Ang wika ay isang sistema ng komunikasyon na nag-uudyok sa mga tao na magkaisa. Ang depinisyon ito ay nagbibigay-diin sa panlipunang tungkulin ng wika at sa katotohanang ginagamit ng tao ang wika upang magpahayag at manipulahin ang mag bagay sa kanilang kapaligiran. Mahalaga ang gampanin ng wika sa ating buhay ngunit dahil lagi na natin itong ginagamit, hindi natin ganoong naoobserbahan ang tungkulin nito. Natural na lamang sa atin ito, tulad ng ating paghinga at paglakad. Ang pagkakaroon ng wika ay isang katangiang ikinaiba ng tao sa hayop. Totoong ang mga hayop ay may sariling paraan ng komunikasyon sa kapwa hayop, ngunit iba ang wika ng tao. Higit sa survival ang tungkulin ng wika.
Paksa 1: Unang Wika at Ikalawang Wika
Ang unang wika na kadalasan ay tinatawag ding katutubong wika o sinusong wika (mother tongue) ay ang wikang natutuhan at ginamit ng isang tao simula pagkapanganak hanggang sa panahon kung kailan lubos nang naunawaan at nagagamit ng tao ang nasabing wika. Sa ibang lipunan, tinutukoy ang katutubong wika o mother tongue bilang wika ng isang etnolingguwistikong grupo kung saan nabibilang ang isang indibiduwal, at hindi ang unang natutuhang wika. Halimbawa, kung ang isang bata ay Iloko at mula sa angkan ng mga taal na Iloko, ngunit simula pagkapanganak ay tinuruan ng wikang Ingles, mananatiling Iloko ang kanyang katutubong wika o mother tongue. Samantala, ayon kay Lee (2013) sa kanyang artikulo na The Native Speaker: An Achievable Model? na nailathala sa Asian EFL Journal, narito ang mga gabay upang matukoy kung ang isang tao ay katutubong tagapagsalita ng isang wika. 1. Natutuhan ng indibiduwal ang wika sa murang edad, 2. Ang indibiduwal ay may likas at instinktibong kaalaman at kamalayan sa wika, 3. May kakayahan ang indibiduwal na makabuo ng matatas at ispontanyong diskurso gamit ang wika, 4. Mataas ang kakayahan sa komunikasyon ng indibiduwal gamit ang wika, 5. Kinikilala ang sarili bilang bahagi at nakikilala bilang kabahagi ng isang lingguwistikong komunidad, at 6. May puntong dayalektal ang indibiduwal na taal sa katutubong wika. Sa kabilang banda, ang ikalawang wika naman ay ang wikang natutuhan at ginagamit ng isang tao labas pa sa kanyang unang wika. Ang wikang ito ay hindi taal o katutubong wika para sa tagapagsalita ngunit isang wikang ginagamit din sa lokalidad ng taong nagsasalita. Iba ang ikalawang wika sa dayuhan o banyagang wika sapagkat ang dayuhang wika ay tumutukoy sa isang wikang inaral lamang ngunit hindi ginagamit o sinasalita sa lokalidad ng taong nag-aaral nito. Halimbawa, maituturing na ikalawang wika ng mga Pilipino ang wikang Ingles sapagkat bukod sa isa ito sa mga opisyal na wika ng Pilipinas ay laganap ang paggamit dito sa sistema ng edukasyon at iba pang larangan habang banyaga wika ang wikang Aleman sapagkat hindi ito natural na ginagamit sa ano mang larangan o lugar sa Pilipinas, liban na lamang kung sadya itong pag-aaralan. Isa sa mga kinilala si Krashen (1982) sa teorya ng Second Language Acquisition (SLA) na nagpalawig sa pagkakaiba sa acquiring (likas o natural na pagtatamo) at learning (pagkatuto) ng wika. Ayon sa kanya, ang acquisition o pagtatamo ay isang natural na proseso habang ang learning o pag-aaral ay kinasasangkutan ng malay o sadyang desisyon napag-aralan ang wika. Sa una, kailangang makaagapay at pumaloob ng isang mag-aaral sa natural na komunikatibong sitwasyon habang ang ikalawa ay nagbibigay-diin sa pagkatuto ng gramatikal na estruktura ng wikang nakahiwalay sa pagkatuto ng natural na gamit nito. Bagama't hindi lahat ng dalubhasa sa wika ay sumasang-ayon sa ideya ng SLA ni Krashen, malaki ang naging ambag nito sa pagdidisenyo ng iba't ibang modelo at proseso ng pagkatuto ng ikalawang wika.
Paksa 2: Kahalagahan ng Wika
Napakahalaga ng wika sa sangkatauhan. Kung walang wika, maaaring matagal nang pumanaw ang sangkatauhan at ang sibilisasyong ating tinatamasa sa ngayon. 1. Instrumento ng Komunikasyon. Ang wika, pasalita man pasulat, ay pangunahing kasangkapan ng tao sa pagpapahayag ng damdamin at kaisipan. Sa micro level, ang dalawang tao ay nagkakaunawaan sa pamamagitan ng epektibong paggamit ng wika. Ang magkasintahan, halimbawa ay nakapagpapanatili ng relasyon dahil may wikang nagiging instrumento nila ng komunikasyon. Samantala, may mga nagkakagalit o nag-aaway bunga ng miskomunikasyon o di-epektibong paggamit ng wika. Samakatuwid, ang mabisang paggamit ng wika ay mahalaga sa pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang kapwa dahil tayong mga tao ay nilikhang panlipunan. Kung gayon, ang wika ang pangunahin nating kasangkapan upang tayo'y makaganap sa ating tungkuling panlipunan. Gayon din sa macro-level. Ang mga bansa in ay nakakapag-ugnayan dahil sa wika. Iba-iba man ang wika ng mga bansa, nakahahanap pa rin sila ng komong wikang kanilang kinakasangkapan upang magkaroon ng unawaan. 2. Nag-iingat at Nagpapalaganap ng Kaalaman. Maraming kaalaman ang naisasalin sa ibang saling-lahi at napakikinabangan ng ibang lahi dahil sa wika. Ang mga nobela ni Rizal halimbawa, ay naisulat ilang daang taon na ang lumipas ngunit patuloy itong napapakinabangan sa ating panahon dahil may wikang nagkanlong dito at nag-iingat hanggang sa kasalukuyan. Ang mga mahahalagang imbensyong kanluran ay napapakinabangan din sa ating bansa dahil may wikang nagkanlong sa mga iyon at naging sanhi upang iyon ay mapalaganap sa iba't ibang sulok ng daigdig. Dahil may wika, hindi kasamang naililibing ang mga mahahalagang kaalaman sa pagyao ng lumikha o tumuklas ng mga iyon. 3. Nagbubuklod ng Bansa. Nang makihamok ang mga Indones sa kanilang mga mananakop na Olandes, naging battle cry nila ang Satu Bangsa! Satu Bahasa! Satu Tuna-ir! (Isang Bansa! Isang Wika! Isang Inang Bayan!). Maagang nakilala ng mga Indones ang tungkulin ng wika upang sila'y magbuklod sa kanilang pakikipaglaban nang magkaroon ng kalayaan. Pinag-isa naman ang ating mga ninunong Katipunero ng wikang Tagalog, ang kanilang opisyal na wika, sa kanilang pakikipaglaban sa mga Kastila; samantalang ang mga propagandista naman ay ng wikang Kastila, na naging wika nila sa pagpapahayag ng mga makabayang diwa sa La Solidaridad. Ano mang wika, kung gayon, ay maaaring maging wika ng pang-aalipin, ngunit maaari rin itong gamitin upang pagbuklurin ang isang bansa sa layuning pagpapalaya. 4. Lumilinang ng Malikhaing Pag-iisip. Kapag tayo ay nagbabasa ng maikling kuwento o nobela o di kaya'y kapag tayo'y nanonood ng pelikula, parang nagiging totoo sa ating harapan ang mga tagpo niyon. Maaaring tayo'y napapahalakhak o napapangiti, natatakot o kinikilabutan, nagagalit o naiinis, naaawa o naninibugho. Bakit kaya? Sapagkat pinagagana niyon ang ating imahinasyon. Sa ating isipan, nalilikha natin ang bawat larawan ng mga tagpo sa kuwento o nobelang ating binabasa o pelikulang ating pinapanood. Ang wikang nakasulat na ating nababasa o wikang sinasalita ng mga tauhan sa pelikula na ating naririnig ang nagdidikta sa ating isipan upang gumana at lumikha ng imahinasyon, at kung gayo'y nalilinang ang ating malikhaing pag-iisip. Idagdag pa, dahil sa imahinasyong ito, kayraming nabubuo, nalilikha o naiimbentong pinakikinabangan ng sangkatauhan.
Paksa 3: Tungkulin ng Wika
Sa Explorations in the Functions of Language ni M.A.K. Halliday (1973, sa Gonzales-Garcia, 1989), binigyang-diin niya ang pagkakategorya sa wika batay sa mga tungkuling ginagampanan nito sa ating buhay. Ang pitong tungkulin ng wikang tinukoy ni Halliday ay binigyan ng mga halimbawang madalas na gamitin sa pasalita at pasulat na paraan. 1. Interaksyonal ang tungkulin ng wikang ginagamit ng tao sa pagtatatag, pagpapanatili at pagpapatatag ng relasyong sosyal sa kapwa tao. Sa pasalitang paraan, pinakamahusay na halimbawa nito ang mga pormularyong panlipunan (Magandang umaga, Maligayang kaarawan, Hi/Hello at iba pa), pangungumusta at pagpapalitan ng biro. Sa pasulat na paraan, pinakamahusay na halimbawa nito ang liham- pangkaibigan. 2. Instrumental ang tungkulin ng wikang ginagamit sa pagtugon sa mga pangangailangan. Nagagamit ang tungkuling ito sa pakikiusap o pag-uutos. Ang paggawa ng mga liham pangangalakal (business letters) ay isang mahusay na halimbawa ng pamamaraan upang matugunan ang ating iba't ibang pangangailangan. Halimbawa, kung kailangan mo ng trabaho, kailangan mong gumawa ng application letter, bukod sa iba pang requirements. 3. Regulatori ang tungkulin ng wikang ginagamit sa pagkontrol o paggabay sa kilos o asal ng ibang tao. Sa madaling sabi, ito ang pagsasabi kung ano ang dapat o hindi dapat gawin. Pinakamahuhusay na halimbawa nito ang pagbibigay ng direksyon, paalala o babala. Ang mga panuto sa pagsusulit at mga nakapaskil na do's and don't's kung saan-saan ay nasa ilalim ng tungkuling ito. 4. Personal naman ang tungkulin ng wikang ginagamit sa pagpapahayag ng sariling damdamin o opinyon. Sa mga talakayang pormal o impormal ay gamit ang tungkuling ito. Samantala, ang pagsulat' ng liham sa patnugot at ng mga kolum o komentaryo ay mga halimbawa nito sa pasulat na anyo. 5. Imahinatibo naman ang tungkulin ng wikang ginagamit sa pagpapahayag ng imahinasyon; sa malikhaing paraan. Makikilala ito sa pamamagitan ng; paggamit ng mga idyoma, tayutay, sagisag at simbolismo. Gamitin ang tungkuling ito sa mga akdang pampanitikan tulad ng tula, nobela at maikling katha. 6 at 7. Heuristik ang tungkulin ng wika na ginagamit sa paghahanap o paghingi ng impormasyon. Kabaligtaran nito ang tungkuling Impormatib na ginagamit sa pagbibigay ng impormasyon. Samakatuwid, ang pagtatanong ay heuristik at ang pagsagot sa tanong ay impormatib. Ang pagsasarbey ay heuristik at ang pagsagot sa survey sheets ay impormatib. Ang pakikipanayam at pananaliksik ay iba pang halimbawa ng tungkuling heuristik. Ang pag-uulat, pagtuturo at pagpapasa ng ulat o pamanahong-papel naman ay mga halimbawa ng tungkuling impormatib.