You are on page 1of 3

LORD IMMANUEL INSTITUTE FOUNDATION INC.

(Formerly Lobo International Institute Foundation Inc.)


J. P. Rizal St., Poblacion, Lobo, Batangas
www.lordimmanuel.com
0977-805-7959
I Can Do All Things Through Christ Who Strengthens Me –Philippians 4:13
IKA-APAT NA MARKAHAN/ LINGGO 1-2
MODYUL 4: MGA ISYU AT HAMON SA PAGKAMAMAMAYAN

ARALING PANLIPUNAN BAITANG 10

I. PANGKALAHATANG IMPORMASYON

A. PAMANTAYAN SA PAGKATUTO
Naipaliliwanag ang kahalagahan ng aktibong pagmamamayan

B. LAYUNIN
Inaasahan ang mga magaaral na isagawa ang mga sumusunod:
• Nabibigyang-kahulugan ang pagkamamamayan at ang mga konseptong tuwirang nauugnay rito
• Nasusuri ang mga batayan ng pagkamamamayang Pilipino batay sa isinasaad ng Saligang Batas ng Pilipinas
• Naipahahayag ang mga prinsipyo, indikasyon, at kahalagahan ng aktibong pagkamamamayan

C. PAKSA
• kahalagahan ng aktibong pagkamamamayan
• Ligal at Lumawak na Konsepto ng Pagkamamamayan

Kahalagahan ng Aktibong Pagkamamamayan

Ayon kay Murray Clark Havens (1981), ang citizenship ay ugnayan ng isang indibiduwal at ng estado. Ito ay
tumutukoy sa pagiging miyembro ng isang indibiduwal sa isang estado kung saan bilang isang citizen, siya ay ginawaran
ng mga karapatan at tungkulin.

Paksa: Ligal na Konsepto ng Pagkamamamayan

Ang konsepto ng citizenship (pagkamamamayan) o ang kalagayan o katayuan ng isang tao bilang miyembro ng
isang pamayanan o estado ay maaaring iugat sa kasaysayan ng daigdig. Tinatayang panahon ng kabihasnang Griyego nang
umusbong ang konsepto ng citizen. Ang kabihasnang Griyego ay binubuo ng mga lungsod-estado na tinatawag na polis. Ito
ay isang lipunan na binubuo ng mga taong may iisang pagkakakilanlan at iisang mithiin. Ang polis ay binubuo ng mga
citizen na limitado lamang sa kalalakihan.

Ang pagiging citizen ng Greece ay isang pribilehiyo kung saan may kalakip na mga karapatan at tungkulin. Ayon
sa orador ng Athens na si Pericles, hindi lamang sarili ang iniisip ng mga citizen kundi maging ang kalagayan ng estado.
Ang isang citizen ay inaasahan na makilahok sa mga gawain sa polis tulad ng paglahok sa mga pampublikong asembliya at
paglilitis. Ang isang citizen ay maaaring politiko, administrador, husgado, at sundalo.

Sa paglipas ng maraming panahon, ay nagdaan sa maraming pagbabago ang konsepto ng citizenship at ng pagiging
citizen. Sa kasalukuyan, tinitingnan natin ang citizenship bilang isang ligal na kalagayan ng isang indibiduwal sa isang
nasyon-estado. Sa Pilipinas, inisa-isa ng estado sa Saligang-batas ang tungkulin at karapatan ng mga mamamayan nito

Dito rin makikitakung sino ang mga maituturing na citizen ng isang estado at ang kanilang mga karapatan at
tungkulin bilang isang citizen. Bilang halimbawa, tunghayan ang kasunod na teksto. Ito ay tungkol sa ikaapat na artikulo
ng Saligang Batas ng1987 ng Pilipinas na nagpapahayag ng tungkol sa pagkamamamayan. Iniisa-isa rito kung sino ang
maituturing na mamamayan ng Pilipinas.

Artikulo IV:
Pagkamamamayan
(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)

SEKSYON 1
Ang sumusunod ay mga mamamayan ng Pilipinas:
1. Yaong mga mamamayan ng Pilipinas sa panahon ng pagkakapatibay ng Konstitusyong ito;
2. Yaong ang mga ama o mga ina ay mga mamamayan ng Pilipinas;
3. Yaong mga isinilang bago sumapit ang Enero 17, 1973 na ang mga ina ay Pilipino, na pumili ng
pagkamamamayang Pilipino pagsapit sa karampatang gulang; at
4. Yaong mga naging mamamayan ayon sa batas.
SEKSYON 2
Ang katutubong inianak na mga mamamayan ay yaong mga mamamayan ng Pilipinas mula pa sa pagsilang
na wala nang kinakailangang gampanang ano mang hakbangin upang matamo o malubos ang kanilang
pagkamamamayang Pilipino. Yaong mga nagpasya na maging mamamayang Pilipino ayon sa Seksyon 1,
Talatataan 3 nito ay dapat ituring na katutubong inianak na mga mamamayan.

SEKSYON 3
Ang pagkamamamayang Pilipino ay maaaring mawala o muling matamo sa paraang itinatadhana ng batas.

SEKSYON 4
Mananatiling angkin ang kanilang pagkamamamayan ng mga mamamayan ng Pilipinas na mag-asawa ng
mga dayuhan, matangi kung sa kanilang kagagawan o pagkukulang, sila ay ituturing, sa ilalaim ng batas, na
nagtakwil nito.

SEKSYON 5
Ang dalawahang katapatan ng mga mamamayan ay salungat sa kapakanang pambansa at dapat lapatan ng
kaukulang batas.

Mga Prinsipyo ng Pagkamamamayan

Mga Prinsipyo ng Pagkamamamayang Pilipino ayon sa Kapanganakan:


1. Jus Sanguinis
Ang Pagkamamamayan kung naaayon sa dugo o pagkamamamayan ng mga magulang o isa man sa kanila.
2. Jus Soli
Naaayon sa lugar ng kaniyang kapanganakan anuman ang Pagkamamamayan ng kaniyang mga magulang.

Sa kabila nito ay maaaring mawala ang pagkamamamayan ng isang indibiduwal. Unang dahilan ay kung siya ay
sasailalim sa proseso ng NATURALISASYON sa ibang bansa. Ang ilan sa mga ito ay ang sumusunod:
1. Ang panunumpa ng katapatan sa Saligang- Batas ng ibang bansa;
2.Tumakas sa hukbong sandatahan ng ating bansa kapag maydigmaan, at
3. Nawala na ang bisa ng naturalisasyon.

Paksa: Lumawak na Pananaw ng Pagkamamamayan

Patuloy ang paglawak ng konsepto ng pagkamamamayan sa kasalukuyan. Tinitingnan ngayon ang


pagkamamamayan hindi lamang bilang isang katayuan sa lipunan na isinasaad ng estado, bagkus, maituturing ito bilang
pagbubuklod sa mga tao para sa ikabubuti ng kanilang lipunan. Ang pagkamamamayan ng isang indibiduwal ay nakabatay
sa pagtugon niya sa kaniyang mga tungkulin sa lipunan at sa paggamit ng kaniyang mga karapatan para sa kabutihang
panlahat. Mangyari pa, tinitingnan ng indibiduwal na siya ay bahagi ng isang lipunan kasama ang ibang tao.

Hindi lamang magiging tagamasid sa mga pagbabagong nagaganap sa lipunan ang isang mamamayan. Bilang
bahagi ng isang lipunan na may mga karapatan at tungkuling dapat gampanan, inaasahan na siya ay magiging aktibong
kalahok sa pagtugon sa mga isyung kinahaharap ng lipunan at sa mas malawak na layunin ng pagpapabuti sa kalagayan
nito.

Ayon sa lumawak na pananaw ng pagkamamamayan, igigiit ng isang mamamayan ang kaniyang mga karapatan
para sa ikabubuti ng bayan. Kaniyang gagamitin ang pamamaraang ipinahihintulot ng batas upang iparating sa mga
kinauukulan ang kaniyang mga hinaing at saloobin. Ang mamamayan ngayon ay hindi tagasunod lamang sa mga ipinag-
uutos ng pamahalaan sapagkatwala namang monopolyo ang pamahalaan sa mga patakarang ipatutupad sa isang estado.
Kung gayon, hindi niya inaasa sa pamahalaan ang kapakanan ng lipunan sa halip, siya ay nakikipagdiyalogo rito upang
bumuo ng isang kolektibong pananaw at tugon sa mga hamong kinakaharap ng lipunan.

Batay sa lumawak na pananaw ng pagkamamamayan, maaari nating matukoy ang mga katangian ng isang mabuting
mamamayan. Ayon kay Yeban (2004), ang isang responsableng mamamayan ay inaasahang makabayan, may pagmamahal
sa kapuwa, may respeto sa karapatang pantao, may pagpupunyagi sa mga bayani, gagap ang mga karapatan at tungkulin
bilang mamamayan, may disiplina sa sarili, at may kritikal at malikhaing pag-iisip.

Naglahad ang abogadong si Alex Lacson ng labindalawang gawaing maaaring makatulong sa ating bansa. Ang mga
gawaing ito ay maituturing na mga simpleng hakbangin na maaaring gawin ng bawat isa sa atin. Ngunit sa kabila ng pagiging
simple ng mga ito ay maaaring magbunga ang mga ito ng malawakang pagbabago sa ating lipunan

1. Sumunod sa batas-trapiko
2. Laging humingi ng opisyal resibo sa anumang binibili
3. Huwag bumili ng peke at smuggled ng mga bagay.
4. Positibong magpahayag ng tungkol sa sariling bansa at mga gawang Pilipino
5. Igalang ang nagpapatupad ng batas-trapiko, pulis at iba pang lingkod-bayan
6. Paghiwa-hiwalayin at itapon sa tamang tapunan ang basura
7. Suportahan ang inyong simbahan
8. Tapusin nang may katapatan ang tungkulin sa panahon ng eleksiyon
9. Maglingkod nang maayos sa panahon ng eleksiyon
10. Magbayad ng tamang buwis
11. Tulungan ang isang batang mahirap o isang iskolar.
12. Maging mabuting anak at magulang

Gawain 1: PILIPINO O HINDI


Panuto: Suriin kung ang nakasalungguhit na pangalan ay mamamayang Pilipino o Hindi batay sa sitwasyon. Ipaliwanag
ang sagot.

1. Si Van ay anak ng isang Tausug at Subanen. Naninirahan sila sa Dipolog.


Sagot: ______________________________________________________________________________________
Paliwanag: __________________________________________________________________________________

2. Nagbabakasyon sa Pilipinas tuwing Disyembre ang magkaibigang Koreano na sina Hoseok at Taehyung.
Sagot: ______________________________________________________________________________________
Paliwanag: __________________________________________________________________________________

3. Si Kim Yeontan na isang Koreano-Amerikano ay nakapagpatayo ng isang malaking kompanya sa Pilipinas. Tatlong taon
na siyang naninirahan sa Pilipinas.
Sagot: ______________________________________________________________________________________
Paliwanag: __________________________________________________________________________________

4. Si Taki ay ipinanganak sa Zamboanga. Ang kaniyang ama ay Pilipino at ang kaniyang ina ay Hapones.
Sagot: ______________________________________________________________________________________
Paliwanag: __________________________________________________________________________________

5. Si Kapitan Cooky ay isang sundalong Pilipino na naninirahan sa Mindanao. Nang sumiklab ang labanan ng mga rebelde
at militar, siya ay tumakas kasama ang kaniyang pamilya.
Sagot: ______________________________________________________________________________________
Paliwanag: __________________________________________________________________________________

Gawain 2: ALAM KO TO!


Panuto: Basahing mabuti ang sumusunod na pahayag. Piliin ang tamang sagot sa mga salita sa loob ng kahon at isulat sa
patlang.

Jus Sanguinis Jus Soli Polis


Naturalisayon Saligang Batas Citizenship

____________1. Ang kalagayan o katayuan ng isang tao bilang miyembro ng isang pamayanan o estado
____________2. Kasulatan kung saan nakasaad ang pagkamamayang Pilipino
____________3. Ang pagkamamayan ng isang tao ay nakabatay sa pagkamamamayan ng isa sa kaniyang mga magulang.
____________4. Ang pagkamamamayan ay nakabatay sa lugar kung saan siya ipinanganak.
____________5. Isang legal na paraan kung saan ang isang dayuhan na nais maging mamamayan ng isang bansa ay
sasailalim sa isang proseso sa korte.

GUMAWA NG REPLESYON

PAGSASABUHAY

Gumawa ng sariling repleksyon batay sa bersikulo na nasa ibaba.

Mga Filipos 3:20

“Sapagka't ang ating pagkamamamayan ay nasa langit; mula doon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas,
ang Panginoong Jesukristo.”

Kung may katanungan maaring tumawag o magpadala ng mensahe;

G. Clyde H. Estillore
Guro sa Araling Panlipunan 10
0936-620-2386/clydeestillore15@gmail.com

You might also like