You are on page 1of 1

SH1634

Mga Gamit ng Wika sa Lipunan


Ang pinakadiwa ng wika ay panlipunan. Isang magandang ehemplo na magpapatunay rito ay
ang kuwento ni Tarzan. Ang mga tunog ng hayop ang kanyang unang natutuhan dahil ito ang wika ng
mga kasama niyang hayop sa gubat. Pansinin ang isang batang walang ugnayan sa ibang tao;
mahihirapan siyang matutong magsalita kung wala naman siyang kausap. Maging ang isang taong
bago pa lamang lipat sa isang komunidad na may ibang wika, kung hindi siya makikipag-ugnayan sa
iba ay hindi niya matututuhan ang ginagamit nilang wika. Kung gayon, ang isang taong hindi
nakikipag-ugnayan o nakikisalamuha sa isang komunidad ay hindi matututong magsalita kung paano
ang mga naninirahan sa komunidad na iyon ay nagsasalita. Sadyang ang wika nga ay isang sistema ng
pakikipag-ugnayan na nagbubuklod sa mga tao. Hindi matatawaran ang mahalagang gamit nito sa
lipunan.

Marami-rami na rin ang nagtangkang i-kategorya ang mga tungkulin ng wika batay sa
gampanin nito sa ating buhay. Isa na rito si M.A.K. Halliday na inilahad ang mga tungkulin ng wika
na matatagpuan sa kanyang aklat na “Explorations in Functions/Language (Explorations in Language
Study) (1973)”.

1. Instrumental – Ito ang tungkulin ng wika na tumutugon sa mga pangangailangan ng tao na


makipag-ugnayan sa iba gamit ang iba’t ibang instrumento. Ang paggawa ng liham
pangangalakal at liham ng patnugot, at pagpapakita ng mga patalastas tungkol sa isang
produkto na nagsasaad ng gamit at halaga ng produkto ay mga halimbawa ng tungkulin na ito.
2. Regulatoryo – Ito ang tungkulin ng wika na tumutukoy sa pagkontrol ng ugali ng ibang tao.
Ang pagbibigay ng direksiyon gaya ng pagtuturong lokasyon ng isang partikular na lugar; mga
hakbang sa pagluluto ng ulam; panuto sa pagsagot sa pagsusulit; at mga gabay sa paggawa ng
anumang bagay ay mga halimbawa ng tungkuling regulatoryo.
3. Interaksiyonal – Ang tungkuling ito ay nakikita sa paraang pakikipagtalastasan ng tao sa
kanyang kapwa; pakikipagbiruan; pakikipagpalitan ng kuro-kuro tungkol sa partikular na isyu;
pagkukuwento ng malulungkot o masasayang pangyayari sa isang kaibigan o kapalagayang
loob; paggawa ng liham pangkaibigan; at iba pa.
4. Personal – Saklaw ng tungkuling ito ang pagpapahayag ng opinyon o kuro-kuro sa paksang
pinag-uusapan. Kasama rin dito ang pagsulat ng talaaarawan o journal, at ang pagpapahayag
ng pagpapahalaga sa anumang anyo ng panitikan.
5. Heuristiko – Ang tungkuling ito ay ginagamit sa pagkuha o paghahanap ng impormasyon na
may kinalaman sa paksang pinag-aaralan. Kasama rito ang pagiinterbyu sa mga taong
makasasagot sa mga tanong tungkol sa paksang pinag-aralan; pakikinig sa radyo; panonood sa
telebisyon; at pagbabasa sa pahayagan, magasin, blog, at mga aklat kung saan makakukuha
tayo ng mga impormasyon.
6. Impormatibo – Ito ang kabaligtaran ng heuristiko. Ito ay may kinalaman sa pagbibigay ng
impormasyon sa paraang pasulat o pasalita. Ang ilang halimbawa nito ay pagbibigay ulat,
paggawa ng pamanahong papel, tesis, panayam, at pagtuturo.

Dayag, Alma M. & Del Rosario, Mary Grace G. (2016). Pinagyamang Pluma: Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at
Kulturang Pilipino. Phoenix Publishing House. Quezon City.

03 Handout 1 *Property of STI


Page 1 of 1

You might also like