Kaylangan pa bang patunayan na ako ay isang Pilipino at mamamayan ng Pilipinas? Na sa
unang tingin ko palang sa aking sarili dalagang purong Pilipino ako at pinagmamalaki ko yon. Wikang Filipino ang wikang gamit ko sa pakikipagtalastasan maging sa pakikipagusap. Pilipinong puro ang kapwa magulang kaya dugong Pilipino ang dumadaloy sa buong katawan at maging balat ay kayumanggi din. Ngunit, ang pagiging Pilipino ko ay di lamang nasusukat sa pagiging mamamayan ng Pilipinas. Para sa akin, Pilipino ka kung pinapakita mo ang pagmamahal mo sa iyong bayan hindi lang dahil ito ang iyong pinagmulan ngunit dahil dito namulat ang iyong isipan, nandito ang iyong pamilya, mga kaibigan at mga taong malapit sa iyong kalooban. Kung tatanungin ako kung ano ang mga kahinaan ko bilang isang Pilipino yun siguro ay ang patuloy na pagtangkilik sa mga “imported” na bilihin, paminsan minsan lang nanonood ng mga balitang may kaugnayan sa ating bansa, kakaunti lang ang alam sa kung ano ang nangyayari dito sa atin, mas maraming alam na “international” na kanta kaysa OPM at marami pang iba. Ngunit kahit na ganyan ako, kung ako’y tatanungin kung ano naman ang aking mga kalakasan bilang Pilipino syempre ay marami din naman. Kahit na minsan ay hindi nakakasubaybay ng balita sa telebisyon o nakikinig sa radyo, may pakialam pa rin naman ako sa kalagayan ng ating bansa, ginagawa ko ang aking makakaya upang mapabuti ang aking sarili hindi lang para sa akin, sa pamilya ko, sa mga tao sa paligid ko, ngunit para din maging mabuti akong mamamayan ng ating bansa. Bilang isang Pilipinong mamamayan may kaylangan at dapat ding gawin, yun ang pagiging aktibong mamamayan na ang ibig sabihin ay ang pagbukas palad sa pagtulong sa kapwa. Mahalaga sapagkat ito ay nagtataaguyod ng kaunlaran sa komunidad. Kung walang mamamayan, tiyak na babagsak ang isang lipunan. Kung ang mga mamamayan ay hindi sumusunod, magiging magulo ang lipuna at kung ang mamamayan ay hindi nakikilahok sa mga programa, masasayang lamang ito. Sa madaling salita ang pagiging aktibong mamamayan ang nagbibigay kaliwanagan sa isang bansa upang masabi ang bansa ay maunlad. Sa aking palagay, matatawag mong huwaran ang isang Pilipino kung may pagmamalasakit sa kanyang kapwa, maka-Diyos, magalang, responsable, may respeto, may prinsipyo sa buhay, may paninindigan, nagsasabi ng totoo, masipag, at handang ipaglaban ang kung ano sa tingin niya ang tama para sa kanyang sarili o sa ating bansa. Sa tingin ko, ako naman ay isang huwarang Pilipino kahit na may kaunti din akong pagkukulang bilang isang mamamayan. Bakit? Dahil kahit saang bansa man ako mapunta balang araw, ipagmamalaki ko sa kanila na isa akong Pilipino. Kaya ko rin tumulong sa aking kapwa lalong lalo na sa mga nangangailangan. Sa tingin ko, kailangan lang naman na mapabuti natin ang ating sarili para maging karapat-dapat na maging huwaran na mamamayang Pilipino.