Sandali akong humimlay sa mga lagas na dahon at talulot ng bulaklak na animo’y sutlang banig na sadyang inilatag ng Panahon sa gulod. Malikot ang hanging nagmumula sa hilaga, at ang manila-nilaw at malunti-lunting dahong nalalagas sa mga punungkahoy ay isinasabog niyon sa papawirin na waring mga lasog na pakpak ng hindi kakaunting paruparo. Samantalang nakaduyan ako sa dibdib ng kalikasan ay mariing pinagsalikop ko ang mga pilik ng aking mga mata, at binayaan kong makalaya ang aking kaluluwa sa pagkabilanggo, sa aking katawan, upang pailanglang sa kaitaasan at makipagtipan sa iyo sa isa sa maaayang araw ng taglagas. Ang iyong kaluluwa at ang aking kaluluwa ay muling nagkaisa – bagama’t hindi makapanawagan sa aking pandama ang iyong katawan. Nanuot sa aking puso ang iyong tinig na lumangkap sa kaiga-igayang musikang nagbabangon sa is-is ng mga talahib at alatiit ng mga punong kawayan na yumuyukod at naggigitgitan. Nalanghap ko ang iyong bango sa amoy-pinipig na buntunghininga ng kalikasan. Nakita ko ang iyong anyo sa langit na walang bahid-ulap, at ang ningning ng iyong mga mata ay nasalamin ko sa pinilakang sinag na humihiwa sa maputing alapaap. Sa paglipas ng mga sandali, ang mapuputing ulap, na animo’y mga kawan ng tupang itinataboy ng kanilang pastol, ay pumindong sa liwanag ng araw, at ikaw ay naglaho sa paningin ng aking guniguni. Huwag… huwag mo akong lisanin… kahit saglit! Iniwalay ka man sa akin ng kabilang buhay ay iniuugnay ka rin sa akin ng pag-ibig. Dumilat ako, at naramdaman ko ang dampi ng maligamgam na simoy sa aking marak nang mga pisngi, ngunit hindi na taglay ang timyas ng iyong mga halik. Nasaan ka? Magbalik ka! Magbalik ka! Ako ay nagbangon at naupo sa nakausling ugat sa pampang ng isang malinaw na batis na pinanununghan ng gulod. Pinilit kong maaliw ang kalooban sa pagsakay sa pakpak ng simoy na kumakampay sa kalawakan. Iyon ay naging mailap. Nakipaglaro sa sumasalimbay na ibon at nilagas ang mga dahon ng punong akasya hanggang sa halos nahubdan ang mahahagway na mga sanga. Isang sariwang bulaklak: iyon ay nasa kanya pa lamang pamumukadkad, at sa kuyom na ubod ay nagmumula ang isang banal na samyo ng pag-ibig. Siya… ang nabalingan ng simoy. Niyutyot sa tangkay… at walang awang kinitil! At ang bulaklak ay dahan-dahang nalagak sa dibdib ng kristal na batis. Napakagat-labi ako sa kakapusang-palad ng bulaklak! Ngunit… iyon ay inanod ng batis patungo sa may pampang… hanggang sa animo’y malikmatang unti-unting nagkaanyo sa durungawan ng aking kaluluwa ang isang kaakit-akit na mukhang gumitaw sa tampok ng mga talulot ng bulaklak. Gumitaw na mukhang ari ng isang binathalang kagandahang hindi pa nag-iilang saglit na nagmaliw sa aking paningin. Ikaw ay muling inihandog sa akin ng Diyos: mula sa pagkasapupo ng mga talulot ng isang lagas na bulaklak. Iyon ay sinalok ko sa puyo ng aking palad, at ang ubod ay siniil ko ng halik. Naramdaman ko: ang kabusilakan ng iyong kaluluwa ay tumiim sa aking nangangatal na labi. Tadhana, naatim mong agawin ng Taglagas ang isang bulaklak na nasa kanya pa lamang tagsibol! At ilang patak na luha ang natagubilin sa mga talulot ng bulaklak. #