You are on page 1of 3

Ang Parabula ng mga Butil ng Bigas

Ni Kathleen Kyla Manlangit

Sa bundok Bigao ay may isang payak na bahay kubo. Sa kusina ng bahay kubo ay may isang
maliit na balde ng bigas. May nakatirang hindi mabilang na bigas sa loob ng maliit na balde.

Isang araw, isang butil ng bigas na nagngangalang Ugas ay nagsalita.

”Hindi ba ninyo napapansin na nababawasan ang bilang natin? Kapag bumubukas ang ating
bahay, ay marami tila isang tasa ang nawawala sa atin.”

“Kinukuha? Saan sila dinadala, Kuya Ugas?” tanong ni Sinang, ang bunso sa mga butil ng bigas.

”Hindi ko nga alam, eh. Basta kinukuha na lang sila. Kapag kinuha na ang ilan sa atin, mabilis na
isinasara ang bahay natin at dumidilim muli. Ang alam ko lang ay marami ang nababawas sa atin.”

Pagkagimbal at pagkabalisa ang tanging naramdaman ng natitirang bigas dahil sa sinabi ni Ugas.
Dahil nga hindi nila nais na iwan ang kanilang tahanan ay napagdesisyunan nilang mag kapit bisig kapag
dumating ang oras na may kukuning muli sakanila.

Isang araw, nang bumukas ang maliit na balde, biglang nagkapit-bisig ang mga takot na butil ng
bigas. Nanalangin sila na walang makuha sa kanilang pamilya.

“kumapit kayo ng mahigpit” sigaw ni Ugas sa mga kasamahan.

Buong tapang na tumingala ang bawat isa sa pagbukas ng maliit na balde. Nakita nito na may
maliit na tasang dumadakot sa katabing pamilya ng mga bigas ni Ugas. Dahil nakakapit-bisig sila,
maraming butil ng bigas ang nakatilapon mula sa tasang pinagkuhaan sakanila. Nahulog ang mga ito sa
sahig ng lababo.

Si Ugas at ang kanyang kapatid ay isa sa mga nakatapong butil. Bigla na lamang naramdaman ni
Ugas ang malamig na sahig ng lababo at nasaksihan na tirik na tirik ang araw noong mga oras na iyon.

Itinaas at ibinaling ni Ugas ang kanyang ulo sa ibang mga kasamahan upang tawagin. Dahil nga
sa liwanag na dala ng araw ay naaninag niya ang kanyang kapatid na si Sinang na unti unting nahuhulog
sa loob ng isang kaldero kasama ang iba pang butil ng bigas. Si Sinang na kanilang bunso sa pamilya.

Laking gulat ni Ugas nang masaksihan ang sumunod na pangyayari. Pinadaanan ng tubig galing
gripo ang kapwa bigas at inulit ng tatlong beses hanggang sa ito’y isalang sa apoy na nanggagaling sa
kahoy. Naisip niya kung gaano kasakit ang dinanas ng kapatid na bunso. Ka awa awa kung iisipin.
Biglang narinig ni Ugas ang tunog ng kulo sa loob ng kalderong pinaglagyan kila Sinang. Kulay
puti, may malalaking bula, at umaangat ang tubig mula sa kaldero. Ilang minuto pa ay nilakipan na ng
takip ang kaldero at nalanghap ni Ugas ang mabangong usok na lumalabas sa kaldero.

Pagkatapos ng ilang minuto ay tinanggal na ito sa nag babagang apoy, dahan dahang binuksan, at
sinandok hanggang sa umalingasaw na nga ang amoy ng bagong saing na kanin. Pagkatapos ay isinalin na
ito sa plato at inihain sa hapag kainan.

“Napakaganda! Ngayon lamang ako naka amoy ng ganitong klase ng bango sa tanang ng buhay
ko.” Tila nag niningning ang mga mat ani Ugas habang sinasambit ang mga salitang ito.

Nakita ni Ugas na masaya itong pinagsaluhan ng mga taong nakatira sa payak na bahay kubo.
Dahan dahan at sunod sunod nap ag ihip ang ginawa dito ng mga tao bago isubo.

Kitang kita ni Ugas na mayroon pang natitirang kanin sa loob ng kaldero. Ngunit napalingon
agad siya sa nagsisiyahang mga tao na humahawak sa kanilang kalamnan na tila nagpapahiwatig na sila’y
busog na. Naalala niya si Sinang at ang pagiging masayahin at pagkabibo ng bunsong butil na bigas. Tila
sumisimbolo ang kasiyahan nito sa mga labi ng mga taong nakatira sa kubo.

Ang kanin na ito ang nagbibigay lakas at kasiyahan sa mga taong nakatira sa munting kubong ito.
Sa araw na iyon, ay naunawaan na ni Ugas kung gaano kahalaga ang gampanin nila sa bawat indibidwal
na kanilang mapaglalagian.

“Ito na iyon!” nagagalak na pahayag ni Ugas. “Kinukuha kaming mga butil ng bigas upang
magbigay ng kalakasan sa mga taong naninirahan sa kubong ito. Nagiging maganda rin ang aming itsura
kapag kami ay naihahain na sa hapag kainan.”

Napuno ng galak ang puso ni Ugas sa kanyang natuklasan. Napawi ng galak ang takot sa kanyang
isipan. Unti-unting napuno ng pag-asa ang kanyang puso.

“Kailangan na makabalik ako sa balde namin,” sabi ni Ugas. “Dapat sabihin ko sa kanila ang
nakita ko. Kailangan na malaman nila ang katotohanan tungkol sa mga butil ng bigas tulad namin at sa
ganoon ay hindi na sila muling matatakot na iwan ang bahay namin. Naku, kailangan ko na talagang
makauwi!”

Sa araw na iyon, ay narinig ni Ugas ang mga tinig ng kapwa butil na tumatawag sakanya. “Ugas!
Ugas!” Tumingala si Lito at nakita niya ang malaking kamay ng tao. Maingat nitong pinupulot ang mga
nahulog na butil ng bigas mula sa sahig ng lababo. Bawat butil ay ibinabalik ng kamay sa balde.
Pagkabalik ni Ugas sa balde, ipinahayag niya sa lahat ang nangyari kay Sinang . Pinatotohanan
ng ibang butil ang kuwento ni Ugas. Tulad ni Ugas, hindi na sila natatakot na makuha ng maliit na tasa na
hawak ng isang malaking kamay at iwan ang balde.

Mula noon ay naunawaan na ng mga butil ang kanilang layunin. Tanggap na nila ang katotohanan
na isang araw ay kailangan nilang lisanin ang munting bahay na balde. Dahil dito, nagkaroon ng pag-asa
at pag-asam na makapagdulot ng lakas at kasiyahan ang bawat butil.

Sila ay magiging isang sinaing katulad ni Sinang at iba pang butil.

You might also like