You are on page 1of 10

NOT FOR PUBLICATION

ANG WIKANG FILIPINO SA MEDIA NGAYON

Nicanor G. Tiongson

Ngayong umaga ay nais kong magbigay ng ilang kurokuro tungkol sa kalagayan


ng wikang Filipino sa ating media ngayon , partikular sa print media, radyo,
telebisyon at pelikula. Tatlo ang pangunahing obserbasyon na tatalakayin ko.

A. FILIPINO NA ANG PANGUNAHING WIKA NG MEDIA NGAYON

Ang wikang Filipino ang de facto na lingua franca at pangunahing wika ng


komunikasyon sa halos lahat ng media ngayon. Sa print media, maaaring ang
pangunahing mga broadsheets ay nasa Ingles pa rin, pero ang halos lahat ng
mga tabloid, na mas marami at mas laganap sa karaniwang mambabasa, ay nasa
Filipino. Sa mga tabloid na tulad ng Tempo, Ngayon, Balita, Tonite, Abante at
iba pa makikita ang pruweba na iba nang talaga ang Filipino sa Tagalog, at ang
Filipino ang higit na nauunawaan at ginagamit ng karaniwang tao sa kalye,
mula estudyante at propesyunal hanggang driver at tindera sa palengke. Sa mga
tabloid na ito, maluwag ang paggamit sa wika at sensationalism ang nananaig
na katangian, lalo na sa mga headlines.

Halos lahat ng mga talk shows sa radyo sa NCR, maging ito ay tungkol sa
showbiz, kalusugan, relihiyon, batas, at balita, ay nasa Filipino at ang mga ito’y
nakararating sa mga rehiyon. May mga galamay na estasyon na ang Maynila sa
1
mga probinsiya na may mga programang gumagamit ng rehiyonal na wika, pero
Filipino pa rin ang gamit ng mga regional correspondents kapag nakikipag-
ugnayan sila sa mga programa sa Kamaynilaan. Kapag nag-iinterbyu ang mga
correspondents sa iba’t ibang rehiyon, karaniwang Filipino ang ginagamit ng
mga iniinterbyu, kasama na ang mga Abu Sayaf. Kung ang gamit ng iniinterbyu
ay rehiyunal na wika, nilalagyan ito ng salin sa Filipino, na maaring dubbed o
subtitled.

Filipino na rin ang pangunahing wika sa mga programa sa TV sa NCR – sa


variety shows, talk shows, sitcoms, telenovela at drama, reality shows, at maski
na sa mga documentaries, news and public affairs programs. Ang mga ito’y
nakararating sa iba’t ibang sulok ng bansa, at ngayon sa pamamagitan ng
satellite sa mga bansa sa mundo na maraming Pilipinong immigrant o overseas
worker. Dahil sa Filipino diaspora, kinailangang maging global ang wikang
Filipino, lalo na at ang tunog nito at kaakibat na kultura ang hinahanap-hanap
ng mga homesick na pinoy na nangingibambansa.

Sa pelikula, Filipino ang tanging ginagamit ng mainstream o studio-produced


films, tulad ng ginagawa ng Star Cinema, Regal, Viva at iba pang commercial
studios. At ito’y dahil ang masang manonood na pinupuntirya ng kanilang
investment ay wikang Filipino ang naiintindihan at ginagamit. Dahil ang
karamihan sa mga manonood ay nasa urban centers tulad ng NCR, mapapansin
ang pagnanais ng mga pelikulang ito na magmukhang urbanisado at
sopistikado. Kaya Ingles ang madalas na gamiting titulo at ang kanilang dialogo
ay, madalas kaysa hindi, gumagamit ng taglish.

Sa larangan ng indie film, Filipino ang ginagamit ng karamihan sa mga


pelikulang ginagawa sa NCR at karatig lalawigan, pero dumadami na rin ang

2
mga pelikulang likha sa mga rehiyon na nagsasalita ng iba’t ibang rehiyunal na
wika, at ito’y maaaring magkaroon ng epekto sa wikang Filipino, tulad ng
tatalakayin mamaya.

Sa kabuuan ay masasabi na hindi na dapat pagtalunan pa ang pagiging lingua


franca sa media ng wikang Filipino, at dahil dito ito na nga siguro ang wikang
siyang nag-uugnay sa iba-ibang rehiyon na bumubuo ng bansa. Kung
magkaganito nga, anong uri naman kaya ng bansa ang nabubuo sa
kasalukuyang paraan ng paggamit ng Filipino sa media. Sapat na ba na Filipino
ang de factong lingua franca ng media?

B. KARANIWANG GINAGAMIT ANG FILIPINO SA MEDIA BILANG


WIKA NG IMPORMASYON AT ALIWAN LAMANG.

Ang paggamit ng wikang Filipino ng media ngayon, at ang kaakibat na


pagpapalaganap nito, ay hindi dahil sa pagnanais ng media na mapalaganap ang
wikang pambansa kundi upang maabot nito ang pinakamalawak na antas ng
mga manonood at tagapakinig , para tumaas ang ratings ng isang programa, at
sa gayo’y magkamal ng malaking salapi ang mga prodyuser. Kaya naman ang
tunguhin ng maraming programa sa telebisyon at radyo ay entertainment o aliw.
Sa pagnanais na maging popular, ibinababa ng maraming tagamedia ang lebel
ng usapan sa radyo, telebisyon at kahit print sa antas ng “karaniwang tao” o
“masa” na tila sa kanilang pananaw ay mahina ang pang-unawa at mababaw
ang kaligayahan.

Kaya naman ang mga tabloid sa Filipino, kahit na ang pinakamalaman sa


kanila, ay kailangang magpaka”masa” at sumakay sa mainit na tsismis at
iskandalo para kagatin ng tao. Sa paligsahan ng mga tabloid para kumita,
3
pagaan nang pagaan ang saysay ng mga balita samantalang palakas nang
palakas ang ugong ng intriga, sex at kontrobersiya. At dahil hindi
professionalism kundi sensationalism ang bumebenta, mababa rin ang
pamantayan ng peryodismo. Ang mga balita ay madalas na kulang o walang
research, hindi balanse at may kinikilingan. Wari bagang ang motto ng
maraming tabloid writers ay “Shoot first, ask questions later.”

Sa TV at radyo, at kasama dito ang mga news programs, lagi nang


pinagtutuunan ng pansin ang anim na kategorya: patayan, holdapan, pang-
aabuso, aksidente, kalamidad, at higit sa lahat, showbiz tsismis. Sa pagpili ng
news, ang kinikilangan ay iyong may kontrobersiya, may inaantig na maapoy
na damdamin at mahahayap na salita. Kaya naman ang popular sa media ay
mga taong pinanggagalingan ng mga ito. Ang kahabaan ng news program ay
nagdudulo sa climax – ang showbiz balita, na para bagang ito ang
pinakaimportanteng item sa araw na iyon. At para maging “interesante” ang
balita, malayang binubudburan at binuburdahan ng mga anchor o host ng balita,
na wari mo’y eksperto sila sa alinmang isyu, at sa tonong arogante o maton.

Bakit nga kaya sa mga programang nasa wikang Filipino, madalas ay mas
impormal ang tono, tila mas maluwag ang pamantayan ng propesyunalismo,
mas mababa ang katangiang artistiko. Dito’y tila hindi uso ang mahinahong
usapan at tahimik na pag-unawa at pagsusuri sa mga isyu, kundi maiingay na
taltalan at mababaw na pabonggahan. At ang tingin sa pagiging media
personality ay lisensya para barilin ang sinumang kalaban.

Sa kabilang banda, bakit kapag ang dyaryo at programa sa radyo at telebisyon


ay nasa Ingles, tila ang mga taga-media ay mas mahinahon, mga ideya at isyu
ang sinusuri, at mas kritikal ang talakayan. Paghambingin na lamang ang

4
pagbabalita sa TV Patrol at sa ANC News. Madalas ikatuwiran ng mga
prodyuser na magkaiba kasi ang audience ng news sa Ingles at balita sa
Filipino. Ano kaya ang ibig sabihin nito? Na kapag masa ang audience ay
dapat ibaba ang panuntunan ng journalism at bigyang diin ang aliw? Na kapag
ang audience ay ang middle at upper class ay dapat itaas ang pamantayan at
gawing mas malaman at analitikal ang news program? Hindi kaya ito ay isang
uri ng snobbery at condenscension na lalo lamang nagbabaon sa “masa” sa
kulturang mababaw at superpisyal at lalo pang nagpapalaki sa guwang sa
pagitan ng mayaman at mahirap?

C. MAY KAKAIBANG KONTRIBUSYON ANG INDIE FILM SA WIKANG


FILIPINO

Lumaganap at umunlad ang Independent o indie film mula 2005 hanggang sa


kasalukuyan, dahil sa pagdating at paglaganap ng digital video technology.
Dahil mas murang di hamak sa celluloid ang DV (kung 30 milyon ang
nagagasta sa mainstream film, mga 3 hanggang 5 milyon lang ang kailangan ng
indie film) , nagawa ng mga filmmaker na makapagprodyus ng sarili nilang
pelikula, para maipahayag ang sariling bisyon at pananaw tungkol sa lipunan at
pagkataong Pilipino, nang hindi pinakikialaman ng mga prodyuser o studio
executives na ang hangad ay kumita sa takilya.

Matapang na binulatlat ng indie film ang maraming paksain na lagi nang


iniiwasan ng mainstream films dahil ang mga ito’y pangit, nakaka-depress, at di
nakaaaliw sa manonood. Marami sa mga indie films ay tungkol sa kahirapan,
sa korupsyon, sa pang-aabuso sa kapwa, sa pang-aapi sa mahihina at mahihirap.
At dahil hubad na katotohanan ang gustong isiwalat ng indie filmmaker, ang

5
estilong karaniwang ginagamit ng mga pelikulang indie ay neo-realismo, o
bagong uri ng realismo na nagsasabing tungkulin ng pelikula na ipakita ang
realidad sa lipunan nang hindi ito pinagaganda o pinagtatakpan, sa paraang
madadama ng manonood ang realidad na iyon. Higit pa rito, nilalayon ng indie
filmmaker na yugyugin ang manonood upang magawa niyang unawain at
suriin ang inilalarawan ng pelikula.

At dahil nais ng indie filmmaker na magpakatotoo, nagsimula na ring


gumawa ng pelikula ang mga filmmaker sa rehiyon, gamit ang kani-kanilang
wika at karanasan. Sa ngayon, wala nang duda na ang mga pelikula mula sa
mga rehiyon ay maaari nang itabi sa mga pelikula ng NCR, tulad ng
pinatutunayan ng mga pelikulang rehiyunal na nanalo sa mga prestihiyosong
paligsahang pampelikula dito at sa ibang bansa. Nakaugalian na sa mga
pelkikulang ito na gumamit ng subtitle sa Ingles, para maunawaan ang
diyalogo ng pelikula ng mga taong hindi nakaiintindi ng wikang rehiyunal.

Dalawa ang magandang kontribusyon ng indie film sa pagpapaunlad ng wikang


Filipino ngayon. Una, dahil tinuklas at binusisi ng mga indie film ang
maraming realidad na itinago ng pelikulang komersyal, nabuksan din nito ang
mga salita na kaugnay ng mga realidad na iyon, at sa gayo’y napayaman ang
wikang Filipino. Nariyan ang mga salitang kung tawagi’y balbal o slang o
idiolect na galing sa mga grupo o komunidad na hindi bahagi ng karamihan at
kalakaran, tulad ng mga salitang gamit sa titulo ng mga pelikulang ito:
mudraks, para sa mother o ina; tirador, para sa mga mandurukot o
magnanakaw; baryoke, para sa karaoke sa baryo; cuchera, para sa babaeng
nagsusuperbays ng pagtatago ng pakete ng drugs sa puwit o tiyan ng mga drug

6
mules; samarito, para sa good Samaritan; ranchero, para sa mga bilanggo;
qwerty, para sa di tamang keyboard style na di na mababago dahil laganap na;
ombre, para sa lalaki, at zombading, para sa zombie na bading sa gay lingo.
Nariyan din ang rakenrol at taksikab, at text language na Ligo na U, Lapit na
Me. May mga bagong salita rin na nagpasok ng bagong ideya o realidad sa
wika, tulad ng neo-rebolusyon at kamera obskura.

Malaki din ang iyayaman ng wikang Filipino kung tatanggapin niya ang mga
salita mula sa rehiyunal na wika na ginawang popular ng mga titutlo ng
pelikulang rehiyunal, tulad ng : sa Cebuano, Ang Damgo ni Elueteria (Ang
Pangarap ni Eleuteria), Un Diutay Mundo (Maliit na Miundo), Hunghong sa
Yuta (Bulong sa Lupa); sa Ilonggo, Yanggaw (Aswang) at Namets (Masarap);
sa Bikol, Sarong Adlaw (Isang Araw), Sarong Banggi (Isang Gabi), at Aki ning
Maisug (Anak ng Maisug); sa Kapampangan, Kaleldo (Init ng Tag-araw) at
Manenaya (Naghihintay); sa Pampango Aeta, Manoro (Guro); sa Maguindanao,
Limbunan (Silid ng Baabeng Ikakasal) at Qiyamah (Wakas ng Daigdig); sa
Maranaw, Gabon (Alapaap) at Angan-angan (Mga Pangarap).

Ang pangalawa at mas mahalagang epekto ng indie film sa wikang Filipino ay


ang paggamit dito sa pelikulang hindi lang makatotohanan kundi lalo’t higit
mapagmuni, mapanuri at kritikal. Tulad ng nasabi na, pangunahing layunin ng
indie filmmaker di lamang ang maglahad sa manonood ng bago at mahalagang
impormasyon tungkol sa realidad kundi tulungan din ang manonood na
maunawaan at masuri ang realidad na iyon. Ito ay malaking ambag sa
pagpapaunlad at pagpapayaman sa wikang Filipino.

D. KONKLUSYON

7
Bilang konklusyon, hayaan ninyong lagumin ko ang pangunahing punto ng
maikling pananalitang ito:

1) Una, walang alinlangan na ang wikang Filipino na ang siyang pangunahing


wika sa komunikasyon sa apat na media sa kasalukuyan, Ito ang wikang
nag-uugnay sa Maynila at sa iba’t ibang rehiyon ng bansa at vice versa, at
siya ring nag-uugnay sa Pilipinas sa mga komunidad ng mga Pilipinong
naninirahan o nagtatrabaho sa ibang bansa. Ito ang una o pangalawang wika
ng karamihan sa Pilipinas at unang language of compromise sa pagitan ng
iba’t ibang wikang sinasalita sa Pilipinas.

2) Pangalawa, bagamat ito’y laganap na sa media, mapapansin pa rin na ang


wikang Filipino ay madalas na ginagamit sa mga tabloid o sa mga programa
sa radyo at telebisyon na ang nananaig na tono ay impormal, at waring hindi
gaanong istrikto ang pamantayan ng propesyunalismo. Sa maraming
babasahin at palabas sa Filipino, ang tila nangingibabaw na layunin ay
mang-aliw, manlibang, lumikha ng ugong at ingay ng kasayahan.

3) Pangatlo, naiiba ang epekto ng indie film sa wikang Filipino. Dahil ang
estilo ng mga ito ay neo realismo, binibigyang diin ang makatotohang
paglalahad ng lahat ng uri ng realiidad sa Pilipinas, saan mang sulok ng
bansa ito manggaling. Dahil dito, nakakaambag ito sa paglago ng wikang
Filipino dahil sa mga bagong salitang kaakibat ng mga bagong paksaing na
ito. Mas mahalaga, nagagamit ng indie film ang wikang Filipino sa
paglalahad ng mga katotohanang personal at panlipunan sa paraang
nagbibigay ng impormasyon at pagkaunawa at gumagamit ng perspektibang

8
kritikal sa mga paksaing ito, bagay na hindi nagagawa ng pelikulang
komersiyal.

Batay sa mga nabanggit na, malinaw na kailangan pa ring ipagpatuloy ang proseso
ng intelektuwalisasyon ng wikang pambansa at ang paggamit nito sa mga
diskursong impormatibo at analitikal sa media. Marahil, kailangang bawasan ang
tsismis at lagyan ng mas matibay na datos at analisis ang mga talk show sa radyo at
TV, at pasulatin sa mga tabloid ang mga mapanuring manunulat. Dapat nang
ibalik sa mga news program sa Filipino ang pormalidad at objectivity para
matulungan ang tagapanood na pag-isipan at suriin ang halaga at implikasyon ng
mga pangyayaring ibinabalita. Kailangang itaguyod at palaganapin ang paggamit
ng Filipino ng mga opisyales ng gobyerno, mga edukador, at ibang propesyunal,
lalo na kapag nagsasalita sila sa media sapagkat malaki ang magagawa nila para
makapagbigay ng kamulatan sa mga manonood at tagapakinig ng media. Sa bagay
na ito, dapat purihin ang paggamit ni Pangulong Noynoy Aquino ng wikang
Filipino na malaman, matuwid, at walang borloloy sa kanyang mga SONA,
sapagkat napaparating niya sa karaniwang mamamayan ang mahahalagang isyu na
dapat nilang harapin. Isipin na lamang kung ang pagliitis kay CJ Corona ay
ginawa sa Filipino, mas malaki sana ang nagawa nito sa pagtataas ng kamalayang
pampulitka nina Juan at Juana de la Cruz.

Kung magagawa ng taga-media na iangat ang kalidad ng impormasyon at antas ng


kritikal na talakayan sa iba’t ibang media, mas malaki ang maiaambag ng media di
lamang sa pagbubuo ng bansa sa pamamagitan ng paggamit ng iisang wika kundi
sa paghuhubog ng mga mamamayan na maalam, mapanuri, at mapagpasiya. Sa

9
ganitong paraan, ang media, na gumagait ng wikang Filipino, ay magiging matibay
na haligi ng ating demokrasya.

4 Agosto 2012

10

You might also like