig ó mababasa ang mga
bagay na ito'y itinatanong namin kung Santa Maria kaya ang lahat ng babaying kastila, at makasalanan na kaya baga ang lahat ng
babaying tagalog; ñguni kong sakali't magsumbatan at maglatlatan ng puri'y ... Datapua't lisanin ko ang bagay na ito, sapagka't dí ako
paring confesor, ó manunuluyang kastilá, na makapaninirá ñg puri ng iba. Itabi ko ito at ituloy sambitin ang katungkulan ñg babai.

Sa mga bayang gumagalang sa babaing para ñg Filipinas, dapat nilang kilanlin ang tunay na lagay upang ding maganapan ang sa
kanila'y inia-asa. Ugaling dati'y kapag nanliligaw ang nagaaral na binata ay ipinañgañganyayang lahat, dunong, puri't salapi, na tila
baga ang dalaga'y walang maisasabog kundi ang kasamaan. Ang katapang-tapañga'y kapag napakasal ay nagiging duag, ang duag na
datihan ay nagwawalanghiya,na tila walang ina-antay kundi ang magasawa para maipahayag ang sariling kaduagan. Ang anak ay
walang pangtakip sa hina ñg loob kundi ang alaala sa ina, at dahilan dito, nalunok na apdo, nagtitiis ñg tampal, nasunod sa lalong
hunghang na utos, at tumutulong sa kataksilan ñg iba sa pagka't kung walang natakbo'y walang manghahagad; kung walang isdang
munti'y walang isdang malaki. Bakit kaya baga di humiling ang dalaga sa iibigín, ñg isang marañgal at mapuring ñgalan, isang pusong
lalaking makapag-ampon sa kahinaan ng babai, isang marangal na loob na di papayag magka anak ng alipin? Pukawin sa loob ang sigla
at sipag, maginoong asal, mahal na pakiramdam, at huwag isuko ang pagkadalaga sa isang mahina at kuyuming puso. Kung maging
asawa na, ay dapat tumulong sa lahat ng hírap, palakasin ang loob ng lalaki, humati sa pañganib, aliwin ang dusa, at aglahiin ang
hinagpis, at alalahaning lagi na walang hirap na di mababata ñg bayaning puso, at walang papait pang pamana, sa pamanang
kaalipustaan at kaalipinan. Mulatin ang mata ñg anak sa pagiiñgat at pagmamahal sa puri, pagibig sa kapua sa tinubuang bayan, at sa
pagtupad ñg ukol. Ulituliting matamisin ang mapuring kamatayan saalipustang buhay. Ang mga babai sa Esparta'y (=Sparta) sukat
kunang uliran at dito'y ilalagda ko ang aking halimbawa:

Nang iniaabot ñg isang ina ang kalasag sa papasahukbong anak, ay ito lamang ang sinabi: "ibalik mo ó ibalik ka," ito ñga umuwi kang
manalo ó mamatay ka, sapagkat ugaling iwaksi ang kalasag ñg talong natakbo ó inuwi kaya ang bangkay sa ibabaw ñg kalasag.
Nabalitaan ñg isang ina na namatay sa laban ang kanyang anak, at ang hukbo ay natalo. Hindi umiimik kundi nagpasalamat dahil ang
kanyang anak ay maligtas sa pulá, ñguni at ang anak ay bumalik na buhay; nagluksa ang ina ñg siya'y makita. Sa isang sumasalubong na
ina sa mga umuwing galing sa laban, ay ibinalita ñg isa na namatay daw sa pagbabaka ang tatlong anak niya,—"hindi iyan ang tanong
ko ang sagot ñg ina, kundi nanalo ó natalo tayó?—Nanalo ang sagot ñg bayani. Kung ganoo'y magpasalamat tayo sa Dios!" ang wika at
napa sa simbahan.

Minsa'y nagtagó sa simbahan ang isang napatalong harí nila, sa takot sa galit sa bayan; pinagkaisahang kuluñgin siya doon at patain ñg
gutum. Ñg papaderan na ang pinto'y ang ina ang unang nag hakot ñg bato. Ang mga ugaling ito'y karaniwan sa kanila, kayá ñga't
iginalang ng buong Grecia (=Greece) ang babaing Esparta. Sa lahat ñg babai, ang pulá ñg isa ay kayo lamang na taga Esparta ang
nakapangyayari sa lalaki. Mangyari pa, ang sagot ñg babai, ay kami lamang ang nagaanak ñg lalaki. Ang tao, ñg mga Esparta ay hindí
inianak para mabuhay sa sarili, kungdi para sa kanyang bayan. Habang nanatili ang ganitong mga isipan at ganitong mga babai ay
walang kaaway na nakatungtong ñg lupang Esparta, at walang babaing taga Esparta na nakatanaw ñg hukbo ng kaaway. Dí ko
inaasahang paniwalaan ako alang-alang lamang sa aking sabi: maraming taong dí natingin sa katuiran at tunay, kundí sa habito, sa putí
ñg buhok ó kakulangan kayá ng ngipin. Ñguní at kung ang tanda'y magalang sa pinagdaanang hirap, ang pinagdaan kong buhay hain sa
ikagagaling ng bayan, ay makapagbibigay ñg tandá sa akin, kahit maiklí man. Malayó ako sa, pagpapasampalataya, pag didiosdiosan,
paghalili kayá sa Dios, paghahangad na paniwalaa't pakingang pikit-mata, yukó ang ulo at halukipkip ang kamay; ñguni't ang hiling ko'y
magisip, mag mulaymulay ang lahat, usigin at salain kung sakalí sa ngalan ng katuiran itong pinaninindigang mga sabi:

Ang una-una. "Ang ipinagiging taksil ñg ilan ay nasa kaduagan at kapabayaan ñg iba."

Ang ikalawa. Ang iniaalipustá ng isa ay nasa kulang ñg pagmamahal sa sarili at nasa labis ñg pagkasilaw sa umaalipustá.

Ang ikatlo. Ang kamangmañga'y kaalipinan, sapagkat kung ano ang isip ay ganoon ang tao: taong walang sariling isip, ay taong walang
pagkatao; ang bulag na taga sunod sa isip ng iba, ay parang hayop na susunod-sunod sa talí.

Ang ikaapat. Ang ibig magtagó ñg sarili, ay tumulong sa ibang magtagó ñg kanila, sapagkat kung pabayaan mo ang inyong kapuá ay
pababayaan ka rin naman; ang isa isang tingting ay madaling baliin, ñguní at mahirap baliin ang isang bigkis na walis.

Ang ika-lima. Kung ang babaing tagalog ay dí magbabago, ay hindí dapat magpalaki ñg anak, kungdí gawing pasibulan lamang; dapat
alisin sa kanya ang kapangyarihan sa bahay, sapagka't kung dili'y ipag kakanulong walang malay, asawa, anak, bayan at lahat.

Ang ika-anim. Ang tao'y inianak na paris-paris hubad at walang talí. Dí nilalang ñg Dios upang maalipin, dí binigyan ñg isip para pabulag,
at dí hiniyasan ñg katuiran at ñg maulol ñg iba. Hindí kapalaluan ang dí pagsamba sa kapuá tao, ang pagpapaliwanag ñg isip at
paggamit ñg matuid sa anomang bagay. Ang palalo'y ang napasasamba, ang bumubulag sa iba, at ang ibig paniigin ang kanyang ibig sa
matuid at katampatan.

Ang ika-pito. Liniñgin ninyong magaling kung ano ang religiong itinuturó sa atin. Tingnan ninyong mabuti kung iyan ang utos ng Dios ó
ang pangaral ni Cristong panglunas sa hirap ñg mahirap, pangaliw sa dusa ñg nagdudusa. Alalahanin ninyo ang lahat ñg sa inyo'y
itinuturó, ang pinapatuñguhan ñg lahat ng sermon, ang nasa ilalim ng lahat ng misa, novena, kuintas, kalmen, larawan, milagro, kandilá,
corea at iba't iba pang iginigiit, inihihiyaw at isinusurot araw-araw sa inyong loob, taiñga, at mata, at hanapin ninyo ang puno at dulo at
saka iparis ninyo ang religiong sa malinis na religion ni Cristo, at tingnan kung hindí ang inyong pagkakristiano ay paris ng inaalagang
gatasang hayop, ó paris ng pinatatabang baboy kayá, na dí pinatatabá alang alang sa pagmamahal sa kaniya, kundí maipagbili ng
lalong mahal at ng lalong masalapian.

Magbulay-bulay tayo, malasin ang ating kalagayan, at tayo'y mag isip isip. Kung itong ilang buhaghag na sabi'y makatutulong sa ibinigay
sa inyong bait, upang ding maituloy ang nasimulan ninyong paglakad.

"Tubó ko'y dakilá sa puhunang pagod" at mamatamisin ang ano mang mangyari, ugaling upa sa sino mang mañgahas sa ating bayan
magsabi ng tunay. Matupad nawá ang inyong nasang matuto at harí na ñgang sa halaman ñg karunuñgan ay huwag makapitas ñg
buñgang bubut, kundí ang kikitili'y piliin, pagisipin muná, lasapin bago lunukin, sapagka't sa balat ñg lupá lahat ay haluan, at di bihirang
magtanim ang kaaway ng damong pansirá, kasama sa binhí sa gitná ñg linang.

Ito ang matindin nasá ñg inyong kababayang si…

JOSÉ RIZAL
Europa, 1889.

You might also like